KINIKILIG NA SI JAM

1036 Words
CHAPTER 17 THIRD PERSON POV Mahinahon ang gabi sa baryo. Tanging huni ng kuliglig at marahang hampas ng alon ang naririnig sa paligid. Ang maliit na kubo nina Jam ay may ilaw pa sa kusina, tanda na may gising pa sa loob. Dahan-dahang binuksan ni Jam ang pinto. Akala niya ay tahimik na ang lahat at makakapasok siya nang hindi napapansin. Nakangiti pa rin siya iyong ngiting parang may sariling mundo. Hindi niya namalayang habang naglalakad siya papasok, halos kumakembot pa ang hakbang niya pagharap na pagharap niya. “Oh Jam… kinikilig ka ano?” Parang binuhusan ng malamig na tubig si Jam. Napatigil siya. Nanlaki ang mata. Dahan-dahan niyang ibinaling ang ulo sa kusina. Nakatayo roon ang Inay niyang si Aling Tasing, nakapamewang, may hawak na sandok, at may ngiting alam-na-alam-ang-lihim. “A-ano po?” mabilis na sagot ni Jam, sabay iwas ng tingin. “Huwag mo akong lokohin,” dagdag pa ng ina habang papalapit. “Alam ko kung sino ‘yan. ‘Yung Ferox ba ‘yan? Huh! Nako nako… dalagita na talaga. Ay sos! Magde-deny ka pa, bata ka.” Namula agad ang pisngi ni Jam. “Hindi po ako kinikilig!” depensa niya, sabay lapag ng bayong sa sahig. “Talaga?” taas-kilay na tanong ni Aling Tasing. “Eh bakit parang may sariling ilaw ang mukha mo? Para kang lamparang bagong sindi.” Hindi nakasagot si Jam. Sa halip, nagkunwari siyang abala sa pag-aayos ng mga natirang gamit sa bayong kahit wala naman talagang inaayos. Mula sa kabilang kwarto, sumilip si Mang Ipe. “Oy, ano ‘yan? Bakit parang may imbestigasyon?” natatawang tanong nito. “Tanungin mo ang anak mo,” sagot ni Aling Tasing. “Umuwi na parang lutang sa ulap.” Lumapit si Mang Ipe at tinitigan si Jam mula ulo hanggang paa. “Jam…” mahina niyang sabi. “Ngumiti ka nga.” “Ayaw ko nga po!” “Ayan!” sabay turo ni Aling Tasing. “Nahihiya! Ibig sabihin totoo!” Napapadyak si Jam. “Inay naman eh!” Tumawa si Mang Ipe. “Hay naku… parang kailan lang, buhat-buhat pa kita kasi ayaw mong maligo. Ngayon, kinikilig ka na sa binata.” “Hindi nga po!” halos pabulong niyang sigaw. Pero lalo lang silang natawa umupo si Jam sa bangkito at tinakpan ang mukha gamit ang dalawang kamay. “Bakit ba kayo ganyan…” Lumapit si Aling Tasing at marahang hinaplos ang buhok niya. “Anak,” malambing nitong sabi, “wala namang masama kung kinikilig ka. Natural lang ‘yan. Dalaga ka na.” Dahan-dahang ibinaba ni Jam ang mga kamay niya. “Hindi ko lang po alam kung bakit ganito pakiramdam ko…” Napangiti ang mag-asawa sa isa’t isa umupo si Mang Ipe sa tapat niya. “Ganito kasi ‘yan,” sabi niya. “Kapag may taong nagpapabilis ng t***k ng puso mo, parang fiesta ang pakiramdam. Pero tandaan mo hindi lahat ng fiesta ay panghabambuhay.” Tahimik na nakinig si Jam. Nagpatuloy si Aling Tasing, “Anak, masaya kaming makita kang ganyan. Pero gusto lang namin ipaalala sa’yo… piliin at suriin mong mabuti ang iibigin mo.” Tumango si Mang Ipe. “Hindi pa natin lubusang kilala ang binatang iyon. Mukha siyang mabuti at nagpapasalamat talaga ako dahil iniligtas ka niya. Pero bilang magulang mo, natural lang na mag-ingat kami para sa’yo.” Napayuko si Jam. “Opo…” Ngumiti si Aling Tasing. “Hindi ka namin pinagbabawalan, ha? Ang sinasabi lang namin maging mapanuri. Kilalanin mo muna. Tingnan mo kung paano siya sa ibang tao. Kung paano siya rumespeto. Kung paano siya tumupad sa salita.” “At higit sa lahat,” dagdag ni Mang Ipe, “tingnan mo kung paano ka niya pinapahalagahan.” Tahimik ang sandali pagkatapos ay biglang napangiti si Jam. “Mabait po siya,” mahina niyang sabi. “At… masarap din po siyang magtimpla ng inumin.” Nagkatinginan ang mag-asawa bago sabay na tumawa. “Aba! Nakainom ka na pala?” biro ni Mang Ipe. “Tubig ng niyog lang po!” “Tubig ng niyog na may kilig,” dagdag ni Aling Tasing. “Inay!” Napuno ng tawanan ang kubo maya-maya, tumayo si Mang Ipe at nag-unat. “Ang mahalaga, anak,” sabi niya, “nandito lang kami ng Inay mo. Suportado ka namin sa saya man o sa sakit.” Tumango si Aling Tasing. “Kung siya ang magpapasaya sa’yo, matutuwa kami. Pero kung sakaling paiyakin ka niya…” ngumiti siya nang bahagya, “…eh di kakausapin namin siya nang maayos.” “Maayos?” ulit ni Mang Ipe. “Akala ko ba hahabulin mo ng sandok?” Napahalakhak si Aling Tasing. “Depende sa kasalanan!” Napatawa rin si Jam. Unti-unting nawala ang hiya niya, napalitan ng init sa dibdib. Ang gaan sa pakiramdam na alam niyang hindi siya nag-iisa. Lumapit siya at niyakap ang mga magulang. “Salamat po…” Hinaplos ni Mang Ipe ang likod niya. “Anak ka namin. Siyempre kakampi mo kami.” Saglit silang nanatiling magkakayakap isang simpleng eksenang puno ng pagmamahal. Paghiwalay nila, napansin ni Aling Tasing ang malambot na ngiti sa labi ni Jam. “O siya,” sabi nito. “Matulog ka na. Baka mapanaginipan mo pa ‘yang bartender mo.” Namula na naman si Jam. “Hindi ko siya bartender!” “Ah, hindi?” taas-kilay ng ina. “Eh bakit kabisado mo na trabaho?” Napailing na lang si Jam habang papasok sa kwarto. Humiga siya sa banig, pero hindi agad pumikit. Sa isip niya, naroon ang tunog ng alon… at ang boses ni Ferox. Ang ngiti nito, Ang paraan ng pagtitig at ang awiting sabay nilang binuo, napahawak siya sa dibdib. “Bakit ganito…” bulong niya. Sa labas, pinatay na nina Mang Ipe at Aling Tasing ang ilaw. Tahimik na muli ang kubo. Pero sa puso ni Jam, may bagong liwanag na nagsisimulang sumikat. Isang damdaming hindi pa niya lubos nauunawaan pero handa niyang kilalanin. At sa gabing iyon, habang yakap ng hangin ang maliit na baryo, may isang dalagang unti-unting natutong makinig sa t***k ng sarili niyang puso… habang ang kanyang pamilya ay tahimik na nakabantay, handang sumalo sa kanya anuman ang mangyari...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD