MARRYING THE BUSINESS TYCOON 6: THE LUCKY DRAW WINNER
Ang lahat ay may malalaking ngiti sa kanilang mga labi at sabik na sabik na pumasok sa loob ng kompanya. Ito ang unang araw na ipagdiriwang ang pagkatayo at pagbubukas ng kompanya, punong-puno ngayong araw ng palaro sa karamihan ng mga empleyado at isa na ako sa mga kasama doon.
Wala naman talaga akong balak na sumali pa sa kanila, mas pipiliin ko din na manatili nalang sa loob ng office upang tapusin ang aking trabaho. Ngunit, isa sa pinaka-batas ng pamunuuan ay lahat ay sasali maliban na lamang kung may sakit na hika o sinabihan ng mga doctor na bawal ang sobrang mapagod.
“Anastasia, tignan mo ang buong gymnation. Doon sa banda malapit sa stage tignan mo!” tili ni Apple habang inaalog-alog ang aking katawan.
“Ano ba iyon? At saan?” sabay ayos ng aking salamin upang makita ang kanyang tinuturo. Medyo malayo ‘yon sa aming pwesto, marami din ang mga tao na nagsisiksikan at kumukuha ng litrato kaya hindi ko matukoy kung sino nga ba ang kanyang tinuturo.
“Iyon! Si Keil John! Sobrang pogi niya pala sa personal,” pinagpapatansyahan niyang ani bago malaki ang ngiti na humarap sa akin, “Ano tingin mo sa uniform at katawan ko? Ayos ba sa tingin mo ba ay kapansin-pansin na ‘ko sa mga boys?” dagdag pa niya bago inayos ang kanyang sarili sa aking harapan.
Tinignan ko siya mula ulo hanggang paa, hindi nakakapagtaka kung bakit isa siya sa pinakakinahahangaan ng ibang lalaki sa aming brach. Bukod sa magandang itsura nito ay maganda din ang kanyang pangangatawan, wala nga atang hindi magbabagay na damit sa kanya dahil sa perpekto nitong pangangatawan.
“Maganda ka naman kahit ano ang suotin mo,” mahinahon na sagot ko sa kanya bago nilingon ang paligid, “At kanina pa may lumilingon na mga lalaki sa pwesto natin dahil sa ‘yo kaya hindi mo dapat itanong pa.” nakangiwing sagot ko sa kanya saka muling inayos ang aking salamin.
“Gusto ko lang marinig mula sa iyon,” natatawan niitong ani bago kumapit sa aking braso, “Puntahan na natin ang pwesto ni Fafa Keil, isang beses lang ito sa isang taon kaya lapitan na natin sa personal.” Dagdag pa nito na nagswasway pa ng kanyang buhok habang hila-hila ako.
“Pero hindi naman ako interesado sa k-kanya!” pagpipigil ko sa kanya ngunit para lamang siyang walang narinig sa aking sinabi at patuloy pa din sa pagdala sa akin kung saan ang nakapwesto ang sinasabi niyang ‘Fafa Keil’.
Marami ang mga tao sa paligid. Pinagsama-sama kasi ang mga empleyado sa bawat sanggay ng kompanya upang sabay-sabay at sama-sama na ipadiwang ang pagkatayo nito, kaya naman ang karamihan mas lalo na ang mga naghahanap ng kanilang mga ka-FOREVER ay panay ang libot upang makahanap ng kanilang—‘The one’.
“Bakla ka! Kahit naman hindi ka interesado ay kailangan mo pa din humanap ng magandang tanawin ‘no, katulad nalang ni Fafa Keil na kahit pawis na pawis na ay gwapo pa din.” Nagpapantasya niyang ani bago tumingin muli sa pwesto ng kanyang tinatawag na ‘Fafa Kiel’.
“Apple, kakabreak up ko palang. Wala akong gana na maghanap ng kapalit kaagad, gusto ko muna na mag-isa.” Mahinahon na sagot ko dito.
Huminto siya sa kanyang paghila saka ako hinarap na may naniningkit na mga mata. “Sinabi ko ba sa ‘yo na maghahanap ka at magkakajowa ka pagtapos mo maglibot, huh, Anastasia? Syempre hindi! Titingin ka lang, magrarate ka lang ng mga boy’s kung ano sa paningin mo, kung bet mo ba o hindi.” Aniya bago ako inirapan.
“Hindi naman ako marunong niyan,” tamad na tamad na sagot ko sa kanya. “Sasamahan nalang kita kung saan ka magpupunta.” Dagdag ko pa.
Wala akong choice kundi ang sumama sa kanya, hindi ako malapit sa iba naming mga katrabaho at baka ma-out of place lang ako sa bandang huli kung hindi ko siya kasama. Si Apple lang minsan ang nagbibigay ng mga taong kumakausap sa akin, karamihan ng mga ‘yon ay lalaki na nagpapaabot sa kanya ng mga regalo.
“Kung ayaw mo talaga, okay lang,” sabay kibit balikat niya bago muling hila sa akin.
Sa hindi kalayuan ay may mga tumpukan ng mga kababaihan, nagbibigay ng inumin sa isang lalaki na walang kahit anong emosyon sa mga mukha. Hindi matukoy kung natutuwa ba ito sa ginagawa ng mga babae sa kanyang paligid o naiirita na.
“Ano, Apple, mas mabuti ng huwag tayong lumapit sa kanya.” pagpipigil ko kay Apple na lumapit sa lalaki, “hindi ba’t mas maganda kung makikilala ka niyang walang pake sa kanya?” dagdag ko pa.
“Wala naman akong balak lumapit talaga sa kanya,” pagrarason niya bago humigpit ang kanyang pagkakapit sa aking braso, “Gusto ko lang siya makita ng malapitan.” Dagdag pa niya.
Tila nakahinga ako ng malalim sa kanyang sinabi. Akala ko ay may balak pa siyang makipagdumugan sa mga kababaihan na andoon at panay ang papansin sa tinatawag nilang ‘Fafa Keil’. Naghintay kami ng ilang minuto sa aming pwesto, tahimik lang din siyang nakatingin sa kung saan nakapwesto ang lalaki na aming sinadya.
“Anastasia!”
“A-ano?!” napalakas ang boses na tanong ko sa kanya dahilan kung bakit nagtinginan ang mga tao sa aming pwesto. Nakakahiya. “Bakit ka ba biglang sumisigaw?” mahinang tanong ko sa kanya.
Ngumiti lamang siya bago nag peace sign sa akin, “Tara, bumalik na tayo sa pwesto natin. Malapit na mag-umpisa ang palaro. Kailangan natin galingan pareho!” pagpapalakas niya ng loob namin dalawa.
“Hmm, mahina ako sa ganyan.” Pagkontra ko sa kanyang sinabi, “Siguro ay ikaw nalang, hindi din naman ako interesado sa premyo.” Dagdag ko pa.
Naningkit naman agad ang kanyang tingin sa akin, “Wala ka talagang kahit anong kasupport-support sa ‘kin ‘no?” tanong niya.
“Kung wala ay sana hindi na kita sinamahan ngayon dito para makita ng malapitan si—” hindi ko matapos ang aking sasabihin ngg bigla niyang takpan ang aking bibig gamit ang kanyang palad.
“Huwag ka maingay,” bulong niya sa akin bago tinanggal ang kanyang pagkakatakip. Nagtataka na tingin ang ibinigay ko sa kanya ngunit mas lalo lamang niyang nilapadan ang kanyang ngiti bago ako hinila pabalik sa aming pwesto.
Ang lahat ay may iba’t-ibang kulay ng damit na nakabase sa kung saan sangay sila nabibilangan. Karamihan sa kanila ay dumayo pa upang makasama sa pagtitipon at isa na kami sa mga iyon.
“Ms. Marites, mukhang hyper na hyper ang lahat ngayong araw na ‘to.” Usal ng lalaking emcee sa taas ng maliit na stage na sinadya para ngayong araw.
“Totoo! Tignan mo ang mga kababaihan sa banda ‘to,” sabay turo kung saan kami nagpunta kanina, “Bawat taon nalang ay dinudumog ng atin mga kababihan si Sir Keil.” Ang camera ay tumapat sa mukha ng Keil na nakaupo na sa kanyang pwesto.
Malakas na nagtilian ang mga kababaihan, isa na din si Apple na pasimple sa aking likuran na tinatago ang kanyang sarili. Samantala, ako ay nanatiling tahimik sa aking pwesto at boring na boring na sa nangyayari.
Nag-umpisa na ang programa, nagsasalita ang mga emcee sa entablado at pinapakilala ang mga nag-ayos ng event na ito ngayon. Lahat ay nagkakatuwaan sa nangyayari, naghahanda na din ang karamihan sa kanilang magiging parte, at nag-uumpisa na sa kanilang palaro.
Ang lahat ng mananalo ay may espesyal na premyo na inihanda kaya ang lahat ay ginagalingan. Nakaraang taon ay may nanalo na trip to Korea at sagot na din nito ang buong pananatili doon kaya heto sila ngayon. Sobra pa sa sobra ang paghahanda na kanilang ginagawa.
Ako? Hindi ako interesado sa ganitong bagay. Kung mananalo man ay salamat pero sa huli ay mas maganda ng ibenta ang ticket na ‘yon kesa ako ang pupunta. Mapapagastos lamang ako para sa hindi importanteng bagay na katulad non.
“Anastasia, ikaw na! Galingan mo ng makuha mo ang trip to—”
“Sa tingin mo ba ay mananalo ako sa ganito?” putol ko sa kanyang sinasabi bago tumingin sa aking paa na nakatali sa isa pang paa sa hindi ko kilalang lalaki, “Dito mo pa talaga ako nilagay. Hindi ko nga alam kung paano ‘to laruin.” Dagdag ko.
Siya ang nag-ayos nang sport kung saan ako sasali, hindi naman ‘yon big deal sa kanya at may tiwala din ako sa kanya pipiliin ngunir hindi ko akalain na sa isang komplikadong laro niya ako ipapasok. Sa three leg game.
“Madali lang iyan, beks. Kailangan lang ay sabay kayong maglalakad hanggang sa makaabot doon—” sabay turo sad ulo, “Wala na kayong ibang gagawin. At isa pa, ‘di ba aalalayan mo naman siya?” baling niya sa lalaki na aking kapareha.
Tila naghugis puso naman ang mukha ng lalaki ng kausapin ‘to ni Apple. “Oo naman, ako ang bahala sa kanya at ibibigay sa ‘yo ang grad prize!” sagot nito sa kanya.
Napabuntong hininga na lamang ako bago tumango, “Oo na, oo na, pumunta ka na sa pwesto mo at mag-uumpisa na kami.” Kalmadong pagsuko ko.
Kahit kalian ay hindi ako mananalo sa pakikipagtalo sa kanya, marami siyang rason na masasabi at mapangrerebat sa akin. Bukod pa doon ay wala na din akong magagawa kundi ang ituloy ‘tong ginawa niya ng matapos na ang parte ko.
“Ready! Set! Go!” kasabay ng pagsigaw ng ‘Go’ sa speaker ay mabilis na naglakad na ang mga kalahok at isa na kami doon.
Panay ang aking lakad, malalaki ang kanyang hakbang at tila hindi iniisip na may kapares siya. Ilang beses na din akong muntikang madapa dahil sa kanyang ginagawa hanggang sa nakalahati na kami ng bigla na ‘kong bumigay at natumba sa kanyang ginagawa.
