Chapter 14

1728 Words
Chapter 14 Lollipop Naglalakad kaming dalawa ni Gabriel sa labas bahay ni Lolo. Tapos na mag-usap sila Papa sa loob at nagpapahinga na lang. Himbing na himbing ang tulog ni Baby Anastasia dahil siguro napagod. Galing pa yata ang mag-anak sa probinsiya. Malalim ang gabi. Malaki ang buwan at maingay ang mga kuliglig. Pila-pila ang mga bahay sa subdivision. Sa gitna ng malinis na kalsada ay kaming dalawa lang ni Gabriel ang naglalakad. Magkasalikop ang mga kamay nitong nakapatong sa ulo habang papito-pitong naglalakad sa kailaliman ng gabi. Ang puting t-shirt, jeans at Converse ay parang buhay niyang walang hanggan. Sinasabi niyang nagpapa-laundry siya pero mukhang pare-pareho lahat ang mga damit niya. "Astig ang Papa ko, ano?" Tinaasan ko ng kilay ni Gabriel. Umirap ito sa hangin sabay ngisi. Para bang minamaliit niya ang Papa ko. "Mas astig pa rin ang Papa ko. Walang makakatalo kahit na sino. Ano, palag ka?" Napanguso ako sabay tingin sa itaas. May kung anong nag-aalab sa dibdib ko sa tuwing naaalala ko kung paano kami pinanindigan ni Papa. Sa labing-pito kong kasama ang pamilya ay ngayon ko lang nalaman ang pangyayaring iyon. Wala kasing kinukwento si Mama at tanging ang pagkakakilala lang nila sa school ang palaging binabanggit. "Kung Papa mo Siya, magkapatid ba tayo? Dahil Siya ang Ama ng sanlibutan?" takang-taka kong tanong. Nawala ang ngisi ni Gabriel. Napalitan iyon ng pandidiri. Parang nabibilaukan siya sa sariling laway kaya naman uubo-ubo. "Eeew! Hindi kita kapatid, 'noh! Pito lang kaming magkakapatid. Marami na kami at nagsisiksikan! Hindi ko na kailangan ng isa pa." Napanguso si Gabriel. "Kapatid mo rin ba si Raphael?" Tumango ito. "Mahilig 'yon sa mga herbal tea. Parating pa lang siya, nakaka-amoy na ako ng Lola Remedios." "Kaya pala si Rafaela ang paborito mong character? Favorite mo siyang kapatid?" "Hindi, ah! Awit sa'yo! Masama na bang maging Rafaela main tank build?!" Nagkibit-balikat ako at hindi na nagsalita. Mas umingay ang mga kuliglig. Patay na ang mga ilaw sa mga kabahayan pero bukas pa rin ang streetlights. Ang pinagkaiba lang halos ng mga bahay ngayon kaysa noong huli kong punta ay ang mga pinturang nababakbak o hindi kaya ay nabago. Nakakamangha dahil imbis na mas lalong tumanda ang mga bahay ay pabata naman dahil pabalik ang panahong tinatakbo namin ni Gabriel. "Dapat siya kasama mo ngayon, e! Para hindi ako napeperwisyo. Busy na nga ako e. Ang dami-dami mo pang tanong. Para kang ArmaLite ng mga tanong. Kung hindi ako ang pinababa ni Boss Amo, naku talaga..." "Ano 'yon? Ayaw mo akong samahan?" Bumaling ako sa kaniya. "Gusto ko po. Gusto." "Sige! Turuan mo na lang ako kung paano tumawag sa iba pang anghel. Kung ayaw mo ay ayos lang. Si Raphael na lang---" "Gusto nga e! Gusto nga kita! Na kasama!" Hindi makatingin at umuusok ang tainga sa lamig ng gabi, ngumuso si Gabriel. Pagkaraan ng ilang minutong katahimikan ay bumaling ulit ako kay Gabriel. "Bakit nga pala tayo bumisita rito? Noong baby pa lang ako?" Matagal ko nang gustong itanong iyon. Kani-kanina lang ay nasa ospital kami at pinanonood ang mataas na sikat ng araw. Nang sabihin kong gusto kong tulungan niya akong mahanap ang nawawalang link kung bakit ako namatay ay rito naman niya ako dinala. Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Gabriel bago binaba ang mga kamay at tuluyan akong hinarap. "Gusto mong malaman kung bakit ka namatay, 'di ba?" Tumango ako. "Ayon! Kaya kita dinala sa pinaka-unang memorya mo sa mundo para malaman mo. Kung kailangan nating pasadahan ang bawat Pasko mo para lang malaman natin, e 'di, why not? Ginusto mo 'yan, e! Ako naman 'tong bigay lang ng bigay sa mga gusto mo!" "Bakit hindi na lang tayo bumalik noong gabing ninawakan kami? Noong namatay ang...pamilya ko..." Humina ang aking boses. Napatigil si Gabriel. Lumambot ang mga mata nito bago ulit naging pilyo. "Kung pwede lang, e! Hindi na sana ako magtitiis! Para tuloy akong nanonood sa Netflix. Kung sana anime ang buhay mo, baka pagtitiisan ko pa." "Bakit bawal?" Walang nagawa si Gabriel kung hindi sabunutan ang ulo. Napatingala ito sa langit at may kung anong binulong. Nang harapin ako nito ay parang ubos na ang kaniyang pasensiya. "Makinig kang mabuti! Ayaw ko ng paulit-ulit!" May kung anong binunot ito mula sa bulsa ng jeans. Ilang sandali pa ay umilaw ang kaniyang kamay. Napaawang ang aking bibig. "Isipin mong ito ang takbo ng buhay." Winagayway ni Gabriel ang isang bilog ng ilaw na iniipit sa kaniyang hinlalaki at hintuturo. Hindi solid ang ilaw at nagpapalutang-lutang lang sa ere. Parang ilaw na kakulay ng kidlat pero sa halip na marahas ay magaan sa mga mata. Parang ilaw ng mga alitaptap. "Ang ilaw na ito ay isang pangyayari sa buhay ng isang tao. At ito naman ang susunod." Kumuha ulit siya ng ilaw at idinikit sa nauna. "At ang susunod at ang susunod at ang susunod..." Parami nang parami ang nagdudugtong na mga ilaw na nagmumukhang caterpillar na lumulutang sa ere. Manghang-mangha ako dahil pati ang mukha ni Gabriel ay naiilawan. "Kapag bumisita ang isang tao sa kaniyang buhay sa hindi ganitong pagkakasunod-sunod ay pwedeng mabago ang hinaharap. At kapag nabago ang hinaharap..." Tumaas ang kilay niya sa akin. "Magkakaproblema?" hula ko. Pumalakpak si Gabriel. Inikot-ikot niya ang mga magkakarugtong na liwanag hanggang sa tuluyan na itong naging flat at nagmukhang isang mahabang telang umiilaw. Itinaas niya iyon sa ere at sumabog na parang maliit na fireworks. Pilit kong sinasapo ang mga maliliit na spark ngunit unti-unti ring naglaho sa aking mga daliri. "Malaking problema talaga dahil hindi lang isang buhay ang maaapektuhan. Maaaring ang buhay ng iba. Maaaring mabuhay ang namatay, mamatay ang nabuhay. Sobrang laking problema at bilang isang anghel ay trabaho kong siguraduhin ang kaligtasan ng mga buhay sa mundo." "Kahit pala pasmado ang bibig mo ay iniisip mo pa rin ang kapakanan ng iba." Ngumiti ako kay Gabriel. Sumimangot ito. Nawala na naman ang pagkaseryoso niya dahil umaatake na naman ng pagkapilyo. "Syempre! Nakakatakot kaya magalit si Boss Amo. Feeling ko malalaglag lahat ng mga balahibo ko. Baka gawin niya pa akong Tinola. Ayokong isipin, ayokong isipin, ayokong isipin." Paulit-ulit na nanginig si Gabriel. "Mas grabe pa magalit kay Konstantine..." "Sino naman si Konstantine?" "Ah! Wala! Old friend lang pero hindi na kami nag-uusap. Mahina ang signal sa kanila." Inisip kong mabuti ang gagawin namin ni Gabriel. Sa madaling salita ay iisa-isahin ko ang memorya ko noong buhay pa ako para lang marating ang gabing ninakawan kami at namatay sina Mama. Mahaba ang aabutin. Hindi ko alam kung hanggang kailan pero isang bagay lang dapat ma-satisfy ng mga kundisyon ni Gabriel: kailangan kong malaman ang aking pagkamatay at maunahan si Anastasia Resurreccion bago ito tuluyang mamatay. Kailangang lumaban pa ng katawan ko sa maikling panahon bago ko maibibigay sa kaniya ang ginhawa. Kailangan kong lumaban para sa sarili ko. At kung hindi ay maiiwan ako ritong mag-isa sa mundo. Ang habang-buhay at mag-isang pagkakakulong sa sakit. Niyaya naman ako ni Gabriel na bisitahin ang isa pang memorya sa pagkabata. Katulad ng ginawa niya kanina, hinawakan niya aking mga kamay at mata sa matang tumayo kami sa gitna ng humahabang panahon. "Four lang ang