Kabanata 16
Report
Sa paglipas ng mga araw, mas lalo akong nasasanay sa presensiya ni Eli. Naaalala ko noong kaming dalawa pa lamang ni Lola ang nakatira sa maliit na bahay na ito, halos araw-araw akong umiiyak dahil sa pananakit ng likuran ko. Sa umaga, mangingisda ako. Pagkauwi sa bahay, maglalaba, maglilinis at magsisibak ng kahoy. Kapag may natitirang oras pa, sumasama ako sa mga kapitbahay namin sa gubat upang manguha ng kayakas na gagawin namin ni Lola'ng pamaypay at sumbrero. Kinabukasan naman, kina Sela at Kuya Sergio naman ako sasama upang tumulong sa pag-aani nila ng gulay. O kung minsan naman, sumama ako kay Lola sa palengke upang magtinda.
Mas grabe pa nga ang naranasan ko noong nasa first year college ako. Halos tatlong oras na lamang ang tulog ko palagi dahil sa trabaho. Pagkaawas ko noon, kahit gabi na, sasama pa ako sa mga mangingisdang pumapalaot sa gabi. O kaya naman, pupuntahan ko iyong tinuturuan kong bata sa kabilang bayan. May ibang tutor na iyon ngayon kaya hindi na ako kailangan. Sabagay, isang subject lang naman kasi ang kaya kong ituro roon. Hindi katulad ng bago nilang kinuhang tutor na alam ata ang lahat ng subject sa mundo.
Napabuntong hininga na lamang ako habang nakatanaw sa tahimik na karagatan sa harapan ko. Tanghaling tapat at day-off ko ulit ngayon. Isang buwan na ang lumipas noong natagpuan ko si Eli sa dalampasigan. Mabuti nalang pala at ako ang nakakita sa kaniya roon. Kung hindi, hindi ako magkakaroon ng gwapo at maasikasong boyfriend. Oo, sinagot ko na siya. Hindi sa easy to get ako. Ayoko lang talagang patagalin pa ang panliligaw niya kung sa huli aalis din siya rito. Mas okay na 'yong ganito. Hindi naman ako nagsisisi. Tatanggapin ko rin kung ano ang maaaring mangyari.
"Apo, kanina ka pa rito sa labas. Mamaya uuwi iyong si Eli. Tuwang-tuwa si Bernard sa kaniya dahil masipag si Eli at mabilis pang matuto." kalmadong sambit ni Lola bago inilapag ang meryenda sa maliit na lamesang nasa harapan ko. Umupo siya sa tabi ko at nagpatuloy sa pagsasalita. "Mukha siyang isang displinado at responsableng lalaki. Hindi na ako magtataka kung bakit mo siya nagustuhan..."
Nakangiti kong nilingon si Lola. Iniangat ko ang dalawang kamay ko upang yakapin siya. Inamoy ko pa ang katawan niya dahil pakiramdam ko'y antagal namin bago nakapag-bonding ng kaming dalawa lang ulit.
"Salamat, Lola. Akala ko po magagalit kayo sa akin."
"Hmm, bakit naman ako magagalit sa 'yo, hija? Wala akong karapatan na bawalin ka sa taong gusto mo. Palagi akong nakasuporta sa 'yo." Lola smiled and hugged me back.
Masaya kaming kumain habang nagpapalipas ng oras sa bakuran. Hindi na ako sumama sa pangingisda kanina dahil medyo maagan naman kami sa budget ngayong buwan. Kakaunti lang naman ang appliances dito sa bahay kaya maliit lamang ang binayaran ko sa kuryente. Libre naman ang tubig at isa pa, tinatulungan ako ni Eli sa lahat ng bagay.
"Mahal na mahal kita, Lola... Sana makita niyo kung paano ako magtatagumpay sa buhay balang araw..." emosyonal kong sambit habang mahigpit pa rin ang yakap kay Lola. "Lola, gusto ko pong pumunta sa iba't ibang lugar ng kasama kayo. Gusto kong kayo mismo ang humawak ng diploma ko. Gusto ko pong kayo ang maglakad sa akin sa harap ng altar. Gusto ko pong... masaranasan ang lahat ng tagumpay kasama k-kayo..." halos mabasag na ang boses ko sa huling sa salita.
Masaganang luha ang dumaloy sa mga mata ko bago narinig ang mahinang pagtawa ni Lola. Kumalas ako sa katawan niya at umiiyak siyang tinitigan.
"Mangako kayo sa akin, Lola..." garalgal na sambit ko. "Mangako po kayo sa akin na... Nasa tabi ko kayo sa lahat ng tagumpay at pagsubok na mararanasan ko. M-mangako po kayo sa akin na..."
Hindi ko na nagawa pang tapusin ang pangungusap dahil sa biglaang paglabo ng mga mata ko dahil sa dami ng luhang dumaloy sa pisngi ko. Kinagat ko ang ibabang labi ko at nanginginig na ini-angat ang mga kamay upang punasan ang mukha kong luhaan.
Narinig ko ang pagbuntong hininga ni Lola. Tinulungan niya ako sa pagpupunas ng luha ko at hinaplos pa ng dahan-dahan ang mahaba kong buhok.
"Apo, bakit ka ba umiiyak? Ayokong nakikita kang umiiyak..." nag-aalalang sambit ni Lola.Sinubukan kong pigilan ang mga luha ko. Kinagat ko ang ibabang labi ko at paulit-ulit na suminghot. "Sorry, Lola.. Nadala lang po ako. Naging busy po ako sa trabaho ko. Miss ko na po kayo.. Hindi ko po alam kung bakit.. nasabi ko iyon. A-alam ko naman po na.. hindi niyo ako iiwan.."
Natawa si Lola habang pinagmamasdan ako. Wala pa ring tigil ang luha ko.
"Hija, pinalaki kitang matapang. Handa sa lahat ng bagay na posibleng mangyari... Ngunt huwag kang mag-aalala, ipinapangako kong nasa tabi mo lang ako sa lahat ng oras. Sa lahat ng tagumpay na matatanggap mo. Mahal na mahal kita, Apo."
Isa ang araw na iyon sa pinaka-emosyonal kong karanasan tuwing kami lamang ni Lola ang magka-usap. Pakiramdam ko'y hindi ko na kakayanin pang mabubuhay kung mawawala si Lola sa tabi ko. Siya na ang tumayong pamilya ko ng ilang taon, simulang magka-isip ako. Siya na ang naging, Ina ko, Ama, Kapatid at Guro. Kung wala siya, wala rin ako.
Masaya na sana ako, ngunit nang mapagtanto ko ang ilang pagbabago sa katawa ni Lola'y hindi na ako mapakali. Pumayat nga siya at naging matamlay ang itsura. Hindi naman ako pumapalya sa pagbili ng gamit niya sa bayan. Iyong pagpapa-check lang talaga sa Doktor ang ayaw ni Lola payagan na gawin ko. Sapat na raw kasi ang gamot at nangyayari lang daw iyon sa katawan niya dahil sa katandaan.
"Lola, may pera naman po tayo. Kahit isang beses lang po, papatingnan ka namin ni Eli sa ospital.. Sige na, Lola. Nag-aalala po ako." pangungulit ko kay Lola isang gabi.
Nakahiga na siya kama at natatakluban ng kumot ang kalahati ng katawan. Umiling siya sa akin at ngumiti. "Huwag na, Apo. Mag-aaksaya ka lamang ng panahon at pera. Ang mabuti pa'y ibili mo na lamang ako ng paborito kong prutas bukas."
Kahit anong pangungulit namin ni Eli kay Lola, ayaw niya talagang magpatingin sa ospital. Kaya ang ginawa ko, pinapunta ko si Doctor Guevarra sa bahay. Kahiya-hiya man dahil wala akong sapat na pambayad ay ginawa ko pa rin. Sinabi naman niya dati na may-pakialam siya sa mga pasiyente na walang pambayad hindi ba? Kahit madagdagan muli ang utang ko sa kaniya'y wala akong pakialam. Ang gusto ko lamang ay mapantag ang loob ko sa kalagayan ni Lola.
Nakahinga ako ng maluwag nang ideklara ng Doctor na maayos naman daw si Lola. Kulang lang daw sa pahinga at kain. Tumango ako nagpasalamat sa kabutihan ng Doctor. Nangako ako na babayaran ko na ang natitira ko pang mga utang sa kaniya.
Pinalipas ko ang mga araw nang may magaang kalooban. Pagkatapos ko sa trabaho ko sa Hotel, hindi na ako pumapayag sa alok sa akin ni Miss Carol o ng kahit sinong manager doon na mag-over time. Diretso kaagad ako pagka-uwi. Sina Sela at Ophelia naman ay hindi. Nag-o-over time silang dalawa. Ang dahilan ni Sela ay dahil may gusto raw siyang pag-ipunan. Si Ophelia naman ay gustong mag-aral sa isang private school sa Maynila. Walang pera ang mga magulang niya kaya, kailangan niyang mag-ipon. Ipinaalam ko sa kanila ang kalagayan ni Lola kaya bumibisita naman si minsan.
"Era! Baka gusto mong sumama sa akin pagka-out mo. Mag i-scuba diving ako malapit sa Isla niyo." masayang aya sa akin ni Zach.
Abala ako sa paglalapag ng pagkaing inorder niya sa lamesa. Magulo ang buhok niya at halatang kakagising lamang.
Nito ko lang din nalaman na kamag-anak pala niya ang may-ari nitong Hotel kaya madalas ko siyang makita rito. Pagala-gala. Isang buwan na siya rito at hindi ko alam kung may plano ba siyang umalis. Inisip ko nalang na baka uubusin niya ang buong summer vacation niya sa Hotel na ito.
Mabuti naman siyang tao, noong nakaraan, may isang lasing na customer ang nambastos sa akin rito. Ipinag-tanggol niya ako sa bastos na lalaking iyon. Sobrang laking kahihiyan para sa akin ng gabing iyon. Mabuti na lamang at hindi ako nasisante. Iniisip ko kung may kinalaman ba itong si Zach sa bagay na iyon.
Magaan na ang loob ko sa kaniya dahil hindi naman siya masamang tao. Nagkakabiruan na kami ngunit minsan lang. Nitong sumunod na buwan kasi'y mas dumagsa ang tao rito sa Hotel. Pasalamat nalang ako at nag-hire pa ulit ng ilan pang empleyado.
"Hindi na, Zach. Kailangan kong umuwi ng maaga sa bahay." ngumiti ako sa kaniya.Ngumuso naman ito habang pinagmamasdan ang pagkaing inihanda ko. "Hmm, lagi mo nalang ako tinatanggihan ha. Ang boring tuloy ng buong bakasyon ko rito."
Natawa ako sa sinabi niya. "Sana kasi nagsama ka ng barkada o kahit.. girlfriend.."
"I don't have a girlfriend."
Natigilan ako ngunit nang makabawi'y agad ring tumango. "Ah, ganoon ba. Pasensiya na, hindi ko alam."
"Gusto ko kasi sana ikaw, kaso lang.. Hindi kana pwede." nakasimangot niyang kinuha ang isang tasa ng kape at sumimsim roon.
Natawa ulit ako dahil sa itsura niya. Hindi pa rin talaga ako makapaniwala na may gusto siya sa akin. Iyon pala ang dahilan ng ilang kilos niya noon. Palagi ko pa siyang sinusungitan noon. Hindi ko maipaliwanag ang itsura niya noong dumalaw siya sa bahay isang araw at naabutan niya kami ni Eli na magka-yakap. Doon palang, alam niya na kung ano kami ni Eli.
"Marami akong kaibigan rito sa Isla, Zach. Pwede kitang ireto."
"Kung kamukha mo.. Sige, payag ako." nagkibit siya ng balikat at sumimsim ulit ng kape.
"Wala akong kapatid, e. Kaibigan marami."
Wala nga ba akong kapatid? Natawa ako sa isiping iyon. Posible ngang wala ngunit posible ring mayroon. Ewan, hindi ko alam.
Bago matapos ang trabaho ko ng araw na iyon, nagulat ako nang ipatawag ako ni Miss Darcy sa office niya. Masyado yata siyang naging busy nitong mga nakaraang linggo dahil hindi ko siya gaanong nakikita. Pagkapasok ko sa office niya, ngitian niya agad ako at inanyayahang umupo sa kaharap na silya. Gano'n pa rin naman ang itsura niya. Nakasuot siya ng business attire at nakatali ng mataas ang maalon niyang buhok. Nakasuot rin siyang specs habang maraming papeles ang nakalagay sa kaniyang lamesa. Halatang busy nga siya.
"Bakit niyo po ako ipinatawag, Miss?" inosenteng tanong ko.
Binigyan niya muna ako ng isang makahulugang ngiti bago nagpakawala ng isang malalim na buntong hininga. Inayos niya ang specs na suot niya at may kung anong hinahap na papeles sa lamesa niya. Mukha siyang tensyonado kaya kinabahan tuloy ako. Lumunok ako at napaayos ng upo.
"Uhh, I'm really sorry, Era. I know magagalit ka sa akin dahil dito... Napansin mo sigurong madalas akong wala, 'di ba?" naiilang niya akong nginitian, hawak na ang isang manipis na mga papel na sa tingin ko'y may lima o sampung pahina.
"Ayos lang naman po kung wala kayo rito minsan, Miss. Magaan naman po ang trabaho at naiintindihan ko po kasi may sarili rin kayong buhay sa--"
"No. Hindi iyon ang inihihingi ko ng tawad sa 'yo..."
Kumunot ang noo ko. "E, a-ano po pala? Huwag niyo pong sabihing... sisisantehin niyo na ako sa trabaho ko? Huwag naman po, Miss..."
"I will not fire you, Era.." mahinahon niyang sabi bagong inilapag ang papel na hawak niya. "Ipinatawag kita dahil diyan... Alam kong magagalit ka dahil sa pakikialam ko sa buhay mo pero... Hindi ko na naipagilan ang sarili ko.. Sorry talaga..."
Salubong ang kilay kong kinuha ang papel na nasa harapan. Binasa ko iyon at mabilis na nalito sa mga salitang nakasulat roon. Nakatala roon ang isang balita ilang taon na nakakalipas kung saan isang sanggol ang kinidnap.
Napapitlag si Miss Darcy nang balingan ko siya. Tipid niya akong ngitian ngunit nanatiling salubong kilay ko. Wala naiintindihan sa binasa.
"Ano po ang tungkol dito, Miss? Bakit niyo ipinapakita sa akin ito?" naguguluhan kong tanong.She sigh heavily. "Wala ka man lang bang... Naramdaman o napansin sa report na iyan, Era? Isang batang sanggol ang kinidnap years ago... sa isang ospital."
Nanlamig ang mga kamay ko. Hindi ko na namalayang nalukot ko na pala iyong report na hawak ko.
My lips twitched. "A-ano pong ibig niyong sabihin, Miss?"
"Hanggang ngayon, hindi pa rin natatagpuan ang sanggol na kinidnap noon. Ang sabi pa diyan.. Eighteen years nang nawawala iyong bata. B-baka kaedaran mo na iyon kung sakaling buhay p-pa..." halos gawin niyang pabulong ang pagkakabanggit sa mga huling salita.
"B-baka nga po. Sana matagpuan na 'yung bata." sambit ko at ambang tatayo na ngunit hinigit ako ni Miss Darcy. "Kailangan ko nang umuwi, Miss. Isasama ko nalang mamaya sa prayers ko iyang nawawalang bata sa report. Hinihintay po ako ng Lola ko."
Nakangiwing umiling si Miss Darcy. "Era, you don't understand. What I'm trying to say is.. baka ikaw 'yung batang nasa report na 'to. Pwede kong ipakita sa iyo 'yung picture ng parents baka sakaling--"
"Hindi po ako interesado. U-uuwi na po ako." kinabahang sambit ko.
"Era.. Please, pakinggan mo muna lahat ng sasabihin ko. Pasensiya na kung pinangunahan kita kahit na wala akong karapatan na panghimasukan ang buhay mo pero.. I just want to help you... Pakinggan mo muna lahat ng impormasyong nakalap ko, please.." pagpupumilit niya.
Sobrang nanlalamig na ang buong katawan ko, samahan pa ng aircon dito sa opisina niya. Ang kamay ko'y nanginginig na. Para akong nabingin sa lahat ng sinasabi ni Miss Darcy. Kahit na naku-curious rin ako sa impormasyong alam niya'y kaba ang dumadaloy sa buong sistema ko dahilan para ayawan ko ang iba pang detalye.
Kung ako nga ang kinidnap tulad ng nasa report.. Sino naman ang kidnapper? Ayokong maniwala sa kahit na ano pang sasabihin niya ngunit pipilitin kong makinig. Isang maling desisyon ang ipaalam sa kaniya ang tungkol sa pribadong parte ng buhay ko.
Bakit niya nga ba ito ginagawa? Hindi ako naniniwalang parang tulungan ako. Ayokong maniwala sa kaniya. Hinding-hindi ako maniniwala sa kahit na anong sasabihin niya.
_________________