CHAPTER 1

1010 Words
Ang Sulat Mula sa Patay Written by: Lheanne Roxas 𝐊𝐚𝐛𝐚𝐧𝐚𝐭𝐚 𝟏 --- *3:42 ng umaga. Hidalgo, Quiapo.* Umuulan. Hindi yung ulan na naghuhugas ng dumi. Yung ulan na parang galit, malamig, at pilit. Tumutulo ito sa bubong ng bahay ng mga Monquez, sumasabay sa ingay ng paghuhugas ko ng plato. “Bilisan mo! Gusto mo ba akong magising na galit?” Si Tita Lourdes. Gising na naman. “Po, opo,” sagot ko, kahit wala naman siyang nakikita. Sanay na. Ako si Kira Monquez. 18 years old. Top 1 sa St. Benedict’s Academy. Sa school, matalino ako. Sa bahay na ‘to, isa lang akong kagamitan na may dalawang kamay at paa. Ang kama ko? Banig sa tabi ng ref. Walang kwarto. Sabi ni Tiyo Renato, “Bakit ka pa gagastusan ng kwarto? Dyan ka rin naman matutulog pag patay na kami.” Tumawa siya nung sinabi niya ‘yon. Hindi ako. Habang naghuhugas, sumilip ako sa bintana. Sa tapat, ang Mansyon de Vellin. Sampung taon nang nasunog. Sabi ng mga kapitbahay, may pamilyang namatay sa loob. Sabi ng mga bata, gumagalaw daw ang kurtina sa gabi. Ako lang ang nakakakita na hindi kurtina ang gumagalaw. Daliri. Isang daliring nakakapit sa bintana, parang humihingi ng tulong. “Gising ka pa rin?” Biglang sumulpot si Tita Lourdes sa likod ko. Basang-basa ng suka ang damit ko dahil sa pagkagulat. “Pasensya na po,” bulong ko. “Tatapusin ko na po ‘to.” Tinitigan niya ako, parang sinusuri kung nagsisinungaling ako. “Pagkatapos niyan, gisingin mo si Renato. Gusto niya ng kape. Kung malamig ang kape, ikaw ang sisisihin ko.” Umalis siya, at narinig ko ang pagmumura niya papunta sa kwarto. Tumayo ako. Balak ko nang magtimpla ng kape. Pero may kumatok. Tatlong beses. Dahan-dahan. Sa likod mismo ng bahay. Dito lang ako nakakarinig. Bawal lumabas ng gabi. ‘Yan ang lagi nilang sinasabi. Pero mas nakakatakot ang nasa loob. Dahan-dahan akong lumapit sa maliit na bintana sa likod. Sa labas, nakatayo ang isang lalaki. Basang-basa, nanginginig, at may hawak na envelope na kulay dilaw. Ang edad niya siguro 30. Pero ang mukha niya… Wala siyang mata. Puro wire ang nakabalot sa buong mukha, parang tinahi ng kamay na galit. Napaatras ako. Pero nagsalita siya bago ko maisara ang bintana. “Kira Monquez?” Boses na parang galing sa ilalim ng lupa. Basag. Pilit. Paano niya alam pangalan ko? “Galing ako sa Baguio,” sabi niya. “Pinapadala ‘to ng nanay mo.” Nanlamig ako. Patay na ang nanay ko. Limang taon na. Na-aksidente daw ito sa probinsya. “Nagsisinungaling ka,” bulong ko. Ang lalaki ngumiti. Hindi ito ngiti ng ginhawa. Ngiti ito ng taong alam niyang mamamatay na. “Basahin mo bago mag-umaga. At huwag mong ipakita kay Renato.” Ibinato niya ang envelope. Hindi nakarating. Nahulog sa kanal. “Hey!” Inabot ko ito. Nang mahawakan ko, biglang umilaw ang buong likod bahay. Hindi ilaw ng poste. Ilaw na galing sa ilalim ng lupa. At sa ilalim ng ilaw na ‘yon, nakita ko ang totoo niyang mukha. Ang wire gumagalaw. Parang buhay. “Bumalik ka sa Mansyon de Vellin,” bulong niya. “Bago ka ang susunod.” Tumili ako. Nabuksan ang pinto ng kusina. Si Tiyo Renato, nakatayo doon. Nakatupi ang sinturon sa kamay niya. “Sino kausap mo, demonyita?” sigaw niya. Lumingon ako. Wala na ang lalaki. Wala na ang ilaw. Naiwan lang ang envelope sa kamay ko, basa, at may amoy na hindi ko maipangalan. Amoy ng lumang dugo at uling. “Bakit ka sumisigaw?” tanong ni Tiyo Renato, hakbang papalapit. “W-wala po,” utal ko. “Nag-drop lang po ako ng plato.” Sinipa niya ang paa ko. Hindi malakas. Sapat lang para masaktan at manahimik. “Maglinis ka. Ngayon din.” Tumango ako. Pinulot ko ang envelope at itinago sa ilalim ng damit ko bago pa niya ito makita. Pagkaalis niya, binuksan ko ito. Sa loob, isang litrato. Nanay ko. Nakatayo sa harap ng Mansyon de Vellin. Nakangiti. Pero sa likod niya, may anino. Walang mukha. Ang kamay nito nakahawak sa balikat niya, parang ayaw siyang pakawalan. Sa ilalim ng litrato, sulat kamay: _Anak, kung nababasa mo ‘to, buhay pa ako. Huwag kang maniwala na aksidente ang nangyari sa akin. Huwag kang magtiwala kay Renato at Lourdes. Hanapin mo ang Pangatlong Pintuan. At huwag mong buksan nang mag-isa._ Sa likod ng papel, isang pangalan sa pulang tinta: *𝐄𝐥𝐢𝐚𝐬 𝐕𝐞𝐥𝐥𝐢𝐧.* --- *6:00 ng umaga. St. Benedict’s Academy.* Hindi ako nakatulog. Nakaupo ako sa klase, nakatingin sa bintana, hawak ang litrato sa loob ng notebook ko. Ang utak ko nasa Mansyon de Vellin. Sa Pangatlong Pintuan. Sa tao'ng nag ngangalan ng Elias Vellin. Sa nanay ko na sinasabing buhay pa. “Miss Monquez?” Si Ma’am Delgado. Calculus teacher. “Nasa planet Mars ka ba? Sagutin mo ‘to.” Tumayo ako. Sinagot ko ang problema sa pisara nang hindi tumitingin. Tama. Laging tama. “Very good,” sabi niya. “Umupo ka na. Yung iba, matuto kayo kay Kira.” Umupo ako. Pinunasan ko ang pawis sa noo ko. Pag-upo ko, may umupo sa tabi ko. Bagong transfer student. Mataas. Tahimik. May peklat sa kaliwang kamay. Peklat na parang sugat ng wire. “Hi,” sabi niya. Boses na parang pamilyar. Parang narinig ko na sa panaginip. “Ako si Elias.” 𝐄𝐥𝐢𝐚𝐬 𝐕𝐞𝐥𝐥𝐢𝐧. Hindi ko alam kung bakit, pero tumigil ang buong mundo ko sa isang segundo. Tiningnan ko ang kamay niya. Ang peklat. Tiningnan ko ang litrato sa notebook ko. Tumingala ako. Sa labas ng bintana, sa tapat ng school, ang Mansyon de Vellin. At sa bintana nito, gumalaw ang kurtina. Hindi kurtina. Daliri. “May kilala ka ba sa pangalang ‘yon?” tanong ni Elias, mahina lang. Para sa akin lang. Hindi ako sumagot. Pero sa loob ko, may bumubulong: _Kira. Kira. Kira._ At sa pagkakataong ‘yon, alam ko. Hindi na ako ligtas. Ang misteryo nagsimula na. At ang lalaking nasa tabi ko… ay parte nito. • • •
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD