May naglarong engkanto sa sikmura ko nang maalala ko ang nangyari kagabi. Ngunit ang ngiti ko sana’y napanis nang maalala ko rin na wala siyang sinabi pagkatapos niya akong halikan.
Gulong-gulo na ako. Hindi ko alam kung anong ibig sabihin ng mga sinabi niya at ginawa. Hindi naman niya diretsahang sinabi sa ‘king gusto niya ako. Ano ‘yong kagabi?
“May klase kayo ngayon ni Kris ‘di ba? Last subject?”
Nabalik ang ulirat ko sa mundong ibabaw ng magsalita si Kuya. Inilagay niya sa lamesa ang mga naluto niyang ham at itlog. Wala sa sarili akong bahagyang tumango sa kaniya.
“Sumabay na kayo sa ‘min pag-uwi.”
Nakaupo na siya sa upuan nang magawa ko siyang tanungin ng, “Bakit?”
“Kasi dadaan tayo sa bahay…”
Sa biglang pagkataranta ay nanginig ang kamay kong may hawak ng kutsara’t naghahalo ng kape. Tumapon iyon nang kaunti.
Lumipad ang tingin sa akin ni Kuya at agad na kumuha ng basahan.
“Para kang kinuryenteng pusa. Napaso ka ba?” Tatawa-tawa niyang pinunasan ang kaunting kapeng tumapon sa lamesa.
Ako nama’y naaligaga ng masulyapan kong palapit na sa lamesa si Aizel.
Putong tinapa! Palapit na siya! Ayan na! Ayan na!
Isang sulyap ko pa sa kaniya’y nakita kong sa akin na siya nakatingin. Kumalabog agad ang dibdib ko nang maalala ko ang nangyari kaninang madaling araw.
Manginig-nginig ako sa kabang yumuyuko para tignan ang plato ko. Pero naaaninag ko pa rin ang pagtingin niya sa akin dahil doon siya mismo naupo sa harapan nang inuupuan ko. Nang lakas loob akong sumulyap sa kaniya ay halos atakihin na ako sa puso matapos siyang maabutang bahagyang nakangisi.
Ang maamo niyang mga mata ay hindi kailanman nalingat mula sa pagtuon ng tingin sa akin.
Walang pasubaling namuo ang init sa pisngi ko nang maalala ko kung paano niya ako hinalikan. Napalunok ako at agad napabitiw ng tingin, hindi makalma ang nagwawalang puso.
“Umuwi kasi si Lola Aimee. Birthday niya sa makalawa, ‘di ba, Zel?” ani Kuya bago nagpatuloy sa pagkain.
Napaangat ako ng tingin sa kapatid at agad kong inalala kung kailan ko huling nakita si Lola Aimee, lola ni Aizel.
“Oo. Ang tagal niya kasi sa probinsiya. Na-miss daw niya ‘yung makukulit na bata sa bahay dati… Lalo na si Cadence.”
Halos umusok na sa init ang pisngi ko nang mabalingan ko ang bahagyang nakangiti pa rin sa aking si Aizel. Nasulyapan ko ang labi niya’t halos mapamura ako nang maalala ko na naman ang nangyari.
Itinuon ko ang pansin sa pinggan ko kahit nawala ang gana ko sa pagkain. Sino ba naman kasi ang gaganahang kumain kung may nakamasid sa bawat kilos mo?
Hindi ko alam kung pangarap ba nitong si Aizel ang maging CCTV kaya’t titig na titig siya sa akin! Konti na lang at mapapraning na ako sa pag-iisip na baka malaman ni Kuya ang nangyari, ‘pag ipinagpatuloy pa ni Aizel ang paninitig na ginagawa!
“’Di ka gutom? Ba’t ‘di ka kumakain?”
Napaangat ang tingin ni Kuya kay Aizel nang magsalita ito. Sinalubong ko naman ang paninitig nito sa akin at halos maubos ang dugo sa mukha ko.
Pakiramdam ko konti na lang talaga makakapansin na si Kuya. Praning lang ba ako? Isa pa… hindi naman porke’t hinalikan niya ako ibig sabihin… may kung ano na sa amin… halik lang naman ‘yon…
Shit. First kiss ko ‘yon!
“Inubos mo ata ‘yung isang paper bag ng pepero eh?” Nagtaas ng kilay sa akin si Kuya bago nangingiting nagpatuloy sa pagkain.
Bahagya akong nakahinga nang maluwag nang mukhang hindi siya nakahalata. Sabay baling ko nang matalim na tingin kay Aizel na tahimik nang umiinom ng kape at nananatiling nakatitig sa akin.
Tumaas ang isang sulok ng labi nito habang ibinababa ang mug. Hanggang sa sumubo siya gamit ang kutsara ay nakatingin pa rin siya sa akin, hindi mapigilan ang ngiti.
Napatiim-bagang na lang ako at sinubukang abalahin ang sarili sa pagkain kahit nawala na ang gana ko.
“Sama mo si Kristian ah? Hindi ko pa siya nasasabihan kaya ikaw na lang ang magsabi.” Tumayo si Kuya at iniligpit ang sariling pinagkainan. “Bilisan n’yong dalawa r’yan.” Pagkainom ng tubig ay nagtungo siya sa taas.
Binilisan ko ang pagkain dahil ayoko na ng tinging ipinupukol sa akin ni Aizel. Dapat ko ba ‘tong tanungin tungkol sa nangyari? O… dapat ko bang klaruhin kung anong ibig sabihin n’on?
Parang ‘di ko kaya.
“Ilang subjects kayo magkaklase ni Kristian?”
Napahinto ako saglit sa pagkain para sulyapan ang tulala nang si Aizel. Bagsak ang mga mata niya sa pinggan ko’t wala na ang kaunting ngiti niya kanina.
“Isa lang,” tipid kong sagot bago tinapos ang pagkain.
“Ilang unit ang subject na ‘yon?”
Kunot-noo kong sinabing, “Three units lang…”
“Anong subject?” nakatingin na siya sa akin nang tinanong niya ito.
Patayo na sana ako ngunit sandali pang natigilan dahil sa paninitig na naman niya.
Dapat ko bang bigyan ng kaluhugan lahat ng kilos niya ngayon pagkatapos ng ginawa niyang paghalik sa ‘kin?
“Humanities.” Tuluyan akong tumayo para iligpit ang sarili kong pinagkainan.
“Tipid naman ng mga sagot mo.” Bumuntonghininga siya.
Halos mapatalon ako nang malingunan kong nandoon na siya sa gilid ko para iligpit din ang pinagkainan niya. ‘Di ako nakagalaw nang magtama ang mga mata namin matapos.
Hindi ko alam kung ilang ulit nang nagpapabalik-balik sa isipan ko ang nangyari nitong madaling araw. Para nang sirang plaka ang utak ko dahil sa pagkakakulta sa letseng halik na ‘yon. Ganito ba talaga ‘pag first?
Bakit mo ako hinalikan?—gusto ko sanang itanong pero s**t, hindi ko talaga kaya!
“Tara na!” Halos mapaigtad ako nang marinig ko si Kuya’ng pababa ng hagdan.
Agad kong iniwan si Aizel para magtungo na sa sala. Kinuha ko ang gamit ko at sinundan sa paglabas ng main door ang kapatid, laking pasasalamat ko at nandito na ulit siya.
Sinulyapan ko ang sumusunod sa aking si Aizel. Nakasukbit sa isa niyang balikat ang bag pack niya habang tamad na pinaglalaruan sa isang kamay ang susi.
Teka… para saan ang susi niya?
Ngumisi siya sa akin nang mapansing nakatingin ako sa kaniya. Mabilis naman akong nagbitiw ng tingin bago lumabas ng main door. Naabutan ko si Kuya na sumasakay sa motor niya’t binubuhay ang makina n’on. Samantalang si Aizel naman ay dumiretso sa isang motor na katabi noong kay Kuya.
Kaninong motor ‘yon? Sa kaniya? Kailan pa siya nagkaroon ng motor?
Isa ‘to sa mga araw na pare-parehong maaga ang pasok naming tatlo kaya’t madalas na dumadaan ang isa sa mga kabarkada nila para makaangkas si Aizel, ‘yon ay ‘pag dito siya natutulog sa bahay.
“Cadence!” Napatalon ako sa tawag ni Kuya.
Kinuha ko ang helmet na inaabot niya pero hindi ko pa rin magawang iiwas ang tingin ko kay Aizel.
Sa pagkakaalam ko, ayaw niyang magpabili ng sarili niyang motor kahit kinukulit siya ni Tita—mama niya—para daw hindi na siya mahirapan sa pagpasok sa school. Madalas ko lang marinig na iyon ang usapan nila ni Tita ‘pag nandoon kami sa kanila’t nakikitang isa-isa nang nagkakaroon ng motor ang mga kabarkada nila. Hindi ko lang alam kung bakit ayaw niya at lalong hindi ko alam kung ano ang nagpabago sa isip niya ngayon.
“Gusto mong umangkas?” Nakangisi siya sa akin bago isinuot ang helmet.
Pinamulahan ako ng mukha bago nag-iwas ng tingin.
Oo gusto ko! Pero mas gusto kong malaman kung bakit mo ako hinalikan!
“Gusto mo ba, Cadence? Para may maiangkas akong iba.” Tumawa si Kuya bago inilabas sa gate ang motor.
Bahagyang kumunot ang noo ko. “Sino namang iaangkas mo, Kuya?” Wala ka namang girlfriend.
Imbes na sumagot ay ngumisi lang sa akin ang kapatid ko.
“’Tsaka baka makita pa kami ni Ylona…” Sa totoo lang hindi ‘yong angkas ang naisip ko rito. ‘Yong halik!
At ngayon ko lang napagtanto… panloloko ba ang ginawa ni Aizel? Pagchi-cheat ba kay Ylona ‘yong ginawa niyang paghalik sa akin? Cheating ‘yon ‘di ba?
Para akong nagimbal nang maisip na kaya niyang gawin iyon.
“Asus, para namang pagseselosan ka pa no’ng si Ylona. Eh para ka lang bunsong kapatid n’on,” balewalang ani Kuya. Samantalang para naman akong nasampal ng katotohanan.
Seryosong nakatitig sa akin si Aizel nang madaanan niya ako habang inilalabas ang motor niya. Wala ni kaunting ngiti akong nasilip sa mukha niya at ni hindi siya bumanat sa sinabi ni Kuya.
“Oo nga naman. Bakit ako pagseselosan ng girlfriend niya?” Hindi ko maitago ang pait at sarcasm sa tono ng boses ko.
Kung bunsong kapatid pala ang tingin sa akin ni Ylona, sigurado akong hindi gawain ng nakatatandang kapatid ang halikan ang itinuturing niyang mas nakababatang kapatid. ‘Di ba, Aizel? Ngayon mo sabihin sa aking ‘paslit’ lang ako para sa ‘yo pagkatapos ng ginawa mo.
Medyo padabog kong isinarado ang gate bago ako umangkas sa motor ni Kuya. Nararamdaman ko buong byahe ang paninitig sa akin ni Aizel, dahil nandoon lang siya sa likuran ng motor ni Kuya nagpapaandar. Hindi ko mapigilan ang pag-init ng magkabilang sulok ng mga mata ko dahil sa kaunting inis sa kaniya.
Ang labo niya.
Bakit niya ako hinalikan? Pagkatapos niyang sabihing ayaw niyang ilagay sa alanganin ang lahat? Para saan ‘yong ginawa niya kagabi?
Kung hindi pa man din ako tanga para hindi mahalatang pinaglalaruan lang niya ako. Bakit? Kasi alam niyang gusto ko siya at iniisip niyang hindi masama kung makikipaglaro siya sa akin. After all, hindi niya kayang isakripisyo ang pagkakaibigan nila ni Kuya para lang magkaroon kami ng commitment. Kaya bakit hindi niya susubukan ang makipaglaro? Laro lang naman.
Tutal at alam niyang gustong-gusto ko siya’t wala namang makakaalam lalong walang mawawala sa kaniya. Dahil wala siyang sinabi’t ipinangako sa akin. Safe nga naman para sa kaniya dahil may girlfriend siya! Inosente siya! At kung sakaling mahuli man kami ni Kuya o ni Ylona, madali lang niyang sasabihin na ako ang nag-udyok sa kaniya. Kaya wala siyang magiging kasalanan.
Nasa akin ang bunton ng sisi… hindi niya kailanman sinabing gusto niya ako pero gusto ko siya kaya ako ang lalabas na desperadang sumira ng lahat. Nang pagkakasira ng pagkakaibigan nila ni Kuya pati nang relasyon nila ni Ylona…
Inalis ko kaagad ang helmet na suot bago pa man kami huminto para lang mapunasan ang luha ko. Hindi ko na sila nilingon nang iabot ko pabalik kay Kuya ang helmet at magmartsa papasok sa campus.
Tulala ako sa dalawang klaseng pinasukan ko. Pumasok ako nang tahimik sa room ng pangatlo’t huling subject ko para sa araw na ito. Ilang sandali akong tumulala ro’n para panoorin ang mga kaklase kong may kaniya-kaniyang grupo at nagkukwentuhan, habang inaantay ang prof namin.
You look sad. Everything alright?
May nag-slide ng bukas na notebook sa harap ng desk ko at iyon ang nakasulat. Napalingon ako sa tabi ko para makita ang nakakagat-labing si Kristian habang tulala sa nilalarong hawak na ballpen. Ni hindi ko namalayan na naupo siya sa tabi ko.
Kinuha ko ang ballpen ko sa bag at nagsulat ng sagot doon.
Yep. Sabay ka saming umuwi mamaya?
Iniusad ko sa harap ng desk na inuupuan niya ang notebook para ipakita ang sinulat ko ro’n. Binasa niya iyon at agad siyang napaangat ng tingin sa akin. Mukha siyang nabigla’t para bang nabuhayan. Napapangisi siyang nagsulat pabalik doon.
Sure. Sa inyo ba mamaya?
Nagdalawang-isip pa akong sabihin ang totoo. Pero…
Hindi eh. Kina Aizel. Nandoon kasi ang lola niya.
Hindi na siya sumagot pagkatapos noon. Tinignan na lang niya ako nang bahagyang nakaawang ang mga labi, mukhang binabasa ang iniisip ko.
“I heard may girlfriend si Aizel…” Bahagyang kumunot ang noo niya.
Tumango lang ako at tumulala ro’n sa ballpen na ibinigay sa akin ni Aizel.
Tumikhim si Kristian sa tabi ko. “I bet she’s coming, then. Are you gonna be okay? We can go somewhere if you want… pwede kong kausapin si Yel.”