Chapter 20

1792 Words
Chapter 20 Langit “Piliin mong mabuhay, Ana. Kahit mawala ang mga memorya mo ay piliin mo pa ring mabuhay. Hindi mo pa oras. Hinihintay ka pa ng mundo…” Sa gitna ng kamatayan ay iyon ang tanging binulong sa akin ni Gabriel. Kahit na binabalot ng sakit ang buo kong katawan at nilalamon ng abo ang aking pagkatao. Kahit hinihila paibaba sa lupa para manatili hanggang sa katapusan ng mundo ay tinanggap ko ang pang-una sa dalawang opsyon na binigay sa akin ni Gabriel noon. Malugod kong tinanggap dahil naintindihan kong habang binabalikan ko ang aking mga memorya ay hindi ko naman talaga hinahanap ang dahilan kung bakit ako namatay. Pinili ko ang pangalawang opsyon para tuluyan nang makaalis sa mundo pero ang totoo ay para maalala ulit sina Mama at Papa. Ngayon ko lang naisip na pagkamatay ko man ang pilit kong hinahanap, makita at mapanood ko man sa sariling mga mata, ay hindi ko pa rin maiintindihan. Hindi ako matatahimik. Dahil sa pagbalik ko sa nakaraan ay tanging ang mga dahilan kung bakit ako nabuhay at kung gaano kahalaga ang buhay ang aking natuklasan. Namatay sina Mama, Papa at ang mga kapatid kong sina Adam at Abby. Sa pangalawang pagkakataon ay namatay ulit sila sa buhay ko dahil sa pagbalik ko sa aking mga memorya. Habang pinanonood ko ang buhay ko simula pagkabata, sa mga taong nakasama ko sa aking paglaki, sa pagdating nila Adam at Abby at ang mga araw na parang pwedeng makasira sa pamilya namin ay halos napaniwala ko ang sariling may dulong darating na magkakasama kaming lahat. Na hindi sila mamamatay at tanging ako lang ang mabubuhay. Maaaring ang katotohanan ay alam ng aking natutulog na katawan at tanging akong kaluluwa lang ang hindi makaintindi. Maaaring kaya rin ayaw magising ng aking katawan ay dahil alam na wala na itong babalikan. Pero habang natatalo ito sa kamatayan sa aking harapan ay nalaman kong sa dami ng bersyon ni Anastasia Resurreccion na aking nakita, ang natutulog man o sa memorya lang ay ako ang lahat ng ito. Isinabog lang ang mga piraso sa mundo at sa nakaraan pero ako ang lahat ng aking nakita. Ako si Anastasia Resurreccion. At gusto ko pang mabuhay. Gusto ko pang bumalik sa mundo. Uuwi pa ako sa resto, uuwi sa mga taong naghihintay sa akin at uuwi akong mamahalin ulit ang buhay. Alam kong hindi kailanman matutumbasan ng aking mga memorya ang pamilya kong nawala na pero sa ganoong paraan ay para na rin akong nabuhay ng dalawang beses sa kabila ng dalawang beses kong muntik na pagkamatay. Hindi ko malalaman kung bakit naghintay ng matagal ang aking katawan at hindi tuluyang bumigay pero naniniwala akong konektado ang lahat. Marahil ay nararamdaman nitong unti-unti kong naaalala kung paano ulit mabuhay – ang bagay na nalimutan ko noong namatay sila Mama. Siguro ay naghintay rin sa akin si Ana dahil alam na gugustuhin ko pa ring mabuhay sa kabila ng lahat. Nang ibigay ko ang huling paghinga bago tuluyang kuhanin ng mga abo ay si Gabriel at ang kaniyang mga bulong ang aking huling alaala. Naging isang walang hanggang kadiliman ang lahat. Payapa at malumanay. Pagkatapos ay ang paglitaw ng liwanag na nagmula sa isang gabutil na tuldok bago unti-unting sumabog at tinalo ang dilim. Bumungad sa akin ang mga ilaw ng langit, ang alapaap na natatanaw ko lang sa himpapawid. Ang mahal na mahal kong langit. Kahit anong tingala ko ay wala si Gabriel na siyang dahilan ng aking pag-ibig. Walang naglalakad na anghel na nakangisi o nakasimangot. Walang mga balahibong nagkalat sa liwanag dahil sa tuwing lilipad ay masyadong mabilis ang pagaspas ng pakpak. Wala si Gabriel. “Good morning, Ate! Sino si Gabriel?” Naroon si Abby sa gilid, suot ang unipormeng pamasok at hawak ang lunchbox. Ilang beses akong napakurap dahil sa malakas na sinag ng araw na tumatama sa aking mukha. Bumaba ang aking tingin sa mga kamay, inikot sa hangin at kinuyom. Bumalik ang aking tingin sa langit na mukhang kanina pa ako sinisipat habang nakatayo sa harapan ng bintana. “Late na tayo, Ate!” Sumungaw ang ulo ni Adam sa kwarto. Napaawang ang aking bibig habang tinitingnan ang dalawang kapatid. Parehong naka-uniporme at sukbit ang bag. Si Abby ay nakatingin lang sa akin samantalang si Adam ay abala na ngayon sa pagtitingin sa kaniyang notebook. “Ate?” tawag ulit ni Abby. Sa sobrang bilis kong tinakbo ang pagitan ng aming distansiya ay napaluhod na lang ako sa sahig. Hindi ko alintana ang matigas na semento dahil ang maliit nilang katawang lagi kong hinahagkan ay pwede kong gawin ulit. Mahigpit kong niyakap sina Adam at Abby. “Hala! Si Ate naman! Magugulo ang uniform ko. Magagalit si Mama bahala ka.” “Kahit ako pa ang mag-plantsa ng mga uniporme ninyo habang buhay ako.” Uminit ang sulok ng aking mga mata. “Ana? Bumaba na kayo! Ihahatid na kayo ng Papa ninyo!” Napatigil ako sa pagyakap kina Adam at Abby. Dahan-dahan kong binitiwan ang mga kapatid. Pababa pa lang ako sa hagdan ay naaaninag ko na ang likod ni Mama na abala sa pag-uurong ng mga pinagkainan. Napaawang ang aking bibig habang pinagmamasdan itong gawin ang mga nakasanayan tuwing umaga. “Mama?” mahina kong tawag. Lumingon ito kaagad. “Naghihintay na ang Papa ninyo sa labas. Ihanda mo na ang mga kapatid mo---” Kumaripas ako ng takbo at mabilis itong niyakap. Muntik pa nitong mabitiwan ang hawak na mangkok pero mahigpit ang aking mga bisig sa kaniyang bewang. Umagos ang aking mga luha habang yakap si Mama. “Ay naku! Ang lambing naman talaga ng panganay ko. Manghihingi ka ba ng pera, Ate?” natatawa niyang puna. Umiling ako, yakap pa rin ito. Wala akong ibang naramdaman kung hindi ang ginhawang laging dala ni Mama. Sa memorya ko lang nakikita ito at inggit na inggit pa sa sariling bersyong nakakasama ang pamilya pero ngayong ako na ang yumayakap ay parang nabura ang lahat ng mga paghihirap ko. “Si Papa po?” naiiyak kong tanong. Natatawa nitong tinuro ang daan palabas. Pinunasan ko ang mga luha at ngumiti. “Adam! Abby! Tara na!” sigaw ko sa hagdan. Binigyan ko ito ng isa pang yakap bago nagtatakbo palabas. Ang liwanag ng himpapawid na kanina ko pa tinitingnan ay muling sumalubong sa akin. Tumayo ako sa gilid ng kalsada at binabad ang mukha sa magaang sinag ng araw. Dumadaan ang mga tricycle, naglalakad ang mga papasok din sa eskwela at ang restong kadikit ng bahay ay binubuksan na nina Jade at Kuya Mong. “Jade! Kuya Mong!” Kumaway ako. “Good morning, Ana! Ganda ng gising mo ngayon ah?” “Ganda naman ng alaga ko!” Natawa ako at napailing. Hinanap ng mga mata ko kung saan laging tumatambay si Papa tuwing hinihintay kami ng mga kapatid kong lumabas ng bahay kapag papasok. Wala ito sa gilid ng kalsada kaya naman nilingon ko ulit ang dalawa. “Si Papa po?” “Nasa likod! Nag-aayos ng mga stock!” “Thank you po!” sigaw ko bago nagtatakbo papasok sa resto. Buong-buo ang resto at walang bahid ng sunog. Ang mga disenyong kami mismo nina Adam at Abby ang gumawa, ang mga bilaong pininturahan at isinabit sa harapan, at ang mga dahon ng niyog na may kung anu-anong palamuti ay naka-display pa rin. Kumpleto ang mga lamesa at pulang bangkuan, ang mga larawan naming nakadikit sa pader at ang bitak-bitak na tiles. Naririnig ko pa lang ang mga pito na nagmumula sa kusina ay bumagal ako sa paglalakad. Bukas ang pinto pero natatakpan ng mga nakasabit na seashells ang loob. Nakikita ko na ang mga paggalaw doon ng isang pamilyar na pigura. Hinawi ko ang mga nakasabit at unti-unting tiningnan si Papa na abalang nagmamando ng kitchen. Suot pa rin niya ang paboritong apron, ang nakasulat na ‘Best Dad Ever’ ay puro mantsa na rin. “P-Papa…” Umahon muli ang aking mga luha. “Oh, Ate! Ihahatid ko na ba kayo? Ready na kayo?” Ngumisi ito nang bahagya akong lingunin, pansamantalang iniiwan ang mga gulay. “Pa…” Nagsipag-unahan ang aking mga luha. Kahit pa mabilis ang pagtulo ng likido mula sa aking mga mata ay unti-unti akong napangiti habang pinanonood itong magtrabaho. Naalala ko ang lahat ng memorya niya, ang mga tinuro niya sa akin at ang mga ginawa niya para sa aming lahat. Wala ang bala ng b***l sa kaniyang dibdib at hindi pikit ang mga mata pero nakatayo ngayon at ginagawa ang mga bagay na nakakapagpasaya sa kaniya. “Oh, bakit ka umiiyak? Sinong nagpaiyak sa’yo? Ano? Si Lucas ba? Walang hiyang Lucas---” Mabilis kong tinakbo ang maliit naming distansya at niyakap ito. Hindi na bagong laba ang damit niya dahil laging babad sa kusina. Amoy ulam, parang amoy ng resto. Natatawa ako habang mahigpit itong yakap dahil si Papa nga ito. Iyon ang nakasanayan kong amoy niya simula pa pagkabata. “Hindi ako sumuko, Pa. Sabi mo ay dapat bumangon at lumaban ulit, ‘di ba? Hindi ako sumuko,” bulong ko sa damit nito. Naalala ko ang lahat ng mga tinuro niya sa akin noon. Siguro ay nakalimutan ko na habang tumatanda ako pero binalik ako ng aking mga memorya kung paano ako nagsimula bilang si Ana. At kasama roon si Papa. Siya ang nagturo sa akin kung paanong hindi dapat susukuan ang mga problema. Kailangan bumangon. Kailangan lumaban. “Aba! Talaga namang Lucas na iyan! Makikita niyan mamaya pagdating natin sa school ninyo! Humanda siya!” Malakas akong natawa sa kabila ng umaagos na mga luha. “Mama! Tingnan mo si Ate! Kanina pa siya ganiyan! Yakap ng yakap tapos iiyak! ‘Di ba, Kuya?” Sabay kaming napalingon sa pinto kung nasaan si Abby na hinihila ang damit ni Mama. Si Adam naman nakakibit-balikat lang. Mas lalo akong napaiyak. Inabot ko ang mga kamay sa kanila. Kahit naguguluhan ay sumunod ang mga ito. “Group hug, Ate?” tanong ni Adam nang yakapin ko ito. Natawa ako pero mas lalo lang hinigpitan ang hawak sa kanilang lahat. Nahahawakan at nakakausap ko sila Mama. Hindi ko alam kung bakit pero wala sila sa stretcher kung saan nakatakip ang mga mukha kagaya ng huli kong pagkakakita. Alam kong tao lang kami at may limitasyon. Pero hanggang hindi pa tapos ang aking buhay ay hinding-hindi ako susuko at pangakong babangon sa kahit na anong laban. Hanggang naririto pa ako sa mundo ay mamahalin ko ang aking pamilya. Hindi ako magsasawang madapa at magkamali. Susubukan kong mahalin ang buhay kahit na minsan ay alam kong hindi ito kamahal-mahal. “Mahal na mahal ko kayo, Mama, Papa. Mahal kayo ni Ate, Adam at Abby…” bulong ko sa aking mahigpit na yakap. Sinilip ko ang maliwanag na himpapawid sa maliit na bintana. Muntik ko nang maabot ang langit kahapon pero hanggang buhay pa ako ay alam kong sila muna ang langit ko dito sa lupa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD