Line XI

2373 Words
“Cadence! Nasaan ang kuya mo? Madalang na kayong bumisita rito!” nakipagbeso sa akin si Tita bago inalis ang apron na suot. Isa-isa ring nakipagbeso sa kaniya sina Luis bago mga nagsi-lipana doon sa sala nila Aizel. “May dinaanan po si Kuya eh.” Ngumiti ako. Naaninag ko si Kristian sa tabi ko. “Tita, si Kristian po pala…” Hindi ko alam kung ano ang idudugtong ko ro’n. Classmate ba o… financer? Este—manliligaw? “Hello po, ma’am,” si Kristian, sabay beso kay Tita. “Susmaryosep, ang lakas namang makatanda ng ma’am! Tita na lang, hijo. Bagong kabarkada ka ba nina Aizel? O manliligaw nitong si Cadence?” Inosente ang ngiti sa amin ni Tita kaya’t pinamulahan ako ng mukha. Ngumiti sa kaniya si Kris, nahihiya rin. “Classmate niya, Ma,” biglang epal sa kung saan ni Aizel. Hahanapin ko na sana kung nasaan ang kupal ng may biglang umakbay sa akin. “Reserved na ‘tong si Cadence eh… este—p-rinep-reserve pala… nang magaling niyang kapatid!” Malakas at talagang nakakabwisit ang tawang ginawa niya. Tinapik ko ang braso niya paalis sa balikat ko. Pero mabilis niyang naipatong ang mabigat niyang palad sa ulo ko sabay gulo sa buhok ko ro’n. Narinig ko ang tawa ni Tita pagkalayo ni Aizel sa akin para ilagan ang hampas ko. “Bakit ka magpapahalik sa ‘kin kung posible pa lang magustuhan mo siya? Cadence, hindi mo siya gusto at hindi mo siya magugustuhan dahil ako! Ako ‘yung gusto mo!” Tinapa. Uminit bigla ang pisngi ko. Hanggang ngayon naiisip ko pa rin ang mga sinabi niya kanina. Hindi naman niya sinabing gusto niya ako pero anong ibig sabihin ng mga pinagsasabi niya? “Ginawa mo namang de lata itong si Cadence, anak. Ang ganda-gandang bata nito o… bagay na bagay sila nitong si Kristian.” Halos hindi ko naintindihan ang sinabi ni Tita dahil lumilipad pa rin ang utak ko sa iritableng itsura ni Aizel kanina. “Naku, ‘wag n’yo na lang pinapansin ‘yang si Aizel. Palabiro lang talaga ‘yan. Bata pa lang sila, nanunuot na sa buto ang kakulitan niyan. Lagi ngang binubully niyan itong si Cadence…” Humalakhak si Tita at hindi ko mapigilang pansinin ang maaamo niyang mga mata, kamukhang-kamukha ng kay Aizel. “Narinig ko ‘yon, Ma!” sigaw ni Aizel mula sa kusina. Ngumiti lang ulit sa amin si Tita at binalewala ang sinabi ng anak. “Actually, nililigawan ko po si Cadence, Tita.” Bahagyang namilog ang mga mata, bumakas ang amusement sa mukha ni Tita dahil sa narinig. Ako nama’y tila noon lang nagbalik sa kasalukuyan nang nalingon kong bigla si Kristian sa gilid ko. Kita ko ang pamumula niya dahil sa sinabi. “I hope it’s okay…” Sumulyap siya sa akin bago nagbalik ng ngiting may bahid ng hiya kay Tita. Napakurap ako ng ilang beses at ilang sandali pang hinayaang mag-sink sa utak iyon. “Mahabaging langit! Anong it’s okay? Hijo, it’s not just okay! It’s great and I’m so glad to hear it! Susko! Finally may nakalusot din sa kuya mo, Cadence!” Nahiya ako sa pagkakatuwa ni Tita dahil hindi pa naman alam ito ni Kuya. “Hija, alam kong hanggang ngayon mahigpit pa rin sa ‘yo ang kuya mo. Pero hindi naman masama kung paminsan-minsan lalabag ka sa rules… lalo na ‘pag gan’yan ka gwapo ang sangkot… ‘di ba?” Kumindat ito sa akin at tinawanan ang pamumula ng mukha ko. Binalingan ko ang nakangiti at namamanghang si Kristian dito. “Being happy is never a crime, okay? ‘Wag kang maging masyadong masunurin. You should decide on your own sometimes. Sometimes lang ha! Bata ka pa rin kasi…” Hinaplos nito ang pisngi ko, ang maligayang ngiti ay nakabalandra para sa amin ni Kris. He’s nice pero hindi ko siya gusto sa ganoong paraan… ayaw ko namang sabihin iyon kaya’t napangiti na lang din ako at napatango kay Tita. I never felt at home like this kahit nandoon ako sa sarili naming bahay… siguro kasi lumaki kami ni Kuya’ng hindi kasama ang mga magulang namin… Tita’s the closest thing I can refer to as a mother figure. At talagang hindi na kami iba ni Kuya sa pamilya nila. “O siya, babalikan ko lang ‘yung niluluto ko nang makakain na kayo. I’m sure pagod kayo sa school.” Nagkatinginan kami ni Kristian nang bumalik si Tita sa kusina. “Sabi niya bagay daw tayo…” nangangamot sa batok niyang sabi habang nakangisi. Hindi ko naiwasang pagmasdan kung paanong mamula ang leeg hanggang tainga niya. Halatang-halata iyon dahil sa pagiging mestizo niya kaya’t napangiti ako. He’s cute too. “Why are you looking at me like that?” Bahagya niyang natakpan ng daliri ang bibig nang mas lalong namula. Natawa na ako, siya naman ay napadaing kahit hindi mapigilan ang ngiti. Naaninag ko ang bakante nang sala. Hinanap ko kaagad ang iba at natagpuan ko ang mga ito sa likod ng bahay nina Aizel, doon sa maliit na court nila. May hawak na bola si Miguel at mukhang napagkatuwaan nilang maglaro saglit. Dalawa lang silang naroon ni Ken. Patungo na rin doon si Luis nang ayain niya si Kristian. Tumango lang ako kay Kristian nang magpaalam pa sa akin. Hinanap kaagad ng mga mata ko si Aizel sa loob ng bahay nila matapos. “Cadence? Nako, ikaw na nga ba ‘yan?” Nalingon ko ang kalalabas lang sa isang kwarto na si Lola Aimee. Nakalahad na kaagad ang mga braso niya sa akin habang malawak na nakangiti. Agad ko siyang nginitian at nilapitan para yakapin nang mahigpit. “Lola Aimee! Ang tagal ko po kayong hindi nakita! Na-miss ko po kayo!” Hindi ko naranasan ang magkaroon ng mga magulang. Hindi ko na rin naabutan ang lolo’t lola ko sa parehong side pero dahil sa mga magulang at kamag-anak ni Aizel, nagkaroon ako ng ideya kung ano ang pakiramdam na magkaroon nang ganoon. And I’m thankful for that. “Ang laki mo na! Aba’y huling kita ko sa ‘yo’y, iyakin ka pa!” Tumawa siya’t nakita ko ang ilang liniya ng katandaan ang dumagdag sa mukha niya. “Lola naman eh…” “Ang ganda mo ngayon, anak! Tumatagal at nakakamukha mo ang kuya mo!” Ngumuso ako sa sinabi niya. Hindi ko alam kung totoo bang nagagandahan siya sa akin, o dahil halos para ko na siyang lola kaya niya ‘yon nasabi pero na-miss ko ang kakulitan ni Lola. Noong bata pa kami, naaalala ko, lagi niyang pinapagalitan si Aizel ‘pag iniinis ako. Siya rin ang may gusto na lagi akong nasa kanila kaya napapadalas ang pagpunta namin ni Kuya sa kanila. Siguro isa ‘yon sa mga dahilan kung bakit halos naging kapamilya na rin namin ni Kuya si Aizel. Kaya nga libreng-libre ‘yong makitulog sa amin kahit kailan no’n gusto. “Kumusta po sa probinsiya?” Nagtagal ang kwentuhan namin ni Lola lalo na nang ikwento niya ang pagkamatay ni Lolo Celio noong nakaraang taon lang. Nagkakilala si Kuya at Aizel noong eight ako, eleven silang dalawa. Sinama ako ni Kuya isang beses nang magpunta siya kina Aizel, dito mismo sa bahay nila. Doon ako kinatuwaan ni Lola Aimee kaya’t napadalas ang pagpunta namin sa kanila. Ganoon ang ganap hanggang sa mag-umpisa si Lola Aimee na isama kami ni Kuya sa probinsiya nila tuwing summer nang mag-eleven ako. Nang mga panahong ‘yon nakilala ni Kuya si Yna. Samantalang matagal nang magkakilala si Aizel at Yna noon. Tanda ko pa na tuwing summer at nandoon kami sa probinsiya nila’y kung anu-anong pakulo ang ginagawa ni Kuya, para lang mapansin ni Yna. Samantalang si Yna naman ay madalas ko lang maabutang pinagmamasdan si Aizel mula sa malayo. Hindi ako sigurado pero sa tingin ko iyon ang simula kung bakit na-curious ako kay Aizel. Iniisip ko kasi palagi kung bakit madalas siyang pinagmamasdan ni Yna. Napaisip ako kung ano bang meron sa kaniya. At bakit mukhang mas gusto siya ni Yna kaysa sa kuya ko. Halos tatlong summer kaming nagbabakasyon doon sa probinsya nila hanggang sa nangyari ang aksidente ni Yna. Magmula noon ay hindi na ulit kami nakabalik doon para magbakasyon. At simula rin noon, doon na namalagi si Lola Aimee at Lolo Celio. Nandoon din kasi ang side ng pamilya nina Lolo kaya’t karamihan sa mga apo nila ay naroon. Samantalang sina Aizel lang ang nandito dahil layo-layu ang mga kamag-anak ni Tita. “May pasalubong ako sa ‘yo eh. Nasa’n ba iyong si Aizel? Sa kaniya ko ipinatabi ‘yong ibibigay ko sa ‘yo…” Pareho kaming luminga sa paligid at wala kaming nakitang Aizel. Natapunan ko lang ng tingin mula sa glass na pintuan sina Kristian na patuloy pa rin sa paglalaro ng basketball, sa likuran ng bahay nila. Wala rin si Aizel doon. “Nako! Nagpunta yata sa kwarto niya’t hindi pa rin yata bumababa… ang batang iyon talaga. May mga bisita, nagkukulong sa kwarto! Sumasakit na ang tuhod ko kakaakyat ng hagdan. Kita mo ngang dito na lang ako nagpalagay ng kwarto sa baba para hindi na ako nahihirapan…” Nabalingan ko si Lola na hinihilot ang tuhod niya. “Cadence, anak, pwede mo bang akyatin saglit iyong si Aizel? Tanungin mo lang siya kung saan niya inilagay iyong pasalubong ko sa iyo?” Nahihiyang ngumiti sa akin si Lola. Agad akong tumango at ngumiti sa kaniya. “Pasensiya ka na ha. Ganito talaga ‘pag tumatanda…” “Okay lang po, ‘La.” Sinabi ni Lola na dumiretso na ako sa kwarto ni Aizel dahil paniguradong kung hindi umidlip ay baka may ginagawa iyon sa laptop. Nilakad ko ang pamilyar na hagdan kung saan nakasabit sa dingding ang mga picture ng pamilya nila. Hinanap ko kaagad ang picture na paborito kong tignan… iyong picture naming tatlo nina Kuya at Aizel. Kuha ito noong twelve ako, sa probinsiya nila. Nakasimangot ako’t masama ang tingin sa pikit ang mata’t tawa nang tawang si Aizel habang hawak si domokun. Ayaw ko kasing magpa-picture noon kaya inagaw niya ang stuff toy ko para lang pumayag ako. At ito nga ang resulta. Sa kabilang gilid ko naman ay si Kuya na nakadila at naka-peace sign, walang kamalay-malay sa alitan na nagaganap sa amin ni Aizel sa tabi niya. Napangiti ako sa pag-atake ng nostalgia bago ako nagpatuloy sa paglakad. Sa hallway ay rinig na rinig ko ang pamilyar na tugtugin galing sa isang kwartong bahagyang nakabukas. Pinakadulo sa mga pinto, sa kwarto ni Aizel. Napalunok ako bago muling nagpatuloy sa paglalakad. Naalala ko ang corridor sa bahay… ‘yong mismong lugar kung saan ako hinalikan ni Aizel… at unti-unti akong kinabahan nang palapit na ako nang palapit sa pintuan ng kwarto niya. May kung anong insekto ang naglaro sa sikmura ko. Kakatok sana ako pero natigilan nang makitang nakaawang pabukas ang pinto kaya inisip kong wala naman siguro siyang importanteng ginagawa. Imbes na kumatok ay kinabig ko nang marahan ang pinto niya para sumilip. “Aiz—” Pero nanigas ako sa mismong kinatatayuan nang makita si Aizel kasama si Ylona ro’n… sa loob ng kwarto niya… nandito si Ylona sa bahay nila… nakaupo si Aizel sa upuang nakalaan sa study table niya. Pero nakatalikod siya ro’n para harapin ang nakatayo sa harap niyang si Ylona… hindi pala para harapin… para halikan… Paupo na sa kandungan niya si Ylona nang mapansin ang presensiya ko. “Cadence?” Ang gulat at pagkakatigil ay bumakas sa ekspresyon niya nang magtama ang tingin namin. Balewalang nasulyapan lang ako ni Ylona. Itutuloy na sana nito ang pag-upo sa lap ni Aizel ngunit bahagya itong hinawi ng huli at nanatiling nakapako ang tingin sa akin. Napalunok siya nang masapo ko ang nanginginig kong mga labi. Sinapo ni Ylona ang pisngi niya at tipong hahalikan siya ulit pero tumayo si Aizel at napahakbang. Ngunit natigilan sa akmang paglapit nang hinawakan ni Ylona ang braso niya. Sumulyap siya rito bago mabilis na nagbalik ng tingin sa akin, awang na ang mga labi. Pigil ang hininga, animong nasimento ako sa kinatatayuan ng isang beses akong mapaatras, kahit gustong-gusto ko nang tumakbo paalis. I shouldn’t be here. “Aizel, come on.” Rinig ko ang iritasyon sa boses ni Ylona dahil sa presensiya ko. Nasuklay nito ang mahabang buhok na bahagyang gulo bago ako tinignan nang masama’t pinagtaasan ng kilay. Pabalik-balik niyang hinahaplos ang braso ni Aizel habang humilig sa likuran nito. Nagawa pa nga niyang halikan ang ilalim ng tainga nito bago malambing na sinabing, “Hayaan mo na siya… Cadence, can you close the door and leave, please? Busy kami ni Aizel.” Ang kirot sa puso ko’y tila lumalatay nang paunti-unti kong sinubukang umatras. Nakakapanghina ang sakit na gumuguhit sa dibdib ko ngunit hindi ko iyon makontrol. Sinubukan kong pakiramdaman ang mga nanginginig kong tuhod at nagdasal na sana’y hindi sila bumigay. Please, ‘wag muna… Suminghap ako at humugot ng lakas para talikuran sila, ang pamumuo ng init sa sulok ng mga mata’y ramdam ko na. Hindi ko na naisara ang pinto nang sa wakas ay mag-umpisa akong maglakad paalis. Letse, bakit ko isasara?! Sa susunod kasi ‘pag may gagawin silang milagro matuto silang magsara! Simpleng bagay ‘di magawa! Kayang makipaghalikan nang gano’n pero magsara ng pinto, hindi? Ayos ka lang, Aizel? Wala na ako sa harap ng kwarto niya pero tandang-tanda ko pa rin ang posisyon nilang dalawa… nasa loob ng kwarto niya si Ylona… At naghahalikan sila. Kung ‘di ko sila naantala baka mas malala pa ro’n ang nagawa nila… Bakit? May masama ba ro’n? Wala! Kasi legal sila! Ito lang namang nararamdaman ko ang wala sa lugar! Bakit ba ako nasasaktan nang ganito? Ni hindi ko nga siya boyfriend at ni hindi niya sinabi sa aking gusto niya ako! Bakit, Cadence? Kasi gusto mo siya. At hinalikan ka niya. Ang tanga-tanga mo kasi umasa ka. Na naman. Pang ilang beses na nga ba? Paulit-ulit akong umiling at halos mapahikbi na. Letseng halik ‘yan! Letse lang talaga! “Cadence! Cadence, sandali!” Halos madapa pa ako nang binilisan ko ang paglakad dahil sa panlalabo ng paningin, ‘wag lang akong maabutan ni Aizel.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD