Makalipas ang isang taon at anim na buwan.
"Gusto ko ng Brazilian style, tapos kaunting highlight sa aking buhok."
Mahinahon ang kanyang tono, pero may hindi maipaliwanag na lamig sa boses ng napakagandang babaeng customer. Kahit ang staff ng salon ay napatuwid ang tayo, at naa-amaze hindi dahil sa utos, kundi dahil sa aura nitong parang hindi dapat kontrahin.
"Noted, Madam."
Umupo ang magandang babae ng marahan, wari’y reyna na napagod sa mahabang paglalakbay. Pero sa likod ng kanyang malamig na mukha, may kung anong tensyong gustong kumawala. May lungkot sa mga matang hindi niya namamalayan, pero nababasa ng iilan.
"Ah, Miss… sorry ah. Pwede mo bang i-trim nang kaunti ang dulo? May split ends kasi. Ayokong may makita akong kahit isang sira."
May diin ang bawat salita, para bang ang maliit na kapintasan sa buhok ay sumisimbolo sa kapintasang desperado niyang itago sa buong mundo.
Ngumiti ang isang staff na babae, "Sure po, Ma’am."
Dalawang oras siyang halos hindi gumalaw. Pero ang isip niya? Hindi mapakali. Hindi siya mapalagay. Paulit-ulit na parang may gumuguhit sa utak niya, mga eksenang hindi niya maalala nang buo, parang hangin na dumaraan pero nawawala din agad paglipas ng ilang sigundo, pero ang lahat ng iyon, kahit hindi pa rin malinaw ay sapat na para manggigil siya.
Lumapit ang isa sa kanyang mga bodyguard, halatang naiinip. "Ma’am, puwede po ba ako lumabas saglit? Maninigarilyo lang ako..."
"Sa counter mo nalang iwanan ang paper bags, na mga pinamili ko..." mabilis niyang putol, mas matalim kaysa sa dati. May bahid ng pandidiri, pero may kakaibang pagod sa dulo ng boses niya.
May kabaitan pa ito sa kanyang paguutos, dahil ayaw nitong maamoy ang usok ng sigarilyo na didikit sa kanyang mga pinamili. Hindi sa maarte kung hindi sinsetibo siya sa mga bagay lalo na sa kanyang pang amoy.
Pagkaalis ng body guard, iniwan niya ang mga gamit sa counter, habang tinitingnan niya ito malamig ang kanyang mga tinginan, pero hindi alam ng lahat, ay nanginginig ang palad niya na may hawak sa debit card sa loob. Parang may hinahabol siya, o pinaplanong dapat niyang tatakbuhan.
Pagkatapos magpa-ayos ng kanyang buhok ay nagpunta siya sa nail spa. Umupo doon na napapikit ang mga mata, na parang nagpahinga. Pero kahit nakapikit, ang dibdib niya ay kumakabog ito, hindi dahil sa pagod, kundi dahil sa isang pakiramdam na matagal na niyang nararamdaman:
'May kulang. May mali.'
Habang mahigpit siyang binabantayan ng dalawang bodyguard at dalawang nanny, isang tanong ang umiikot sa isipan niya. Sino ba talaga siya?
Andrea Rosario. edad na nasa dalawampu’t dalawa. Maputi, makinis, mala-Chinita. Pero ang tunay na Andrea ay tila matagal nang nawaglit, napalitan ng bagong bersyon na binuo para sa kanya ng ibang tao.
"Madam, ok na po."
Nagulat siya ng may biglang nagsalita sa likod niya. Nakatulog pala siya... pero bakit parang hindi siya nagpahinga? Parang mas lalong bumigat pa ang nararamdaman ng dibdib niya.
“Ahh… salamat.” Tumayo siya, pero nanginginig ang tuhod niya habang inaabot ang Louis Vuitton bag. Walang nakakakita, pero sa loob niya, may takot siyang hindi niya maipaliwanag.
May malamig na gumapang sa batok niya… ramdam niya na may nagmamasid parati sa kanya.
Habang nagbabayad siya gamit ang debit card sa counter, pilit niyang iniingatan ang sarili na kumawala mula sa kaba, upang hindi siya mahalata ng mga nakakakita sa kanya o nakakausap. Lumabas siya na may pilit na tikas ng postura.
"Guys, do you want something to eat? Nagugutom ako." tanong niya sa mga kasama niya.
Laging galante, pero lahat ng kilos niya ay parang mekanikal, hindi dahil masaya, kundi dahil iyon ang nakasanayan niya. Para mabaling ang isip sa kung anong nilalabanan niya sa loob ng kanyang sarili.
Kumain sila ng samgyup. Naglaro siya sa phone. Pero paulit-ulit niyang tine-check ang screen, na parang may inaabangan. O may iniiwasan.
At nang tumunog ang cellphone niya, halos malaglag niya ito kahit hawak pa niya.
Numero ng nobyo ang nag-flash sa screen. Isang tawag na sabay nagbigay ng kapanatagan… at kaba.
"Are you done?"
Mababa, malamig, at demanding ang isang boses na halos ikalaglag ng kanyang kaluluwa.
"Oo, pabalik na ako sa unit."
"Okay. I'm waiting..."
Pagkababa ng tawag, napabilis ang lakad niya. Tatlong araw niyang hindi nakita ang nobyo, siya si Don Rafael Buenavista at sa bawat gabing iyon ay may mga bangungot na bumabalik, dumaraan sa kanyang panaginip ang ibang parti ng kanyang mga nakaraan.
Hindi niya masabi sa kahit kanino..
Hindi niya alam kung bakit.. Sa ngayon wala pa siyang idea kung ano ang kanyang gagawin.
Sa unit, nakahiga silang magkayakap pagkatapos mag-make love, pero hindi mawala sa isip ni Andrea ang panginginig ng mga kamay niya kanina.
"Ilang gabi na akong nananaginip ng paulit-ulit na pangyayari," bulong niya. "Sa tingin ko kailangan ko nang magpa-check up sa doctor… o di kaya sa isang specialist na maaring makatulong sa akin"
May diin sa boses niya. May pagmamakaawa sa nobyong tahimik na minamasdan ang kanyang mga mata, hindi nito alam na may takot si Andrea, na parang may trauma sa maraming bagay na hindi niya maipaliwanag, sino ba ang maaring makakatulong sa kanya para sa kanyang mental health?
Pero tinapik lang ni Don Rafael ang balikat niya.
"Hindi mo kailangan ng doctor," malamig na sagot ng lalaki. “Libangin mo lang ang sarili mo. Bored ka lang.”
Parang kutsilyong dumulas sa puso niya, batid ni Andrea na wala itong paki alam sa kanyang nararamdaman. Hindi siya pinakinggan. Hindi siya pinaniwalaan.
"Why not," sabi nito, "pumunta ka sa malaking mall. May mga bagong branded na damit. May sale. May freebies pa. Gusto mo iyon, 'di ba?"
Hinagod nito ang buhok niyang bagong ayos, pero kahit banayad ang haplos… may bigat, may kontrol, may tahimik na pwersang nag-uutos.
"Hmm, okay… magche-check ako sa website. Pwede ko bang hiramin saglit ang laptop mo?"
Napalunok siya. Hindi niya alam kung bakit kabado siya sa simpleng tanong na iyon.
Tumingin si Don Rafael sa kanya... isang tinging hindi niya mababasa kung papayag ba o magagalit ito. Isang tinging nakakapigil ng hininga.
Ang laptop na iyon… ang laman… na nagtatago ng sikreto… ang buhay na itinatago ng lalaking ayaw niyang pagdudahan pero hindi niya lubos na kilala.
At si Andrea... isang babaeng walang naaalala sa kanyang nakaraan... ay lalong hindi dapat nagkakamali.
Hinalikan ni Don Rafael ang pisngi nito, naglambing, nagpakasarap ang boses, umaasang mapapalambot ang matigas na paningin.
Ilang segundong nakabitin ang sagot.
Tila abot-puso ang kaba niya.
Hanggang sa marinig niya ang boses ni Don Rafael, "Sure."
Pero ang ngiting sumunod sa labi nito… ay hindi niya lubos maintindihan.
At ang lamig na gumapang sa gulugod niya… ay hindi niya alam kung dahil sa tuwa.. o panganib.