score ko sa Arts! Four! One, two, three, four! Paano na ako uuwi nito?" Tumutulo ang sipon ng batang si Anastasia Resurreccion. Para tuloy may number eleven sa bibig. Ang checkered na pula at puting pre-elementary uniform ay gusot na at nawawala pa ang ilang butones. Ang pink nitong ponytail ay nakalaylay na lang sa ilang hibla. Panay ang iyak ni Ana sa tabi ng kaniyang bag at lunchbox, ang name tag na may nakasulat na 'Ana :)' ay isang pilas na lang. Mas lalong nanlumo ang mga balikat nito habang inuugoy ang sarili sa isang luma at kinakalawang na swing sa kanilang school. Sa kabilang banda naman ay ang mga nagtatakbuhang mga batang kung hindi maasim ay amoy-araw dahil sa tagaktak ng pawis tuwing uwian. Pila-pila ang mga nanay at yaya, humahaba ang leeg katatanaw sa mga susunduin. Maingay sa buong sementadong quadrangle ng school ni Ana, taliwas sa pwesto niyang nananahimik dahil sa lungkot ng nakuhang grado sa Arts. "Iyakin ka na nga tapos uhugin ka pa! Uhugin!" Dinuro-duro ni Gabriel ang umiiyak na si Ana, hawak ang tiyan habang malakas na humahagalpak. "Huwag mo akong inisin..." Napanguso ako. Tuloy pa rin ang pag-iyak ni Ana habang nagkukuyakoy ang maliit na mga paa sa ere. Ang uri pa ng medyas niya ay iyong lace at maraming mga ribbon. Manghang-mangha ako habang tinitingnan ang bilugang mukha na nakikita ko lang dati sa picture frames. Tuwang-tuwa pa si Mama kapag pinapakita sa akin habang ako naman ay hiyang-hiya kapag pinapakita niya sa iba. "Four! Four lang ang grade ko!" Sinilip ko ang papel niyang hawak kung saan nakadrawing ang isang kulay dilaw na parihaba. Mayroong mga galamay at brown sa ibaba. Iniisip kong mabuti kung cake ba ang drawing niya o eraser. "Hindi naman kasi ako marunong magdrawing, e! Si SpongeBob lang naman ang kaya kong i-drawing!" Tumaas na mga kilay ko habang kinikilala ang esponghang pinapanood sa TV tuwing umagahan. Napakamot ako sa ulo. Kaya pala four lang ang grade. "E, kahit nga si Spongebob hindi mo kayang i-drawing! Mukhang Safeguard na gamit na!" Tawa nang tawa si Gabriel. Napanguso ako. Iyak lang ng iyak si Ana at ayaw pang umuwi. Nauubos na rin ang tao. Ilang segundo pa ay may lumapit na isang batang lalaki at umupo sa bakanteng swing. "Hello! Bakit ka umiiyak?" anang bata. Lumingon ako kay Gabriel na nanlalaki ang mga mata. Pabalik-balik ang tingin niya sa dalawang bata sa aming harapan. Hindi na ito makatawa ngayon. "Four lang kasi ang grade ko sa Arts. Hindi ako marunong mag-drawing. Paano na ako uuwi sa bahay?" sagot ni Ana. "Ganoon ba? Papagalitan ka ba ng Papa mo kapag nakita ang score mo?" "Hindi naman. Ako lang ang nagagalit sa sarili ko... kasi hindi ako marunong mag-drawing..." Sa ilang mga segundong lumipas ay parang bumabagal ang oras pero hindi. Dahil umuugoy pa rin ang dalawang swing sa playground na kanina ay isa lang. Hindi umalis ang batang lalaki at tinitingnan lang si Ana. "Iyakin ka na nga, uhugin ka pa," bulalas nito matapos ang katahimikan. Nilingon ko si Gabriel na laglag ang panga. "Anong sabi mo?! Salbahe! Isusumbong kita sa Papa ko---" "Oh, eto. Para hindi ka na umiyak." May binunot na kung ano ang lalaki sa bulsa. Dalawang lollipop. Pilit kinukuha ni Ana ang dalawa pero umiling ito. "Akin ang isa! Huwag kang sakim!" Napanguso ako. Nakita ko rin ang pagnguso ni Ana'ng maliit. Nanaig muli ang katahimikan sa dalawang bata, paugoy-ugoy lang sa swing hanggang sa tuluyan ko nang nakita si Papa sa gilid. Nagtatakbo si Ana ngunit nang lingunin ang batang lalaki ay wala na ito. Tanging ang puting mga balahibo na lang na nakapatong sa swing ang kaniyang nakita.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD