“Baka naman nag-iisip ka lang nang hindi maganda?” Tanong sa akin ng kaibigan ko na ngayon ay dinalaw ko mula sa kaniyang coffee shop. “Pasensiya ka na, Amie.” Hindi ko pa rin nagagalaw ang aking kape sa maliit na mesa na kaniyang ibinigay kanina.
Nagkwento ako sa kaniya, hindi para maghanap ng kakampi.
“No! Ayos lang naman!” Tila hinampas niya pa nang kaunti ang kaniyang kamay sa hangin. “Alam ko naman na nagpa-panic ka lang,” sunod niya pa.
“I was actually thinking that, hindi ko lang alam kung tama pa ba ang iniisip ko. Wala rin kasi ako makausap, e.” Pagdadahilan ko, dahil tama naman. “Nagseselos ka,” sabat niya.
“Tubig lang naman ang ibinigay niya sa kapatid mo, pero bakit nag-super react ka naman?” Naningkit pa ang mga mata niya. Tama nga, tubig lang naman…
“Are you scared? Baka iwan ka ng asawa mo? Kung mahal ka niya ay hindi ka niya ipagpapalit. Kung pinagpalit ka niya, nagkulang ka o kaya naman hindi ka enough para sa kaniya.” Seryoso ang kaniyang itsura pa na sabihin iyon sa akin.
“Saka hindi naman nakakapagtaka iyon, Leveste. Look at you! You look like a freak! Baka nga hindi ka holdap-in sa labas, dahil mas mukha ka pang ikaw ang mangunguha ng gamit.” Natikom ko ang aking bibig.
Pinagmasdan ko ang aking sarili.
“Anyways, hindi talaga kita masyadong makakausap nang matagal, Lev.” Tumayo siya at pinagpag ang sarili niyang damit. “If I were you… hahayaan ko na lang siya mag-cheat…” Kumunot ang noo ko saglit.
Naiwan niya akong nakaupo rito at hindi na lumingon sa akin.
She’s Amie , kaibigan ko noong college. She’s really mean sometimes pero wala na sa lugar. Siguro dahil ang hirap na wala ka talagang kaibigan na maaasahan mo kapag may gusto ka labasan ng sama ng loob.
I only have Weston, siya lang talaga.
Sinipsip ko ang kape at tumayo. Nagpaalam ako sa kaibigan ko ngunit manipis na ngiti lamang ang kaniyang ibinigay sa akin.
Tinignan ko ang kabuuan ng city. Maraming tao, marami akong nakikita na mga nagmamadali sa paglalakad. May mga magkakaibigan na gumagala at may magkahawak kamay na magnobyo-nobya.
“Hindi lahat ng tao ay sasangayon sa kung ano ang nakikita mong tama,” sabi ko sa aking sarili at tila mapait na tumawa. Naglakad ako sa parking para puntahan ang kotse ko. Ang sinabi ko lang naman kay Weston ay magkakape lamang ako. Naka-vacation leave ako ngayon sa work ko at ganoon rin si Weston.
Masyado kong mahal ang kapatid ko at ngayon ay natatakot ako.
Isang malakas na paghinga ang ginawa ko. Nag-iisip ako ng masama at hindi tama na hindi naman dapat. Sandali lamang nang marinig kong mag-ring ang telepono ko.
Dali kong kinuha iyon at binasa kung sino ang natawag. Napaayos ako ng upo nang makapasok ako sa kotse at agad na sinagot ang tawag ng aking asawa.
“Weston…”
“Where are you?”
“Pauwi na rin ako. May gusto ka ba? Para makabili na rin ako, habang narito ako sa labas.” Ngunit bago ko marinig ang boses niya ay narinig ko na ang boses ng kapatid ko.
“Is that my sister? Ate! Where the heck are you?! Baka ma-inlove na sa akin ang asawa mo! Tagal mong wala!” Humalakhak lamang ako kahit sa totoo lang ay punong puno na ng kaba ang dibdib ko.
“Pauwi na rin ako-” Nalayo ko ang telepono ko nang hindi pa nga ako natatapos magsalita ay binaba na ng kapatid ko ang telepono. “Hay nako, Anthonet…” Mapait akong ngumiti at hindi na ininda ang ginawa ng kapatid ko.
Hindi ko na pinansin pa nang pinagpatuloy ko na ang pagda-drive.
Malapit na ako sa bahay nang iparada ko na ang sasakyan mula sa harap. Kahit pigil na pigil ang nararamdaman ko ay hindi ko na pinahalata pa nang ilabas ko ang mga ngiti sa aking labi.
“Hindi mo kailangan mangamba, Leveste. Mahal ka niya at hindi ka niya ipagpapalit…” Hawak ko pa sa aking dibdib. Lumabas ako ng sasakyan nang dala-dala ko ang pasalubong ko rin sa kanila.
“See? Sabi ko naman sa ‘yo! Nagkakaintindihan tayo!” Rinig na rinig ko na ang boses ng kapatid ko nang makapasok ako sa loob. Pinagmasdan ko ang suot ko kumpara sa kapatid ko.
She’s wearing her pink sando at maikling short na bagay na bagay sa kaniya. Habang ako naman ay suot-suot ko ang isang dress. Bagay naman sa akin ito, pero bakit ang tingin nila sa akin ay parang manang? May asawa na ako at natural lang naman siguro sa akin na hindi na masyado magpaganda, hindi ba?
“Kaya nagtataka talaga ako sa ‘yo kung paano ka nahulog kay ate…” Iling-iling pa ng kapatid ko. Natikom ko ang aking bibig at kahit may sabihin man ako ngayon ay hindi ko na malabas sa bunganga ko.
“Nariyan na pala ikaw,” si Manang nang magsalita sa likod ko.
“Manang…” Nahihiya kong sambit kaya pagtingin ko kayla Weston ay nakatingin na rin sa gawi ko.
“Ohh… you’re here na pala , Ate.” Humarap din siya sa akin na para bang wala siyang nasabi na masakit na salita sa akin.
“O-oo… kakarating ko lang din.” Saka ko ibinigay ang kape kay manang. Lumapit sa akin si Weston nang halikan niya ang labi ko. Tinignan ko ang mga mata niyang nakatingin din sa akin.
“Ang ganda talaga ng asawa ko,” bulong niya sa tainga ko. Patago akong napangiti. Hindi dapat ako nag-iisip nang masama sa kapatid ko at kay Weston, dahil hindi naman iyon maganda. Alam ko kung gaano ako kamahal ni Weston na kahit kailan ay hindi niya ako kaya ipagpalit.
Naliwanagan ang dibdib ko sa tuwa nang maisip kong mali ang mga ibinibintang ko. Baka tama talaga ang sinabi ng kaibigan ko kanina…
“Huwag ka ngang ganiyan at nakikita ka ng kapatid ko.”Hampas ko sa kaniyang braso nang natawa na lamang siya. “Malaki na ang kapatid mo at hindi na ‘yan siya bata…” Inayos niya pa ang buhok ko sa aking tainga at saglit lamang nang halikan niya muli ang noo ko.
“Bumili ako ng gusto mong kape.” Turo ko pa sa dala-dala ni manang na ngayon ay inilagay niya sa maliit na table mula sa sala. “Thank you, baby…” Hinawakan niya ang kamay ko at ngayon ay papunta na sa sala.
Nadaanan namin ang kapatid ko na nakangiti lang sa amin.
“Sweet niyo naman…” bigkas niya na ikinatawa ko na lang at ni Weston.
“Hay nako… nagseselos ang bunso ko.” Pinuntahan ko si Anthonet at ibinigay sa kaniya ang binili kong kape. “One day ay makakahanap ka rin ng lalaking mamahalin ka nang higit pa sa buhay niya.” Kinuha niya sa aking kamay kape at natatawang tumungo sa akin.
“Ay! Sorry!” Nang buksan ni Anthonet ang kape ay tila natapunan ako ng kaunti sa aking braso. Hindi naman masyadong mainit pero ramdam ko ang lagkit.
“You okay?” Tanong sa akin ni Weston nang tignan ang braso ko. “Hindi naman mainit, Weston. Paabot na lang ako ng tissue,” utos ko nang gawin niya na lang iyon.
“Paano mo nauutusan ang isang Weston Archer, Ate? Sa ibang bansa ay kapag nautusan mo siya ay magagalit siya sa ‘yo.” Naniningkit pa ang kaniyang tingin sa akin na ikinatawa ko na lamang.
“Hindi ko rin alam. Siguro dahil mahal naming ang isa’t-isa.”
“Sure ka ba na mahal ka niya?”
Umangat ang tingin ko sa aking kapatid na ngayon ay nakangisi na sa akin.
“Ate, kung hindi ka magbabago? Hindi ka niya mamahalin tulad nang iniisip mo. Kapatid mo ako at gusto ko tulungan kita para hindi siya maagaw sa ‘yo.” Hawak-hawak ni Anthonet ang pisngi ko na ngayon ay himas-himas niya na ngayon.
“Look at you… hindi pa nga kayo nagkakaanak pero parang sampu na ang anak niyo.” Napalunok ako saglit sa narinig ko at sandali lamang nang dumating na si Weston na may hawak na towel na basa at pinunasan ang braso ko.
“Are you okay? May masakit ba sa ‘yo?” Tanong ni Weston sa akin nang hindi ko pa rin nilalayo ang tingin ko sa kapatid ko. “Baby?” sunod na tanong niya pa sa akin.
“Wala. Walang masakit sa akin.” Ramdam na ramdam ko ang tension ngayon sa aming tatlo. “Halika na… akyat na tayo at bibihisan kita.” Boses ni Weston, habang nakatingin pa rin ako sa kapatid ko.
“Archer! Tulungan mo naman ako. Gusto ko sana ilagay ang mga bags ko sa shelves kaso hindi ko abot.” Nguso pa niya sa asawa ko. “Tutulungan ko muna ang asawa ko, Anthonet,” sagot ni Weston.