Chapter 16

1838 Words
Chapter 16 Sinigang II "Hello, Ma. Oo, hahapunin kami. Nasiraan ang jeep na sinasakyan namin. Eto, kausapin mo si Ana." "Hello, Mama! Mama, nasiraan kami ng jeep. Tutulungan namin si Lolo kasi hindi na niya kayang magtulak mag-isa. I love you, Mama. Uuwi rin po kami." Nang matapos ang tawag ay dumaan ang katahimikan. Parang walang may alam kung ano ang gagawin at kung sino unang kikilos dahil na-stuck kaming lahat dito sa gitna ng daan. Sa magkabilang banda na kung hindi mga ekta-ektaryang latag ng mga d**o ay mga punong naglalakihan. Humuhuni ang mga kuliglig. "Awkward," ani Gabriel. Nakaupo si Ana sa isang malaking bato samantalang si Papa ay abalang nagtitipa sa cellphone. Ang tsuper naman ay nakahalukipkip habang titingnan ang makina. Si Gabriel ay may kung anong dinudukot sa bulsa. Inilabas nito ang isang sachet ng Dingdong pero umasim ang mukha nang makitang balat na lang pala. "Ako nga pala si Artemio," anang driver. Binulsa ni Papa ang cellphone sabay lapag ng kamay sa ere. "Archie ho. Eto si Ana, anak ko." Kumaway si Ana sa gilid. Naupo na lang rin ako sa bato sa kaniyang tabi. Nang harapin kami ni Gabriel ay palipat-lipat ang tingin nito. Gulong-g**o ang kaniyang itsura. "Galit na ata si kumander, ah? Bakit hindi na lang kayo nag-transfer kanina? Bihira pa naman ang mga jeep dito kapag ganitong oras na." Sa halip na magpaliwanag si Papa ay napakamot na lang ito sa batok sabay ngisi. Tumabi ito sa tsuper na binubuksan ang kinakalawang na hood ng sasakyan. Pumangalumbaba ako habang tinitingnan si Papa. Alam ko ang reaksyon niyang iyon. Noong hindi pa lang siya bumaba ng patirik na jeep at sa pagtaas ng kaniyang kilay dahil wala man lang nakaisip na tulungan ang matanda. Kilalang-kilala ko ang ngisi ni Papa dahil iyon din ang aking nakikita sa tuwing may hindi makapagbayad ng pinagkainan sa resto. "Ayos lang, Manong Artemio. Tara nang tingnan ang jeep para pare-pareho tayong makauwi," aniya. Alam ko ring mas maalam ito sa kusina kaysa sa mga makina ng sasakyan kaya naman mukha siyang batang may hawak ng flashlight, tinututukan ang abalang si Mang Artemio. Napangisi ako. "Akala ko ba astig ang Papa mo? Bakit hindi yata marunong magmekaniko?" Dinuro ni Gabriel si Papa na nakikiusyoso rin sa makina. "Hindi naman mahilig sa sasakyan ang Papa ko. Motor nga lang ang gamit niyan kapag may delivery kami." "Bulok! Ang Papa ko, kayang maghati ng dagat sa gitna. Lumulutang din sa tubig! Tinatanong ko nga kung may salbabida pero ayaw sabihin. Secret daw. Umay!" Nilingon ko si Papa na tuwing ilang segundo ay sinisipat si Ana na abala sa mga coloring book. Iyon ang pinakakaabalahan niya kanina noong nasa office. "Babae ka ba talaga? Kasi parang may nabasa ako na si Angel Gabriel ang nag-iisang babaeng archangel?" tanong ko kay Gabriel. Sumisipa ng mga bato ang anghel habang nakapamulsa ang dalawang kamay. Sumasabay ang kaniyang bewang at dibdib sa tuwing may natatamaang bato. Ang kaniyang mahahabang binti ay pasayaw-sayaw sa ere, kunot-noo at sumisilip ang dila sa konsentrasyon. Dahil open ang kalsada ay hinahangin ang kaniyang kulot na buhok. Mas lalo tuloy nakikita ang kaniyang pagkamestizo. Napatigil ito sa ginagawa. "Ako? Babae? Ginagago mo ba ako? Nakikita mo ba ito?!" Itinaas niya ang hindi napapalitang puting t-shirt para ipakita ang abs. Tumaas ang mga kilay ko. "Bakit? Pwede rin namang magka-abs ang mga babae." "Ah, ganoon? Ito? Nakikita mo ba ito?!" Bara-bara niyang kinalas ang belt at umambang ibababa ang jeans. Bago ko pa man makita ay tinakpan ko ang mga mata! Pati si Ana na inosenteng kinukulayan si Hello Kitty ay tinakpan ko rin! "Bastos ka! Itaas mo iyan, Gabriel!" "Ha? Hatdog! Tingnan mo, Ana! Tapos tanungin mo ulit ako kung babae ba ako---" Kumidlat nang malakas. Napatigil si Gabriel sa pagwawala. Pati sila Papa at Manong Artemio ay nagulat. Nang marinig ko na ang pagsusuot niya ng belt ay atsaka ko binaba ang mga kamay. "Hindi ko naman po binaba talaga. Nilolo ko lang po si Ana kasi siya naman ang nauna---" Kumidlat muli. "Opo! Sorry po! Sorry, Ana!" Pinagdaop ng mangiyak-ngiyak na si Gabriel ang mga kamay at lumuhod sa aking harapan. Halos isa't kalahating oras ang itinagal ng pagmemekaniko. Nagtulak pa si Papa ng ilang beses bago tuluyang nag-start ang makina. Ang inaasahan nilang maagang pag-uwi ay naantala na. Inaantok na ako. Higit isang oras pa ang biyahe pero ang maliit na si Ana ay mukhang full charge pa rin. Hindi ko namamalayan ang pagdukdok sa mabagal pa ring pagpapatakbo ni Mang Artemio. "Hinapon na kayo, Archie. Ihahatid ko na kayo." "Naku! Hindi na, Manong! Bababa na lang kami ni Ana sa susunod na terminal para makauwi kayo nang mas maaga. Nakakapagod din mag-ayos ng makina!" "May kapatid naman ako sa Santiago. Makikituloy na lang ako at bukas na uuwi para makabisita. Ihahatid ko na kayo!" Napangisi ang matanda. Walang nagawa si Papa kung hindi tanggapin ang sukli ng tsuper sa binayad niyang pagtulong. Habang binabagtas namin ang daan pauwi ay tuluyan na nga akong nakatulog. Hindi ko namalayan ang kamay ni Gabriel na dinadantay ang aking bumibigat na ulo sa kaniyang balikat. "Ana! Hoy, uhugin. Gising na, oy!" Minulat ko ang mga mata. Nakahinto na ang jeep sa harapan ng aming resto. Hapon na at bukas na ang mga ilaw. Dahan-dahan akong bumangon pero si Gabriel na pulang-pula ang tainga ay naunang bumaba. Sumunod na lang rin ako. Mas dumami ang tao kaysa kaninang umaga pero ang nakakapagtaka ay naroon pa rin ang matandang nag-aaral. Parang nakita ni Ana ang nakita ko dahil nagmamadali itong bumaba sa jeep. "Lola! Lola, andito pa rin kayo?" "Ah! Oo, 'neng. Bumalik ulit ako at may exams kami bukas." Inaantok kong sinundan si Ana pagkatapos kausapin pa ng ilang minutos ang matanda. Nagpunta ito kaagad sa kusina at sinuot ang kulay pink na apron. Naupo sa isang monoblock, sinilip ko si Gabriel sa labas na isa-isang binubuksan ang mga kaserola. Maya-maya lang ay dumating na si Papa sa loob. "Oh? Magluluto ka ulit?" Tumaas ang kilay niya kay Ana. "Opo, Papa. Sabihin mo kay Manong Artemio na maghintay sa labas para sa lulutuin kong Sinigang." "Akala ko ba ayaw mo nang magluto?" "Kung nakaya ni Manong Artemio na mamasada ng jeep hanggang pagtanda kahit na nabubulok na ang jeep niya, kayang-kaya ko ring magluto kahit pa palpak ang Sinigang ko. Babangon ako, sabi mo, Papa." Ngumiti nang kay tamis si Ana. Pumangalumbaba ako sa lamesa at pinanood siya. Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ng batang ito. Kung bakit hindi pa rin napapagod at gusto pang itama ang palpak na niluto. Pero habang pinagmasdan kong tumagakgak ang pawis nito habang hinahalo ang mga sangkap ay parang bumabalik na rin ako sa pagkabata. Ito siguro ang nakalimutan ko sa pagdaan ng panahon. Kung saan ako nanggaling at kung anong klaseng pamilya ang nagpalaki sa akin. Nakalimutan kong katulad ni Papa ay hindi basta-bastang bumibigay si Ana. Medyo makulit at matanong pero alam kong matigas ang isang Anastasia Resurreccion. At nakalimutan ko itong lahat nang iparanas sa akin ng mundo ang pinakamasamang pangyayari sa buhay ko. Ibinalik ako sa panahong nadadapa man ako ay patuloy akong bumabangon. "Ready na ang Sinigang!" anunsiyo ni Ana. Sinundan ko itong buhat ang isang mangkok, kasunod si Papa na may dalang kanin. Katulad ng inabutan niya kanina ay subsob pa rin sa pag-aaral ang matandang estudyante. Nilapag doon ni Ana ang isang mangkok. "Lola, kain ka na muna! Pampalakas iyan at pampatalino. Luto ko 'yan, Lola!" Binaba ng matandang dalaga ang salamin at ngumiti kay Ana. Nagtinginan sila ni Papa, parehong napailing. "Si Manong Artemio po?" Palinga-linga si Ana. Luminga rin ako sa paligid. Halos sabay kami ng aking batang bersyong makita kung nasaan si Manong Artemio. Abala pa rin ang tsuper sa pagtitingin ng lumang jeep. "Manong! Tama na iyan! Kain na muna tayo!" kaway ni Papa. Lumingon kaagad ang matanda at napangisi. Pupunas-punas ito ng pawis nang batiin si Mama na kumakaway rin sa unahan. Kahit na may dungis ng gasa ang mga kamay at mukha ay mataas pa rin ang kumpyansa sa sarili ni Manong Artemio. Kung siguro ay ilang panahon pa ang inatrasan namin ni Gabriel, makikita ang binatang bersyon ni Manong Artemio na magilas at madiskarte. Ang ngisi sa kaniyang mga labi ay unti-unting nabubura sa bawat yapak ng kaniyang butas-butas na rubber shoes. Bumabagal ang paglalakad nito at sumesentro ang tingin sa matandang babaeng nakangiti kay Ana. Nang lumingon ang estudyante sa paparating na tsuper ay naglaho ang mga ngiti nito. Wala mang kapangyarihan ng isang mensaherong anghel ay alam kong bumagal ang panahon sa kanilang pagitan. Hindi man kasali ang sagradong langit ay ilang panahon ang dinaanan ng kanilang nagdudugtong na mga mata. Sa ilang segundong iyon, nawala ang mga linya sa kanilang mukha at bumalik sa pagkadalaga at pagkabinata. "Art?" naguguluhang tawag ni Lola. Napakamot sa ulo ang tsuper. Napatingin ito sa sahig bago ngumiti at tumango. "Ako nga, Minda. Ang tagal na nating hindi nagkita. Ilang taon na nga ba?" "Hindi ko na rin mabilang, Art. Huwag na siguro nating bilangin." Tila ba walang batang Ana o kaluluwang Ana. Walang mga tao sa paligid, wala sina Mama at Papa. At kahit ang dakilang anghel ay naglaho rin. Tanging sina Art at Minda lang sa loob ng resto at ang aking masarap na Sinigang. Nakangiti man ay pababa ang arko ng aking mga labi. Hindi matanggal ang tingin ko sa dalawang matandang pinaghiwalay at pinagtago rin ng panahon. "Kilala niyo po ang isa't isa?" naguguluhang tanong ni Ana. "Kilala nila ang isa't isa?" pag-uulit ni Gabriel na may dalang isang mangkok ng kanin at ulam. "Sila ang magkasintahan dati. Pareho nilang pinagsilbihan ang mga kapatid at hindi na nakapag-asawa. Si Manong Artemio atsaka si Lola Minda," paliwanag ko rito. "Manong Art lang pala! Ang haba naman ng Artemio!" halakhak ni Papa. "Upo ka, Art. Mukhang masarap itong luto ni Ana. Hindi ba ay paborito mo dati ang Sinigang?" Ngumiti si Lola Minda, inaalala ang dating mga pagkakataon. Walang sinayang na segundo si Manong Artemio pero papaupo pa lamang ay sumigaw na si Mama. Hindi ko alam kung paanong nakaharurot ang bulok na jeep ni Manong Artemio o kung paanong natapos ang balisang paghihintay ng lahat. Ang tanging alam ko lang ay espesyal ang araw na iyon. Ang unang beses kong nakaluto ng perpektong Sinigang at ang unang beses kong kinalong sa mga bisig si Adam. Hindi ko man naaalala ang parteng iyon ng aking buhay dahil sa paglipas ng panahon at kamuraan ng isip pero nagbigyan ako ng pagkakataong ako mismo ang makakita kung paano ko natutunang mahalin ang buhay. Sa mga taong nakapaligid sa akin. Sa mga leksyong tinuro sa akin. Dahil oo nga pala, ang pinakamasaya at pinakamahalagang mga alaala sa ating buhay ay ang mga hindi natin kailangang bayaran.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD