“Paano naman ako makakapagtrabaho niyan kung panay ang titig mo sa’kin?” nakangiting sita ko kay Sandro, pero sa kaibuturan ng aking dibdib ay naiinis na ako sa kaniya.
Kanina pa ako naiilang sa mga titig niyang hindi maalis-alis. Nakalumbaba pa siya sa ibabaw ng kaniyang table at parang tangang nakatulala roon.
“Ang ganda mo!” papuri niya sa’kin.
Napangiti ako sa kaniyang winika kasabay ng lihim na pagdiriwang ng puso ko.
“Tama ‘yan, Sandro. Mahumaling ka sa’kin ng husto at ng tuluyan kang mahulog sa patibong ko,” usal ko sa’king isipan.
“Binobola mo na ako,” nahihiyang turan ko.
“No!” Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa kaniyang swivel chair saka humakbang palapit sa’king kinauupuan.
Nagsalubong ang mga mata namin at tanging ang mga ito lamang ang nagkakaunawaan habang nagtititigan sa isa't isa.
“Totoo ang mga sinabi ko,” paanas niyang sabi sabay yukod sa’king harapan.
Tunay ngang kay guwapo ni Sandro at walang sinumang babae ang hindi mahuhumaling sa taglay niyang karisma lalo pa’t kaakit-akit tingnan ang kulay abuhin niyang mga mata.
Pero balewala ang lahat ng taglay niyang karisma sa akin lalo pa’t naaalala ko rin si Angeline.
Naikuyom ko ang mga kamaong nakapatong sa ibabaw ng mga hita ko nang maisip ang bunsong kapatid.
“Napakaganda mo, Angela.” Tinig ni Sandro ang pumukaw sa’king diwa.
‘Di ko maiwasang matawa lalo pa’t mukha siyang t*nga na naengkanto na ewan sa’king harapan.
“Alam mo, pang-ilan beses mo na yatang sinabi sa’kin ‘yan at parang ayoko na talagang maniwala,” natatawang turan ko.
“Nagsasabi ako ng totoo at hindi kita niloloko,” segunda niya.
Tumingala ako sa kaniya kaya nalanghap ko ang mabango niyang hininga. Hindi ko tuloy maiwasang ipikit ang mga mata ko dahil sa kakaibang sensasyong dulot niyon.
Naramdaman ko ang masuyong paghaplos ng daliri niya sa’king pisngi kaya marahang iminulat ko ang mga mata at saka namumungay na tumitig sa kaniyang mga mata.
Matamis na ngumiti ang labi ko sabay lapat ng aking hintuturong daliri sa kaniyang labi. Masuyong humagod iyon sa kaniyang mapulang labi at may maliit na tinig akong naririnig na humihiyaw mula sa likuran ng aking tainga. Tila inuutusan ako niyong halikan ang kaniyang labi.
Nakagat ko ang ibabang bahagi ng aking labi at ilang beses akong napalunok ng laway upang alisin ang kakaibang init na lumukob sa’king katawan.
“Sh*t!” piping mura ko sa’king isipan nang makita ang dahan-dahang paglapit ng kaniyang mukha.
“Angela...” usal niya bago tuluyang sinakop ang aking labi.
Nandidilat ang mga matang napatitig ako sa mukha ni Sandro at parang naparalisa ako dahil hindi ko maigalaw ang aking katawan. Nataranta ang buong sistema ng kalamnan ko at ‘di ko na malaman kung ano ang gagawin.
Ito ang unang beses na may nangahas na halikan ako sa labi at ‘di ko lubos maisip na kay Sandro ko pa iyon maipagkakaloob.
Si Sandro na itinuturing kong mortal na kaaway na kinakailangan kong pabagsakin para sa’king kapatid.
“No, it can’t be!” hiyaw ko sa sariling isipan bilang pagtutol sa nagaganap.
Naramdaman ko ang masuyong paghagod ng kaniyang labi at tila inuutusan ako niyon na tugunin siya sa kaniyang ginagawa.
Sa bawat hagod ng kaniyang labi ay siya namang paghagod niyon sa’king pakiramdam na nagsisimula nang lukubin ng kakaibang init na ngayon ko pa lamang naramdaman sa tanang buhay ko.
Hindi ko gusto ang nararamdamang ito sapagkat para kong tinatraydor ang sarili ng dahil lamang sa halik na iyon.
Masuyong gumagap ang palad ni Sandro sa likurang bahagi ng aking ulo at saka pinagbuti ang pagpupumilit na makapasok sa loob ng aking bibig na hindi naman nito mapagtagumpayan.
“Ako ba ang unang halik mo?” nakangiti niyang tanong nang huminto siya sa ginagawang kapangahasan sa’king labi.
Tanging pagtango lamang ang itinugon ko at wala akong planong ipagkaila iyon sa kaniya.
“Mapalad pala ako kung gano’n,” makahulugang wika niya saka mahinang pumisil ang palad niya sa tungki ng ilong ko.
Hindi ko alam kung ba’t ‘di ko man lang magawang mainis sa ginawi niyang iyon gayong inis na inis ako kay Alex sa tuwing pinipisil nito ang ilong ko.
“Ihahatid na kita sa inyo,” malambing niyang sabi na siyang nagpakurap sa’king mga mata.
Hindi ko namalayang nakatayo na pala ulit siya sa harapan ng aking table habang patuloy niya akong tinititigan.
Inayos ko ang mga gamit na ginamit ko sa pagtatrabaho saka mabilis na pinasadahan ng tingin ang sarili sa maliit na salaming nakasabit malapit sa computer desktop.
“Ipaghiganti mo ako, Ate!” malungkot na tinig ni Angeline ang narinig kong bumulong mula sa likuran ng aking tainga.
“Pangako, ipaghihiganti kita!” piping tugon ko sa isipan.
Ipinaskil ko ang matamis na ngiti sa’king labi bago tuluyang humarap kay Sandro. Napaigtad pa ako nang lumapat ang kaniyang kamay sa’king baywang upang alalayan ako sa paglalakad.
“Relax!” natatawa niyang usal.
Daig pa naming dalawa ang celebrity dahil sa magkabilaang bulungan ng kaniyang mga empleyadong walang ibang magawa sa buhay kundi ang magbantay ng buhay ng iba.
Hindi ko tuloy maiwasang mahiya para sa sarili dahil sa bawat pagtutok ng kanilang mga mata’y pakiramdam ko ay may malaking krimen akong ginawa sa kanila.
“Pagpasensiyahan mo na sana sila, sadyang ngayon lamang nakakita ng magandang binibini sa loob ng kumpanya ang mga iyan,” pabirong sabi ni Sandro.
Tipid na ngumiti ako sa kaniya, pero sa kaibuturan ng dibdib ko ay nabubuhay ang pagngingitngit.
“Hindi nila kasalanan kung ba’t sila naging tsismosa, sadyang mahilig ka lamang maglaro ng mga babae. Kaya tuloy sa bawat dinadala mong babae ay itinuturing na nilang laruan. Matapos mong gamitin ay itatapon mo na lang!”
Matapos kong ibigay sa kaniya ang dati naming address kung saan kami nakatira noong mga bata pa lamang kami, tahimik na lamang ako sa buong oras ng aming biyahe.
Ang bahay na iyon ang tirahan namin noong panahong naghihikahos kami sa buhay at malupit pa ang tadhana sa’ming magkakapatid. Naiwanan kaming lugmok sa kahirapan dahil parehong namatay na ang mga magulang namin.
Sa edad na labing-anim ay kinakailangan ko nang kumayod ng husto upang may maipantustos sa pangangailangan nina Angeline at Alex.
Nag-sideline akong tindera sa palengke at naging tagawalis sa tabing kalsada. Pumapasok ako sa tanghali bilang estudyante habang sinasabayan ko naman ng pagtitinda ng kung anu-anong bagay.
Namasukan ako bilang part time food attendant sa isang kilalang fastfood hanggang sa tuluyan akong maka-graduate.
Nag-apply ako sa isang kumpanya at naging clerk kung saan natutunan kong mag-buy and sell ng mga sasakyan. Sinubukan ko iyong gayahin sa pansariling paraan hanggang sa sinuwerteng kumita ako ng malaki.
Ginamit kong panimula iyon para sa isang maliit na kainan hanggang sa maging ganap na isang malaking restaurant at nagkaroon pa ng maraming branches sa iba't ibang dako ng bansa.
Nang grumadweyt si Alex sa kolehiyo, agad ko siyang sinanay upang maging katuwang sa pagharap sa aming mga negosyo.
Hindi ko napilit si Angeline na sumunod sa yapak namin dahil mas pinili nitong maging sekretarya, ang karerang tuluyang sumira sa kaniyang buhay.
“Mukhang malalim iyang iniisip mo. May problema ka ba?”
Tumingin ako sa gawi ni Sandro nang marinig ang kaniyang baritonong tinig. Nakangiti niyang inabot sa’kin ang kaniyang panyo na agad ko namang tinanggap upang ipahid sa taksil kong mga luha na nag-uunahan sa pagpatak.
“Madalas sabihin sa’min ni Mama na kapag may problema kami, huwag naming iyong solohin.”
Tinitigan ko siya sa kaniyang mukha at kahit nanlalabo ang mga mata ko dulot ng mga luhang walang humpay sa pamamalibis, aaminin kong napakagwapo niya.
Huminto siya sa pagmamaneho at gano’n na lamang ang gulat ko ng bigla na lang siyang sumigaw ng malakas na animo'y baliw na tao.
“Ang ganda mo, Angela!!!”
“Hoy! Anong ginagawa mo?” saway ko sa kaniya at saka nagpalinga-linga sa paligid.
Nakakahiya kung may makakakita sa aming dalawa. Baka bigla na lamang kaming mapabalita, gayong kilala pa naman siya na tao.
“Ang sabi ni mama mas mainam daw na isigaw ang anumang nasa saloobin kaysa kimkimin sa dibdib,” tanging tugon niya.
“Pero hindi naman sama ng loob iyang isinisigaw mo!” asik ko sa kaniya na tinawanan lamang niya.
“Sumigaw ka na lang para makabawi ka rin sa’kin,” nangingiti niyang wika.
“Ayoko nga!” mataray kong tugon.
“Ayaw mo?” tanong niya pa sa’kin.
“Ayoko! Nakakahiya!” nandidilat ang mga matang tugon ko sa kaniya.
Nanlaki ang mga mata ko nang yumukod siya sa’king harapan saka umusal ng mga kataga. “Kapag hindi ka sumigaw, hahalikan kita.”
Napalunok ako ng laway kasabay nang pakikipagsukatan ko sa kaniya ng tingin. Dahan-dahang bumaba ang kaniyang ulo hanggang sa gahibla na lamang ang pagitan ng aming mga mukha.
“Sisigaw ka o hahalikan kita?” namamaos niyang tanong at tila inaakit pa ako nang dilaan ang ibabang bahagi ng kaniyang labi.
Kaunting distansya na lamang at palapat na ang kaniyang labi sa’king labi ng bigla akong sumigaw ng malakas.
“I hate you, Sandro! I hate you!!!”