CHAPTER 7

1773 Words
Masama ang loob ko sa totoo lang. Hangga’t maari ay kailangan kong pigilan ang sarili ko. Nagmana siguro ako ng kabaitan sa nanay ko. Gustuhin ko mang makinig pa sa sinasabi ni Anthonet kay Weston ay umiling na lamang ako. Hindi naman totoo ang sinasabi ni Anthonet. Mahal ko siya at hangga’t buhay ako ay gusto kong makasama siya. Bumaba na lamang ako at nang makapasok sa kusina ay naabutan ko si manang na nag-aayos ng gamit at kaunting gulay sa lapag na natapon ni Anthonet. “Ano ba ang nangyayari sa kapatid, Leveste?” Iling niya pang tanong sa akin. Umupo na lamang ako at hindi na pinansin ang tanong niya. Kahit ako ay iyon na rin ang itinatanong ko sa sarili ko. Umalis si Anthonet nang masaya at tuwang-tuwa noon at hindi siya ganiyan. “Ate! Sana yumaman ako at matulungan kita sa mga business at naiwan ni daddy na utang.” Iyon pa ang gusto niya noon. Nabaon kami sa utang at tanging nagawa ko lamang ay kayanin ang lahat. Mula sa tulong ng mga kaibigan ni daddy at mommy na nag-invest at nagpautang sa akin para sa kumpanya ay naibalik ko rin naman ang hiniram ko. Sa hirap ko nu’n na halos pinagsasabay ko ang pag-aaral at pagtatrabaho. Mapag-aral ko lang ang kapatid ko at makakuha ng maayos na paaralan na iyong hindi na siya maghihirap tulad ko. “Good morning!” Napalingon ako nang marinig ko ang asawa ko. Tatayo na sana ako sa aking pagkakaupo nang hawakan niya na ang braso ko. “Manang, baka pwedeng gawan niyo muna ng almusal ang kapatid ni Leveste.” Napalunok ako sa narinig. Kahit si manang ay napatingin sa akin na para bang may gustong sabihin. “Weston, ano kasi-” “May nangyari ba?” Hindi ako natapos nang isunod niya ang tanong na iyon. “Nako, Weston. Kung maari ay ikaw na muna ang maging nakakatandang kapatid kay Anthonet. Pati ako ay nababastos na niya,” ani ni manang. Sumilip ako kay Weston na ngayon ay takang nakatitig na sa akin. “Ano ang nangyari? May sinabi ba siya sa ‘yo?” Umiling ako. “Ayaw niya raw ng salad at nagalit siya.” Pinikit niya nang mariin ang kaniyang mga mata at animo’y nasapo. “Pasensiya na kayo, manang.” Hindi na pinansin ni manang si Weston nang magpatuloy na lamang ito sa pag-aayos ng pinggan. “Asan na ngayon si Anthonet?” Tanong ko at itinuro niya lamang ang itaas. “Pumunta na sa kwarto niya. Yumakap sa akin kanina at parang natatakot na hindi ko alam.” Nakita ko nga… “Tinanong ko kung nasaan ka at pinagtatawanan mo raw siya,” sunod niya pang sabi. Kailan ko siya pinagtawanan? “Walang natawa rito kanina, Weston. Itong si Leveste rin ay pagsabihan mo kung maari. Hindi maganda na bini-baby niya ang kapatid niya…” Turo ni manang sa akin gamit ang isang panandok. Suminghap si Weston saka hinawakan ang dalawang pisngi ko. “Ang bait-bait mo kasi…” Sabay halik niya sa aking labi. “Umupo ka na r’yan, Weston at ihahanda ko na ang umagahan niyong dalawa ni Leveste.” Si manang na ngayon ay may inilapag sa aming harapan na apple at iba pang pang umagahan. “Leveste, ikaw na muna ang bahala sa kapatid mo. Matanda na ako at baka ang kapatid mo pa ang ikamatay ko ng maaga.” Iling-iling niya pa at saka umalis ng kusina. Nagkatinginan kaming dalawa ni Weston at bahagyang nag-isip. “Hindi naman siya gano’n…” “Alam ko,” sagot niya. “She’s so lovely at masayahin siyang tao, Weston.” Kumakain lamang si Weston ng kaniyang umagahan at hinahayaan lamang akong magsalita. Pinakikinggan niya kaya ako? Inihanda ko na ang gamit na susuotin ni Weston para sa kaniyang meeting. Minsan ay naawa na rin ako sa kaniya dahil sobrang purisgi niya sa pagtatrabaho. Sinabi ko naman sa kaniya na maari naman siyang magpahinga dahil nakita naman nang malaki ang kumpanya, pero hindi niya gusto. “Mag-iingat ka, ha?” “Opo, asawa ko…” Malambing niyang sagot at hinalikan na ang labi ko bago sumakay ng kotse’t umalis. Naka-leave ako ngayon, dahil hindi ko naman pwedeng iwan ang kapatid ko. Nag-leave ako ng buwan pero nadalaw pa rin naman ako sa kumpanya. Sadyang inilaan ko ang buwan na ito para sa kapatid ko. “Where’s Archer?” Iyon agad ang bungad niya sa akin nang makapasok ako. “Pumasok siya sa trabaho niya, e. Gutom ka na ba?” Ngumiti ako at tila hahawakan siya sa kaniyang braso nang lumayo siya sa akin. “Hindi niya ako dinalhan ng pagkain?” “May pagkain na sa kusina, Anthonet. Gusto mo paghandaan na kita?” Tila hindi niya ata nagustuhan muli ang sinabi ko nang makita ko kung paano kumunot lalo ang noo niya. “Ate? Sabihin mo nga sa akin ang totoo? Hinaharangan mo ba si Archer sa mga balak niyang gawin sa akin?” Pero imbis na makasagot ako ay iniharang niya ang kaniyang kamay. “Okay na, huwag mo na lang ako sagutin dahil alam ko naman na ang sagot.” Saka niya ako dinaanan at binangga pa ang braso ko. Nilobo-lobo ko ang aking pisngi habang nakatingin lamang ako sa harapan ng aking laptop sa sala. Hindi ako mapakali sa mga narinig kong itanong sa akin ni Anthonet. Isinara ko ang laptop ko at agad na inisandal ang aking likod sa sofa nang marinig ko ang yapak ng isang tsinelas pababa ng hagdan. Alam ko naman kung sino iyon at hindi ako nagkamali. “Where are you going? May lakad ka?” Masaya ako na makita siyang nagbabalak na lumabas. “Punta ka sa mga friends mo? Magkikita kayo ng mga friends mo, bunso?” Sweet pang tanong ko nang umiling siya. “May nagyaya sa akin ng dinner ngayon.” Malawak ang ngiti niya bago umalis ng sala. “Gamitin mo na lang ang isang sasakyan d’yan. Kunin mo na lang ang susi…” Pero mukhang alam niya na ang gagawin nang ipinakita niya sa akin ang isang key. Nang mapagtanto ko ang orasan ay kumilos na ako. “Manang, luto na ang sinaing?” Nang silipin ko siya sa kusina. “Kanina pa iyan luto, Hija. May pagkain na rin d’yan kung gusto mong ipaulam kay Weston.” Habang siya ay naghuhugas. “Prituhan ko lang siya ng tilapia, manang. Kasi kagabi ay gusto niya raw iyon kaya matutuwa iyon mamaya.” Narinig kong humalakhak si manang at animo’y natutuwa. “Napakabuti mong asawa, Leveste. Naalala ko ang nanay mo noong ang tatay mo ay nagsisikap sa trabaho. Parehas kayo na hindi ibabaon ang luto ko, dahil gusto ng mama mo ay siya ang maghahain at magluluto para sa tatay niyo,” kwento niya pa. “Bakit ko naman po iaasa sa inyo ang baon pa ni Weston, manang. Hindi naman ikaw ang asawa. Gawain ko ‘yon at isinumpa ko ‘yon sa panginoon… na aalagaan ko siya at hindi sasaktan.” “Alam kong tutuparin mo ‘yan. May isang salita ka, Leveste. Alam kong gano’n rin si Weston. Pero tandaan mo, Hija… hindi lahat ng tao ay sasangayon sa gusto mo. Lahat ng plano mo ay pwedeng magbago kung may taong sisirain ang mga bagay na pinangako mo…” May pinanghuhugutan ba si manang? Inilagay ko sa isang bento box ang kakainin ni Weston ngayon. Naligo na rin ako at isinuot ang aking pants na itim at white na shirt. “Magandang hapon, Ma’am Leveste!” Bati sa akin nang makarating ako sa company na pinagtatrabahuan ni Weston. “Tapos na ba ang meeting ni Weston?” Tanong ko sa ka-team ni Weston. Mga junior niya na parte sa team. “Nasa loob po siya ngayon ng office niya.” Turo pa ng babae. “May kausap pa o busy lang?” Imbis na sumagot ang dalaga ay may sumingit na lalaki sa kaniyang likod. “Wala na po si Sir, Ma’am. Lumabas po siya… may tumawag po kasi kanina sa kaniya.” Tumungo na lamang ako at hindi ko alam kung ano na lang ang gagawin ko. “Pwede ko ba ‘to lagay sa office niya?” Itinaas ko pa ang isang bento box na ikinakilig nila. “Kayo po, Ma’am!” “Huwag niyo na lang sabihin kay Weston, ha? Surprise ko sana siya… hindi niya kasi alam na dadalhan ko siya ngayon.” Kaya naman nang makapasok na ako sa loob ng office niya ay inayos ko ang ilang papel sa desk niya. Napakaraming ginagawa ng asawa ko… Umupo muna ako sa kaniyang swivel chair at nagmuni-muni. Kumulo na rin ang t’yan ko. Ang tagal naman niya… baka doon na siya nag-lunch? Uhmm… hintayin ko na lang siya. Bumukas ang pinto sa loob ng trenta minutos na paghihintay ko sa kaniya kaya tumayo ako nguniti hindi siya ang inaasahan ko. “Ilalagay ko lang po, Ma’am. For approval po kasi ni boss…” Ang dalaga kanina. Ngumiti lang ako at hinayaan na lang din siya lumabas nang mailapag niya sa desk ni Weston ang iilang papel. Fourty minutes… Nakulo na ang t’yan ko… baka doon na nga iyon nag-lunch. Dapat pala ay hindi ko na siya ni-surprise ngayon. Nagsabi na lang sana ako. “Aalis ka na, Ma’am? Wala pa po si boss, e.” Kahit ang dalaga ay nanghihinayang. “Makikita naman niya iyan mamaya, pero huwag mo na lang sabihin na pumunta ako, ha?” Sana ay gawin niya nga ang sinabi ko. Nakarating ako ng bahay nang hindi mapakali. Kasabay nang pag-park ko ay may sumunod din na kotse sa likod ko. “Oh! Ate? Saan ka galing?” Nasa mood na siya ngayon at bakas na bakas ang saya niya. Nakakatuwa naman na makita ang kapatid kong ganito. “Pumunta ako sa-” Pero agad niyang ibinigay sa akin ang isang paper bag. “Ni-take out na kita… alam kong favorite mo ‘yan.” Saka ko tinignan ang loob. Naamoy ko kaagad ang masarap na manok mula sa isang resto na malapit lamang sa pinagtatrabahuan ni Weston. Naunang maglakas si Anthonet at ako ay nakangiti pa rin dahil kahit paano ay hindi nagbago ang kapatid ko sa at natatandaan pa rin niya ang paborito kong kinakain na ulam. “Oo nga pala, Ate. Baka ma-late raw ng uwi si Archer mamaya. Sabi niya sa akin kanina nu’ng nag-lunch kami.” Napalingon ako sa kapatid na ngayon ay nakangiti pa rin sa akin sa harap ng pintuan at saka na siya pumasok. Unti-unting nawala ang ngiti ko…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD