MARRYING THE BUSINESS TYCOON 04
“Alam mo ba na mas maganda magsabi ng problema sa mga taong hindi mo kilala?” tanong niya na may ngiti sa kanyang mga labi ngunit halata sa kanya ang sakit na kanyang nararamadaman.
Peke. Ang kanyang mga ngiti ay kasalungat sa sinabi ng kanyang mga mata—hindi niya ‘ko maloloko sa kanyang mga ngiti pero tama din ang kanyang sinabi na mas maganda ang magsabi sa taong hindi mo kilala ng problema.
“Anong problema? Bakit ka umiiyak?” tanong niya muli.
Pinusan ko ang aking luha na nangingilig sa aking mga mata, katulad niya ay nakatingin lang din ako sa malayo habang ang malakas na hangin ay tinatangay ang magulo kong buhok.
“Kasalanan ko ba?—hindi, hindi ko kailangan tanungin ang bagay na ‘yan dahil una pa lang ay alam kong kasalanan ko na” pagbabawi ko ng aking sinabi, “Ilang taon niya ‘kong niloloko, paulit-ulit niyang pinapamukha sa akin na hindi ako naging sapat para sa kanya, hinayaan ko ang lahat ng panloloko niya sa akin. Iniisip ko na, hindi niya sinasadya at kasalanan ko dahil hindi ko kayang punan ang lahat ng kanyang pangangailangan, pero sobra na.” humahagulgol kong pagkwekwento sa kanya.
Sobrang sakit na ng ginagawa niya, hindi niya na naiisip ang bagay-bagay para sa akin. Naging totoo naman ako sa kanya, hindi ako tumingin sa iba o kahit makipag-usap lang sa lalaki dahil nirerespeto ko siya. At mahal na mahal ko siya, handa akong paulit-ulit siyang patawarin pero ang makita ko sa mismong harapan ang kababuyan na kanyang ginagawa. Hindi ko na kaya, gusto ko nalang sumuko sa kung anong meron kaming dalawa.
“Sobra na ang ginagawa niya. paulit-ulit ko siyang pinagbibigyan sa lahat ng panloloko niya sa akin, inaako ko ang lahat ng kasalanan ko dahil madalas kong iniisip ang sitwasyon niya pero tama na. Isang malakas na sampal na sa aking pagkatao na makita siya at ang babae niya, sa pagkakataon na ‘to hindi ko na aakuin. Pagod na pagod na ‘ko,” dahil hindi ko na din kaya pa lokohin ang sarili ko na kasalanan ko, hindi ko na kaya lokohin ang sarili ko na wala siyang kasalanan, at hindi ko na kaya na paniwalain ang sarili ko na wala siyang ginagawang katarantaduhan. Tama na ang dalawang taon na, suko na ‘ko.
“Iiyak mo lang, wag ka mahiya,” ani niya sa akin.
“Kahit hindi mo naman sabihin ay iiyak talaga ako,” pumapatak ang luha kong sagot sa kanya bago tinakpan ang aking mga mukha.
Parehas kaming natahimik, patuloy lamang ako sa aking pag-iyak habang siya ay ginagalaw ang swing na kanyang kinauupuan. Tahimik na nakikinig sa aking bawat hikbi na ginagawa.
“You don’t deserve him,” casual na usal niya matapos ang mahabang pananahimik, “You did your best naman para sa kanya ‘di ba? Hindi mo naman siya niloko, pinilit mo naman siya intindihin sa ilang taon na nagsasama, at nagbibigay ng effort sa relasyon niyong dalawa. Kung sakaling matuloy nga kayo sa hiwalayan at hindi niyo namaayos pa ang problema niyong dalawa, wala ka din naman pagsisihan sa bandang huli dahil base sa kwento mo ay ginagawa mo lahat para sa inyong dalawa pero siya mismo ang gusto sumuko.” pagpapalubag loob niya sa akin.
Alam ko, ‘yon din ang iniisip ko pero hindi ko na makita ang bawat araw ko na wala siya. Siya ang lalaki na pinagarap kong makasama, siya ang lalaking inaakala ko na tatanggapin ako kung ano ang aking itsura o kung ano ang aking kalagaya pero lahat ng ‘yon ay puro lang akala. Dahil ang kinalabasan ay para niya lang akong ginamit sa lahat ng kanyang pangangailangan, hindi iniisip ang aking nararamdaman, at sa tuwing may problema lang ako naalala.Ayaw ko isumbat sa kanya ang lahat ng aking itinulong pero ‘yon naman ang totoo. Iyon ang naging tingin ko sa ginawa niya sa akin.
“May lalaking darating sa buhay mo na papahalagahan ka, matatakot na mawala ka, paglalaanan ka ng oras, at hinding-hindi titingin sa ibang mga babae. Let yourself free, kung magpapatuloy ka pa din sa relasyon na alam mong nasasaktan ka na at ikaw nalang ang lumalaban, isuko mo na.” payo niya bago malalim na napabuntong hininga.
“Alam ko, iyan na din ang balak kong gawin. Nakipaghiwalay na ‘ko kanina sa kanya, hindi ko na din alam kung ano pa ang mukhang ihaharap ko sa iba—sa mga tao na paulit-ulit akong sinasabihan na mas pinipili ko hindi paniwalaan.” Sagot ko sa kanya.
“Sigurado ako na susupportahan ka nila sa naging desisyon mo ngayon,” sabay mapakla niyang ngiti bago pinunasan ang luha sa gilid ng aking mga mata, “At huwag na huwag mo na sasayangin pa ang mga luha mo sa mga ganong klaseng lalaki. Lagi mong tandaan na ang luha mo ay walang kahit anong pera ang kanyang tumbasan.”
Napatitig na lamang ako sa kanya. Ngayon ko lamang na realize ang kanyang magandang istura, matapang ang kanyang mukha na ipinapakita pero ang kanyang mga mata ay kung anong sakit. Kahit na ang ngiti nito ay halatang pilit na pilit habang nakatingin sa akin.
“S-salamat,” pasasalamat ko sa kanya, “Wala kasi akong ibang makausap. Salamat at andito ka para making sa akin kahit na hindi mo naman ako kilala at ganitong bagay pa ang talaga ang sinabi ko sa ‘yo.” Paliwanag ko sa kanya.
Ginulo niya naman ang aking buhok gamit ang kanyang kanang kamay, “Walang anuman. Mas maganda ang magsabi ng mga problema sa mga taong hindi mo kilala, hindi mo na kasi alam kung magkikita pa kayo o hindi na. bukod din doon, hindi ka nila huhusgahan kumapara sa mga nakakilala sa ‘yo.” Mahaba niyang sagot.
Tumango ako sa kanya, “Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko,” sagot ko sa kanya.
“Mabuti naman,” sagot niya bago muling ginalaw ang kanyang kinauupuan at binaling muli ang kanyang paningin sa malayo.
Nakatingin lamang ako sa kanya, hindi lang ‘to may magandang itsura kundi pati na din ang katawan nitong maganda ang pagkakahubog, isama na din ang naghahabaan niyang mga hita. Ang kanyang balat naman ay kutis babae, mukhang hindi din ‘to naiinitan dahil sa puti nito.
Ilang minuto kaming natahimik sa aming pwesto, may iilan ng mga bata ang nagpupunta sa loob ng parke na naglalaro sa hindi kalayuan ng aming pwesto. Nang mapagdesisyonan ko na putulin ang katahimikan sa pagitan namin dalawa.
“Ikaw, anong ginagawa mo dito ng mga ganitong oras?” tanong ko sa kanya.
Umiling siya, “Andito lang ako para magpalipas ng oras at magpahingin bukod doon ay naghahanap din ako ng pwedeng makausap.” Sagot niya sa akin.
“Ano ba ang gusto mong pag-usapan? Pwede mo naman sabihin sa akin, hindi mo naman ako kilala at hindi din kita huhusgahan.” Usal ko sa kanya.
“Hmm,” tila nag-iisip niyang sagot bago pinahinto ang paggalaw ng kanyang kinauupuan, “Katulad sa ‘yo, may girlfriend din ako. Nitong mga nakaraang buwan ay panay ang pagtatalo namin dalawa dahil sa kung ano-anong bagay, pinipilit ko naman siyang intindihin hanggang sa bigla nalang siyang nakipaghiwalay. At matapos din ang araw na ‘yon ay wala na siyang kahit anong naging paramdam, sinubukan ko siya hanapin sa kanila pero na laman ko na lamang na umalis na siya ng bansa upang ipagpatuloy ang kanyang pangarap.” Sabay pakita ng kanyang pekeng ngiti.
“Hindi niya ba sinabi ang bagay na ‘yon?” tanong ko kanya, “ang patungkol sa kanyang pangarap?” paglilinaw ko.
Umiling siya, “Sinabi niya sa akin, sinasagot ko siya na susupportahan ko ang magiging desisyon niya pero hindi ko malaman kung ano ang kanyang problema. Madalas siyang galit sa akin, sa tuwing pilit kong inaayos ay ‘yon naman ang sitwasyon na mas lalo niyang pinapagulo.” Mahina siyang natawa bago humigpit ang pagkakapit sa rehas, “Handa ko naman siyang supportahan sa lahat ng kanyang pangarap, gusto niya, o kung ano ang mga maisipan niya, pero ang masakit na bagay dito ay bigla na lamang siyang nawala. Iniwan lang ako sa ere, tumawag para lang sabihin na ‘tapos na’ sabay wala na.” pahina na pahina niyang usal.
Hindi ako makaimik habang nakatignin sa kanya. Ramdam na ramdam ko ang sakit sa kanyang mga boses, ang kanyang pananalita at ang willingness niyang supportahan kung ano ang kagustuhan ng dating kasintahan.
“May idea ka pa ba kung na saan siya ngayon?” tanong ko sa kanya.
Umiling siya, “Wala na. Sinubukan ko siyang hanapin pero hindi ko na siya mahanap pa, hindi ko alam kung kakapit pa ba ‘ko sa kanya o bibitaw na. Isa lang naman ang bagay na sigurado ako, iyon ay ang nararamdaman ko para sa kanya.” mahaba niyang sagot para sa akin.
Napabuntong hininga na lamang ako, “Napakaswerte niya,” malumanay kong usal sa kanya bago mahinang napatawa, “Bakit kasi tayong mga seryoso ay madalas na tinatapat sa mga taong hindi naman kayang suklian ang pagmamahal natin.” Dagdag ko pa.
Hindi ko kasi alam kung marunong ba pumana si Kupido o sadyang pinatama niya lang sa iba para paghirapin kami. Bakit kasi kung kelan nagmamahal ka, saka ka nila lolokohin at hindi papahalagahan.
“Siguro ay dahil para bigyan tayo ng kaalaman—iyon ang madalas mong isipin. Isipin mo ang positibong bagay para maging positibo din ang kakalabasan ng lahat, at wag manghinayang sa bagay na alam mong hindi na kailangan pa mapapakinabangan—” hindi matapos ang kanyang sasabihin ng tumunog ang kanyang cellphone.
Sinagot niya naman ito at ilang Segundo lamang ay pinatay na ang linya saka tumingin sa akin. “Pasensya na, kailangan ko na umalis.” Pahingi niya ng pasensya sa akin bago pinagpagan ang suot na pants.
Tumango ako sa kanya na hindi nagsasalita ngunit bago pa man siya makalayo sa aming pwesto ay tinawag ko siya, “Anong pangalan mo?!” tanong ko sa kanya na sakto na upang kanyang madinig.
Napahinto naman siya bago ako nilingon na may ngiti sa kanyang mga labi, “Alam mo ba na mas maganda magsabi ng problema sa mga taong hindi mo kilala?” tanong niya bago mahinang napatawa, “Hanggang sa susunod kung magkikita pa tayong dalawa.” Dagdag pa niya.
Naglakad na siya muli papalayo sa akin, mahina akong napabuga ng hangin hanggang sa tuluyan na siyang mawala sa aking paningin.
“Atleast, kahit paano ay gumaan ang aking pakiramdam,” usal ko sa ‘king sarili bago tinignan ang hawak-hawak na panyo.
“B.F” basa ko sa nakaburda sa panyo bago muling tinignan ang kung saan dumaan ang binata.