Chapter 15
Sinigang I
"Ikaw ang bata! Ikaw 'yun, 'di ba? Gabriel?"
Imbis na sumagot ito ay umirap lang. Nakakamanghang isipin na bata pa lang pala ako ay nakilala ko na siya. Hindi ko alam kung gaano pa karaming pagkakataon ko itong nakasama pero nakakataba ng pusong may nagbabantay pala sa akin sa buong buhay ko. At kahit sa aking buhay ngayon sa bingit ng kamatayan. May isang langit na nakikinig sa mga panalangin ko at may isang anghel na gumagabay.
Katulad ng lagi naming ginagawa, hinawakan niya ako sa kamay at nagsimulang bumagal ang oras. Para kong nakasakay sa isang treng napakabilis ngunit sa halip na kami ang tumatakbo ay ang kapaligirang paatras ang progreso. Pababa ang mga pagtatayo ng mga building, patalikod ang paglalakad ng mga tao at ang bulaklak na nakabukas ay unti-unting sumasara.
Huminto kami sa isang umagang maliwanag at magaan. Isang umaga sa aming resto.
Buong-buo pa ang gusaling kinalakihan ko. Ang mga pader ay hindi pa kinakain ng nababakbak na mga pintura. Bagama't wala pa ang disenyong kinabit namin nina Adam at Abby ay hitik naman ito sa mga kulay. Iba't iba. Parang rainbow. Makintab ang sahig at bagong-bago ang mga upuan at lamesa. Ito ang itsura ng resto bago dumaan sa mga ulan, baha at pagsubok ng buhay.
"Kahit anong gawin ko ay palpak pa rin ang luto ko. Hindi ako magiging kasing galing mo, Papa. Paano ko na patatakbuhin ang resto natin?"
Nang pasukin namin ni Gabriel ang loob ay kakaunti pa lang ang mga tao dahil hindi pa gaanong kilala. Halos sampung taon na si Ana, tirintas ang buhok at may suot na kulay pink na apron habang nakatungtong sa isang bangkito. Tumutulo ang likido mula sa hawak nitong sandok sa ibabaw ng umuusok na kawali.
"Ikaw pala ang number one fan ni Hello Kitty sa Santiago!" halakhak ni Gabriel sa gilid.
Napanguso ako habang tinitingnan si Ana. Hello Kitty ang ponytail at ang naka-print sa t-shirt. Pati ang sandalyas ay hindi pinalagpas. Hinding-hindi mawawala sa alaala ko ang phase ko noong bata ako na lahat ng stuffed toy ko ay ang pagmumukha lang ni Hello Kitty.
"Patikim nga ako. Mamaya ay ayos lang naman pala---"
Napaubo si Papa nang kuhanin ang sandok kay Ana at humigop. Mas lalong nanlumo ang batang si Ana. Humahagalpak si Gabriel sa tabi ko habang nginunguya ang lettuce na nakita sa ibabaw ng lamesa. Mukha tuloy kambing na nababaliw.
"Grabe! Papatayin mo yata ang mga customer natin, anak! Bebetsinin mo lahat e!" gatong pa ni Papa habang humahalakhak.
"Omsim, Papa! Omsim!" hagalpak ni Gabriel.
"Papa mo? Papa mo ha?" iling ko sa kaniya.
Ang naluluhang si Ana ay bumaba at tinanggal ang apron. Lumalabi ito habang tinitingnan si Papa na pinipigilang tumawa. Lumuhod ito sa sahig, matamang tinitingnan ang anak.
"Alam mo, anak, hindi naman ako naging ganito kasarap magluto sa isang araw lang. Hindi naman pagkagising ko e marunong na akong magluto. Kagaya mo rin ako noon. Laging palpak. Laging nadadapa. Hanggang ngayon ay nagkakamali pa rin ako."
"Pwede ko na po bang malaman ang secret ingredient? Para sumarap lagi ang luto ko?"
Mas lalong natawa si Papa. Tumagilid ang ulo ko habang pinanonood ang dalawa. Pinunasan ni Papa ang mga luhang tumulo sa pisngi ni Ana at mukhang napaisip.
"Parang buhay lang ang pagluluto, Ana. Matututo ka lang kapag nagkamali ka. At alam mo kung bakit?"
Kagaya kong labing-pitong gulang, ang aking sampung taong bersyon ay ginaya ang tumagilid kong ulo.
"Dahil tao tayo. Laging nagkakamali at laging nadadapa. Subukan mo ang mga bagay na alam mong pwede kang magkamali pero isang bagay lang ang huwag na huwag mong kakalimutan. Bawal sumuko, Ana. Bawat pagbagsak mo ay babangon ka at lalaban ulit. Tapos sumubok ka ulit at magkamali."
"Parang sa Sinigang ko?"
Natawa ulit si Papa at tumango. "Parang Sinigang mo nga!"
Tumahan na si Ana at balak ulit sumubok magluto. Tumawag si Mama sa kusina kaya naghanda na ang dalawa. Naiwan kami ni Gabriel pero busy ito sa pagtitikim ng mga iba pang pagkain sa lamesa.
Tiningnan ko ang espasyong iniwan ng mag-ama.
Bawal sumuko, Ana. Bawat pagbagsak mo ay babangon ka at lalaban ulit.
Bawal sumuko.
Kahit ayaw ko ay tumatamang diretso sa puso ko ang sinasabi ni Papa. Kaya ako naririto ay para malaman ang dahilan kung bakit ako namatay para tuluyan na akong makatawid sa kabila. Para tuluyan ko nang isuko ang buhay ko kaysa sa ipagpatuloy ito.
Gusto kong sabihin sa kaniyang nahihirapan na akong manatili sa mundo dahil ano pa ba ang saysay nito kung wala na silang lahat. Hindi niya pwedeng sabihin sa aking bawal akong sumuko sa buhay. Hindi pwede.
"Ano pong ginagawa mo, Lola? Bakit ang dami mong notebook?"
Nakadungaw si Ana sa isang lamesang puno ng mga papel nang lumabas kami. May isang matandang babae roon, nakasalamin at nakasuot ng pang-uniporme ngunit kataka-takang hamak ang ilang dekadang tanda niya sa isang normal na estudyante.
"Ah! Nag-aaral ako, 'neng. Hindi kasi ako nakapag-aral noon..." Kakamot-kamot ito sa ulo.
"Po?! Paano na 'yan? Parang teacher ka na ng mga classmate mo, Lola?"
Ako naman ang napakamot dahil kay Ana.
"Judgmental," bulong ni Gabriel sa gilid ko na kumakain na ng halo-halo ngayon.
"Ibalik mo nga 'yan! Hindi ka naman nagbabayad." Napanguso ako.
"Hello? Ikaw nga dapat ang magbayad sa akin kasi tinutulungan kita. Napakabarat mo talaga kaya siguro masama lasa ng Sinigang mo!"
Inirapan ko ito. Mas tinuon ko na lang ang pansin kay Ana na inuusisa ang matanda. Wala akong matandaan sa mga memorya ko na mayroon akong nakilalang katulad niya marahil sa tagal na rin ng panahon.
Dinungaw ulit ni Ana ang mga papel. Ganoon din ang ginawa ko. Multiplication table ang inaaral ni Lola.
"Lola, asawa po? May asawa kayo? Anak?"
"Naku, wala rin! Hindi na ako nakapag-asawa dahil panganay ako sa amin. Pito kaming magkakapatid at mahirap pa sa daga kaya sa kanila lang lahat ang atensyon ko pero..." Napaisip ang matanda. "May naging nobyo ako dati. Hindi rin nakapagtapos pero sigurado akong dumidiskarte na siya sa buhay niya ngayon."
"Yiiie! Si Lola, kinikilig! Miss mo na 'yung ex mo, Lola?"
Napakamot ulit ako sa ulo.
"Ay! Issue ka, girl?" Biglang nagpakita si Gabriel sa harap ko.
"Ah! Ay! Ano ba iyan, Gabriel?!" Napapikit akong mariin sa tatawa-tawang si Gabriel.
Bago pa man makasagot si Lola ay tumawag na si Papa. Nasa tarangkahan ang buntis na si Mama, hawak ang kabuwanang tiyan habang kumakaway. Isang ngiti ang ibinigay ng maliit na si Ana sa nakatanaw na matanda.
Para kaming mga asong sumusunod ni Gabriel.
"Wait! Wait! Kulang ako ng kanin!" habol nito sa akin at binabalanse ang tatlong Tupperware ng pagkain.
Napag-alaman kong pupunta sa Ilagan ang mag-ama at mag-aayos ng mga papeles ng resto. Sumakay rin kami ni Gabriel sa jeep. Halos dalawang oras na biyahe at pagkatapos sa mga opisina ay nasa terminal at pauwi na rin ang mag-ama. Ganito ang mga alaala ko noong bata pa tuwing sinasama ni Papa sa mga lakaran. Mausok na byahe sa jeep, mainit na singaw ng kalsada at walang hanggang paghihintay sa mga air-conditioned office kung saan pugad ng mga empleyadong napakasusungit.
"Gusto mo?"
Napatingin ako kay Gabriel na kumakain na naman. Kwek-kwek naman ngayon. Bawat stop over yata ay bumibili siya.
"Sige, sa'yo na lang iyan. Baka gutumin ka pa e." Napanguso ako.
Tiningnan lang ako nitong para bang may malaking question mark sa mukha.
Bitbit ang salubong para kay Mama, pinara ni Papa ang paparating na jeep. Malayo pa lang ay mausok na ang tambutso nitong puputok-putok. Hindi ako nagkamali nang sumakay na rin kami. Halos kasing bilis lang ng tumatakbong bisikleta ang lumang jeep.
"Ang bagal naman! Ano ba naman ang nasakyan ko! Sayang pamasahe!"
"Bakit kasi pinapayagan pang mamasada ang mga jeep na bulok na?"
"Manong, may ibibilis pa ba?!"
Biglang pumreno ang jeep. Nagsigawan ang mga tao. Hinarang ni Gabriel ang isang braso para huwag akong tumama sa bakal. Nagkatinginan kaming dalawa pero agad ding naghiwalay.
Mas lalo pang nagalit ang mga tao. Sinilip ko si Papa at si Ana na nasa harapan. Mabuti na lang at bakante ang espasyo ng unang upuan kaya malaya naming nasisilip ni Gabriel ang dalawa.
"Pasensiya na ho! Hindi ko kasi nakita ang humps!" Garalgal ang boses ng driver.
Nang magalit pa ang mga tao ay inis na lumingon si Gabriel.
"Kayo ang bulok! Ang babaho niyong lahat! Mga amoy putok!" sigaw niya sa binging mga tainga. "Bilhan ko pa kayong Rexona!"
"Medyo may mga tama na ho ang jeep niyo, Manong, ano?" ani Papa.
"Oo, e. Matagal na itong jeep ko. Hindi na katulad ng dati na kayang humarurot. Wala naman akong pampagawa dahil maliit lang ang kita." Napakamot sa ulo ang tsuper.
Nakatingin lang ako sa matandang nagpupunas ng pawis sa mukha. Walang katapusan ang pagmando ng mga kamay nito sa kambyo at makina. Pilit pang sinisipat ang daan habang inaalala ang mga sukli at bababa. Kulubot na ang balat ni Lolo na para bang nakaukit lahat doon ang mga eskinitang inikutan ng kaniyang jeep. Pagod ang mga mata at hukot na mga balikat pero patuloy pa ring kumakayod.
"Wala po ba kayong ibang trabaho, Lolo?" tanong ng batang si Ana.
"Napaka-tsismosa mo talaga, ano?" bulong ni Gabriel sa gilid ko.
"Shhh!" putol ko rito.
"Ay wala na, hija. Ito lang ang alam kong propesyon e. Nabuhay naman ako ng ganito katagal, 'di ba?" halakhak ng matanda.
"Hindi po kayo nakapag-aral?"
"Hindi na. Mahirap lang kami noon at kahit naman ngayon. Pagkain na lang namin ng mga kapatid ko ang pang-matrikula ko. Kaya heto, jeepney driver ang labas. Hindi nakapagtapos pero nakadiskarte naman kaya umabot ng sitenta!"
Natawa si Papa sabay iling. Ang batang si Ana ay hindi alam kung ano ang sitenta kaya naman humingi pa ng paliwanag kay Papa.
"Asawa po? May asawa kayo, Lolo? Anak?"
"Wala rin. Nawalan na ako ng oras makipag-date noong naging driver ako. Sayang nga!"
Napanguso ako.
"Sayang naman." Napanguso rin ang batang si Ana.
"Ako, huwag mo akong sasayangin." Kukurap-kurap si Gabriel sa gilid ko.
Winagayway ko lang ang kamay at mas nakinig pa.
"Bakit ikaw? May plano ka na bang mag-asawa kaya mo ako tinatanong?"
"Naku, Lolo! Trenta pa mag-aasawa ang anak ko. Bawal pa mag-boyfriend at hahabulin ko ng itak kung sino ang dadalhin sa bahay."
Mas lalo akong napanguso. Si Gabriel sa tabi ko ay parang nagpanting ang mga tainga. Lumalim ang pag-iisip nito.
Nang hindi marinig ng matanda nanghihingi ng sukli ay sinabi ng batang si Ana. At kahit noong sobra naman ang sukli ay pinuna ni Papa. Doon nagsimula ang pagtulong ng dalawa sa driver pero nagsibabaan ang mga pasahero nang tumirik ang jeep.
"Huwag na ho kayong mamasada pa, Manong! Wala na ring silbi ang jeep niyo!"
Nagkatinginan si Papa at si Ana. Ako at si Gabriel. Sabay-sabay naming nilingon ang kalsadang malapit nang pagbagsakan ng araw.