Chapter 18

1837 Words
Chapter 18 Anastasia Resurreccion Ilang oras na akong naglalakad at pilit na hinahanap si Gabriel. Kasama ko lang siya noong burol nina Lola at Lolo pero nagising na lang ako sa isang umagang wala na siya. Sumisikip ang dibdib ko sa tuwing iniisip na mag-isa na lang ulit ako. Walang makakakita at walang makakarinig. "Gabriel! Lumabas ka na!" sigaw ko sa langit. "Hindi na nakakatuwa!" Kanina pa ko sigaw nang sigaw pero kahit namamaos na ay wala pa ring Gabriel na pinapabagal muna ang oras bago lumapag sa sahig, nakaluhod at nakangisi. Walang Gabriel na laging nang-iinis. Walang Gabriel na laging naghahanap ng pagkain. Walang Gabriel na nasa tabi ko lang. Hindi ko alam kung hanggang kailan siya mawawala o kung darating pa ba. Isang malaking kamao ang pumipiga sa aking puso. Bumibilis ang aking mga paglalakad at hindi na namalayan ang pangingilid ng mga luha. "Bakit ngayon ka pa nawala? Kung kailan alam ko na kung anong dapat nating gawin? Akala ko ba tutulungan mo ako?" Napaluhod ako at tiningala ang malayang araw. Umakyat na pero bigat lang ang mga sinasabog ng sinag. Noon pa man ay mas mahal ko na ang umaga kaysa sa hapon. Mas gusto kong tinitingnan ang kalinawan ng langit. Pabor ako sa bukang-liwayway kaysa sa takipsilim. Ngayon ay naintindihan ko na kung bakit. Mahal ko ang umaga at ang langit dahil sa isang nilalang na nilikha mula rito. Nakakalipad at humahawak ng kidlat. Mas mahal ko liwanag dahil siya ang anak ng liwanag. Pinikit ko ang mga mata at hinayaang lamunin ng araw. "Isang beses lang akong hihiling kaya sana ay mapagbigyan. Pakiusap," bulong ko sa langit, sinasabi sa isip ang huling panalangin bago tuluyang mamatay. Sumalubong ang mabagsik na hangin. Malamig at marahas. Sumabog ang aking buhok. Malakas ang tunog ng mga kidlat at nagbabadyang kulog. Nanatili akong nakapikit, pilit na hinahawakan ang aking kaisa-isang hiling. Bumagal ang aking mga paghinga at ang bawat t***k ng puso. Nawala ang kulog at kidlat. Nang muling naging banayad ang hangin ay binukas ko ang mga mata sa buhawi ng mga memoryang nakapalibot sa akin. Para akong nakasakay sa isang humahagibis na tren, dinadaan ang aking mga memorya mula pagkabata hanggang sa huli bago kami napadpad dito ni Gabriel. Huminto ang oras at muling bumilis ulit pero sa isang paatras na paraan. Mula sa pagkakakilala kay Gabriel, sa tatlong buwang paglilibot sa Santiago General Hospital, pabalik sa aking unang paggising, sa sunog at pagsabog ng resto, at sa hapong kauuwi ko pa lang galing eskwela. "Hello, 'nak. Kamusta ang dalaga ko?" Nakangiti si Mama kay Ana, ang pinakamalapit kong bersyon dahil ito ang araw kung kailan nangyari ang insidente. Para akong nanonood ng sine pero hindi katulad ng dati tuwing nasa isang memorya kami ni Gabriel. Pilit kong inuukit sa utak ang mukha ng aking pamilya dahil ito na ang huling beses kung kailan ko sila nakita. "Lucas? Lucas na naman?" Pagkatapos ng inisan ay trabaho na ulit. Nakasunod lang ako sa sariling katawan na walang kamalay-malay na ito na pala ang magiging pinakamasakit na parte ng kaniyang buhay. "Laro tayong taguan, Ate! Sabi mo pwede na tayong maglaro kapag wala kang ginagawa!" sigaw ni Adam kay Ana na nakaupo matapos ang ilang panhik-panaog sa kusina. "Oo nga, Ate! Please!" segunda pa ni Abby. Walang nagawa si Ana kung hindi ang sumunod. Nakasunod ako sa tatlo lalo na nang ilang minuto si Abby ang taya. "Dito tayo, Ate," hagikgik ni Adam habang hinihila si Ana sa laylayan ng damit, dinadala pababa sa hagdanan patungong basement. "Last na 'to, Adam. Magtatrabaho pa ako e." Napakamot sa ulo si Ana. Sinusundan ko ang dalawa na nagtago sa madilim na sulok ng basement kung saan kahit si Papa ay hindi nakakapunta. Nakita ko kung paanong hindi sinasadyang nasagi ni Adam ang pihitan ng gaas. Nagtatakbo na ang dalawa nang makita ni Abby, hindi man lang napansin ang bukas na malaking tubo ng gasul. Balisa ako habang naghihintay sa oras. Nagsasara na ang mga Resurreccion ng resto. Bukas ang malaking tubong sinisingawan ngayon ng gaas. Nakatayo ako at nakatingin lang sa orasan. "Pa! Psst!" ngisi ni Ana bago lumabas ng kusina. "Love you!" Napalunok ako. Gusto kong isigaw na umalis na sila sa lugar pero kahit anong gawin ko ay hindi nila ako maririnig at hindi ko pwedeng baguhin ang kahit na ano mang parte ng aking memorya. Nang nakita ko nang dala-dala ni Ana ang ikakabit na kandado ng mga rehas ay nanlamig ako. Lumitaw ang patalim na tumutok sa kaniyang tiyan, kumikintab sa kabilugan ng buwan. "Walang sisigaw kung ayaw niyong may mangyaring masama! Taas ang kamay!" Dalawang beses kong naranasan ang takot at gulat sa gabing iyon. Walang kupas dahil kung paano ako nanginginig noon habang nakataas ang mga kamay ay ganoon pa rin ngayon. Nang pinatama ng bandido ang kaniyang b***l sa pisngi ni Abby, nang kinuha nila si Mama para isako ang pera at nang lumabas si Papa na may dalang b***l. Nakita ko kung paanong umamba si Ana na kuhanin ang pera. Tinulak siya kaagad ng isang bandido, dahilan kung bakit bumagsak at tumama ang ulo sa sahig. Dumanak ang dugo ngunit humihinga pa rin. At sa kabila ng kaniyang pagkakawalang malay ay tinamaan ng b***l si Papa, napaluhod at hawak ang dibdib. Natigil ang putukan. "Archie! Archie, gumising ka!" sigaw ni Mama habang pilit na pinipigilan ang pagdanak ng dugo sa t-shirt at apron nito. Gulat at takot kong hinarap ang unti-unting pagpikit ng mga mata ni Papa. Walang tunog at mabilis ang pagtakas ng isang butil ng luha. "Putangina mo talaga, Daniel! Wala ka talagang kwenta! Holdap lang sana pero naging murder pa!" sigaw noong isang bandido. Napuno ng ingay ang buong resto dahil sa mga iyak ng aking pamilya habang ako ay walang malay sa sahig. Hindi alam ng mga magnanakaw ang gagawin kung aalis na lang ba o tutulong sa pagbubuhat kay Papa. Sa pagkabalisa ng isang bandido ay binunot nito ang lighter at pinitik. Nawala ang mga ingay. Dumila ang apoy. Nabasag ang mga bintana dahil sa sumabog na resto. Napabalik ako sa realidad nang marinig ang malakas na sirena ng isang ambulansiya. Hilong-hilo ako habang nakatayo sa gitna ng aming resto. Nananakit ang aking mga galamay. Para akong binato mula sa isang malayong lugar patungo sa pwesto ko ngayon. Sinubukan kong hanapin sina Mama at Papa. "Mama? Papa?" malakas kong tawag pero ang tanging ingay lang na nagawa ng lalamunan ko ay mga bulong. Muling tumunog ang mga sirena. "Engine 25, pasok na kayo! Nakahanda na ang mga stretcher!" Nasusunog ang buong resto. Itim na itim ang mga pader dahil kumapit ang makapal na usok ngunit sobrang liwanag. Nagbabaga ang mga kahoy sa kisame, parang mantekilyang nalulusaw ang mga plastic na upuan at lamesa, naglalaglagan ang mga disenyong kami mismo nila Adam at Abby ang gumawa. Ang mga dahon mula sa puno ng niyog na pinintahan namin, ang mga bilaong dinikitan namin ng mga sintetikong bulaklak. At ang lahat ng bagay sa resto. Ang buong resto. Kinakain ng napakalaking apoy ang tahanan ko habang nakatayo ako sa gitna ng lahat. "May dalawang bata rito! Abangan niyo kami sa labas!" Tumaas ang mga balahibo ko. Madali kong hinanap ang malakas na boses sa lumagalablab na apoy. Sobrang liksi kong gumalaw sa loob ng impyerno mahanap lang ang boses. Hingal na hingal akong napahinto. Sa sobrang panginginig ng mga tuhod ay muntik na akong mapaluhod sa nagbabagang sahig. "Kumpirmado. Dalawang bata. Isang lalaki at isang babae." Dalawang bumbero ang nakalapit sa hindi makilalang katawan. Nakaluhod ang isa habang sinusubukang buhatin ang mas maliit pa. Ang isa naman ay nagpapasa ng impormasyon sa naghihintay na mga mediko sa labas. Binuhat na rin ang mas matangkad na katawan kaysa sa nauna. Maliit at murang mga katawan. Puro galos, puro marka ng itim na sunog. Nalusaw na ang ilang piraso ng mga damit at kahit ang dulo ng mga buhok. Walang malay. Hindi humihinga. "Abby... Adam..." naguguluhan kong tawag. Umalis ang dalawang bumbero. Pumalit ang isa na may dalang fire hose. Gusto kong habulin ang mga bumberong dala ang dalawa kong kapatid. Sigurado akong si Adam at si Abby iyon. Gusto kong sabihing naririto lang si Ate at maghihintay sa kanilang paggising, na nakikita ko sila pero kahit alam kong malalim ang mga sugat at ang usok sa kanilang katawan ay gagaling rin. Hindi pa ako nakakabwelo nang biglaang dumaan sa gilid ko ang dalawang bumberong bumubuhat sa isang malaking katawan. Hamak na mas malaki kina Adam at Abby. Pamilyar na pamilyar ang apron nitong namarkahan na rin ng itim na usok. "Lalaki. Singkwenta anyos. May tama sa dibdib." Sobrang bilis ng ginawa nilang paglabas at pagsakay sa isa pang stretcher. Mula rito ay tanaw ko ang abalang mga nurse na sinasakay ang katawang iyon sa naghihintay na ambulansiya. Sumarado ang pinto. Sumirena nang kay lakas. Humarurot ang sasakyan. Hindi ko alam kung alin ang mas mainit. Ang resto na naging napakalaking pugon dahil sa dumadagundong na apoy o ang mga luha kong nagsisipag-unahan. "May isa pa rito! Babae!" sigaw noong naghahanap na bumbero. Sobrang bilis kong inikot ang katawan paharap sa nagmamadaling boses. Hinang-hina ako nang makita si Mama na hinihila ng mga bumbero mula sa ilalim ng tumaob na estante. Wala akong nagawa kung hindi ang manuod lang. Bukod sa mga galos mula sa apoy, nakatarak ang isang malaking pirasong kahoy sa kaniyang tagiliran. Hindi gumagalaw si Mama. Bago ko pa matingnang mas mabuti ay nagmamadaling inalis na siya roon ng mga bumbero. Taliwas sa maingay na kaguluhang dulot ng apoy, mahina at marahan ang aking mga luha. Kung hindi mabagal ay magaan katulad ng mahal na mahal kong umaga. Hindi ko alam kung ilang minuto na akong nakatayo sa gitna ng nasusunog na resto. Walang makakapagbilang kung gaano ba karaming memorya at istorya ang nabuo sa mga pader at sahig nito. Hindi matatawaran ang sakit habang pinapanood itong gumuho. Sa aking gilid ay nagtatrabaho pa rin ang mga bumbero. Ang mga natirang katawan naman ng mga magnanakaw ang iniisa-isa nila. Hindi ko na napapansin kung ilang beses na ba silang pabalik-balik sa labas sabay pasok ng stretcher sa ambulansiya. Nang tanging fire hose na lang ang kanilang pinagkakaabalahan ay naging kalmado na ang lahat. "May dalawa pa rito!" sigaw ng isang bumbero. Dali-daling sumaklolo ang kaniyang mga kasama, ang makapal na pulang uniporme ay sinasalubong ang apoy. Nag-angat ako ng tingin nang may makuha silang isang lalaki. Magnanakaw na naman. "Dalawang biktima. Isang lalaki at isang babae." Babae? Sa pwestong pinangyarihan ay nakadagan ang isang bumagsak na bigang kahoy sa kahuli-hulihang katawan. Nagtawag pa ng mga kasama ang mga bumbero dahil masyadong malaki at mabigat ang biga. Sa isang gilid ay nakita ko ang kamay nitong bahagyang nanginginig. "Buhay pa! Ihanda niyo ang ambulansiya! May buhay pa rito!" Unti-unti akong lumapit sa kanilang pwesto. "Anastasia Resurreccion." Binasa ng isang bumbero ang aking kumikintab na name plate.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD