CHAPTER 18
THIRD PERSON POV
Tahimik na ang buong bahay sa kabilang silid, mahimbing nang natutulog si Jam. Nakayakap pa siya sa unan, at may bakas pa rin ng ngiti sa kanyang labi parang kahit sa panaginip ay may kung anong kilig na bumabalot sa kanya.
Paminsan-minsan ay napapalingon si Aling Tasing sa pintuan ng kwarto ng anak. Hindi niya maipaliwanag, pero may kakaibang kaba sa dibdib niya.
Hindi iyon ang kaba ng isang magulang na nag-aalala dahil may nagugustuhan na ang anak.
Mas malalim, mas mabigat dahan-dahang bumangon si Mang Ipe mula sa hinihigaan nila.
“Tasing…” mahina niyang tawag.
Napalingon ang asawa. “Hindi ka pa tulog?”
Umiling siya. “Hindi ako dinadalaw ng antok. Labas tayo sandali.”
Hindi na nagtanong si Aling Tasing. Kilala niya ang asawa kapag ganito ang tono nito, may mabigat itong iniisip.
Tahimik silang lumabas ng bahay sinalubong sila ng malamig na hangin ng gabi. Ang buwan ay bahagyang natatakpan ng ulap, at ang matandang puno ng mangga sa gilid ng bahay ay tila nagbabantay sa kanilang mag-asawa sa loob ng maraming taon.
Sa ilalim nito ay may lumang kahoy na bangko doon sila madalas umupo noon tuwing gusto lang nilang magkuwentuhan tungkol sa buhay.
Pero iba ang gabing ito umupo si Mang Ipe, saka napabuntong-hininga nang malalim napansin iyon ni Tasing.
“Ipe… ano ba talaga ang bumabagabag sa’yo?”
Saglit siyang natahimik, tila pinipili ang tamang salita. Pagkatapos ay marahan niyang hinawakan ang kamay ng asawa.
“Mahal kong Tasing…” mahina niyang panimula, “paano kung… ang Ferox na ‘yon ang maging dahilan para mabunyag ang sekreto natin kay Jam?”
Parang may malamig na tubig na ibinuhos sa batok ni Aling Tasing.
“A-anong ibig mong sabihin?” Napatingin si Mang Ipe sa madilim na kalangitan.
“Napansin mo ba… ang apelyido niya?”
Hindi agad nakasagot si Tasing pero ilang segundo lang nanlaki ang mga mata niya.
“Lombardi…” halos pabulong niyang sabi tumango si Mang Ipe.
“Paano kung… related siya? Paano kung anak pala siya ni Leonardo?” Parang biglang huminto ang mundo.
Ni ang hangin ay tila natigil sa pag-ihip napahigpit ang hawak ni Tasing sa saya ng kanyang damit.
“Huwag naman sana…” nanginginig niyang sabi.
“Paano kung magtagpo ang mga landas nila? Paano kung malaman nila?” dugtong ni Mang Ipe, halatang pinipigilan ang bigat sa dibdib.
Saglit silang parehong natahimik tanging mga kuliglig lang ang maririnig. At ang mahinang paglangitngit ng bangkong inuupuan nila.
“Ako nga rin, Ipe…” sa wakas ay sabi ni Tasing, halos mabasag ang boses. “Nag-aalala ako. Kasi kung mangyari ‘yon… paano kung kamuhian tayo ni Jam?”
Parang may kutsilyong tumusok sa puso ni Mang Ipe sa narinig.
“‘Wag mo namang sabihin ‘yan…”
“Hindi natin hawak ang puso ng anak natin,” bulong ni Tasing. “Pinalaki natin siyang marunong magmahal… pero marunong din siyang masaktan.” Napayuko si Mang Ipe.
Biglang nagbalik sa alaala niya ang mga taon na inalagaan nila si Jam ang unang beses na tumawa ito, ang unang hakbang, ang mga gabing nilalagnat siya at halos hindi sila natulog kakabantay.
Lahat ng iyon iniingatan nila pero may isang bagay silang mas lalong iningatan.
Isang bagay na kahit kailan ay hindi nila pinangarap na hahabol sa kanila.
“Akala ko… nakalayo na tayo sa anino ng nakaraan,” mahinang sabi ni Mang Ipe.
“Akala ko rin,” sagot ni Tasing napatingin siya sa bintana ng kwarto ni Jam.
Tahimik, payapa, walang kaalam-alam.
“Masaya siya ngayon,” bulong ni Tasing. “Ngayon ko lang ulit nakita ang ganung ngiti sa kanya… ‘yung totoo. ‘Yung parang may ilaw ang mga mata.” Napangiti nang bahagya si Mang Ipe.
“Parang ikaw noon,” biro niya bahagyang natawa si Tasing kahit mabigat ang pakiramdam.
“Bola ka pa rin hanggang ngayon.”
“Siyempre. Ikaw pa rin ang pinakamaganda sa baryo.” Napailing si Tasing. “Tigilan mo nga ako.”
Saglit na gumaan ang paligid dahil sa munting kulitan. Pero agad ding bumalik ang seryosong katahimikan.
“Ipe…” maingat na sabi ni Tasing, “kung sakaling dumating ang araw na malaman niya… sasabihin ba natin ang totoo?”
Hindi agad sumagot si Mang Ipe ilang sandali siyang nakatitig lang sa lupa. Pagkatapos ay dahan-dahan siyang nagsalita.
“Hindi pa.”
“Hanggang kailan?”
“Hanggang kaya pa nating protektahan siya.” Napapikit si Tasing.
“Natatakot ako…” Hinaplos ni Mang Ipe ang likod ng kamay niya.
“Ako rin. Pero mas natatakot akong mawala siya sa atin.”
“Hindi siya mawawala,” agad na sabi ni Tasing, kahit may halong pag-aalinlangan.
“Paano kung magbago ang tingin niya?”
“Hindi magbabago ang pagmamahal niya,” sagot ni Tasing, mas matatag na ngayon. “Anak natin ‘yon. Pinalaki natin siya sa totoo at sa aruga.”
Napangiti nang bahagya si Mang Ipe.
“Tama ka.” Saglit siyang napatingala sa langit.
“Pero sana… sana hindi si Ferox ang susi para mabuksan ang lahat.” tahimik muli hanggang sa biglang umihip ang mas malamig na hangin parang may babalang dala.
“Ipe…” bulong ni Tasing, “nararamdaman mo ba? Parang may paparating.”
Hindi siya sumagot agad pero sa loob-loob niya Oo. Matagal na niyang nararamdaman iyon. Parang ang nakaraan ay dahan-dahang lumalapit at hindi na ito maiiwasan.
“Anuman ang mangyari,” matatag niyang sabi, “haharapin natin. Basta magkasama tayo.”
Ngumiti si Tasing, kahit may luha nang namumuo sa gilid ng mata.
“Magkasama.”
Magkahawak-kamay silang naupo roon sa ilalim ng puno.
Dalawang pusong handang lumaban para sa anak, Dalawang pusong may itinatagong katotohanan.
Sa loob ng bahay, mahimbing pa ring natutulog si Jam. Walang kaalam-alam na ang pangalan ng lalaking unti-unting pumapasok sa puso niya ay maaaring konektado sa isang nakaraan na pilit itinago sa kanya.
At habang ang gabi ay lalong lumalalim ang sekreto ay nananatiling nakabaon.
Pero tulad ng anumang lihim may panahon itong umahon at kapag nangyari iyon. Wala nang makakapigil sa pagbuhos ng katotohanan.