Line X

2309 Words
Hindi ko na siya nasagot dahil dumating na ang professor namin. Bumalik siya sa upuan niya at nagsimula na ang klase. Pero paano niya nasiguradong mapapapayag niya si Kuya na imbes na magpunta kami kina Aizel ay sa ibang lugar kami pupunta? Hindi naman ako bulag para hindi makitang medyo boto sa kaniya si Kuya pero… tingin ko’y malabo pa ring mapapayag niya ‘yon. Iyong kuya ko na ‘yon? Iniisip ko pa lang na sasabihin niya ‘yon kay Kuya ay nahihinuha ko na kung ano ang magiging liniya no’n kay Kris. Baka masampolan pa siya ng sapak at matulad lang sa mga lumalapit sa akin noong napagdiskitahan nang malupit kong kapatid. “Close pala kayo ni Kristian?” nakataas ang kilay sa akin ni Julie ng itanong niya sa akin iyon. Classmate ko siya sa dalawang subject pero ngayon lang niya ako kinausap. At sa tipo ng tanong niya’y mukhang wala siyang balak na kaibiganin ako. “Hindi gaano… bakit?” Halos mapairap siya pero nginitian pa rin niya ako. “Wala lang. Tinabihan rin kasi niya ako one time… ang dali kaya niyang maka-close! Bakit naman hindi kayo gaanong close?” Mapaglaro ang ngiti niya habang itinataas pa rin ang guhit na guhit niyang kilay. “Sa pagkakaalam ko wala siyang girlfriend… tapos close kami… ang cute niya ‘no? sa tingin mo liligawan niya ako?” May impit na tili akong narinig sa kaniya bago niya binalingan ng tingin ang direksyon ni Kristian. Napangiwi ako sabay napabaling din para lang maabutan ang seryosong mga mata ni Kristian sa akin. Muli kong narinig ang impit na tili ni Julie sa tabi ko kaya’t nalingon ko siya. “Nakatingin siya sa ‘kin! My gosh! Tingin ko talaga may balak siyang ligawan ako… maybe he’s just so mahiyain kaya…” Humagikgik siya at pinigilan ko ang matawa. Hindi naman sa pinagtatawanan ko siya. Natatawa lang ako sa reaksyon niya. Hindi kasi ako pamilyar sa reaksyon ng mga babae… Nagliligpit ako ng gamit nang maaninag ko ang paninigas ni Julie ro’n sa harap ng lamesa niya habang nakatingin sa bandang likuran ko. Namumula siyang napaayos bigla ng buhok at nangingiti mag-isa sa hangin. Binalewala ko na lang siya’t isinuot na lang ang bag ko. Akmang kukuhanin ko na ang ilang libro kong nasa desk ng may biglang kumuha n’on. Nag-angat ako ng tingin para makita ang pagngiti sa akin ni Kristian. “Ako na ‘to. Let’s go?” Nasulyapan ko ang parang nasampal na mukha ni Julie sa tabi. Nakaawang ang mga labi niya sa libro kong hawak ni Kristian at bigla siyang nagtaas ng kilay pagkalingon sa akin. Naisarado ko nang mariin ang bibig ko para lingunin si Kristian at tanguan. “Bye, Julie!” Narinig ko ang pagkakalaglag ng ilang libro pagkatapos magsalita ni Kristian. Hindi ko na nilingon pa si Julie dahil ayoko nang makita pa ang reaksyon niya. Siguro iniisip niya ngayon na sinungaling ako. Baka nga isinusumpa pa niya ako. Hindi na ako magtataka kung susuka ako ng libo-libong karayom mamayang gabi. Makapaglagay na lang ng bawang sa ilalim ng unan ko bago ako matulog pati na rin sa bintana. Baka kasi dalawin niya ako ng madaling araw… at least may proteksyon. Ang sama ko ro’n. “Is Julie alright? Mukha siyang… I don’t know… na-coma? She look stunned!” Kunot-noong natawa si Kris sa nasabi. Nagkibit-balikat lang ako. Hindi naman kami magkaibigan ni Julie kaya hindi dapat ako ma-guilty… ‘di ba? Hindi ko rin naman obligasyong sabihin sa kaniya ang mga personal na bagay. “You hungry? Baka gusto mo munang kumain?” Naglalakad na kami patungo sa Engineering building ng magtanong si Kris. Sumingkit lalo ang mga mata niya ng ngitian ako matapos, medyo nahihiya pa. Ibinalik ko ang ngiti niya bago umiling. “’Di pa naman ako gutom.” Ganito pala ‘pag nililigawan? May tagabitbit na ng gamit… tapos may libre pang pakain? Para akong naampon. Feeling ko may balak siyang buhayin ako na para bang hindi ko kayang tustusan ang sarili kong mga pangangailangan. Natatanaw ko na si Luis kasama si Miguel, Ken at Aizel. Nakasandal sila sa kani-kanilang motor at mukhang nagkakatuwaan sa kung anong pinagku-kwentuhan. Hindi ko nakita ro’n si Kuya kaya’t bahagya akong nagtaka. Nasaan ‘yon? Agad ngumisi si Ken nang maaninag ang paglapit namin. Nagtanguan sila ni Kristian bago bumaling sa mga kasama niya, marahil para ipaalam na heto na kami. Nagsilingunan sila sa gawi namin at nakipagtanguan. Tumayo si Luis mula sa prenteng pagkakaupo ro’n sa motor para lang lapitan ang abala sa phone na si Aizel. May ibinulong ito bago natatawang kinuha ang sariling helmet. Agad na lumingon sa amin si Aizel at masama na kaagad ang tingin. Ibinulsa niya ang phone sa jeans bago humalukipkip at sumandal sa motor niya, ang maamo niyang mga mata’y kababakasan ng iritasyon habang nakatingin sa amin ni Kristian. Binalewala ko siya nang magbalik sa akin ang mga naisip kanina, kahit trinatraydor ako ng mga insektong naglalaro sa sikmura dahil lang sa mga titig niya. “May dinaanan kuya mo. Susunod na lang daw siya kaya mauna na tayo,” imporma kaagad sa akin ni Ken nang mapansing may hinahanap ako. “‘Wag kang maingay na sinabi ko sa ‘yo pero may babaeng tinatago ‘yon. Nakita ko siya isang beses na may kasamang babae pero itinaboy niya o ewan ko, parang itinatago niya kaya hindi ko nakita ‘yung mukha! Langya.” Tumawa si Miguel habang umiiling pagkalayong bahagya sa akin. “Hoy, Miguel! Narinig ko ‘yung ibinulong mo! Ipapapurga kita kay Yel, kulugo ka.” Si Ken ang sunod na tumawa bago sumakay sa motor nito. “’Wag kang maniniwala r’yan, Cadence. Ang totoo nag-aalala lang ‘yan sa kuya mo. Kasi hanggang ngayon wala pa rin siyang pinopormahan. Kung meron man laging udlot. Natatakot lang ‘yang si Miguel na madiskubreng sirena pala si manoy…” Napailing si Ken na siyang sinundan ng hagalpakan nina Luis at Miguel. Kumunot ang noo ko sa mga pinagsasabi nila. Paanong magiging bakla si Kuya? Oo nga at wala pa rin siyang girlfriend pero… pero bakit nga ba wala pa? “Ayaw n’yo talagang maniwala sa ‘kin? Nakita ko nga kasi siya! Bakit ako magsisinungaling?” si Miguel ulit. “Hindi ko alam kung pa-mysterious effect ‘yong si Yel o nagdadamot lang! Pero seryoso nga, Cadence, kung sakali man, atin-atin lang naman… bakla ba yung kuya mo? Baka ladyboy ‘yung babaeng nakita kong kasama niya kaya niya itinatago?” Nasa kalagitnaan pa lang ng pagsasalita si Miguel ay matawa-tawa na siya. “Gago!” Hindi na napigilang humagalpak ni Luis, napahampas pa sa harapan ng sarili niyang motor. “Ladyboy daw ang putek!” Mas lalong kumunot ang noo ko. These guys never change. “Napakasiraulo ng mga hayop na ‘to!” Hindi na