ROSABELLA
Kahit mahirap ay tinitiis ko. Konting panahon na lang naman at aalis na rin ako. Tiningnan kong maigi ang ginagawa kong resignation letter. Maaga akong pumasok ngayon para gawin ito. Wala akong computer sa bahay kaya rito ko na lang ginawa, libre pa pati ang print.
Napatingin ako sa paparating na tao. Bigla akong nataranta. Hindi ko alam kung papatayin ang monitor ng computer o tatakpan ng papel. Pinili kong i-off ang monitor.
Bakit ang aga niyang pumasok? Kadalasan late ang lalaking ito? In fairness, mukhang maayos siya ngayon. Nagbuntonghininga ako. Baka okay na sila ng nobya niya. Ano'ng pakialam ko kung okay na sila? Kahit magpakasal pa siya ay wala akong pakialam, kahit may pananagutan siya sa akin.
“What is that?” Tanong sa akin ni Leonardo nang dumako ang tingin sa monitor. Mabuti na lang na-off ko ang monitor.
“Ang mga schedule mo inaayos ko lang.” Napakamot ako sa ulo ko.
Sana hindi niya tingnan.
“I see. Can you make me a coffee and bring the files I needed to sign?” Utos niya sa akin at saka tumalikod, pumasok sa opisina niya. Nagtaka ako sa kinilos niya. Dati hinahagkan niya ako sa pisngi at sabay bati ng 'good morning.', pero ngayon hindi niya ginawa.
Haist, Rosabella, akala ko ba iiwasan mo na siya? Bakit gusto mong mapalapit pang lalo sa kanya? Singit ng isip ko.
Mas mabuting ganoon ang trato niya sa akin. Kinuha ko ang files at nagpunta sa pantry para ipagtimpla ng kape si Leonardo. Inilapag ko ang folder at pati ang kape sa table nito nang makalapit ako sa table. Hindi man lang sumulyap sa akin, nakatutok ang tingin sa laptop.
Tumalikod na lang ako upang gawin ang trabaho ko. Hindi dapat sumama ang loob ko dahil sa pag-iwas sa akin. Ito naman ang dapat na dapat kong isaksak sa isip ko. Hindi ko maiwasang hindi maghinanakit. Hindi kasi ako sanay na ganito ang trato niya sa akin.
Puwes, masanay ka na. Anang isip ko.
Umaayon ang pagkakataon sa akin. Mas mabuting malamig ang pakikitungo niya upang madali sa aking makapag-move on. Nangilid ang luha ko. Bakit ang sakit? Tumatagos sa puso ko. Hindi ko maiwasang mainis sa sarili ko dahil nagpakatanga akong mahalin ang taong may ibang mahal.
Napahawak ako sa tiyan ko. Huminga ako ng malalim upang kalmahin ang sarili ko. Hindi ako dapat magpaapekto dahil baka nararamdaman din ng anak ko ang kalungkutan ko.
Inilabas ko ang sandwich na ginawa ni Annabella, bigla akong nagutom. Ginawa niya ang sandwich kanina bago ako pumasok ng trabaho para raw hindi kami magutom ni baby. Napakabuti ng kapatid ko. Nagpapasalamat ako dahil may mga kapatid akong mapagmahal. Sila ang nagbibigay ng lakas sa akin para lumaban sa buhay.
Lumipas ang oras ngunit hindi lumabas si Leonardo sa opisina. Tumayo ako upang puntahan siya at baka nagugutom na ang lalaking iyon. Masama ang mag-skip ng lunch at baka magkaroon pa siya ng ulcer. Kasalanan ko pa kapag nagkasakit siya.
“Mr. Romano, it’s already lunch. Magpapa-deliver ba ako ng food mo?” Tanong ko nang makapasok sa opisina nito. Napaangat ito ng tingin. Ibinaba ang screen ng laptop.
“No, nakapagpa-deliver na ako. Hinihintay ko na lang. You can join us here.”
Us? Ibig sabihin pupunta ang babaeng iyon? Biglang sumama ang pakiramdam ko. These past few weeks nagiging sensitive ako. Madali ako mainis, lalo kapag hindi kaaya-aya ang naririnig kong pangalan.
“Huwag na Mr. Romano. I have my baon,” sabi ko. Tinalikuran ko na siya. Nakakainis ang pagmumukha niya.
“Rosa. . .” Narinig kong tawag niya sa pangalan ko. Napahinto ako sa pagpihit ng seradura. Napairap ako at napanguso.
“Sabay tayong umuwi mamaya. Doon ka sa bahay matulog,” sabi niya.
Napahigpit ang hawak ko sa seradura. Feeling ko sisirain ko ang seradura base sa pagkakahawak kong sobrang higpit. Tumanggi ka, Rosabella! Huwag mong hayaang bumigay. Singit ng isip ko.
“I can’t Mr. Romano. Nasa bahay ngayon sila ate Isabella. Na-miss ko ang bonding moment namin ng mga pamangkin ko.” Pagrarason ko. Ayokong matulog sa condo niya dahil hindi tama. Para ano? Saktan unti-unit ang puso ko?
Habang magkasama kami wala siyang bukambibig kung hindi ang nobya niya. Napakasakit sa akin na habang kasama nya ako ibang babae ang nasa isip niya. Napakamanhid ni Leonardo hindi man lang niya inisip ang mararamdaman ko.
“Please, Rosa.” Pagmamakaawa niya sa akin.
Nagulat ako dahil nasa likuran ko na pala si Leonardo. Pumulupot ang bisig niya sa beywang ko. Mariin kong nakagat ang labi ko. Huwag kang papayag, Rosabella. Ituloy mo ang balak mong iwasan na siya. Ito na ang tamang pagkakataon. Susog ng kabilang isip ko.
“Rosa, mukhang tumataba ka?” sabi niya.
Bigla akong kinabahan nang himasin niya ang tiyan ko. Medyo nagkaumbok na nga ng kaunti ang tiyan ko.
“Matakaw akong kumain kaya nag-gain ako ng weight.” Pagsisinungaling ko. Alam kong hindi siya maniniwala sa sinabi ko dahil hindi naman ako matakaw kumain.
“Hindi ka naman matakaw kumain.” See?
Kinalas ko ang braso niyang nakayakap sa beywang ko at saka siya hinarap. “Puwede ba, Mr. Romano, huwag mo na akong pilitin. Hindi nga puwede. Nakakaintindi ka ba? Ayokong magalit sa akin ang nobya mo.” Inis na turan ko.
“Rosa, please roon ka na matulog. I miss you.” Pamimilit niya sa akin. Mas lalo lang nangulit si Leonardo. Napalapit ako sa kanya nang hapitin niya ang beywang ko. Napatitig ako sa guwapong mukha niya. Itinaas baba ang kilay. Napairap ako.
Bigla ko siyang naitulak nang may kumatok sa pinto. Binuksan ko ang pinto. Bumungad ang nobya ni Leonardo. Malapad na nakangiti habang ang mata ay nakatuon kay Leonardo. Tumango lang ako nang sulyapan niya ako at saka ako lumabas. Napakagat labi ako nang marinig ang sinabi ni Leonardo sa babae.
“Babe, I love you.”
Nagsisi ako kung bakit pa ako lumingon. Nakita ko silang naghalikan. Nanibugho na naman ang puso ko. Dahan-dahan kong isinara ang pinto. Bumalik ako sa table kong lumuluha. Wala sa sariling kinuha ang baon ko at binuksan iyon. Nakita ko ang ulam na niluto ni ate Isabella. Dahil sa inis ay kinain ko na lang. Doon ko binuhos ang sama ng loob ko. Mas mabuting sa pagkain ko ibuhos ang lahat ng sakit sa dibdib ko. Ayokong maapektuhan ang anak ko. Habang kumakain ay may pumapatak na luha sa mata ko.
Kapag okay na ang lahat at naayos ko ang schedule ni Leonardo ay saka ako magpa-file ng resignation. Naghihintay ako ng tamang pagkakataon. Alam kong hindi ito papayag sa gagawin ko.