“Sobrang lampa mo naman!” galit na sigaw nito sa akin bago ginalaw-galaw ang kanyang paa kung saan nakakabit ang tali, “Bilisan mo na dyan, tumayo ka na at napaghuhulihan na tayo!” dagdag pa nito.
Masakit man ang aking balakang sa pagkakatumba ay pinilit ko pa din na tumayo. Kaya ayaw ko sa ganitong mga laro na may kapareha dahil kung matalo ay magsisihan sa bawat isa.
Nagpatuloy kami sa aming pagtakbo ngunit huli na, may na una ng nakaabot sa finish line at pang-apat lamang kami na nakaratin. Hingal na hingal akong umupo sa sahig, agad na tinanggal ang tali sa aking paa bago tumingin sa kanya.
“Galingan mo nalang sa susunod.” Mapang-asar na ani ko bago lumapit sa tabi ni Apple.
Mabilis na binigyan ako nito ng tubig at towel. Basang-basa ng pawis ang aking katawan, kapos din ang aking hininga dahil sa pagmamadali kanina, at ang balakang ko na nanakit.
“Sayang!” nanghihinayang na sabi ni Apple, “Ayos ka lang ba, nakita ko kanina na hindi maayos ang pagkakabagsak mo. Ano ang nangyari?” sunod-sunod nitong tanong.
Umiling ako, “Huwag mo ‘ko alalahanin, ayos lang ako, ikaw na ang susunod kaya mas mabuti ng magwarm up ka muna.” Payo ko sa kanya ng mapansin na mag-uumpisa na ang sunod na team na tatakbo ko sa pabilog.
“Sigurado ka ba?” nag-aalinlangan niyang tanong.
Tumango ako sa kanya bago isinandal ang aking likod sa upuan. “Ayos lang ako.”
Nakanguso siyang tumingin sa akin, ibinigay niya ang kanyang mga dala-dalang gamit sa akin saka ito umalis na ng pwesto. Nakatingin ako sa kanya mula sa malayo, marami ang napapalingon sa kanya pero para lamang ‘yon sa kanya hanggang sa makarating siya sa kanyang pwesto.
Napakagat ako ng ibabang labi ng maramdaman ang pagkirot ng aking tigiliran at mariin na ipinikit ang aking mga mata upang indahin ang sakit nito. Nang may magsalita sa aking harapan.
“Kung masakit na ay magpunta ka na sa clinic.” Agad na lumingon ako kung saan nanggaling ang boses, isang makisig na lalaki ang nakatingin sa akin ng seryoso habang may hawak-hawak itong bag.
Sa damit nito ay nagmula siya sa ibang branch ng kompanya, hindi din pamilyar ang mukha niya sa akin. “Hindi na kailangan.” Sabay ayos ng aking salamin.
“Kesa ang indahin mo ‘yan nararamdaman mo.” Pagpupumilit siya.
“Hindi na talaga, kaya ko naman,” sagot ko sa kanya.
Hindi na siya muling na ngulit pa, naupo na lamang siya sa aking tabi, at sinamahan akong manuod ng naglalaro. Wala na ng umimik sa amin dalawa, maya-maya lamang ay dumaing na sa pwesto si Apple na pawis ang katawan.
“Grabe! Nakakapagod!” reklamo nito bago inabot ang towel na aking hawak saka ‘yon pinunas sa kanyang mukha.
“Paanong hindi ka mapapagod, tatlo laro ang sinalihan mo.” Kalmado na sagot ko sa kanya bago ibinigay ang bote ng tubig.
Ininom niya naman ‘yon agad. Isa si Apple sa pinaka-active pagdating sa sports, balita ko ay athlete ito noong nag-aaral pa lamang kaya ang kurba ng kanyang katawan ay sobrang ganda kaya hinayaan din siya na sumali sa kung ilan ang kanyang gugustuhin bilang pagsalo sa akin.
“Sayang nga lang at hindi nakuha ang first place.” Sagot niya sabay balik sa akin ngunit tila natigilan ‘to ng mapansin ang lalaki na aking katabi. “K-kiel.” Aniya.
Nilingon naman siya ng lalaki sa aking tabi saka ibinalik ang tingin nito sa naglalaro. Kiel? Teka ito ang Keil na sinisilip niya—
“Anastasia, magpunta na muna tayo sa pwesto natin. Matagal pa ang balik, magpahinga na muna tayo.” Pag-aaya niya.
Tumango ako sa kanya at kinuha ang aming mga gamit. Katulad ng kanyang sinabi ay bumalik kami sa aming pwesto, may kanya-kanyang buhay ang lahat ng aming kasamahan, hindi katulad ng ibang sangay na aktibong-aktibo sa bawat palaro.
“Bakla ka! Kelan pa lumapit si Keil sa ‘yo kanina at hindi mo kaagad sinabi sa akin?” usal ni Apple bago pinalo ang aking braso.
“Hindi ko naman siya kilala, malay ko ba na si Keil ang lalaki na ‘yon.” Direktang sagot ko sa kanya.
Muling humaba ang kanyang nguso, “Saan ka pala tumitingin kanina ng sinilip natin siy—oh, nevermind, naalala ko na. sinamahan mo lang pala ako,” iiling-iling niyang usal, “Paano ba ako nagkaroon ng isang kaibigan na kasing Kill Joy mo, Anastasiaa.”
“Ikaw ang nag-insist na lumapit sa akin at kaibiganin ako,” sabay lingon sa kanya, “Kaya heto ako ngayon sa ‘yo ‘di ba?” tanong ko sa kanya sa pagbabalik.
Napasabunot na lamang siya ng kanyang buhok. “Nakakahiya! Kung kelan haggard na ako ay saka naman niya ‘ko nakita. Baka mamaya ay isipin niya ay sobrang dugyot kong babae.” Reklamo niya sinusuklay ang kanyang buhok.
“Hindi ka naman niya kilala,” nakangiwi na usal ko bago inayos ang kanyang buhok sa likod na putoy na nalalaglag, “Kaya hindi mo na kailangan na magpaganda sa harap niya.” dagdag ko pa.
Sinimaan niya naman ako ng tingin, “Naku, Anastasia, kung ganyan ang paniniwala mo sa buhay ay hindi ka na magkakaasawa. Kailangan mo din mag-ayos ng sarili mo, inday! Kaya tignan mo ang mukhang ingrone mong ex-boyfriend pinagpalit ka sa mas maayos tignan kesa sa ‘yo.” Walang preno ang bunganga niyang ani.
“Hindi mo talaga siya makalimutan ‘no?” natatawa kong ani sa kanya, “Pinipilit mo ‘kong kalimutan siya pero palagi mo siyang pinapaalala sa akin.” Dagdag ko pa.
Napatakip naman siya ng kanyang bibig matapos ko sabihin ‘yon. Hindi na kailangan ipamukha sa akin na hindi ako kagandahan, sino nga ba naman ako para magustuhan ng mga tao sa paligid ko. Ni mag-ayos ng aking sarili ay hindi ko alam, kung paano maglagay ng lipstick ay lagpas pa.
“S-sorry!” paghingi niya ng paumanhin.
Umiling ako, “Wala ka naman dapat ikahingi ng tawad. Tama naman ang sinabi mo, hindi ako nag-aayos at jologs din ako sa paningin niya kaya iniwan niya ‘ko.” Sabay mapaklang tumawa, “Pero ayos lang, tapos na din naman ang kalokohan na ‘yon sa aming dalawa.” Dagdag ko pa.
Hindi naman siya nakakibo, nakayakap lang ito sa aking braso at nagpapacute. Ito ang madalas niyang ginagawa kung may nagawa siyang kasalanan—naglalambing.
Mabilis na lumipas ang oras, mag-aalas tres na ng hapon, at ang lahat ay hindi pa din maubusan ng enerhiya sa katawan. Inilabas na din ang isang lalagyanan na punong-puno ng maliliit na papel.
“Handa na ba kayo?” tanong ng emcee habang patuloy sa pag-iikot ng roleta sa entablado.
“Ayan na, ang pinaka-maswerteng tao ngayong taon na ‘to ay malalaman nating lahat.” Dinig kong sambit ni Apple. Nakatanday pa din ito sa kanya at tila ayaw na bitawan ang kanyang braso.
“Malay mo, ikaw na ‘yon.” Pagbibigay ko ng pag-asa sa kanya. “Lahat naman tayo na andito ay ay pag-asa na manalo doon.” Dagdag ko pa.
“Hindi ka na galit sa ‘kin?” parang bata niyang tanong bago nagpapaawang mga mata ang pinakita niya.
“Hindi naman ako galit.” Sagot ko sa kanya bago tinanggal ang pagkakapit niya sa ‘kin, “Kelan ba ako nagalit sa ‘yo?” dagdag ko pa.
Malaki naman siyang napangiti matapos kong sabihin ‘yon sa kanya, bumalik ang kanyang sigla katulad kanina. Kinuha ko sa bag ang dalawang ticket namin dalawa, nakapangalan sa kanya ang isa at ang isa ay sa akin.
“Bago ‘yon ay tawagin na muna natin si Mr. Sagusay,” ani ng emcee bago umakyat ang isang lalaki na ayos na ayos sa formal suit nito. “At siya ang hahayaan natin mamili na kumuha ng pinakamaswerteng tao na makakuluha ng paid vacation at trip to private island.” Dagdag pa nito.
Nag-umpisang magtilian ang mga tao sa loob ng gymnation, inangat ang kanilang mga stab na nagpapatunay kung sakali na sila ang mabubunot.
“Umaasa pa sila dyan?” walang gana na usal ni Apple kinuha ang papel sa aking kamat. “Mas malaki pa ang tyansa na mapansin ako ni Keil kesa sa raffle na ‘to eh.” Dagdag pa niya.
Mahina akong napatawa sa kanyang sinabi. “Kung ako ang mabubunot ay ibibigay ko sa ‘yo ang isang ticket para dalawa tayong pupunta ng isla.” Sagot ko sa kanya.
“At umaasa ka din namabubunot ka dyan?” walang pag-asa niyang usal.
Tumango ako. Hindi ako nawawalan ng pag-asa, kung hindi man ako ang manalo ay ibig sabihin may isang tao na mas nangangailangan non at hindi talaga para sa aking taon. Ang bawat nangyayari sa buhay ko ay merong dahilan, kailangan ko lang maniwala at magpakatatag—
“Tignan niyo na ang inyong mga papel” sigaw ng emcee mula sa entablado bago tinignan ang papel sa kanyang kamay, “No. 5567 bumaba ka na!” sigaw nito.
Ang lahat ay nagtingnan sa kanilang mga papel at nagulat na lamang ang lahat ng tumili ang si Apple sa aking tabi. Ang lahat ay napatingin sa aming pwesto dahil sa lakas nito.
“Anastasia, ang papel mo ang nanalo!” malaki ang ngiti nito at panay ang ngiti.
Napatayo ako sa aking pwesto, tinignan ang papel at nanlalaki ang mga mata. Agad na yumakap si Apple sa akin sa sobrang tuwa at ako ay hindi pa din makapaniwala.
“Ms. Anastasia Molina ka na!” high energy na tawag sa pangalan ko ng emcee.
Nagpalakpakan ang lahat, magkahawak ang kamay namin na bumababa ni Apple hanggang sa makarating kami sa stage. Ibinigay sa akin ang isang envelope na naglalaman ng lahat ng papeles.
“A-ako nga ang nanalo.” Hindi makapaniwala kong ani.