Sabi ko na nga ba pinaglalaruan lang niya ako. I was right all along! Hindi ko inakalang ganito siya kakupal… ibang-iba ang pagkakakilala ko sa kaniya…
Ano, lahat ba ng nagko-confess sa kaniya ganito ang ginagawa niya? Hinahalikan at binabakuran? Kahit may girlfriend siya? Normal lang ba ang ganito sa kaniya?
“Cadence!” Nasapo kaagad niya ang braso ko hindi pa man ako tuluyang nakakaalis ng hallway. “Magpapaliwanag ako!”
Naiiyak na ako pero halos matawa pa rin ako sa sinabi niya. “Bitiwan mo ako! At bakit ka magpapaliwanag sa akin? Ando’n sa kwarto mo ‘yung girlfriend mo!” Sinubukan kong bawiin ang braso ko ngunit ayaw niyang bitiwan.
May narinig akong pintong malapit sa hagdanan ang nagbukas kasabay ng pagpikit nang mariin ni Aizel. Marahas niyang pinunasan ang labi niya gamit ang likod ng palad matapos.
Sa mahinang tinig ay malumanay niyang sinabi ito, “Hindi ko… Cadence, hindi ko girlfriend si Ylona…”
Halos mabaliw na ako ro’n dahil sa katatawanan. Naiyak na ako pero nagawa ko pang matawa.
“Aizel, pwede ba? Hindi ako nakikipagbiruan!”
Sinubukan ko muling bawiin pabalik ang braso ko. Pero hinigit lang din niya iyon at saka nagsimulang maglakad.
“Bitiwan mo sabi ako!”
Hindi ko alam kung saan siya tutungo pero sigurado akong hindi iyon sa kwarto niya…
“Anong… nangyayari? Cadence? Umiiyak ka? Aizel, anong ginawa mo?” Walang muwang sa pangyayari kaming pinagmasdan ni Ate Chin, ate ni Aizel.
“Chin, pahiram saglit ng kwarto. Mag-uusap lang kami.” Magsasalita pa lang sana si Ate ngunit hinila na ako kaagad ni Aizel papasok sa kwarto nito.
Namilog ang mga mata ko nang i-lock niya iyon bago ako harapin.
“Aizel, ano bang ginagawa mo?!”
Nilapitan ko ang pinto at sinubukang pihitin ang knob ngunit agad na nahuli ni Aizel ang kamay ko. Binawi ko iyon na animong napaso bago ko siya tinapunan nang matalim na tingin.
Awang ang mga labi, bahagya siyang nagtaas ng magkabilang palad sa ere, ang mga mata niya’y matamang nakatitig sa akin, halos nakikiusap.
“Sinu—mangga—man—” Hindi ko alam kung ano ang iaakusa ko sa kaniya. Hindi siya sinungaling dahil wala naman siyang ipinangako sa akin. Hindi ko rin masasabing manggagamit siya dahil wala pa naman siyang napapala sa akin. Pwede ko siyang akusahang manloloko pero hindi naman ako ang niloko niya… si Ylona…
“Kupal ka!”
Tinulak ko siya nang malakas mula sa dibdib niya at saka ko hinawakan muli ang doorknob. Napihit ko iyon at nabuksan ngunit mabilis at walang kahirap-hirap niyang naitulak iyong muli gamit ang isang palad pasara. Bahagyang natangay niyon ang mga braso ko dahil hawak ko ang doorknob.
“Palabasin mo ako rito! Ayaw kitang makita! Ayaw kitang kausapin! Palabasin mo ako!” Humihikbi, pilit ko pa ring pinihit at hinila ang doorknob kahit alam kong balewala iyon dahil nakapilig ang kamay ni Aizel pasara sa pinto.
“Cadence, makinig ka muna sa ‘kin, please…” malumanay pa rin ang boses niya nang sinabi iyon. “Oo, kupal ako… galit ka sa ‘kin? Gusto mo akong isumpa? Naiintindihan ko…”
Ang bigat ng bawat paghinga niya ay rinig ko sa katahimikan ng silid. Hindi ko siya magawang lingunin dahil sa sobrang bilis ng pintig ng puso ko sa halong galit at sakit.
Sinukuan ko ang pagpihit sa doorknob at tumulala na lang do’n nang mapagtanto kong wala akong magagawa kundi ang pakinggan ang mga sasabihin niya.
“Nagsinungaling ako una pa lang… nagsinungaling ako dahil duwag ako.”
Nanlabo ang paningin ko dahil sa pamumuo ng mga bagong luha.
“Isang beses lang ‘yon, Cadence… lahat ng sinabi ko sa ‘yo pagkatapos, totoo na…”
Naalala ko ang mga sinabi niya… no’ng gabi pagkatapos kong umamin sa kaniya.
“Bata ka pa… para sa akin. Siguro hindi mo pa ako maiintindihan sa ngayon, pero ayaw kong masaktan ka. Hindi ako worth it, Cadence…”
“Baka nasanay ka lang dahil lagi akong nandito… baka naguguluhan ka lang sa nararamdaman mo…”
Naalala ko rin ang sinabi niya nang maiwan kaming dalawa sa bahay.
“Ayoko ng pakiramdam ‘pag iniiwasan mo ako… parang… parang may kulang sa araw ko ‘pag hindi kita nakakausap… o ni hindi man lang nakikita…”
Napapikit ako nang mariin at tahimik na napahikbi. Marahas kong pinupunasan ang bawat pangahas na luhang tumutulo sa pisngi ko.
“Cadence…” Hinawakan niya ang balikat ko’t marahan akong iniharap sa kaniya.
Hindi ko siya matignan diretso sa mata dahil naaalala ko ang paghahalikan nila ni Ylona kanina.
“Tumingin ka sa ‘kin… please…” Mahinahon ang boses niya’t puno ng pagsusumamo pero hindi ko pa rin siya tinignan.
“Oo aaminin kong naging duwag ako… naduwag ako kasi para ko na kayong pamilya ng kuya mo… naduwag ako kasi alam kong gago ako… ‘di ba nga hindi ko nagawang ipaglaban si Yna noon?” Yumuko siya saglit. “Cadence, sa totoo lang hanggang ngayon natatakot pa rin ako… natatakot ako kasi hindi pa ako naging ganito kasigurado sa nararamdaman ko…”
Walang habas ang paninikip ng dibdib ko. Paulit-ulit akong umiling dahil hindi ko alam kung dapat ba akong maniwala sa mga sinasabi niya. He’s been giving me mixed signals. Kaya paano ko siya paniniwalaan ngayon? Nagsinungaling siya nang una? Paano ko masasabing nagsasabi siya ng totoo ngayon?
“Ganito mo ba itrato ang mga babaeng nagko-confess sa ‘yo?” Walang humor ang napakawalan kong tawa. “Binibigyan mo ng mixed signals pagkatapos mong i-basted? At si Ylona… hindi mo siya girlfriend? Ano pala siya? Isa rin sa mga nag-confess sa ‘yo? Kaya ba naghahalikan kayo sa loob ng kwarto mo?”
Unti-unting kumuyom ang mga kamao ko nang ang panghihina ko’y napalitan nang namumuong galit. Matalim ang tinging idinirekta ko sa kaniya matapos.
Gaano ako katanga sa paningin niya para isiping paniniwalaan ko siya ngayon?
Umigting ang panga niya ngunit ang maamo niyang mga mata’y nanatiling mapanuyong nakatitig diretso sa akin.
“I didn’t mean to confuse you… I’m sorry… akala ko mas pagtutuunan mo ng pansin ang mga kilos ko… kasi hindi ako magaling pagdating sa mga salita. At oo duwag ako pero, Cadence… gusto kita.”
Bumilis ang pintig ng traydor kong puso at nagwala ang mga insekto sa sikmura ko. Natulala ako sa mukha niya, sa mapupungay niyang mga mata.
Ang mga salitang kay tagal kong hinintay na marinig mula sa kaniya ay tila panaginip ngayong naririnig ko na ito. Ngunit matapos ang panandaliang galak ay tanging kirot na lang ang namayani sa sistema ko.
“Mali ako ng pagkakakilala sa ‘yo.”
Bahagyang namilog ang mga mata niya nang matigilan sa sinabi ko. Hindi siya agad nakapagsalita nang manatiling nakatitig sa akin. Kalaunan ay dahan-dahang napasinghap na animo’y nahihirapang huminga.
“Cadence…” Nabasag ang boses niya’t halos maniwala na ako. Halos mawala na ang sakit na nararamdaman ko… pero hindi. Hindi na ako aasa sa baka at halos. Tapos na ako sa mga paghihinuha. Tatapusin ko na ‘yon ngayon.
Suminghap ako para lang maibsan ang paninikip ng dibdib. Wala nang awat ang pagtulo ng mga luha ko habang nagpapalitan kami ng tingin.
May kung anong bara sa lalamunan ko nang sinubukan ko itong sabihin, “Aizel, tama na. Ayoko nang makipaglaro.”
Naguguluhan, dahan-dahan siyang umiling na animong hindi naintindihan ang sinabi ko.
“Anong ibig mong sabihin?” Humakbang siyang palapit ngunit umatras ako.
“Gago ka!” Halos humagulgol na ako ro’n at hindi na makahinga nang maayos. Kaya’t hindi ko na napansin ang sunod niyang paglapit.
Sinapo niya ang magkabila kong pisngi at pinalis ang luha ro’n matapos.
“Cadence.”
Patuloy ako sa pag-iyak ngunit nagawa ko nang dumilat.
Naabutan kong nagpasalit-salit ang tingin niya sa bawat parte ng mukha ko, hanggang sa huminto iyon sa labi ko. Makalipas ang ilang sandaling pagtuon ng tingin do’n ay wala sa sarili niyang inilapit ang mukha sa akin.
“Bitaw!” buong puso kong angil. Pagkahawi sa mga kamay niya ay tinulak ko siyang palayo. Tulad kanina’y halos hindi siya natinag sa kinatatayuan.
“Cadence…”
Tuluyang namilog ang mga mata niya nang maestatwa sa kinatatayuan. Tulala at tila hindi malaman kung ano ang gagawin nang sa wakas ay hinayaan niya akong buksan ang pinto.
Wala na si Ate Chin sa hallway pagkalabas ko. Mabilis ang lakad ko pababa habang pinupunasan ang luha sa mga pisngi’t mata. Sinubukan kong pigilin ang paghikbi at pagtulo ng luha bago ko harapin ang mga tao sa baba. Pero hindi pa man ako tuluyang nakakababa ng hagdan ay nakasalubong ko na si Luis na mukhang paakyat.
“Cadence, asan si Aiz—umiiyak ka ba?”
Nilampasan ko ito at agad na hinanap si Tita.
“Cadence? Okay ka lang? Anong nangyari?” Nag-aalala ako nitong pinagmasdan habang lumalapit ako sa kaniya.
“Wala po. Uwi na po ako. Daan na lang po ako next time, Tita, pasensiya na po,” mangiyak-ngiyak pa rin ako habang sinasabi ko iyon.
“Kumain ka muna… may ginawa na naman ba sa ‘yo si Aizel?”
Umiling ako kaagad at naaninag ang nakahanda nang hapag. Nakaupo na silang lahat doon pwera kay Luis. Naaninag ko ang biglang pagtayo ni Kristian mula ro’n. Agad ko namang binalingan at nilapitan ang nakaupo sa sala’ng si Lola.
“’La, una na po ako. Sa susunod na lang po…” nanginginig ang mga labing sabi ko.
Napaawang lang ang mga labi ni Lola sa akin. Wala itong ibang nasabi bago ko talikuran.
“Kaydee… what’s wrong?”
Iniwasan ko ang mga mata ni Kristian bago ko siya nilampasan.
“Anong nangyayari?” Tila noon lang naimporma sa nangyayari ang nagsalitang si Miguel. “Cadence? Sa’n ka pupunta?”
“Ano na naman kaya ang ginawa nitong si Aizel? Cadence, uuwi ka na ba talaga? Hindi n’yo na ba mapag-uusapan ni Aizel ang nangyari? Madilim na sa labas… hindi mo ba hihintayin ang kuya mo?” halos mag-panic na ani Tita.
Hindi ko na ito nagawang pansinin.
“Cadence! Sandali lang! Cadence!” Mariin kong nakagat ang labi pagkarinig sa boses ni Aizel, mukhang pababa na.
Binilisan ko pa ang lakad para makalabas na ng main door.
Naaninag ko si Ate Chin sa tabi nito. “Mabilis mag-solve ng math problem pero ang bagal pagdating sa desisyon. Bakit ba kupal ang kapatid kong ito?” Umiiling niya akong pinagbuksan ng pinto.
Dire-diretso akong lumabas. Nasa garahian na ako nang may tumawag na naman sa akin.
“Kaydee!” Nasapo ni Kristian ang siko ko. Hinanap niya kaagad ang mga mata ko matapos. “What happened? May ginawa ba sa ‘yo si Aizel? Are you okay?”
Hindi ako nakapagsalita. Iniwasan ko lang ang tingin niya pati nang mga tanong niya’t naglakad muli paalis. Ayoko nang alalahanin ang mga nangyari. Gusto ko na lang umuwi…
“Cadence, tell me… anong nangyari? Anong ginawa niya?” Muli niya akong hinigit sa siko pabalik. Wala akong nasabi’t napahikbi na lang doon. “That son of a—”
Maagap kong hinawakan ang braso ni Kristian para pigilan ang akma niyang pagbalik para kay Aizel.
“Please…” Umiling ako bago nagpunas ng luha.
Kumalabog ang main door nila.
“Chin, anong ginawa mo sa pinto?! Buksan mo ‘to!” Umalingawngaw ang sigaw ni Aizel mula sa loob.
“Anak, ano bang nangyayari?”
“Zel, ano bang ginawa mo kay Cadence?” Iritadong boses ni Luis ang huling narinig ko bago ako muling naglakad palayo.
Hinawakan ni Kristian ang kamay ko at kinabig ako palapit sa kaniya para balutin ng isang yakap. Mas lalo lamang akong naiyak.
“I’ll take you home… stop crying please…”