Nagngalit ang mga bagang ko matapos ang huling beses na pagbigkas ko sa pangalan ng taong dahilan nang pagkawala ng pinakamamahal kong kapatid.
SANDRO C. DELA CRUZ
“Ilang buwan ko rin hinintay ang pagkakataong makita at makaharap ka ng personal,” bulong ko sa hangin.
“Kailangan mo pa ba talagang gawin ang pinaplano mong ‘yan?”
Nilingon ko si Alex na nakahalukipkip na nakatayo sa may pintuan.
“Oo!” tipid kong tugon sa kapatid.
“Sa palagay mo ba matutuwa si Angeline sa gagawin mo?”
Nalungkot ang puso ko nang marinig ang pangalan ng pinakamamahal namin bunsong kapatid.
“Hindi ko na gustong pag-usapan pa ito.”
Naglakad ako patungo sa may center table kung saan nakalapag ang bote ng alak. Nagsalin ako ng laman niyon sa loob ng baso at isusubo ko na sana ng biglang kinuha iyon ni Alex mula sa kamay.
“Alex!” saway ko sa nakababatang kapatid.
“Hindi mo kinakailangang gawin Ate, kaya huwag mong itali ang sarili mo,” seryosong ani ni Alex.
“Ano ang gusto mong gawin ko, Alex? Pabayaan ang lalaking iyon na nagsasaya habang ang pinakamamahal nating kapatid ay tuluyan ng nakabaon sa ilalim ng lupa? Baka nakalimutn mo ng matinding pighati ang sinapit ni Angeline mula sa walanghiyang Sandro na iyon!” galit kong wika sa kapatid.
“Si Angeline ang pumili ng sarili niyang kapalaran, Ate.”
Tumabingi ang ulo ni Alex ng malakas na lumagapak ang palad ko sa kaniyang pisngi.
Matalim ang mga matang tumingin siya pabalik sa’kin. “Tuluyan ka na ngang nilamon ng galit mo, Ate.”
Natulala ako nang mapagtanto ang maling nagawa ko sa kapatid. “Alex…”
“Sorry...” hinging paumanhin ko at inisang hakbang ko ang pagitan naming dalawa upang yakapin siya.
“Huwag sanang dumating ang panahon na ikaw naman ang ma-inlove sa lalaking iyon Ate, dahil natitiyak kong pagsisisihan mo ang lahat.” Kinalas niya ang mga braso kong nakayakap sa kaniya at saka umatras siya palayo sa’kin.
“Hinding-hindi mangyayari ang panahong sinasabi mo,” tiim-bagang kong tugon sa kaniya.
“Huwag kang magsalita ng tapos Ate, dahil nag-uumpisa ka pa lang.”
Tuluyan na akong tinalikuran ni Alex saka umalis siya at iniwan akong mag-isa sa loob ng aking condo unit.
Naiwanan akong natutulala hanggang sa mabaling ang paningin ko sa pader kung saan nakasabit ang larawan ni Angeline.
“Hindi ako papayag na ‘di kita maipaghiganti sa kaniya!” nagngangalit kong usal sa hangin.
Si Angeline, ang pinakamamahal naming bunsong kapatid at buhay na kapalit ni Mama nang isilang.
Mula ng maging empleyado siya at maging sekretarya ng Triple C's Corporation, wala na siyang ibang bukambibig kundi ang pangalan ng kaniyang boss na si Sandro Dela Cruz.
Sa bawat oras na magkasama kaming magkapatid ay parating si Sandro ang binibida sa ami ni Angeline.
Ultimo pakikipagniig niya kay Sandro ay ikinukwento rin niya sa’kin. Bagay na kung minsan ay pinagseselosan ko na dahil sa lamang pa ang atensyon niya sa lalaking iyon kaysa sa amin ni Alex.
Muling nagbalik sa nakaraan ang isipan ko kung saan iyon na pala ang huling beses na makakausap ko ang kapatid.
“Ate...” humahagulgol na iyak ni Angeline mula sa kabilang linya.
“Bakit umiiyak ang mahal kong kapatid?” may pag-aalalang tanong ko sa kaniya.
“Hindi niya ako mahal!” muling bumunghalit ng iyak si Angeline mula sa kabilang linya.
Matagal kong pinakinggan ang paghagulgol ng iyak ni Angeline at wala akong maitugon sa kaniyang hinanaing. Tanging buntonghininga lamang ang alam kong isagot sapagkat hindi ko pa rin naman naranasang mabigo sa pag-ibig.
“Mahal na mahal ko siya…” Pagpapatuloy niyang sabi habang patuloy rin sa kaniyang paghagulgol ng iyak.
“Angeline pabayaan mo na lamang si Sandro. Marami pang lalaki na mas deserving ang pagmamahal mo.” Pangaral ko sa kapatid upang aluin sa kaniyang kalungkutan.
“Siya lang ang mahal ko!” Patuloy na hagulgol ni Angeline habang patuloy ko rin siyang pinakikinggan.
“Sa ngayon, nasasabi mo lang iyan dahil sariwa pa ang sugat. Pero darating ang panahong ikaw mismo ang magsasabi Angeline na tama lang na maghiwalay kayong dalawa,” patuloy kong pag-alo sa’king kapatid.
“Ipangako mo sa’kin na igaganti mo ako sa kaniya, Ate,” humahagulgol niyang pakiusap.
“Angeline!” Isang marahas buntonghininga ang aking pinakawalan.
“Ipangako mo, Ate... Pakiusap, ipangako mo!” muling pagsusumamo niya sa’kin.
“Mahal kita Angeline, pero huwag mo naman sanang hayaan na mamuhay kang puno ng galit sa iyong puso,” mahinahong pangaral ko sa kapatid.
“Ipangako mo sa’kin, Ate. Pakiusap…" patuloy niyang pagpupumilit na may kasama ng galit sa tono ng kaniyang tinig.
Hindi ko sinagot ang kaniyang pakiusap bagkus ay hinayaan ko lamang siyang magsalita nang magsalita upang tuluyang makalma sa kaniyang sama ng loob.
Ilang oras matapos ang pag-uusap naming dalawa ni Angeline ay nakatanggap ako ng tawag mula kay Alex.
Isinugod niya sa ospital si Angeline at eksaktong pagdating ko ro’n ay idineklara ng patay ang pinakamamahal naming bunsong kapatid.
“Pangako… Ipaghihiganti kita, Angeline!” galit kong wika kasabay nang pag-agos ng mga luha mula sa’king mga mata.
********
Inalam ko ang lahat ng tungkol kay Sandro pati na ang oras ng kaniyang pagpasok sa Triple C's Corporation.
Alam kong maaga siyang pumapasok at madalas na nauuna pa sa kaniyang mga empleyado. Pagdating kasi sa trabaho ay professional siyang tao, maliban nga lang sa pagiging mapaglaro niya sa mga babae.
“Hi!” bati ko sa babaeng nakaupo sa may reception area nang makalapit ako roon.
“Hello, Mam! What can I do for you?” nakangiting ganting bati naman nito.
“Pinapunta ako rito ni Mr. Sandro Dela Cruz.” Ipinaskil ko ang pekeng ngiti sa’king labi dahil sa ‘di kanais-nais na pakiramdam ko sa babaing kaharap.
Pakiramdam ko kasi ay napaka-plastic ng kaniyang pagngiti at pagbati sa’kin na tila napilitan lamang gawin. Kakaiba ang pagtinging iginagawad niya sa’kin na sinasabayan pa nang pagtaas ng kaniyang kilay.
“May appointment ka ba kay boss?” mataray niyang tanong mula sa pagiging malambing nang batiin ako kanina.
“Ahm... Pinapunta ako rito ni Mr. Sandro,” kiming tugon ko.
Kinakailangan kong magpakahinahon ng sa gayon ay maisagawa ko ang planong paghihiganti. Hindi ko pwedeng pairalin ang pagiging mataray lalo na sa impaktitang kaharap at baka masira pa ang mga plano ko ng dahil lamang sa kaniya.
“Kung wala kang appointment kay boss, hindi kita pwedeng papasukin,” mataray na tugon ng impaktitang kaharap ko.
“Pinapunta ko si Angela kaya papasukin mo siya.”
Sabay kaming tumingin ng impaktitang babae sa gawi ng taong nagsalita na walang iba kundi si Sandro.
Napakakisig niyang tingnan sa suot na corporate attire at umiigting ang kaniyang mga muscle na nagbibigay kagwapuhan lalo sa kaniya. Hindi kataka-takang handa siyang luhuran ng kahit sinong babae dahil sa mala-adonis niyang pangangatawan.
Tunay ngang makalaglag panty ang isang Sandro Dela Cruz!
“Hi! Kanina ka pa?” malambing niyang tanong sa’kin na ‘di ko man lamang namalayan ang kaniyang paglapit.
Isang matamis na ngiti sa labi ang aking ipinaskil para sa kaniya bago ako sumagot. “Kadarating ko lang.”
Wala sa plano ko ang pagkikita namin kagabi dahil sadyang may pinuntahan talaga ako sa lugar na iyon.
Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana dahil wala akong sasakyang dala kung kaya naparaan ako sa lugar kung saan ako nakita ni Sandro.
Nang makilala ko ang taong muntik nang bumundol sa‘kin, walang pag-aalinlangan kong inumpisahan ang mga planong ilan buwan ko na rin pinagpaplanuhan.
Tila sinang-ayunan pa ng pagkakataon dahil nangangailangan siya ng bagong sekretarya kaya waang pagdadalawang isip kong tinanggap agad ang trabahong siya mismo ang nag-alok sa’kin.
“Let's go!” tinig ni Sandro ang umuntag sa nililipad kong isipan.
Inilahad niya ang kaniyang palad sa’king harapan na maagap ko namang inabot. Nagmukhang baluti ng palad ko ang kaniyang palad dahil sa laki niyon.
Nakakailang hakbang pa lamang kami ng bigla siyang huminto at muling humarap sa mga taong naroon.
“Attention please!” Agaw pansin ng kaniyang tinig sa mga taong naroon na huminto pa sa kani-kanilang mga trabaho.
“Guto kong ipakikilala sa inyo ang magiging bago ninyong boss.” Itinuro pa niya ako kung kaya sabay-sabay na tumingin sa’kin ang mga taong naroon. “Meet, Angela Montez.”
Sabay-sabay na bumati sa’kin ang mga empleyado, na tinugon ko lamang ng matipid na pagngiti.
“Gusto kong galangin niyo siya katulad ng kung paano ninyo ako galangin bilang inyong boss,” ani pa ni Sandro.
“Yes, Boss!” sabay-sabay na bulalas ng mga empleyado.
Tumalikod na kaming dalawa ni Sandro upang maglakad sa pasilyo. Hindi nakaligtas sa pandinig ko ang malisyosong bulungan ng mga emleyadong walang ibang mapag-usapan.
“May bagong paiiyakin na naman si boss,” dinig kong sabi ng isang empleyado.
“Ang sabihin mo, may bagong pauungulin na naman si boss!” sabad ng isa na umani ng malakas na halakhakan nila.
“Huwag mo na lang silang pansinin,” saad ni Sandro saka masuyong ginagap ang aking palad.
Tipid na ngumiti lamang ako bilang tugon at binaybay na namin ang daan patungo sa opisina niya. Hindi ko maiwasang pasadahan ng tingin ang paligid dahil sa napakaganda ng interior design na ginamit nila. Napaka-friendly at very charming ang approach niyon sa tao.
Ayon na rin sa research na isinagawa ko, ang kumpanya nila ang madalas pinagdadalhan ng mga sasakyang gustong ipaayos at ipabago ang anyo. Nag-i-import din sila ng mga sasakyan mula sa ibang bansa na ibinibenta naman nila sa bansa sa abot kayang halaga.
Naglalagay rin sila ng mga high-tech tools sa loob ng sasakyan kung saan pumatok at mas nakilala ang kumpanya.
Si Sandro ang pinakabatang negosyante na nakilala sa larangan ng negosyong ito kahit pa nga minana lamang niya ang kumpanya sa kaniyang mga magulang.
“Welcome to your new job!” masayang bulalas ni Sandro nang makapasok na kami sa loob ng kaniyang opisina.
Tumingin ako sa kaniyang mukha at 'di ko naiwasang humanga sa taglay niyang kaguwapuhan. Nakakahawa ang masaya niyang pagngiti at talaga namang kakaiba ang hatid na saya niyon sa’king puso.
Para akong naliliyo sa tindi ng emosyong lumulukob sa’king kalooban at marahil ganito rin ang pakiramdam ni Angeline nang makilala niya si Sandro.
“Angeline...” Ipinilig ko ang ulo nang maalala ang pinakamamahal na kapatid.
“Hindi pwedeng masira ang mga plano ko!” piping paalala ko sa sarili.
“Dito ang work station mo, Angela." Itinuro sa’kin ni Sandro ang table kung saan ko gagawin ang mga trabahong ipagagawa niya bilang kaniyang sekretarya.
“Kung may gusto kang itanong sa’kin, huwag kang mahiyang itanong. Handa akong sagutin iyon ng buong puso,” mabulaklak niyang sabi.
Matamis na ngumiti ako saka pinapungay ang mga mata kong tumitig sa kaniyang mga mata. “May gusto sana akong itanong,” malambing ko pang sabi.
“Sure! What is it?” nakangiti niyang tugon.
“Kailan mo naman bibitiwan ang kamay ko?” mataray kong tanong sa kaniya.
“Sorry...” Alanganing ngiti ang sumilay sa labi ni Sandro habang kakamot-kamot sa kaniyang batok.