Chapter 19

1792 Words
Chapter 19 Lupa “Anastasia Resurreccion.” Binasa ng isang bumbero ang aking kumikintab na name plate. Ako ang susunod na isasakay sa ambulansiya. Isa ako sa mga nasunog. Isa ako sa mga biktima. Napaatras ako habang pinapanood silang tulong-tulong na itinaas ang biga para makuha ang katawan kong nanginginig. Bukas ang mga mata ni Ana ngunit hindi nakakakita. Parang kinukuryente ang buo kong katawan habang nakikita ang sariling naghihirap. Mabilis na isinakay ng mga tauhan ang mga natirang katawan ng mga biktima ng sunog. Parang may sariling utak ang mga paa ko nang sumunod sa mga bumbero. Sumakay na rin ako sa ambulansiya, tinitingnan ang sariling katawan na may nurse sa tabi. Hindi ko alam kung bakit ito nangyayari pero sa taimtim kong paninitig ay nagulat na lang ako nang inabot ng nurse ang swero sa aking gilid at kinabit sa isang Anastasia Resurreccion na nakaratay sa stretcher. Tumaas ang mga balahibo ko nang tumagos ang kamay nito sa aking dibdib. Hindi kalaunan ay nakarating na rin kami sa ospital. Maagap ang tingin ko sa sariling katawan na may kung anong binubulong. Nakalimutan ko na ang sarili pansamantala dahil ang unang pumasok sa isip ko nang makita ang malaking ospital, ang natatanging buhay na gusali sa madaling araw, ay sina Mama at Papa. Sina Adam at Abby. “Busy ngayon sa ER, ah? Kawawa naman, ano?” dinig kong sabi ng isang tricycle driver sa nagbabantay na sekyu. Kahit busy sa pagsusulat sa logbook ang sekyu ay napailing ito. “Oo, boss. Nasunog daw ‘yung kainan malapit sa tulay. ‘Yun pa naman ang lagi naming kinakainan ng misis ko, e!” Napailing ang tricycle driver sabay halukipkip habang sinisipat ang labas-masok na mga nurse sa loob. “Marami raw nakuha sabi ‘nung isang kausap ko. May mag-anak pa! Kawawa naman ‘yung mga bata.” “Ang bali-balita sa loob e mga patay lahat. Dead on arrival.” Nagsisipag-taasan ang mga balahibo ko habang pinakikinggan ang nag-uusap na sekyu at toda. Napalunok ako, pabaling-baling ang tingin sa kanila. Naiintindihan ko ang lahat ng kanilang mga sinabi ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay hindi tuluyang matanggap ng sistema ko. Dead on arrival? Napaatras ako mula sa dalawang nag-uusap hanggang sa tuluyan na ulit akong tumakbo papasok sa ospital at papunta sa gawing kaliwa kung saan naroon ang mga nurse at doktor na kanina pa hindi mapahinga sa kalalakad. “Nurse Monica! Nasa labas ang huling pasyente. Buhay!” ulat ng isang nurse. Nang bumukas ang Emergency Room ay dali-dali ako rin akong pumasok. Abalang-abala ang lahat ngunit ang mga mukha nila ay hindi maipinta. May ibang seryoso, sinusubok maging seryoso, at ibang sinusubukang gawan ng paraan ang mga katawang ilang minuto lang ay bibigay na rin. Sinuri kong maigi ang ER. Ang mga kama, ang bawat pasyente. Naroon sina Mama at Papa. Sina Abby at Adam. Napangiti ako at nakahingang maluwag ngunit sa ilang saglit lang ay naglaho na rin. Dumating ang isa pang doktor at may sinenyas sa nurse. Isa-isa nilang tinakpan ang mga mukha ng aking pamilya gamit ang puting kumot. Tatakbuhin ko na sana ang mga stretcher na palabas pero nakaramdam ako ng panlalamig. Naiwan akong nakatayo sa gitna ng abalang ER kung saan ako nagsimula. Nakalimutan kong hindi man memorya ay pangyayari na ito sa nakaraan. Patay na sina Mama at Papa. Sina Adam at Abby. At ako na tanging survivor ay nakaratay ang katawan sa second floor ng ospital na ito sa mahigit tatlong buwan nang nakalipas. Wala na akong magagawa kung susundan ko pa sila dahil patay na silang lahat. Napaupo ako sa isang puting bench na nakasandal sa pader. Sinapo ko ang noo. Nanginig ang aking mga balikat sa halu-halong emosyon. Kung hindi ako nakaupo ngayon ay bumagsak na ako sa sahig. Sa lahat ng dinaan ko sa aking mundo ng mga memorya ay ito ang nawawala pero ito rin ang pinakamasakit sa lahat. Ito ang memoryang unang beses kong dadaanan. Alam kong namatay na sila Mama at Papa bago pa man ako magising pero ang masaksihan ito ng mata sa mata ay halos sumira sa buo kong pagkatao. Kung sa kaalaman ko man ay sila ang dalawang beses na nawala pero parang ako naman ang dalawang beses na namatay. Nalaman ko na kung paano ako nabuhay at namatay pero parang ako ang niloloko ng panahon dahil kailangan kong pagdaanan ang pinakamatamis at pinakamasakit ng dalawang beses pa. Hindi ko na napigilan ang panginginig ng mga balikat. Ang kanina pang pinipigilang mga buntong-hininga ay pinakawalan ko kasabay ng pagbuhos ng mga nangingilid na luha. Abala ang mga doctor at nurse. Pati si Aling Marie na hindi magkanda-ugaga sa pagsisilbi ng mga staff na pagod na pagod dahil sa emergency. Si Manong Romeo ay naroon din at nag-aabot ng tulong. Sa gitna nilang lahat, katulad ng dati, ay mag-isa na naman ako. Hilam na hilam ang aking mukha dahil sa pagtangis. “Ana! Ana! Kanina pa kita hinahanap!” Sa kabila ng pag-iyak ay napaangat ako ng tingin kahit na alam kong imposibleng may makarinig sa akin bukod sa sarili ko lang. Tumatakbo si Gabriel sa pasilyo ng ospital sa hindi pangkaraniwang bilis. Huminto ito sa harapan kong nanlalaki ang mga mata sa gulat at pangamba. Nagtama ang aming tingin. Kahit kaunti ay naging malumanay ang kaniyang mga mata. “Wala na sila, Gabriel. Wala na silang lahat,” iling ko. “Ana…” “Iniwan nila ako ulit. Mag-isa na naman ako ulit.” Napayuko ako, nanlalabo pa rin ang tingin dahil sa walang ingay na mga luhang pumapatak sa sahig ng ospital. “Andito pa ako, Ana. Hindi kita papabayaan,” iling ni Gabriel. Hindi ako nagsalita. Hinayaan ko lang maubos ang mga luhang umaapaw habang tahimik na nakayuko. Dahan-dahan ay lumapit ang kamay ni Gabriel at hinawakan ang akin pero sa halip na isang buong kamay ay sa dulo lang ng daliri. Napangiti ako kahit na patuloy pa rin ang pagluha. “Natatakot ka, ‘di ba? Humawak ka lang. Hindi ko na tatanggalin. Promise.” Ngumiti si Gabriel. Mas uminit ang sulok ng aking mga mata. Naalala ni Gabriel noong niyaya niya akong mag-sine dahil ganitong-ganito rin ang ginawa namin noon nang pauwi na. Magkahawak. Kahit ang dulo ng daliri lang ang nagdidikit. Tumango ako kay Gabriel. Hindi dahil sa sinabi niya pero dahil sa kaniyang ngiti. Iyon yata ang kauna-unahang beses na binigyan niya ako ng isang tunay. “Saan ka ba kasi nagpunta? Bakit ka ba nawala bigla?” mahina kong tanong. Mas humigpit ang hawak ko sa kaniyang daliri. “Bumalik ako sa ospital kasi ilang linggo na tayong hindi nakakabalik. Tulog na tulog ka naman! Nakakahiya gisingin si Madame Sleeping Beauty.” “Madame?” Kahit nakangiti ay napasinghot ako. “Oh! Para iyakin ka na lang. Hindi na uhugin.” Nag-abot si Gabriel ng tissue na binunot niya sa mahiwagang bulsa ng kaniyang jeans. Tinanggap ko iyon. Medyo gumaan na ang pakiramdam ko. Kapag nakikita ko si Gabriel ay may kung anong ere itong payapang dala kahit na umiirap o nakasimangot. Ganoon siguro kapag anak ng liwanag. Isang yapak lang ay bubukas ang mga bulaklak at sisikat ang araw. “May sasabihin ako sa’yo…” nguso niya. Tumaas ang dalawa kong kilay at pinakatitigan ang anghel. Lumaki ang mga mata nito habang tumitingkad ang mga tainga. Pinigilan ko ang mga ngiti. Tumikhim si Gabriel bago harapin ang mukha kong magang-maga pa sa kaiiyak. Bumagal ang oras. Pumatak ang mga segundong kay tagal kung lumapag. Palipat-lipat ang mga mata ni Gabriel sa akin habang unti-unting lumalapit ang mukha. “Ano ang sasabihin mo?” bulong ko. Napalunok si Gabriel. Dumaan pa ang ilang segundo. Ayaw nitong alisin ang tingin sa akin. “Mamamatay ka na,” bigla niyang sabi. Halos mabilaukan ako nang marinig iyon. Muling bumilis ang oras dahil bumilis din ang mga t***k ng aking puso. Napaatras ako at nanlalaki ang mga matang tiningnan si Gabriel. “A-Ano?” naguguluhan kong tanong. Napakamot ito sa ulo. “Ah… eh... Mamamatay ka na! Iyon ang sasabihin ko!” Nang mapagtanto niyang hindi ko siya naiintindihan ay umiling ito. Tumayo si Gabriel pero nakalapit pa rin dahil nakakapit ang aking kamay sa kaniyang daliri. Napanguso si Gabriel nang bahagyang sipatin ang mga kamay namin. “Tumagal ako sa ospital kasi binabantayan ko ang katawan mo. Halos tatlong oras ka na nilang nire-revive. Mas mahina na ang tyansa mo dahil ilang beses ka nang inatake.” Nalaglag ang panga ko dahil sa sinabi niya. Napatayo na rin ako. Hindi ko sinasadyang maputol ang aking hawak sa kaniyang hintuturo. Napangiwi si Gabriel doon. “Kailangan na nating bumalik, Ana. Pero sa pagbalik natin, kailangan ay may desisyon ka na. At kung ano man ang magiging desisyon mo ay nasa likod mo lang ako lagi.” Umiwas ito ng tingin sabay hawak sa mga kamay ko. Tumango ako. Maaaring iyon na ang huling beses na mararamdaman ko kung paanong lumipad sa paglipas ng panahon. Marahil iyon ang dahilan kung bakit kahit bumalik na kami sa totoong panahon ay ayaw ko pa ring bitiwan ang kaniyang mga kamay o putulin ang linya ng aming mga mata. Lumitaw ulit ang ngiti ni Gabriel pero bago pa man tuluyang makabalik ay narinig ko na ang tunog ng flatline. “Ana? Ana?!” gulat na sigaw ni Gabriel. Napatingin ako sa kamay na nagiging itim at nasusunog. Nagsisimula ang pamilyar na pakiramdam kung saan hindi ako makahinga at umaakyat ang init at sakit sa aking katawan. Ganitong-ganito ang naramdaman ko noong sinalba ako ni Gabriel. “Gabriel….” Napatingin ako sa kaniya. Lumapag kaming dalawa sa aking kwarto kung saan mas malakas ang tunog ng flat line. Tumigil na ang mga doctor at nurse dahil mismong ang sarili kong katawan ay sumuko na rin. Binabalot ako ng itim at init. Ngunit habang tinitingnan ko si Gabriel na hindi alam ang gagawin ay parang naiibsan ang sakit. “Gabriel,” nanghihina kong tawag. Hindi ko alam kung bakit wala akong maramdamang sakit pero ang tanging alam ko lang ay unti-unti na akong binabalot nito. Walang kapangyarihang ginagamit si Gabriel para pabagalin ang oras pero ganoon ang nangyayari. Mabagal ang pagsalo niya sa akin at ang walang boses niyang pagsigaw ay ilang milyang segundo ang tinatakbo. Pumikit ako. Rinig na rinig ko ang humihinang t***k ng puso. May kung anong binubulong sa akin si Gabriel. Dahan-dahan akong tumango. “Time of death. 4:26 am.” Wala na akong ibang makita kung hindi ang itim. Kahit ang aking mga hininga ay hindi na rin rumerehistro sa aking utak. Balot na balot na ng abo ang aking katawan, unti-unting lumulutang sa ere para maglayag at maglibot hanggang sa katapusan ng mundo. “Hanapin mo ako, Ana. Hihintayin kita,” bulong ni Gabriel. Binigay ko ang huling hininga bago nagpaubaya sa mga abo. “Ikaw ang anghel ko sa lupa. Hihintayin kita…”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD