Chapter 13

1702 Words
Chapter 13 Apo "Gusto kong tumawid, Gabriel." Halos mabitawan nito ang kinakain na ice cream nang lingunin ako. Muntik pa itong malaglag sa bench dahil sa gulat. Humalukipkip ako. "Papatayin mo naman ako sa gulat! E, kung hugutin ko kaya 'yung ventilator mo?!" Tumayo nang maayos si Gabriel bago umupo ulit sa bench. Tahimik sa pasilyong nakapaikot sa bukas na garden. Sapat lang ang nalalanghap na hangin at ang natatanaw na mga bulaklak para hindi masyadong kulob. Mataas ang tirik ng araw pero sa mga bench na nakasandal sa pader ay tama lang ang silong. Mula rito, tanging ang mga nagri-ring na telepono sa nurse station at ilang mga bulong ng pag-uusap lang ang nakakarating. Nilingon ko ang cafeteria kung saan nag-aaway na naman sina Aling Marie at Manong Romeo. Bumaba ang tingin ko sa hawak na ice cream ni Gabriel. "Kumuha ka na nga kaninang umaga! Hindi mo pa rin napigilan ang sarili mo ngayon?! Magka-diabetes ka sana!" bulyaw ni Aling Marie sa gilid. Parang walang naririnig si Gabriel na panay ang dila sa ice cream habang nakaupo, magka-krus ang mga paa na parang number four at sumisingkit ang mga mata sa tinatanaw na garden. "Gusto kong tumawid," pag-uulit ko. "Tumawid saan? Sa kalsada? Alam mo ba 'yung pedestrian?" Umiling ako. "Matagal kong pinag-isipan ang mga option ko. Pinipili ko ang pangalawa. Ang pagtawid as kundisyong---" "Dapat alam mo ang dahilan kung bakit ka namatay," putol niya sabay kulot ng ilong. "Iyon nga ang problema mo, e. Hindi mo alam kung bakit! Ang kulit mo naman!" "Aalamin ko kung paano," determinado kong sagot. Katulad ng sinabi ko, matagal kong pinag-isipan ang desisyon ko. Inisip kong mabuti. At sa mahigit tatlong buwan kong pamamalagi sa ospital bilang isang ligaw na kaluluwa, alam kong matagal na akong naghihintay sa wala. Ito na ang pagkakataon ko para angkinin ang isang bagay na matagal ko nang gusto pero ngayon lang ibinigay. Gusto ko at gusto ng natutulog na si Anastasia Resurreccion na gumising pero papunta na sa kabila. Gusto ko nang matahimik. Gusto ko nang makita sina Mama at Papa, si Adam at Abby. Kumunot ang noo ni Gabriel. "Bakit ayaw mo ang unang pagpipilian? Ayaw mo bang mabuhay ulit? Hindi ba iyon ang kadalasang kasunduang ginagawa ng mga tao kapag humihiling kay Boss Amo?" Tinuro ni Gabriel ang langit. "May mga taong gusto pang mabuhay, Gabriel. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay buhay ang solusyon. Sa isang punto ay kailangan din naming huminto at makuntento." Kagaya ni Lola Aida. "Ayaw mo bang lumaban, Ana?" bulong niya. Napayuko ako. "Dahil kapag hinatid kita sa tawiran ay wala ng exit. Hindi 'yon katulad ng mall na pwedeng pumasok ka tapos lalabas ka rin kasi uuwi ka na. One-way ticket lang 'yon." "Bakit ikaw? Pwede kahit kailan?" "Malamang! Anghel ako, e! Gamit din ng common sense, ate girl." Kahit ayaw ko ay unti-unti akong napangiti. Ang dinidilaang ice cream ni Gabriel ay napabayaan nang tumutulo sa sahig. Tiyak na magagalit na naman si Manong Romeo. "Ano ang itsura ng langit, Gabriel?" Lumaki ang mga mata ng anghel pero bumalik ulit sa pagkakakunot-noo. Mas lalo akong napangiti. Umirap ito sa hangin sabay itsa ng ice cream sa trashcan na ilang metro ang layo. Shoot agad. "Try mo mag-search sa Google. Sure akong puro pera iyon. Baka may picture din ako na nasa bathtub na puno ng mga ginto pero naliligo." Sumimangot ako. Ngumiwi lalo si Gabriel. "Ah, basta! Ayokong sabihin! Mamaya kidlatan ako rito! Mensahero ako, hindi tanungan ng langit. Kayo talagang mga tao, ang hilig-hilig niyong magtanong ng ganiyan. Ano bang mapapala niyo kapag nalaman niyo? Yayaman ba kayo? Para saan ba na malalaman niyo ang itsura ng langit?" Napanguso ako. "Pwede na nga kayong gumawa ng fruit salad sa dami ng punong tinanim para sa inyo pero 'yung pinagbabawal pa rin ang trip niyong kainin..." bulong nito. Mas nanahimik sa buong hallway. Naupo ako sa tabi ni Gabriel. Hindi ako nito matingnan, kunot-noo at umiigting ang panga. "Bakit ayaw mo akong tumawid? Crush mo ako, ano?" sabi ko. Nanlaki ang mga mata niya sabay tayo. Umatras pa ito lalo. "Hindi kita crush! Sino ka ba? Si Angel Locsin? Napaka-feelingera mo talaga, girl!" "Kaysa naman sa'yo. Grandmaster lang." Namula ang buong tainga ni Gabriel. Dinuro-duro niya ako, ang mga mata ay galit na galit. Kumapal ang ere sa tensyon at elektrisidad. Nagbabadya na ang ulan sa itaas. Namatay ang tawa ko at pinagmultuhan ng mga ngiti. "Sorry..." dahan-dahan kong pagsuko. Sa isang iglap ay luminis ang kalangitan pero namuti man ang langit ay mas lalong pumula ang mga tainga ng anghel. "Gusto kong tumawid, Gabriel. Tulungan mo akong malaman kung paano ako namatay para makatawid ako. Miss na miss ko na ang pamilya ko, Gabriel. Sa tingin ko ay wala na akong babalikan sa mundo. Kailangan kong tumawid," marahan kong paliwanag. Palipat-lipat ang tingin ni Gabriel sa aking mga mata pero sa huli ay nag-iwas din ng tingin. Lumapit ito sa akin at hinawakan ang aking mga kamay. "Sigurado ka na ba talaga? Na wala na ka nang babalikan pa?" Pumikit itong mariin. Dahan-dahan akong tumango. "Wala na, Gabriel." Para bang hirap na hirap ito nang harapin ako. Gayunpaman, ngumiti ang anghel. Ngumiti rin ako. "Ready ka na?" "Ready!" tango ko. Isang malakas na buntong-hininga ang kaniyang pinakawalan bago nagsimulang bumagal ang oras at panahon. Sa isang iglap ay bumilis ang lahat. Kay bilis ng mga naglalakbay na alapaap sa himpapawid. Ang araw ay naging gabi. Ang gabi ay naging araw. Pabalik ang pagdaloy ng mga trapiko at paatras ang lakad ng mga tao sa Santiago. Mabilis man ang kapaligiran ay mabagal ang paglipat-lipat ng mga mata ni Gabriel sa akin. Sa gitna ng pagbagal at pagbilis ay nakatayo kami sa gitna, magkahawak ang mga kamay at magkarugtong ang paningin. Ilang segundo lang ay binaba niya ang aking mga kamay. Dumating kami sa isang malalim na gabi sa labas ng dating bahay ng aking Lolo at Lola, ang mga magulang ni Papa. "Gabriel?" naguguluhan kong tawag. Sa halip na sumagot ay tumingin lang ito sa aking likuran. Hinarap ko iyon at nakita ang isang lalaki at babae, maghawak-kamay habang naglalakad sa labas ng bahay ni Lolo. Umiyak ang sanggol na dala ng babae. "Papa? Mama?" Hindi ko napigilan ang pagtawag nang mapagtantong mga batang bersyon ng aking mga magulang ang nasa labas. "Tara na sa loob, Luisa. Baka sipunin pa si Ana." Tumango ang batang bersyon ni Mama na si Luisa bago binilisan ang lakad. Malakas ang langitngit ng gate nang buksan ng binatang si Archie. Matagal kong tinitigan ang sanggol sa kaniyang bisig, tahimik na tahimik kahit na mulat ang singkit na mga mata. Ako ang baby na iyon. Sobrang liit. Sobrang tahimik. "Cute mo naman dati! Ngayon, para ka na lang petchay na nalanta!" tawa ni Gabriel sa gilid ko. Sasagot na sana ako pero hinigit niya ang aking pulsuhan sa loob ng bahay bago pa ito sumara. Maluwang ang sementadong bakuran ng bahay nina Lolo at Lola. May nakaparadang sasakyan sa garahe, at sa garden sa gilid ay may isang set ng lamesa at upuan. Dito kami nagbabakasyon nina Adam at Abby kapag summer. Kung paano ko naalala ang aking mga bakasyon dito noon ay ganoon pa rin ang nakikita ko ngayon habang papasok kami ni Gabriel. "Magandang gabi po, Tatay, Nanay." Nagmano si Archie sa mga magulang na masama ang tingin sa kaniya at sa kaniyang kasama. Si Luisa ay magmamano rin sana ngunit hindi pinahintulutan ng matatanda. "Ohhh! Attitude!" Tumili si Gabriel. Hindi ko ito pinansin at mas nanood lang sa nangyayari sa maluwang na sala. "Si Luisa, ang asawa ko. At ang anak namin," pakilala ni Archie, hinighigpitan ang hawak sa kamay ng asawang nanatiling tahimik. "Tinanan mo si Luisa at binuntis mo. Ngayon ay uuwi kang parang wala lang nangyari, Archie? Ganiyan ka ba namin pinalaki ng Nanay mo?" "Huwag naman kayong magsalita ng ganiyan, 'Tay. Naririnig ho ng bata---" "At hindi ka lang umuwi rito, umuwi ka pang may bitbit na palamunin! Dise-otso pa lang kayong dalawa ni Luisa, Archie! Wala ka pang alam sa pag-aasawa! Hindi mo pa alam kung ano ang ibig sabihin ng responsibilidad!" "Tatay, hindi naman sa ganoon." "Sige! Paano mo papakainin ang dalawang iyan? Paano mo bubuhayin? Naisip mo bang kung hindi mo kayang suportahan ang sarili mo ay paano mo gagawin sa mag-ina mo? Ano, Archie?!" Napayuko ang batang ama. Sa ilang sandali ay mukhang nalulunod ito sa sinabi ng mga magulang ngunit nang silipin si Luisa sa kaniyang likuran ay unti-unting umahon ang kaniyang mukha. Mas lalong napuno ng determinasyon ang mga mata nito nang tingnan ang batang sanggol na tahimik pa rin hanggang ngayon. "Maaaring hindi po ako naging perpektong anak pero hinding-hindi ko ho hahayaang biguin ang asawa at anak ko. Hindi ko pagsisisihang minahal ko si Luisa at si Ana ang naging bunga. Patawarin niyo ho ako, Tatay, Nanay, pero mahal ko ang pamilya ko at gagawin ko ang lahat para sa kanila." Punong-puno ng tapang ang mga mata ng aking ama kahit sa murang edad pa lang. Kahit may pagitan ng ilang dekada ay ang parehong mga matang ito ang nagturo sa akin kung paano lumaban at bumangon sa buhay. Ang mga matang napupuno ng determinasyon sa tuwing nahihirapan kami nila Mama sa benta, tuwing may sakit sina Adam at Abby, at sa tuwing nakakakuha ako ng mababang grado. Mula noon hanggang ngayon, nalaman kong tinupad ni Papa ang kaniyang pangako sa amin hanggang sa huli niyang hininga. Napangiti ako sa kabila ng pagdaloy ng mga luha. Kahit ang anghel sa aking gilid ay napatahimik ng pagmamahal ng isang tao sa lupa. "Sige! Sa paanong paraan, Archie? Anong gagawin mo? Papakainin mo ng d**o?!" Sumalubong ang kulog sa boses ng matanda. "Nagpunta kami rito dahil ayaw rin kaming tanggapin ng mga magulang ni Luisa. Pero nangangako akong hinding-hindi kayo magsisisi dahil tinanggap niyo kami. Ipagpapatuloy ko ho ulit ang pag-aaral ko at papasok sa resto. Humihingi ako ng trabaho, 'Tay. Kahit gaano kabigat at kaliit ang sweldo ay ayos lang. Magtatrabaho ako kasabay ng pag-aaral ko." Sumingkit ang mga mata ng dalawang matanda ngunit hindi na nagsalita. Kahit masama ang tingin ay alam kong naniniwala sila sa pangako ng anak. Nilingon ni Archie si Luisa at maingat na kinuha ang sanggol. Ngumiti roon si Archie bago inabot sa kaniyang ama. Kahit ayaw ng matanda ay wala itong nagawa, ang galit at poot sa mga mata ay unti-unting naglalaho at napapalitan ng pagkamangha. Titig na titig ang batang sanggol sa mga mata ng kaniyang Lolo na hindi na napigilan ang pagngiti. "Apo ko..." naiiyak nitong sabi sabay lahad ng kamay para yakapin ang anak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD