Chapter 12

1696 Words
Chapter 12  Angel Gabriel Kinakapos ang aking hininga. Putol-putol at nakakapanghina. Kahit na bukas na bukas ang cafeteria ay parang pinapasok ang aking buong katawan sa isang malaking plastic para maubusan ng hangin. Kahit anong gawin kong paghinga ay hindi ko maabot na parang isang isdang nawala sa tubig. “Ana! Anong nangyayari?!” sigaw ni Gabriel habang hawak ako. Sinusubukan kong tipirin ang paghinga ngunit mas lalo lang lumala nang maramdaman ang paninimula ng sakit na nag-uumpisa sa dulo ng aking mga daliri. Paakyat nang paakyat ang sakit, sumisikip ang aking balat at lalong namumuti. Ang umaatikabong sakit ay bumalot sa aking buong katawan kasabay ng kawalan ng hangin. Napahawak ako sa leeg, pilit na pinipigilan ang pagsabog ng sakit sa aking dibdib. Nagdidilim na ang paningin ko pero kahit ilang minuto na ang lumipas ay para bang walang katapusan ang sakit. “Ana! Ana! Ano ba?!” Niyugyog ako ni Gabriel na hindi rin alam ang gagawin. Pilit niyang tinitingnan ang aking nahihirapang itsura at nang walang makuhang sagot ay tumingin sa paligid na para bang maaari siyang makakuha ng tulong kahit na pareho kaming patay sa mundo. Sobrang sikip ng aking balat hanggang sa unti-unti nang nawawalan ng kulay at nangingitim. Walang hangin. Ubos at kapos ang paghinga. Walang katapusang sakit na para bang sinisilaban ang buo kong katawan. “Nurse Colby! Pasyente mo ang nasa second floor, hindi ba? Iyong comatose?” anang isang doktor sa dumaan na si Nurse Colby. “Oo. Si Miss Resurreccion nga. Anong nangyari?!” Bago pa man makasagot ang doktor ay patakbo nang inakyat ni Nurse Colby ang mga hagdanan. “Nag-code blue! Nire-revive na ngayon!” sigaw ng doktor. Ang aking kasunod na naramdaman ay ang umaatikabong init na mabilis na kumakalat sa aking katawan. Bawat kapos kong paghinga ay mas lalong nakakapagliyab sa nagbabagang apoy. Mula loob hanggang labas ay para akong sinisilaban. Malakas na napamura si Gabriel. Hawak pa rin ako nang tumayo ito nang maayos. Nakapwesto ang kaniyang likod at inuunat ang gulugod. Mabilis ang hagupit ng hangin sa aking balat. Tumataas ang buo kong balahibo sa pinaghalong init ng katawan at sa lamig na nanggagaling kay Gabriel. Isang pikit lang ang aking nagawa nang pumatak ang segundong pagbukas ko ng mga mata ay nasa kwarto na kami ng aking naghihingalong katawan. Para akong nakalanghap ng hangin sa unang pagkakataon. Binukas ko ang bibig para mas maraming malanghap, ang init at sakit ay unti-unti na ring naiibsan. Napapikit ako sa ginhawa. Maingat akong binaba ni Gabriel sa sahig. Unti-unti akong tumayo mula sa pagkakaluhod, tinitingnan ang kaguluhan sa loob ng aking kwarto na mahigit tatlong buwan nang tahimik. Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa akin kanina ngunit habang pinagmamasdan ang katawan ko ngayon ay parang mas malala pa kahit na hindi ko naman nararamdaman. Ilang mga doctor at nurse ang nakapalibot sa aking katawan. Wala na ang aking hospital gown at nakalihis ang ibang tubo. Si Nurse Monica ay sinusunod ang mga utos ng doktor sa ginagawa niya sa aking CPR. Kamay sa aking dibdib at paulit-ulit na dinadampaan. Sa kabilang gilid naman ay alisto ang mga nurse habang mino-monitor ang mga makina. “Nurse Monica!” Napaawang ang bibig ni Nurse Colby na ngayon pa lang nakapasok ng kwarto. Pagkatapos ng ilang instructions ay naroon na rin siya sa paanan ng aking kama. Magulo ang mga tao sa kwarto. Lahat ay tulong-tulong dahil taas-baba ang aking katawan sa maiging pagdadampa ni Nurse Monica. Lumilipad ang kabi-kabilang utos ng mga doktor. “Ana…. Anong nangyayari…” gulantang si Gabriel habang nakatingin sa aking mga kamay. Nang tingnan ko ang mga ito ay hindi pa rin tumitigil ang pangingitim. Parang unti-unting nagiging katekstura ng tubig ang aking balat ngunit sa halip na walang kulay o asul ay mariing itim.  Nagkatinginan kami ni Gabriel sa gitna ng kaguluhan. Pabaling-baling ang tingin niya sa akin at sa natutulog na si Anastasia, balisang-balisa at hindi na alam ang gagawin. “G-Gabriel. Natatakot ako. Gabriel…” Lumaki ang mga mata ko na balot ng gulat at takot. Napalunok ito at umiling. Nagtungo si Gabriel sa dulo ng aking kama at naging parte na ngayon ng nakapalibot na mga doktor at nurse. Umayos ito ng tayo at hingal na hingal ang dibdib habang pinanonood ang katawan kong paulit-ulit na kinakabog sa dibdib ngunit hindi magising-gising. “Ana! Tama na! Gumising ka na!” buong lakas niyang sigaw sa natutulog kong katawan. Nang lingunin niya ako ay punong-puno ng determinasyon ang kaniyang mga mata. Sobrang lakas ng pwersang nanggagaling doon at ang kaniyang matinding pagsigaw ay nagpapataas sa aking mga balahibo. Nilingon niya ang makinang pabilis nang pabilis ang tunog, paakyat nang paakyat ang presyon. Muli nitong hinarap ang nag-aagaw buhay kong katawan. “Ana, gising!” muli niyang sigaw. Pumintig ang mga ilaw at nanginig ang sahig. “Anastasia!” Nang maramdaman ko ulit ang pagbagal ng oras ay pilit kong hinanap kung nasaan si Gabriel. Nawalan ng tunog ang maingay na pagmamando ng mga doktor, ang matinis na tunog ng makina at ang aking mga paghinga. Napatingin ako sa kamay na binabalot ng itim. Bumilis ang oras nang biglang mamatay ang ilaw sa kwarto. Nagkagulo lalo. Nang bumukas ang ilaw ay nagsimula nang umuga ang mga aparato. Nawawala si Gabriel. Pabaling-baling ang mukha ko sa kung saan para hanapin ito sa kabila ng mga doktor na napapahawak sa aking kama dahil sa panginginig ng buong kwarto. Humangin nang sobrang lakas. Kusang bumukas ang malalaking bintana at pinapasok ng hangin. Papintig-pintig ang ilaw sa buong kwarto. Mabigat ang tensyon ng ere dahil sa nagbabayadyang sakuna.  Lumagapak ang isang kidlat na sinundan ng isang malakas na kulog. Naroon si Gabriel sa gitna ng nagdidilim na langit, bukas na bukas at pumapagaspas ang napakalaking puting pakpak. Umiilaw ng ginto ang galit na galit nitong mga mata. Muling kumidlat at kumulog. Dumaloy ang kuryente sa kaniyang mga kamay, sa kaniyang mga binti at leeg. “Gabriel!” malakas kong sigaw. Sa aking likuran ay ang mga doktor at nurse na pilit pa rin akong binubuhay kahit na patay-sindi ang ilaw at nanginginig ang buong palapag. Nag-aagaw buhay pa rin si Anastasia. Muling kumidlat nang sobrang liwanag. Nilingon ko si Gabriel na sapo na sa mga kamay ang kuryenteng ito at ang gamit ang buong lakas ay pinagtama ang dalawang kamay. Umabot ang malakas na kidlat at hangin sa kwarto. Umiwas ang mga nurse sa pagtama ng malakas na pwersang dumaloy sa buong katawan ni Anastacia Resurreccion. Isa… dalawa… tatlong sunod-sunod na kalmadong tunog ng makina. “Stable,” bulong ng isang nurse sabay tingin sa aking katawan. Sa isang iglap lang ay luminis ang madilim na langit. Umaliwalas ang himpapawid sa pag-alis ng makakapal na mga ulap. Kahit ang kulog at kidlay ay tuluyan nang lumisan. Suminag ang araw, umayos ang mga ilaw at huminto ang panginginig ng lupa. Napaawang ang aking bibig nang makita si Gabriel na napapikit sa ere. Tumigil ang mga pagaspas ng kaniyang malaking pakpak at bumubulusok pababa. Isa itong anghel na malalaglag sa lupa. “Gabriel!” pigil-hininga kong sigaw, dinudungaw ang mga bintana sa kaniyang pagkahulog. Bago tuluyang bumagsak sa kalsadang puno ng mga sasakyan ay biglang umunat ang kaniyang mga pakpak. Nakita ko ang kaniyang landing sa ibabaw ng isang monumento. Napapikit akong mariin at napaluhod sa sahig. “I am efas! Yes to ligtas points!” malakas niyang sigaw mula sa ibaba. Malakas ang aking buntong hiningang pinakawalan. Ilang saglit lang ay parang walang nangyari sa aking katawan. Mahimbing na naman natutulog na si Anastasia Resurreccion sa gitna ng kwartong wala ng mga doctor at nurse. Parang walang nangyaring pag-aagaw buhay. Ang tanging tahimik na ugong ng aircon ang nanaig sa buong kwarto. “Ako si Gabriel, ang mensaherong anghel. Galing ako sa itaas at may dala akong mensahe.” Pumasok si Gabriel, wala na ang dambuhalang pakpak at tanging ang puting t-shirt na lang ang kumakapit sa likod. Hindi ko mapigilang hindi mapatingin doon habang nakatayo sa harapan ni Anastasia. Napansin kaagad ni Gabriel at umasim ang mukha. “Nasaan ang pakpak mo? Paanong nagkasya sa damit mo?” Tumagilid ang ulo ko. “Pwede ba, Ana? Huwag mo na ngang hanapin ang pakpak ko. Nakakahiya!” “Nakakahiya?” Sumimangot si Gabriel. Nang muli kong silipin ang likuran niya ay umasim ulit ang kaniyang mukha sabay tayo sa gilid. Napanguso ako. Hindi pa rin ako makapaniwalang anghel nga si Gabriel! “Bawal makita ‘yon. Bold ‘yon!” irap niya sa akin. “Bold?” “Ah, basta! May mensahe ako. Makinig ka muna.” Kaya pala lagi siyang inuutusan ng mga kapatid niya dahil siya si Gabriel, ang mensaherong anghel. Hindi lang mensahe pero mga laundry at fresh milk din ay pwede! Parang delivery man! “Mamamatay ka na kung tatanggalin ang makinang nakakabit sa katawan mo. Sa madaling sabi, patay ka na nga talaga kung wala ang life support,” paliwanag niya katulad ng mga sinabi ng doktor kanina nang ipatawag ang aking Tito Craig na siyang malapit na kamag-anak na naririto ngayon sa Santiago. Tinuro ni Gabriel ang aking kamay. “Ganiyan ang mangyayari sa’yo kapag trip kong hugutin ‘yon kaya makinig kang mabuti!" Ang maitim na marka sa aking balat ang iniwan ng p*******t ng katawan ko kanina. Inikot-ikot ko ang kamay. Para na rin akong nasunugan. Tumikhim si Gabriel at muling nagseryoso ang mukha. “Kapag namatay na si Anastasia Resurreccion, ang kaniyang kaluluwang naiwan sa mundo ay mananatili at mananatali lang sa mundong ibabaw at hindi na makakaalis pa. Pero!” Itinaas niya ang hintuturo. “May dalawang pagpipilian para sa kaniya. Ang una…” Nagsimula nang maglakad si Gabriel sa kwarto. Nanatili lang akong nakatayo. “Maaari kong buhayin ulit si Anastasia Resurreccion katulad ng ginawa ko sa kaniya kanina sa pahintulot ng nasa itaas sa kundisyong buburahin ko ang lahat ng kaniyang memorya. Walang maaalala si Anastasia Resurreccion kahit pa ang pangalan niyang Anastasia Resurreccion. Ang kaniyang pamilya, ang kaniyang mga kaibigan at ang mga alaala noong isa pa lang siyang kaluluwa. Ang pangalawa…” Nang sabihin ni Gabriel ang panghuling parte ay hindi na ito makatingin sa akin. Naghintay na lang ako ng aking pangalawang opsyon. “Ako mismo ang maghahatid kay Anastasia Resurreccion at papatawirin sa kabila sa kundisyong alam niya ang buong detalye ng kaniyang pagkamatay. Saan, sino at ano ang mga sangkot sa pangyayari. Kailan ang buong petsa. Buwan, araw at taon.” Napahinto si Gabriel sa paglalakad, ang seryosong mukha ay naglalaho na. “Gets mo ba? Ha? Gets mo?” Dinungaw niya ako kaya naman napaatras ako kaagad. “Medyo….” Napakamot ako sa ulo. “Ang tagal ko pang nag-memorize tapos medyo lang ang sagot mo?!” Napanguso ako, inaalala ang kaniyang dalawang pagpipiliin at ang mga kundisyon nito. Napatingin ulit ako sa kamay na nangingitim pa rin sabay angat ng tingin sa aking natutulog na katawan. “Ikaw ba si Angel Gabriel?” takang-taka kong tanong.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD