LOST
Takot na takot ang matandang babae at dali-daling hinawakan ang seradura ng pinto.
Nangangatal ang mga kamay na pinihit nito iyon upang buksan ngunit kahit anong pilit nitong buksan ang pinto ay hindi ito bumubukas.
Nagsisimula ng lukubin ng matinding takot ang matanda ngunit pinilit pa rin nitong maging matatag upang makalabas sa kanyang kinaroroonan.
Muling namatay ang ilaw kaya mas lalong napahigpit ang hawak ng matanda sa seradura ng pinto. Ipinikit ng matanda ang mga mata at pilit na kinakalma ang sarili.
Kasabay ng pagbukas ng mga mata ng matanda ay ang muling pagbukas ng ilaw.
Kinakabahan man ay nilingon nito ang salamin na nasa kanyang gilid. Nawala na ang kaninang nakasulat doon, ngayon ay malinis na malinis na ito. Ang kaninang puting rosas na nasa may ibaba ng salamin, ngayon ay wala na rin.
Nanatiling nakatitig dito ang matanda na may halong pagtataka.
Nabalik lamang ito sa reyalidad nang may marinig na katok mula sa kabilang bahagi ng pinto.
Humugot ng isang malalim na hininga ang matanda at ipinikit sandali ang mga mata. Pagkatapos ay muli iminulat ang mga mata at ibinalik ang tingin sa salamin.
" Guni-guni ko lamang siguro iyon. " napapailing nitong saad at nagpasyang lumabas ng cr.
" GRESHA? Ikaw ang--? "
" Ano? Ano na naman bang katangahan ang ginawa mo? " tanong ni Manang Gresha at inilibot ang tingin sa paligid.
Nanlaki ang mga mata nito nang mapagtantong wala sa hinihigaang pwesto ang binata.
" N-nawawala si Sir Gio. " nag-aalinlangang sagot ng matandang lalaki.
" ANO?!?! Kung ganon bakit hindi mo agad sa akin sinabi?! "
" Ang akala ko ay siya ang nasa loob ng-- " paliwanag ni Mang Ramon ngunit agad din itong pinutol ni Manang Gresha.
" Tonta! Hanapin mo at magmadali ka! " nanggigigil na utos ni Manang Gresha kay Mang Ramon.
Agad namang nagmamadaling sumunod sa utos ng matandang babae ang matandang lalaki.
Naglakad naman ang matandang babae patungo sa higaan ng binata ng may matisod siyang isang bagay.
Yumuko siya upang tignan iyon pagkatapos ay pinulot. Nang mapagtantong isa iyong kulay puting rosas ay nanlaki ang mga ng matanda at nabitawan ang hawak na rosas.
" G-gio. " sambit nito sa sarili habang nanginginig ang boses.
HABANG nasa loob ng cr si Manang Gresha ay nagising na ang binata.
Inangat nito ang kaliwang kamay at tinitigan ang parte ng kanyang palapulsuhan na kanyang hiniwa. Napabuntong hininga na lamang ito at tumitig sa pader.
Makalipas ang ilang segundo ay biglang umihip ang isang malakas na hangin. Napatuon ang pansin ng binata sa salaming pinto ng balkonahe na natatakpan ng puting kurtina. Sumasabay ang paggalaw ng kurtina sa ihip ng hangin na nagmumula sa labas.
Nanatili ang tingin dito ng binata at napansin ang unti-unting paglitaw ng isang anino ng babae.
Umupo ang binata na habang hindi pa rin inaalis ang tingin sa aninong nakikita.
Makalipas ang halos isang minuto ay hindi pa rin nawawala ang aninong nakikita ng binata. Dahil dito ay napagpasyahan ng binatang lapitan ito.
Dahan-dahang umalis ang binata sa kanyang kinauupuan at may pag-iingat na naglakad papalapit patungo sa balkonahe.
Nang makarating ito sa mismong tapat ng kurtina ay tumigil ito at pinagmasdan ang anino.
Maya-maya pa'y hinawi nito ang kurtina upang makita kung sino ang babaeng naroon sa balkonahe. Ngunit pagkahawi ng binata sa kurtina ay nagtaka ito ng walang makitang babaeng nakatayo sa balkonahe.
Napagpasyahan ng binata na suyurin ang buong parte ng balkonahe upang masiguro kung naroroon ang babaeng kanyang nakita, ngunit wala ito roon.
Nagtataka man ay pinili na lamang nitong maglakad papasok sa kanyang silid.
Napaawang ang mga labi ng binata ng makita ang babaeng kanyang hinahanap na nakatayo sa may paanan ng kanyang kama.
" L-love. " mahinang tawag dito ng binata.
Walang emosyong mababakas sa mukha ng dalaga. Tumalikod lamang ito at nagsimulang maglakad papalabas ng silid.
" Love. " mahinang tawag pa rin ng binata sa dalaga at unti-unti na nitong inihakbang ang mga paa papalapit sa dalaga.
Patuloy lamang sa pagsunod ang binata sa dalaga. Paulit-ulit itong tinatawag ng binata ngunit kahit anong tawag nito sa dalaga ay hindi man lamang ito lumingon sa binata kahit na isang beses.
Hindi pa rin tumitigil ang binata sa pagsunod sa dalaga hanggang sa makarating sila sa hardin ng hospital.
Huminto sa paglalakad ang dalaga at makalipas ang ilang segundo ay humarap ito sa binata.
Kung kanina ay walang emosyong mababakas sa mukha ng dalaga, ngayon ay mababakas mo na rito ang lungkot. Nagsimula na ring tumulo ang luha ng dalaga at kasabay nito ay ang pagsisimulang pag-agos ng dugo mula sa noo nito.
Binalot ng kaba ang binata at dahan-dahan itong lumapit sa dalaga. Bahagyang inangat nito ang kamay na animo'y inaabot ang dalaga ngunit bago pa ito makalapit sa kinaroroonan ng dalaga ay bigla na lamang itong naglaho na parang bula.
Napahinto sa paglalakad ang binata at naibaba ang kamay. Inilibot nito ang tingin sa paligid ngunit hindi nito matukoy kung nasaan ang dalaga.
Natuon ang pansin ng binata sa isang babaeng nakasuot ng puting bestida. Nakatalikod ito mula sa pwesto ng binata kaya hindi nakita ng binata ang mukha ng babae. Sa pag-aakalang ito ang dalaga na hinahanap ay dali-dali itong tumakbo papalapit dito.
Nang makalapit sa dalaga ay walang pag-aalinlangang niyakap ito ng binata mula sa likuran. Naramdaman ng binatang nanigas sa kinatatayuan ang babae ngunit hindi bumitaw ang binata sa halip ay ibinaon ang mukha sa balikat ng babae.
" Love, don't leave me please. I'm so sorry for everything. Don't leave me, please. " umiiyak na pagmamakaawa ng binata sa dalaga.
Hindi inaasahan ng binata ang sumunod na nangyari.
Binaklas ng dalaga ang pagkakayakap ng mga kamay ng binata sa kanyang beywang at humarap sa binata.
Nagtataka itong nakatingin sa binatang binabalot ng luha ang mukha.
" Pardon? "
Noon lamang napagtanto ng binatang hindi iyon ang dalagang kanyang hinahanap kaya nagmamadali itong tumalikod upang hanapin ang dalaga.
Umiiyak itong naghahanap sa buong hardin ng hospital at walang pakialam sa kahit sinong nababangga niya habang nagmamadali.
" GIO! "
May tumatawag sa kanya ngunit hindi niya ito nilingon sa halip ay nagpatuloy pa rin sa paghahanap.
" Sir Gio! " tawag pa ng isang boses.
Hindi binibigyang-pansin ni Gio ang mga tumatawag sa kanya.
Nang makaramdam ng pagod ay napatigil na lamang ito sa pagtakbo at napaluhod sa kinatatayuan.
Inihilamos nito ang mga kamay sa mukha at patuloy lamang sa pag-iyak.
" Sir Gio. " mahinang tawag ni Mang Ramon.
Samantalang si Manang Gresha naman ay nakatingin lamang kay Gio at mababakas sa mukha ng matandang babae ang awang nararamdamdaman para sa kalagayan ng binata.
Sumigaw lamang ang binata at sinabunutan ang sarili. Wala pa ring tigil sa pag-agos ang luha ng binata.
Naaawa ang matandang babaeng lumuhod sa gilid ng binata at niyakap ito.
" Gio, hijo-- "
Hindi na naituloy ng matanda ang sasabihin nang itulak ito ng binata papalayo. Napaupo sa lupa ang matanda dahil sa nangyari.
Nagsimula na ang binatang suntukin ang lupa habang umiiyak.
" Damn it! " mura ng binata habang patuloy pa ring sinusuntok ang lupa.
Hindi nagpatinag si Manang Gresha at muling niyakap ang binata. Nagpupumiglas ang binata ngunit hindi lumayo ang matanda.
Nag-angat ng tingin si Manang Gresha kay Mang Ramon at tinanguan ito. Agad naman itong naintindihan ng matandang lalaki at nagmamadaling umalis sa lugar na iyon upang tumawag ng doctor.
" Shhh. Gio, hijo, tama na. " nagmamakaawang pakiusap ng matanda sa binata.
" I saw her Manang. I saw her. " saad ng binata.
" Hijo, tama na. Patay na siya hijo. "
" Hindi! Nandirito siya kanina Manang. Nakita ko siya. Binisita niya ako sa aking silid pagkatapos ay sinundan ko siya hanggang dito. " pag-pupumilit ng binata sa matandang babae.
Naaawa na ang matandang babae sa binata ngunit wala naman siyang magawa sa kalagayan ng binata.
" H-halika na at bumalik ka na sa kwarto mo. "
" Naniniwala ka naman sa akin, di ba Manang? " tanong ng binata ngunit hindi sumagot ang matanda.
" Nandito siya Manang. Hanapin natin siya. Alam kong nandirito lamang siya. " pagpupumilit ng binata sa matandang dalaga.
" Manang-- " hindi na naituloy ng binata ang sasabihin dahil bigla na lamang itong natumba.
Agad naman itong nasalo ng nurse na nasa likod ng binata.
Napabuntong-hininga na lamang si Manang Gresha nang magsimula ang mga nurse na buhatin si Gio at ilipat sa wheelchair na dala ng mga ito.
Sumunod lamang ang dalawang matanda sa mga nurse papasok ng hospital. Tahimik lamang ang dalawa hanggang sa maibalik na ang binata sa silid nito.
Nanghihinang napaupo na lamang si Manang Gresha sa upuan nang makitang maayos ng nakahiga ang binata sa kama. Samantalang si Mang Ramon ay nanatiling nakatayo at nakatitig sa binata.
" Gresha-- "
" Huwag ngayon Ramon. Huwag mo nang dagdagan pa ang problema. " putol ng matandang babae sa ano pa mang sasabihin ng matandang lalaki.
" Ikaw ang nagsimula nito Gresha. Nang dahil sa mga sinabi mo kay Gio ganyan ang nangyayari ngayon. "
" Sinisisi mo ba ako, ha Ramon? " hindi makapaniwalang tanong ni Manang Gresha.
" Hindi kita sinisisi Gresha pero-- "
Hindi naituloy ng matandang lalaki ang sasabihin dahil agad nang nagsalita ang matandang babae.
" Ginagawa ko lamang ang mga ito para sa ikabubuti ng lahat. "
" Huwag ka na ngang magkunwari Gresha. Alam naman nating ginagawa mo lamang ito para sa sarili mo. "
Natawa ang matandang babae sa sinabi ng matandang lalaki.
" Kung makapagsalita ka ay parang kalinis-linis ng pagkatao mo Ramon. Nakalimutan mo na ba ang mga ginawa mo noon ha? Gusto mo bang isa-isahin ko lahat sa iyo ang mga iyon ng sa gayon ay maalala mo? " panunuya ng matandang babae kay Mang Ramon.
" Ang ibig ko lamang sabihin ay huwag mo ng palalain ang sitwasyon. Ano ngayon ang gagawin natin sa kalagayan ni Gio? "
" Hindi ko pinapalala ang sitwasyon Ramon. Tinutulungan ko lamang si Gio. "
" Tinutulungan? Hindi ba't mas lalong nagugulo ang isipan niya ng dahil sa ginagawa mo? "
" Bakit ano ba sa tingin mo ang makabubuti sa kanya? "
" Tigilan mo ang panglalason sa isipan niya Gresha. Maawa ka kay Gio. "
Bahagyang natawa ang matandang babae sa sinabi ng matandang lalaki.
" Kung ganon edi sige ipapagamot natin si Gio. Ipapatherapy natin siya. "
Hindi agad nagsalita ang matandang lalaki sa sinabi ng matandang babae.
" Ano? Nagulat ka? Hindi ba ito naman ang gusto mo? Hindi ko na lalasunin ang isipan niya dadalahin natin si Gio sa psychologist upang matigil na ang mga halusinasyon niya. " iyon lamang ang sinabi ng matandang babae pagkatapos ay lumabas na ng silid.