rin napigilan ni Ken ang matawa. Muntikan na nga nitong mabato ng helmet ang sagad sa pagtawang si Luis, ‘di na makahinga. “Seriously. Your imaginations are wild.” Hindi na rin napigilan ni Kris na magkumento. Hindi nakasagot ang tatlo kakatawa, bukod kay Aizel na kanina pang tahimik at ni hindi ngumingiti habang mariing nakatitig sa akin. Pagkahingang malalim ay napailing na lang ako at bahagya pang napapangiwi nang mag-iwas ng tingin sa huli. Kung totoo man ang sinasabi nitong si Miguel, sino naman kaya iyong babae? Bakit tinataboy o… tinatago ni Kuya? “Uy, Cadence, joke lang ah. Pero may totoong kinatagpo ‘yung kuya mo ngayon. ‘Di nga lang namin alam kung chicks o yung ladyboy!” Nakangising kibit-balikat ni Ken bago pagtuunan ng pansin ang napapakamot sa ulo’t mukhang naguguluhang si Kris. “Uy brad, aangkas ka na lang ba? O may dala kang motor?” “I brought mine. Do’n ko nga lang nai-park malapit sa second gate. Kita na lang tayo sa labas no’n. You guys go ahead.” Tumango ang tatlo. Hindi ko alam na may motor pala si Kristian. Parang no’ng mga nakakaraan ay wala naman? Para na silang may gang nito. “Zel! Tara na.” Naguluhan si Ken sa tangong isinagot ni Aizel. Ni hindi siya kumikilos para paganahin ang motor niya. “Huy pre, ano?” “Una na kayo,” iritadong sinabi ni Aizel bago ako muling pagtuunan ng pansin. Lumingon sa amin si Ken habang tumatango na para bang alam na niya kung bakit blue ang ozone layer. Nabalingan ko ang pumitong si Luis at naabutan ko siyang ngumingisi-ngisi. “Kaydee? Tara?” Nakaalis na sina Luis nang magsalita si Kristian. “Sa ‘kin aangkas si Cadence.” Pareho kaming natigilan ni Kristian nang magsalitang bigla si Aizel. Tumayo siya nang maayos at kinuha ang helmet na nakasabit sa handle ng motor niya matapos. “Bakit? Pwede namang sa akin?” Nakita ko ang bahagyang pagkunot ng noo ni Aizel sa sinabi ni Kristian, natuon ang buong atensyon niya rito na para bang ngayon lang niya nalaman na may nag-e-exist na kagaya nito sa mundo. “Pwede lang sa ‘yo. Pero dapat sa akin.” Pagkapaling bahagya patagilid ng ulo ay inabot sa akin ni Aizel ang hawak na helmet, ang mga mata niya’y nanatili sa kausap. Napalingon ako kay Kris at nagdalawang-isip kung kukunin ko ba ang helmet na inaabot sa akin ni Aizel. Sumulyap ito sa akin bago nagbalik ng tingin sa huli, tila ayaw magpatalo. Nagpasalit-salit naman ang tingin ko sa dalawa at naguluhan pa kung ano ang magiging desisyon. “Cadence, helmet,” iritableng ani Aizel. At sigurado akong hindi siya papayag na hindi mangyayari ang gusto niya. Napapikit ako sandali at napabuntonghininga sa pagsuko. “Kristian, antayin ka na lang namin sa labas ng gate…” Tinanggap ko ang iniaabot na helmet ni Aizel. Pinaghalong inis at disbelief ang nasa gumuhit sa ekspresyon ni Kristian nang tignan ako. I’m sorry, Kristian, pero mapilit ang isang ito. Baka abutin tayo nang buong maghapon kakapilit niya ng gusto niya. Isa pa, maliit na bagay lang naman ‘yon kaya hindi na dapat pinagtatalunan. Ewan ko ba rito kay Aizel at bakit trip mambwisit. ‘Wag mong sabihing gusto na niya ako bigla? Muntik na akong natawa sa naisip. Ano ‘yon, magic? “Akin na.” Naglahad ng kamay dito si Aizel, may mapang-asar na ngisi. Iritadong pinagmasdan ni Kristian ang palad niya bago padabog na iniabot ang mga libro ko. Mas lalo lang lumaki ang ngisi niya, nang-aasar talaga. Parang bata. “Cadence, tara na.” Inilagay niya sa loob ng sariling bag ang mga libro ko’t sumakay sa motor niya para buhayin ang makina nito. “Alam mo pre, dapat umaalis ka na ngayon. Baka kasi mabagot ‘yung mga kulapo. Ikaw rin, baka maiwan ka... hindi mo pa naman alam ang daan kasi hindi sa ‘yo umangkas si Cadence…” Naaninag ko ang pagkuyom ng kamao ni Kris. Lalong naniningkit ang mga mata nito sa inis kaya’t lumapit na ako kaagad kay Aizel, para matahimik na siya sa mga pang-iinis niya. “Aizel, pwede ba? Tara na,” iritable kong bulong. Patay malisiya siyang ngumisi sa akin nang sumakay ako sa motor niya. Maamo ang mukha kaya ‘kalang inosente talaga kahit hindi. Bumaling ako kay Kris at bahagya itong nginitian bago tuluyang umalis, umiiling ito at parang hindi pa rin makapaniwala sa desisyon ko. Sinundan ko na lamang ito ng tingin. Narinig ko ang pagbuga ng hangin ni Aizel bago ako nilingon sa likod niya. Umirap naman ako sa hangin at iniwasan ang mga mata niya. “Ba’t ka nakasimangot? Gusto mong sa kaniya sumabay?” may pang-aakusa ang boses niya nang sinabi iyon. Pinigilan ko ang muling mapairap. “Sinong katagpo ni Kuya?” pag-iiba ko na lang sa usapan. Hindi siya sumagot agad. Nang sa wakas ay magbaling ako sa kaniya ng tingin ay ‘tsaka lang siya nagkibit-balikat at nagdiretso ng tingin sa daan, animong wala sa usapang iyon ang interes niya. “Bakit hindi mo pa bastedin ‘yung classmate mong ‘yon?” “Bakit?” iritado kong tugon. Kung magsalita siya ay para niya akong utusan. May pakialam ba siya sa mga desisyon ko? Napabaling ulit siya sa akin at halos maghisterya siya nang sabihing, “Anong bakit? Hindi mo naman siya gusto ah? Ano ‘yun, nagustuhan mo siya bigla overnight?” “Sinabi kong hindi ko siya gusto pero hindi ko sinabing hindi posibleng magustuhan ko siya. At isa pa, ano bang pakialam mo kung—” “Posibleng magustuhan mo siya, Cadence?!” Para siyang nabingi nang bahagyang tumaas ang boses niya, hindi makapaniwala. Hindi ako nakaimik agad dahil sa pagkakagulat sa iritasyon niya. Lumipad ang mumunting mga mura niya sa hangin pagkatapos. “Pumayag kang halikan kita! At sinabi mong hindi mo siya gusto!” Kumalabog ang dibdib ko ng maisip na baka may makarinig sa kaniyang mga nagdaraan. “Nakalimutan mo na agad?” Sumulyap ako sa mga estudyanteng naglalakad at parang gusto kong takpan ang bibig niya. “Bakit ka magpapahalik sa ‘kin kung posible pa lang magustuhan mo siya? Cadence, hindi mo siya gusto at hindi mo siya magugustuhan dahil ako! Ako ‘yung gusto mo!” Nahampas ko na. Gusto ko pa nga sanang sabunutan kung hindi lang nanginginig ang mga kamay ko dahil sa sobrang bilis ng kalabog ng puso ko. “Kupal ka! Paandarin mo na nga lang ‘tong motor mo!” Nasapo ko ang nag-init kong pisngi at napahilamos ng mukha. Hindi ko alam kung matatawa ba ako o maiinis sa mga pinagsasabi niya. Ungas na ‘to. Napatili ako nang bigla niyang pinaandar ang motor, sa bilis nito’y parang may plano siyang ilaglag ako kaya’t napayakap ako sa baywang niya. Sobrang bilis ng t***k ng puso ko at hindi iyon dahil sa pagkakagulat. Kundi dahil tama siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD