MARTINA
Pagkatapos naming ihatid si Warren at ang nurse na nag-aalaga kay tatay ay bumalik kami sa loob ng bahay. Iniwan namin si Dr. Yohann sa loob habang may kausap ito sa cellphone.
Lihim kong tinitingnan ang pagngiti ni tatay sa gilid ko na ngayon ay kasabay kong umakyat sa pangalawang palapag ng bahay namin.
Hindi ko maintindihan kung bakit bigla ay ganoon ang naging reaksyon nito sa tuwing makikita nitong nagsasalitan kami ng tingin ni Dr. Yohann sa isa’t-isa.
Ayoko namang isipin nito na hindi ako interesado sa mga sinasabi nito kahit na alam kong mahirap minsa na may kasamang matalino at mataas ang pinag-aralan.
Kailangan kong gawin ang bagay na iyon para na rin hindi ko pinapahalagaan ang mga tinutulong at ginagawa niya para sa aming mag-ama. Iyon lang naman ang dahilan ko, wala ng iba.
Naabutan naming nakatalikod si Dr. Yohann at nakaharap ito sa bukas naming bintana habang patuloy itong may kausap sa cellphone. Muli akong napatingin kay tatay na ngayon ay nauna ng magbukas ng pinto at pumasok sa loob.
Hindi ko naman sinadyang maistorbo si Dr. Yohann sa pakikipag-usap nito pero iyon ang nangyari. Napalingon ito bigla ng marinig nito ang mga yapak namin ni tatay paakyat.
Saglit akong nahiya sa nangyari dahil naistorbo ang tawag nito sa ingay ng mga paa namin ni tatay kaya napayuko ako ng saglit na parang nanghihingi ng pasensiya sa nangyari.
Narinig ko na lang na sinabi nito sa kausap na magkita na lang ang dalawa bukas at saka nito pinatay ang tawag. Muli itong bumalik sa mesa na kinainan namin kanina.
“Oh hijo, naistorbo ba namin ni Martina ang tawag mo? Pasensiya ka na.” hinging paumanhin agad nito kay Dr. Yohann.
“Ayus lang po Manong Antonio, patapos na rin po ang pag-uusap namin ng bumalik kayo.”
Nakita kong tumango si tatay at saka ito uminom ng tubig sa basong gamit nito kanina pa.
Si Dr. Yohann naman ay bumalik muli sa pagkaka upo nito at saglit na tumangin sa akin.
“Araw-araw po pa lang hinahatid ni Warren si Martina dito sa bahay ninyo, Manong Antonio.” Nagulat ako sa tanong niya at saglit akong napatitig ng hindi oras sa kanya.
“Ah, oo. Buti nga at nagkaroon ng mabuting kaibigan itong si Martina ko. Buong buhay kasi niya ay ginugol na lang niya sa pagtratrabaho para lang mabuhay kaming mag-ama kaya halos wala na siyang oras para makihalubilo sa mga kaidaran niyang dalaga.”
“Tay…” awat ko sa kanya. Ayoko ng isipin pa ang nakaraan at kung ano ang mga pinagdaanan naming hirap na mag-ama na hanggang ngayon naman ay nararanasan naming dalawa.
Sapat na para sa akin magkasama kaming dalawa kahit na medyo mahirap ang buhay. Iyon naman ang palagi kong sinasabi sa sarili ko.
Hindi agad sumagot si Dr. Yohann sa huling sinabi ni tatay at inasahan kong iyon na ang pagtatapos ng usapan tungkol sa amin ni Warren pero nagkamali ako.
“Nangliligaw po ba si Warren sa anak nyo?” sunod na tanong ni Dr. Yohann na diretsong nakatingin sa akin. bigla akong namutla at kinabahan ng todo sa uri ng tingin na pinupukol niya sa akin ng mga oras na iyon.
Pakiramdam ko ay may mali akong ginawa sa buhay ko na hindi ko dapat ginawa at ikinagalit nito ng wala sa oras.
Malalim ang mga mata niya na mapupungay habang walang kurap na nakatunghay sa akin. Paano ba ako makakapagsalita at idepensa ang sarili ko kung ganito ang tingin niya sa akin?
“Hindi ako sigurado kung sinagot na ng anak ko si Warren pero nagpaalam naman sa akin ang batang iyon na kung maari ay maging higit pa sila sa magkaibigan ng anak ko. Ang sabi ko na lang sa kanya ay… si Martina ang magdedesisyon sa usaping iyon. Igagalang ko ang desisyon ng anak ko dahil may tiwala ako sa kanya.”
Napahawak ako sa katawan ng baso ng tubig na nasa tabi ko at walang ano-ano ay napainom ako ng wala sa oras. Hindi ko alam na ginawa iyon ni Warren kay tatay na ito pa mismo ang himingi ng permiso para sa aming dalawa.
Ang kaso lang ay hindi ko talaga maramdaman sa mga oras na ito na makakayang magmahal ng puso ko pero bigla ay pumapasok sa isipan ko ang imahe ni Dr. Yohann at doon ako napapatigil.
Wala sa isip ko ang magkaroon ng relasyon sa kahit kanino mang lalake dahil sa kalagayan namin ni tatay pero bakit kapag tumatakbo na si Dr. Yohann sa isip ko ay nag-iiba na ang mga plano kong iyon bigla-bigla?
Lumalakas ang kaba ng t***k ng puso ko sa tuwing naririnig ko siyang nagsasalita, at halos hindi ako makapagsalita sa tuwing nandyan siya sa tabi ko, malapit sa akin.
Aaminin kong hindi pamilyar ang ganoong pakiradam sa akin dahil sabi nga ni tatay, halos buong buhay ko ay ginugol ko sa paghahanap buhay para sa aming dalawa. Kaya kahit ang mag entertain ng manliligaw ay hindi ko nagawa dati pa.
Ngayon lang ako naging kumportable na may kaibigan sa katauhan ni Warren na isa pang lalake.
May mga iba akong kakilala pero hindi ko sila tinuring na malapit sa akin, hindi katulad ni Warren na kahit ilang buwan pa lang kaming magkakilala ay naging mabuti na ito sa akin at kay tatay.
Hindi ko narinig na sumagot pa si Dr. Yohann sa sinabi ni tatay kaya muli itong nagsalita.
“Pero kung sakaling sagutin ng anak kong ito si Warren ay talagang magiging masaya ako para sa kanilang dalawa, hijo.” Nakita kong sinulyapan ni Yohann si tatay dahil sa sinabi nito at saka madilim ang mukhang humarap sa mesa pagkatapos.
“Mabait kasi ang batang iyon at alam kong hindi niya sasaktan ang anak kong si Martina.” Pagpapatuloy pa ni tatay. Nawalan na talaga ako ng sasabihin dahil sa mga pinagsasabi ni tatay sa harap namin ni Dr. Yohann.
Kulang na lang ay magtago na ako sa kuwarto at hindi na magpakita sa mga ito. Kung nandito pa si Warren kasama namin ay malamang na hindi na ako nakahinga sa kinakaupuan ko ngayon.
“Ganoon po ba, baka naman may iba pang nakalaan sa anak ninyo Manong Antonio hindi pa lang alam ni Martina.”
Pareho kaming nagkatinginan ni tatay sa naging sagot ni Dr. Yohann pagkatapos. Natapos lang ang katahimikan sa paligid namin ng tumawa si tatay ng walang ano-ano.
“Kung mayroon man na nakalaan na iba sa anak ko at hindi si Warren, ang masasabi ko lang ay bilis-bilisan niya at baka mahuli siya. Daig ng maagap ang masipag.” May panunuksong sabi ni tatay. Pinamulahan na ako ng mukha dahil sa mga naging sagutan nilang dalawa at wala na akong nasabi kung hindi…
“Tay, tama na po. Nakakahiya kay Dr. Yohann.” Bawal ko sa kanya bago pa man ito muling nagsalita.
At sa huli ay narinig ko na lang na muling tumawa ng malakas si tatay kasabay ang madilim na mukha na nakikita ko ngayon kay Dr. Yohann.