Nilagok ko ang isang baso ng malamig na tubig habang nakaharap ako sa bukas na bintana ng silid namin ni Ingrid dito sa dormitory building. Dumaan kami sandali rito upang palitan ko ang blusa at palda ko na nabasa sa nabuhos na tubig kanina sa cafeteria.
"Balik na tayo sa klase?" tanong ni Ingrid sa akin habang nakaupo sa kanyang single na kama.
Tinalikuran ko ang bintana upang harapin si Ingrid. "Importante pa ba ang klase sa panahon na ito?" tanong ko sa kanya dahilan upang bumalik ang lugmok na mukha niya. Good job, Astrid. Pinabigat mo lang ulit ang mood. Binawi ko ang katangahan ko sa pamamagitan ng isang ngiti saka ako lumapit sa kanya at umupo sa tabi niya. "Alam mo, nevermind. Malapit naman na ang bakasyon at makakalabas na tayo ng academy."
Sa totoo lang, iyon na nga ang ikinatatakot kong mangyari. Ang pagbabalik namin sa labas ng school kung saan ay maaaring sa mga oras na ito ay nagkakagulo na. Mas ligtas kami rito sa loob ng academy, walang magaganap na bitayan at sunugan. Ayoko na munang umuwi. Hindi ko gustong masaksihan ang pagkadamay ng mga inosenteng tao nang dahil sa kawalan ng tiwala sa isa't isa.
"Natatakot ako, Astrid. Totoo kayang patay na ang seer at talagang nagkakagulo na sa labas?" Nang dahil sa sinabi niyang iyon, mas lalong bumigat ang pakiramdam ko na kanina ko pa pilit na pinapagaan.
"I'm sure tsismis lang iyon," paniniguro ko sa kanya—or more like pangungumbinsi ko sa sarili ko.
Matapos iyon ay nagtungo na kami sa aming klase dahil wala rin naman kaming gagawin sa dorm. Naisip na lang namin, tuloy lang ang buhay. Hindi kami dapat maapektuhan sa bagay na hindi pa naman sigurado.
Ngunit isang kagimbal-gimbal na eksena ang nadatnan namin sa hallway. Nanginig ang buong katawan ko habang mahigpit na nakahawak sa mga kamay ni Ingrid nang makita ang isang duguang lobo na nakahandusay sa sahig, sa tapat mismo ng classroom namin.
Nagkumpulan ang mga estudyante upang makiusyoso, pero kaagad ding dumating ang mga guro at guwardiya upang papasukin kami sa aming silid at linisan ang hallway.
Nag-iiyakan na ang mga kaklase naming babae nang isara ng aming guro ang pinto sa classroom. Si Ingrid din ay nangingilid na ang luha nang dahil sa takot, habang ako ay pilit na pinapalakas ang loob ko dahil lalo lamang siyang panghihinaan ng loob kapag nakita akong nawawalan na rin ng pag-asa.
"Ano po ba talaga ang nangyayari, Teacher Mia?" tanong ng kaklase naming babae sa matinis na boses habang nagpupunas ng luha gamit ang kanyang pink na panyo.
Napatingin kaming lahat sa aming guro na ngayon ay namumutla rin. "H-Hindi ko rin alam. Maghintay na muna tayo ng announcement mula sa direktor," aniya na pilit itinatago ang pangamba.
Niyakap ko si Ingrid nang tuluyan na siyang mapahagulgol. Hinagod ko ang likod niya at saka ko siya binubulungan na magiging okay rin ang lahat.
Sa gilid ng mata ko, nakita ko mula sa bintana ng aming classroom na may mga dumaan upang puntahan ang crime scene. Hindi ko man sila direktang nakita ito, pero malakas ang kutob ko na isa si Lincoln Conor doon. Alam na alam ko ang pakiramdam ng presensya niya—heavy and intimidating.
Napapikit ako nang muling maalala ang imahe ng duguang lobo sa tapat ng aming klasrum. Puting mga balahibo na mayroong itim sa ibang parte ng katawan. Halos kasinlaki iyon ng isang normal na elepante at talagang sakop na sakop ang daanan. Ang dugo naman na umaagos mula sa katawan nito ay parang lalagpas sa isang timba kung susukatin. Pakiramdam ko ay maduduwal ako sa lubos na pangambang nararamdaman ko ngayon.
Ngunit lumalakas lamang ang loob ko nang dahil wala pa namang opisyal na anunsyo ang paaralan sa kung ano talaga ang nangyayari sa labas. Iyon na lang ang pinanghahawakan ko at ang tanging pag-asa ko sa mga oras na iyon.
Muli akong sumilip sa bintana upang tingnan kung ano na ang nangyayari sa labas ng klasrum ngayong nagdatingan ang Conor brothers, ngunit isang pares ng matingkad na dilaw na mga mata ang sumalubong sa akin. Bumalik din kaagad ang mga mata niya sa putik na kulay, ngunit sa inaakto niya ay tila ba alam niya ang bawat kilos ko—alam niya ang iniisip at nararamdaman ko kung kaya sa tuwing titingin ako sa kanya ay parating nagtatama ang aming mga mata. Samantalang wala naman akong mabasa na kahit na ano sa kanyang perpektong mukha.
Matapos ang insidenteng iyon, pinabalik na ang lahat ng mga estudyante sa kanya-kanya naming silid sa dormitoryo. Iyak pa rin nang iyak si Ingrid na tila ba katapusan na talaga ng mundo. Kung ano ang kina-chill niya kanina ay ganoon din naman ang tindi ng iyak niya ngayon.
"Sa tingin mo ba, kailangan na talaga nating ubusin ang mga lobo sa siyudad natin?" tanong ni Ingrid habang nakatingin sa akin na tila ba kaya kong sagutin nang tama ang lahat ng tanong niya. Pulang-pula ang mga mata niya pati na ang kanyang ilong.
"Kung iyon ang ikatatahimik natin," tanging tugon ko ngunit iyon ang pinakahuling gusto kong mangyari. Maayos naman kami noon, pero bakit biglang may lumabag sa kasunduan?
"Pero paano, Astrid? Hindi natin alam kung sino ang mga totoong tupa..." Muli siyang humagulgol namg masagot niya ang sarili niyang katanungan. Pumatay ng pinagsususpetyahan namin kahit hindi kami sigurado kung lobo ito.
I'm sure marami na ang gumagawa niyon ngayon sa aming siyudad. At ayoko nang isipin pa kung ano ang susunod na mangyayari kapag puro inosenteng mga tao ang mapatay nila—the peaceful city of Lupin will become the city of wolves that sheds blood every full moon. And I never liked that idea; not once.
"We will have to hunt beasts, Ingrid," tanging tugon ko sa kanya.
Maya-maya pa ay nakatulog na si Ingrid nang dahil sa sobrang pagod sa pag-iyak. Ni walang isang butil na tumulong luha mula sa mga mata ko dahil pakiramdam ko ay naiyak na rin iyon ni Ingrid.
Kaya nang masiguro kong mahimbing na ang pagtulog niya, lumabas muna ako ng dormitoryo upang magpahangin. Hindi ko rin maintindihan ang pakiramdam ko. Bigla akong naging balisa at tila napapaso ang balat ko sa sobrang init na nararamdaman ko kahit na malamig na hangin ang humahampas sa katawan ko.
Madilim na ang paligid at wala na akong matanaw na kahit sinong estudyante sa labas. Ngunit nagpatuloy ako sa paglalakad kahit na hindi ko alam kung saan ako dadalhin ang aking mga paa.
Napahinto lamang ako nang maramdaman ko malapit sa akin ang presensyang ninanakaw ang katinuan ko sa tuwing malapit sa akin. Una kong nakita ay ang isang pares ng puting sapatos sa harapan ko. Hindi ko pa man nakikita ang hitsura ng taong nasa harapan ko pero alam ko na kaagad kung sino iyon. It was Lincoln Conor again.
"You found me," bulong niya sa tainga ko.