“Do you want to talk about it?”
Tanging mahinang iling lang ang naisagot ko kay Kristian.
Maingat niya akong pinagmasdan habang nakatayo kami roon sa sala. Wala pa si Kuya kaya’t walang ibang tao sa bahay kundi kami lang. Ito ‘yong mga pagkakataong dapat kinakabahan na ako pero hindi ko iyon mahanap sa akin ngayon.
“Are you comfortable with me here? Or… you want me to leave?” aniya sa nananantyang tinig.
Sumulyap ako sa tahimik naming bahay. “Ayos lang ako rito… sanay naman akong mag-isa.”
“Kaydee…”
Magsasalita pa sana ako ngunit hindi ko nakontrol ang barang namuo sa lalamunan. Umiiyak na ako bago ko pa man masabi ang dapat sasabihin. Paulit-ulit ko itong pinalis at sinubukang pigilin pero tila ayaw nitong magpatalo. Pakiramdam ko lahat ng depensa ko’y nakatumba. Nakakapanghina.
“I’ll stay here…” Hinaplos niya ang pisngi ko at tinulungan akong palisin ang mga luha ko ro’n. Isang marahang ngiti ang isinalubong niya sa akin nang mag-angat ako ng tingin.
Umiling ako dahil ayaw ko siyang abalahin at mas gusto kong mapag-isa. “U-Umuwi ka na… aakyat n-na rin ako.”
“It’s okay. You can rest in your room upstairs. I’ll stay here until Yel comes back.” Muli niyang hinaplos ang pisngi ko habang matamang nakatitig sa akin.
Hindi na ako nakapagsalita nang naalala ko ang ginawang paghaplos ni Aizel sa pisngi ko kanina… at halos iumpog ko na lang ang ulo ko para makalimot. Ayoko na siyang maalala pero kahit sa maliit na bagay katulad nito ay naiisip ko siya.
Kahit ang simpleng pag-akyat ko sa hagdan, paglalakad sa hallway… mukha niya ang naaalala ko. ‘Pag ipinipikit ko ang mga mata ko, naiisip ko kung paano siya ngumiti… naririnig ko ang boses niya… ‘yong nakakabwisit niyang pagtawa… ‘yong mga biro niya… ‘yong pagtitig sa akin nang maaamo niyang mata…
Hindi ko makontrol ang kirot sa puso ko tuwing naaalala ko ang lahat ng sinabi niya kanina… sa kung paano niya ako tinitigan nang sabihin niyang ‘gusto niya ako’… gusto niya ako… gusto ako ni Aizel… pero… totoo ba? Dapat ba akong maniwala?
Mabilis ang pag-agos nang mainit kong luha patungo sa unan ko. Bawat hikbi ko’y ramdam na ramdam ko ang pagguhit ng hapdi sa dibidb ko.
Iniyak ko ang lahat hanggang sa makatulog ako. Hindi ko na alam kung anong oras nakauwi si Kuya o kung ano ang nangyari kay Kristian. Ni hindi ko alam kung ano ang sinabi niyang nangyari kay Kuya. Pero bakit pa nga ba ako nag-aalala? ‘Di ba mas magandang malaman ni Kuya ang totoo para mas mapadali ang pag-iwas ko kay Aizel?
May kumurot sa puso ko. Isipin ko pa lang na magkakaaway silang dalawa dahil sa ‘kin ay halos hindi ko na mapatawad ang sarili ko. Hindi dahil sa iniisip ko si Aizel… bakit ko siya iisipin? Inisip niya ba kung ano ang mararamdaman ko sa tuwing sinasaktan niya ako? May pakialam ba siya kung mahirapan ako? Wala naman eh. Kaya bakit ko siya iisipin ngayon? Si Kuya lang ang iniisip ko kaya ayokong magkaaway sila…
Walang masiyadong nangyari ng mga sumunod na araw. Wala akong Aizel na nakita. Tahimik din sa bahay dahil wala ang mga kabarkada ni Kuya.
Ang alam ko madalas silang may kalarong mga ka-batch nila sa parehong college. Hindi ko nga alam kung sino at kung saan sila naglalaro. Pero mas mabuti na rin siguro ‘yon para hindi ko nakikita si Aizel. Hindi ko pa yata siya kayang harapin.
Ayoko pa siyang makita kasi baka isang sabi lang niya ulit na gusto niya ako ay paniniwalaan ko na siya kaagad. Dahil lang iniisip ko na baka magbago ang isip niya bigla at si Ylona na lang since available naman, nakahain na nga sa kaniya.
Napapikit ako nang mariin nang maalala ko na naman ang itsura nila ni Ylona sa kwarto niya… ‘yong paghaplos sa kaniya ni Ylona… ‘yong paghahalikan nila… ‘yong para bang normal lang nilang ginagawa iyon kasi parang balewala lang kay Ylona no’ng makita ko sila…
Napasapo ako sa kumikirot ko na namang dibdib. Nanggilid ang mga luha ko habang kumukunot ang noo sa bukas na TV. Muling gumapang sa akin ang galit para kay Aizel. ‘Yong paglalaro niya sa nararamdaman ko… ‘yong pagti-take advantage niya sa ‘kin dahil alam niyang gusto ko siya… ‘yong mga sinabi niya na hindi ko alam kung totoo ba o kasinungalingan… nagkapatong-patong nang lahat kasama ng kirot na nararamdaman ko ngayon…
“Cadence, o.”
Mabilis akong nagpupunas ng basang pisngi nang pumasok si Kuya sa main door. Nginitian ko siya kaagad nang ilapag niya ang helmet sa sofa. Sunod niyang binaba ang dalang box sa mini table na may iba’t ibang makukulay na print.
“Ano ‘to, Kuya?”
“Doughnut?” Nagkibit-balikat siya habang umuupo sa kasalungat na sofa ng inuupuan ko, ang mga mata niya’y maiging nakatuon sa akin. “Umiyak ka?”
Natigilan ako sa pagtingin sa box. Sumulyap lang ako sa kaniya dahil natatakot akong baka makita nga niyang basa pa ang mga mata ko. “’Di. M-Medyo na-touch lang ako sa pinapanood ko.”
Sumulyap siya sa TV at kumunot ang noo. “Spongebob, huh? Anong nakaka-touch d’yan? ‘Yung pagsabi niya araw-araw ng ‘I’m ready!’? Talaga?”
“’Y-Yan kasi ‘yung episode na tungkol sa friendship nila ni Patrick…” Halos bumula ang bibig ko sa palusot na nasabi. Bakit nga ba iyon pa ang naisip ko? Sus, Cadence! Sabaw ka na!
“Okay. Sabi mo eh.” Napailing siya bago binuksan ang box na dala. Kumuha siya ro’n at walang imik na kumain habang tamad na nakinood din sa pinanonood ko.
Nagtagal ang tingin ko sa kapatid.
Ano kaya ang magiging reaksyon niya ‘pag nalaman niyang gusto ko si Aizel… at malaman niya ang mga nangyari?
“Ayaw mo ng doughnut?” nanatiling nakatuon ang tingin niya sa TV nang sinabi iyon.
“’Di ako gutom eh…” Kahit hindi ako nag-lunch sa school kanina.
Tulala ako sa kawalan nang maramdaman kong inakbayan ako ni Kuya’t hinigit patayo sa kinauupuan ko. Ni hindi ko namalayang lumapit siya sa akin. Patay na rin ang TV nang sinulyapan ko iyon.
“Kuya?!” reklamo ko nang hinila niya ako nang ganon palabas ng main door. Binitiwan lang niya ako nang lapitan niya ang motor niya. Inabot niya sa akin ang helmet matapos buhayin ang makina niyon.
“Buksan mo ‘yung gate,” balewalang utos niya. Nagtaas siya ng kilay nang hindi ako kumilos kaagad.
“Bakit, Kuya, sa’n tayo pupunta?” Naisarado ko na ang gate ng balingan ko siya sa kalsada, nakasakay sa motor niya.
“Huh? Ice cream!” aniya na para bang iyon ang nakagawian naming gawin, bago ako sinenyasang sumakay na.
Nagtatakang naibulong ko pa sa sarili ang ice cream habang sumasakay ako sa motor niya.
“Mukha ka kasing malungkot sa pinapanood mong spongebob, naawa naman ako sa ‘yo kaya… bibili tayo ng ice cream.” Sinulyapan niya ako sa likod niya ng may ngisi bago tuluyang pinaandar ang motor.
Parang may biglang kumurot sa puso ko. Naramdaman ko ang pag-init ng magkabilang gilid ng mga mata kahit malakas ang salubong ng panggabing hangin sa mukha ko.
Nakangiti kong pinalis ang luha at niyakap na lang si Kuya mula sa baywang.
Kami na lang ang magkasama sa buhay pero kahit kailan hindi ipinaramdam sa akin ni Kuya na may kulang. Hindi man kami tulad ng ibang magkakapatid na vocal pagdating sa pagsabi ng I love you, sapat na sa ‘king nararamdaman ko ‘yon sa mga kilos niya. Sana lang nararamdaman niyang mahal ko rin siya kahit minsan matigas talaga ang ulo ko at sinusuway ko siya.
Hindi ko rin nakita si Kristian buong linggo. At hindi nagkakatugma ang schedule ng uwian namin. Kahit noong weekend. Madalas kasing umaalis si Kuya at syempre, ayaw niyang may iba akong kasama bukod kay Aizel…
Kahit mukhang boto siya kay Kristian, mukhang ayaw pa rin niya ang ideyang kaming dalawa lang ang magkasama sa bahay o sa kung saan pa man.
Madalas naman kaming magka-text ni Kristian, minsan ay tumatawag din siya. Wala naman kaming gaanong pinag-uusapan, madalas tungkol lang sa school o kung saan mapunta ang usapan.
Nakakatawa lang siya minsan kausap sa tawag ‘pag nagugulat, naaasar o may overwhelming na nararamdaman. Pa’no biglang napapa-nihonggo. Tawa na lang ako dahil pamilyar sa ‘kin ang iba ro’n dahil sa dalas kong manood ng anime.
“Eeh? Kimoi!” reaksyon niya nang kinwento ko sa kaniya ang mga kababuyang pinaggagawa ni Kuya noong mga bata pa kami. Isa na ang pagdumi noon sa damuhan ‘pag naabutan ng tawag ng kalikasan sa daan at malayo pa kami sa bahay.
“Majide? Ukeru!” Tawang-tawa naman siya nang kinwento ko ang pagdo-door bell namin noon sa mga bahay sabay takbo, doon sa kabilang subdivision. Tapos hahabulin kami ng aso. Aga karma.
Hindi ako nagising nang maaga kinabukasan kaya’t hindi ko na inabala ang sarili kong gumayak para sa una kong klase.
Bumaba ako ng hagdan para maabutan si Kuya at Aizel… na naglalaro sa sala. Isang hakbang na lang sa hagdan ay napahinto pa ako. Sandali kong natitigan ang seryosong mukha ni Aizel na okupado ng screen nang nilalaro nila.
Napahawak ako nang mariin sa handdrail at muling binuo ang galit na nararamdaman ko. Huminga ako nang malalim bago nagdiretso sa kusina. Kahit ayoko ay naaninag ko ang pagtayo ni Aizel.
So pagkalipas ng isang linggo at saka lang siya nagpakita? Bakit hindi pa niya tinuloy-tuloy hanggang sunod na buwan o sunod na taon o mas maganda siguro kung sa sunod na buhay na!