9

1506 Words
Nagtataka ako kung bakit tila hindi tumatalab kay Craig iyong ginagawa kong gayuma. Ilang araw na ako dito sa bahay nina Ate Rose. Mas abot ko na siya, dahil araw-araw ko siyang nakikita. Dito sila kumakain ng agahan at dito na din kumakain sa gabi pagkagaling nila sa trabaho. Kailangan ko na yata ang tulong ng pinsan ni Inay na kilalang mangkukulam sa isla. May pagkakataon na napapatingin sa akin ang lalake, pero hindi ko maramdaman sa kaniyang mga tingin na mayroon siyang gusto sa akin. Hindi ko alam kung ano ba ang mali sa ginagawa ko. Tingin ko ay tama naman lahat. Napabuntong hininga ako. Nakatitig ako sa picture niya na ninakaw ko pa sa photo album ni Kuya Ethan. Sana lang ay hindi niya ito malaman at baka dito pa ako matatanggalan ng trabaho. Gusto ko dito kina Ate Rose. Araw-araw akong nagpupunas at naglilinis ng bawat sulok pero hindi ako napapagod. Mas okay dito kaysa sa Quiapo. Alas-tres na pero hindi daw mag-m-meryenda si Ate Rose, kaya nag-siesta na din muna ako. Busy siyang gumawa ng video sa kaniyang kuwarto. Nag-m-make up siya ng kaniyang sarili. Ang sabi niya ay kumikita siya dito. Hindi na daw muna siya tumanggap ng aayusan, dahil baka daw mapagod siya. Pinagbawalan daw muna siya ni Kuya Ethan. Lumabas ako ng aking silid. Hindi naman ako makatulog dahil sa dami ng aking iniisip. Hindi kaya may pangontra si Craig kaya hindi siya tinatablan ng aking orasyon? Pero malabo naman yata iyon dahil tiyak kong hindi naman nila alam ang mga gayuma at orasyon na mga iyan. "Hi, Miss..." Napairap ako. Nandito pala si Marko. Nakaupo siya sa sofa habang hawak ang kaniyang computer. Kahit paano kay mga alam na ako. Tinuturuan ako ni Ate Rose ng mga basic na bagay. Minsan nagbabasa siya ng libro, kaya nakikibasa din ako. Binilhan nga din niya ako ng english at Filipino ba libro para matuto pa daw ako. Sabi niya nakakatalino daw ang pagbabasa. Tingin ko ay totoo. Ngayon nga ay alam ko na na elevator ang tawag doon sa pintuan na nagsasara at nag-aakyat baba sa'yo sa building. Alam ko na ang pinagkaiba ng terrace, veranda at balcony. Alam ko na kung paano gamitin ang mga modernong mga kagamitan nila dito. Kaya gustong-gusto ko din dito sa kanila. Kahit kasambahay lang ako dito, natutuwa ako. Dito lang talaga ako kay Marko hindi natutuwa. Kung si Craig lang sana siya. "Miss, may mapa ka ba diyan?" "Tsk! Ano na naman ang trip mo?" masungit kong tanong. "Bakit? Bakit?" siya na ang nagtanong. Ganito na nayayamot ako, hindi niya talaga ako makakausap ng maayos. Minsan lang niya akong makausap ng maayos, kapag may dala siyang pagkain para sa akin. Nang isang araw binigyan niya ako ng donut. Kaya nakipagpalitan ako ng pick up lines sa kaniya. Ang baduy talaga ng lalakeng 'to. Tingin ko ay ginagawa niya iyon upang mahasa ang kaniyang tagalog. Inglisero kasi ito. "Gusto ko kasing malaman ang tamang daan papunta sa puso mo." "Hoy, kinikilabutan na ako sa'yo, ah. Tumigil ka na!" Tawang-tawa siya. "Diyan ka na nga!" Nagpunta na muna ako ng balcony, upang tingnan iyong mga sinampay kong mga damit ko. Naglaba kasi ako ng damit ko kanina. Lahat ng damit ko ay maayos na. Napalitan na. Maayos na din ang mga panty ko. Binigyan ako ni Ate Rose ng anim na piraso. Tuyo na kaya puwede na 'tong tupiin. Sa sala sana ako magtutupi pero nakatambay dito si Marko. Lagi na lang siyang nandito. May sarili naman kasi siyang bahay sa baba pero sabi ni Ate Rose lagi daw siyang pinupuntahan ng mga babae kaya pinipili nitong umakyat na lang dito. Nakatitig ito sa akin. Hindi ko maunawaan kung bakit ganoon siya makatingin. Nilagpasan ko siya at hindi na lang inimik pa. "Anne!" Binuksan ko ang pintuan nang katukin ako ni ate Rose. Alas-singko na. Siguro tapos na ang kaniyang ginagawa. Baka uutusan na niya akong maghanda ng hapunan namin. "Bakit, Ate?" "Hindi kami dito kakain ni Ethan. Kakain kami sa labas. Magluto ka na lang ng pagkain mo. May karne ng baka at manok sa fridge." Fridge ang tawag nila sa ref. "May mga tirang pagkain pa, Ate. Iinit ko na lang ang mga iyon." "Sige, mag-uwi na lang din ako ng pagkain para sa'yo." "Salamat, Ate. Enjoy kayo ni Kuya Ethan." Nahiga na lang muna ako at tumunganga. Nag-iisip ako ng mga bagay-bagay. Naiisip ko ang aking hinaharap. Ang aking mga totoong magulang. Biyernes ngayon kaya mabisa ang dasal ko. Sana naman tumalab na 'to. Kumpleto ko na ang sangkap na kailangan ko. Kailangan ba'ng umabot pa ako sa puntong si Craig na ang dadasalan ko habang siya ay natutulog? Naghintay ako ng alas-sais y media pero nakatulog ako. Nang magising ako ay alas otso na ng gabi. Gabi na! Nagmamadali akong bumangon. Inayos ko ang aking altar, para masimulan na ang pagdadasal. Plano kong magdasal ng alas sais y media at mamayang hatinggabi para wala ng kawala sa akin si Craig. Nawawala pa iyong posporo, nakakainis! Lumabas na muna ako ng silid ko upang manghiram ng lighter sa kusina. Sakto namang nakita ko si Craig. Kung sinuwerte ka nga naman. Huwag ka munang aalis para siguradong tablan ka ng aking gayuma. Nagkatinginan kami. Tinanguan lang niya ako. Ngumiti naman ako. Nagmamadali na akong pumasok sa silid ko upang magdasal habang nandito pa siya. "Craig..." "Craig..." "Incobus imatrimonus in nomine Latri et filio et espiritu sancto." May kumatok sa pintuan kaya natigil ako sa aking ginagawa. Sino iyon? Imposobleng sina Ate Rose na iyan. Tsk! Nandito pa din ba si Marko? Hindi ko na lang sana siya papansinin kasi kumatok na naman. Naku! Baka mapunta sa kaniya iyong dasal ko. Tumayo ako. Naiinis at mabigat ang bawat hakbang ko. Handa na sana akong sungitan siya nang makita ko ang mukha ni Craig. Suminghot siya. "Ba't amoy kandila?" "Ah, may ginagawa kasi ako. Bakit? May kailangan ka ba?" Hindi kaya tumatalab na ang dasal ko? Nakakatuwa naman! "Itatanong ko lang kung nasaan iyong panlinis ng banyo." Ano? "Lilinisan ko kasi iyong banyo ko kaso wala pala akong panlinis." Iyon lang? Bagsak ang aking balikat. Lumabas muna ako upang kunin iyong panlinis ng banyo. "Thanks!" Tinitigan ko siya habang paalis. Wala pa din ba? Bumalik na lang ako ng kuwarto upang maituloy na ulit ang dasal. Tiyak na mapapanaginipan mo ako mamaya dahil dito. "Craig..." "Craig..." "Incobus imatrimonus in nomine Latri et filio et espiritu sancto." "Craig manaut sa ubod at himaymay ng iyong utak at isipan, sampu ng iyong puso't kalooban ng iyong pagmamahal at kapurihan kung hindi ako lamang edeus gedeus dedeus deus deus deus." Ano ba iyan?! Nayayamot ako dahil may kumakatok na naman. Baka bumalik si Craig. Akala ko si Craig pero si Marko pala. "Bakit?" "Kumain ka na ba? May pagkain ako sa unit ko. Gusto mong kumain?" "Busog pa ako. Ikaw na lang." Tumango siya at suminghot. "Ba't amoy kandila?" "Nagtataboy ako ng masamang elemento." Napangiwi siya. "Sige kung ayaw mo bahala ka. May cake pa man din ako doon." Alam niyang matakaw ako kaya inuuto niya ako. Pero hindi ngayon. Mas mahalaga itong dasal ko. "Ayaw mk talaga?" "Ayaw ko nga!" "Okay, bye!" Napatingin ako sa mag-asawa na bagong dating. Ang bilis naman ata nila? "Craig, hinahanap ka ng babae mo sa baba." Napatingin ako kay Kuya Ethan. Wala naman si Craig dito, ah. Nasa kabilang guest room kaya siya? Baka nga. Sumimangot si Marko sa kaniya. "Loko-loko." "May mga dala kaming pagkain, Anne," sabi ni Ate sa akin. "Sige po. May tatapusin lang ako sa loob." Pumasok na ako ng silid ko. Sa banyo ko na tinuloy ang orasyon na ginagawa ko. Paglabas ko ay laking gulat ko nang makita ko si Ate Rose. Nakaramdam ako ng kaba at hiya. Hawak pa niya ang picture ni Craig. Kunot ang kaniyang noo. Galit kaya siya? "Narinig kitang nagdadasal. Panggayuma iyong dinadasal mo..." Nanlaki ang aking mga mata. Syempre alam ni Ate iyon, dahil ginayuma niya ang asawa niya noon. "A-Ate." Hindi ko alam ang sasabihin ko. Pakiramdam ko lulubog na ako dahil sa hiya. "...pero bakit pangalan ni Craig ang binibigkas mo?" "Hindi mo type si Craig, sabi mo." Litong-lito si Ate pero mas gulong-gulo naman ako. Ano'ng nangyayari? "Naguguluhan ako, Ate." Pinakita niya ang picture. "Si Craig ang tinatawag mo sa dasal mo, pero itong nasa picture sa altar mo, hindi si Craig 'to kundi si Marko." "A-Ano, Ate?" Para akong hihimatayin. Totoo ba? "Totoo, Ate?" Tumango siya. "Si Marko 'to." Para akong mawawalan ng malay. Ano'ng nangyari? Ano'ng ginawa ko? Kaya pala hindi tinatablan ang lalake dahil mali pala ang aking dinadasal. "E-Eh, ito, Ate." Pinakita ko iyong brief. Siguro naman sa kaniya din 'to, no? "Kay Craig iyan. Di ba, sinabi ko kay Craig iyan." Ang tanga ko naman! Ano'ng gagawin ko ngayon? Natawa si Ate. "Kaya pala panay ang punta ni Craig dito. Ginagayuma mo pala." "Ate, hindi para sa kaniya iyong gayuma!" Mangiyak-ngiyak na ako. Parang gusto ko na lang magpalamon sa lupa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD