Line VIII

3286 Words
Hindi ko na namalayan ang mga pang-aalaska sa akin nina Kuya tungkol sa tinola dahil lumilipad pa rin ang isip ko sa mga nangyari kanina. Para akong sabog na bigla-bigla na lang mangingiti sa kawalan, sa tuwing maaalala ko ang kamay ni Aizel sa kamay ko at kung paano niya ako tinitigan na puno ng concern… “Ako na ‘yan, Cadence. Ihatid mo na lang si Kris sa gate. Kanina pa ‘yan tinatawagan sa kanila, baka raw mapagsamantalahan.” Natigilan kaming dalawa ni Aizel sa pagligpit ng kinainan dahil sa sinabi ni Kuya. Sinulyapan ko siya sunod ang huli. Nag-iwas lang siya sa akin ng tingin at ipinagpatuloy ang pagligpit, hindi mabasa ang ekspresyon. Bahagyang nagtaas ng kilay sa akin si Kuya nang sandali akong tumahimik. Iniawang ko ang mga labi ko para sana magsalita pero walang salitang lumabas doon. “I’m sorry, I need to go. My mom’s going crazy. Hindi kasi siya sanay na ginagabi ako ‘pag ganitong araw…” Bumungad ang nakangiwing si Kristian sa kusina. “Dude.” Tinanguan nito si Kuya at Aizel. Sabay baling sa akin. “Kaydee…” “Hatid ka na ni Cadence sa gate. Baka maligaw ka pa sa mansyon namin.” Tumatawa si Kuya nang inumpisahang hugasan ang mga plato. Natigilan ako sandali at sinubukan pang i-absorb ang gusto nitong mangyari. “Huh?” Muling lumipad ang mga mata ko kay Aizel, nga lang, hindi niya ako binalingang pabalik ng tingin at inabala ang sarili sa ginagawa. Hindi ko pa rin mabasa ang ekspresyon sa mukha niya. Binalingan ko si Kuya sa disbelief. Pwede bang marinig ulit ang sinabi nito? Natawa ang huli nang masulyapan ang pagkakatigil ko. “Huy, hatid mo kako sa gate si Kris!” May nailagay ba akong gayuma sa tinola kanina? “Ingat ka, pre.” Tumango si Aizel kay Kris pagkalampas dito para magtungo sa sala. Tinanguan lang siya nito pabalik bago ako binalingan ng tingin. “Kaydee?” Natauhan lang ako pagkarinig sa boses ni Kris. Para akong lutang na humakbang palapit sa kaniya matapos. Dahan-dahan naman siyang napangiti habang tuon ang tingin sa akin. “Una na ako, Yel. Thanks for today.” Nilingon at tinanguan lang ito ni Kuya bago kami nagdiretso sa sala. Saglit siyang nakipag-usap sa busy sa paglalarong sina Luis para magpaalam. Wala akong naintindihan alin man sa mga iyon, dahil natuon lang ang pansin ko sa tahimik at seryosong si Aizel habang nagtitipa sa phone niya. Magka-text kaya sila ni Ylona? Ano kayang mga pinag-uusapan nila? At bakit nga ba hindi niya kasama ang magandang babaeng ‘yon ngayon? Nandoon na kami sa labas ng gate ni Kristian nang magsalita ako. “Ingat ka. ‘Wag ka na lang tumakbo ‘pag may aso. Mas lalo ka lang malalapa.” Tumawa ako pero nang naalala ko ang reaksyon ni Aizel kanina ay mabilis naging bahaw ang ngiti ko. Inakala niyang nanliligaw sa ‘kin si Kris dahil sa pepero. Affected ba siya o protective lang? Kailangan pa bang itanong ‘yon? Kapatid ako ng bestfriend niya at may girlfriend na siya. Syempre protective lang siya sa ‘kin… ‘di ba? Naudlot din ang ngiti sana ni Kristian. “You alright? Something happened between you and Aizel while we’re gone?” Mabilis akong umiling ng ilang beses saka ngumiti. “Wala… sige na, baka tumawag na ng search party ‘yung mommy mo.” Bahagya siyang tumawa pero nandoon pa rin ang alinlangan sa mga mata niya habang maiging nakatingin sa akin. “Being an only child is hard sometimes. Sa akin palagi ang atensyon nila. Minsan parang nakakasakal na…” Lumaki akong walang magulang kaya hindi ako maka-relate sa sentimyento niya. Bahagya na lamang akong ngumiti. Nanatili naman siyang nakatitig diretso sa mga mata ko, tila binabasang maigi ang iniisip ko. Makalipas kaming balutin ng sandaling katahimikan ay medyo na-awkward-an na ako kaya’t nagbitiw ako ng tingin. “I think I should be going…” anas niya. Wala na sa akin ang tuon niya pagkabling ko. Nakahinga ako nang maluwag. “Salamat nga pala sa pepero. Hindi mo naman kailangang bilhan ako ng gano’n kadami…” At si Kuya naman kasi talaga dapat ang bumili noon! Hindi ko alam kung umaatake lang ba ang pagiging kuripot niya o… “It’s okay… ako naman ang nagpresinta kay Yel after kong malaman na gusto mo n’on…” Kinagat niya ang ibabang labi habang maingat na pinagmamasdan ang reaksyon ko. Hindi ko gusto ang patutunguhan ng usapan kaya’t sinubukan kong tapusin na lang iyon doon. Nginitian ko siya’t kumaway ako ng isang beses bago hinawakan ang malamig na bakal ng gate. “Pasok na ako.” Hindi ko na hinintay pa ang sagot niya. Itutulak ko na sana pabukas ang gate para makapasok na pero natigilan ako nang hinawakan ni Kristian ang kamay kong naroon. Naalala ko ang paghawak ni Aizel kanina sa kamay ko kaya’t kinabahan akong bigla. Palingon pa lang sana ako kay Kris ng bigla siyang magsalita. “Can you give me a chance, Kaydee?” Naramdaman ko ang hininga niya sa pisngi ko. Hindi ko akalaing ganoon na pala siya kalapit sa akin. “Let me court you…” Nang tuluyan ko siyang nilingon ay namilog ang mga mata ko’t mas lalong kinabahan dahil sa lapit ng mukha niya sa akin. Uminit ang pisngi ko dahil sa seryoso niyang paninitig. “Kristian…” Inalis ko ang kamay ko sa gate kaya’t napabitiw din siya ro’n nang wala sa oras. Umawang ang mga labi ko nang tuluyan ko siyang hinarap. Gulong-gulo ako’t hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kaniya. Hindi ako handa sa mga ganitong eksena! At sandali! Bakit niya ako liligawan? Gusto niya ako? Paano? Kalian pa? Liligawan niya ako… ibig sabihin… gusto niya akong maging girlfriend! Whut? Ako? Bakit ako? “Uh…” Nang mag-sink in sa akin ang sinabi niya’y wala akong nakapang salita sa pagkakataranta ko. Sandali! “Cadence, you see… I… I like you.” Kahit medyo madilim ay nakita ko pa rin kung paanong namula ang pisngi niya hanggang tainga matapos sabihin iyon. Napalunok ako nang muling tumalon ang puso ko sa kaba. Wala pang kahit na sinong nagsabi sa akin nang ganoon… siya pa lang. At hindi ko lubos maisip kung ano ba ang nagustuhan niya sa akin. Bulag ba itong si Kristian? O masiyado lang talagang maliit ang mga mata niya para makita ako nang maayos? Ginu-good time lang ba ako nito? Tinakpan niya ng palad ang mukha niya’t sandali pang napadaing bago sumilip mula ro’n. “Please say something…” Pulang-pula pa rin siya at pakiramdam ko’y ako rin. Tinapa. Napipi ako’t namula na lang nang parang timang doon. Naalala ko ang ginawa kong confession kay Aizel noon… ganito rin kaya ang naramdaman niya? Kinabahan din kaya siya? Hindi rin ba niya alam ang sasabihin kaya noong gabi lang niya ako kinausap? Anong sasabihin ko?! Halos masuka ako sa kaba ro’n. Mabuti na lang at magaling na ang tiyan ko’t wala ng warning akong natatanggap. Pero naghihintay ng sagot sa akin si Kristian kaya napi-pressure ako! s**t! What to say? Matapos maligaw saglit ng tingin ko sa kahabaan ng kalsada ay muli akong nagtuon ng tingin sa kaniya. “Uh… bakit… bakit ako?” Napako ang tuon namin sa isa’t isa dahil sa tanong ko. Mayamaya’y napahalakhak siya at napakagat-labi bago mas lumapit pa sa akin. Halos mapaatras ako nang magdire-diretso ang mukha niya patungo sa gilid ng ulo ko. Parang estatwang nanigas ako sa kinatatayuan nang maramdaman ko ang body heat niyang malapit sa akin… “I like you for being you, Kaydee.” Nahigit ko ang hininga sa bulong niya. At bakit nga ba ako kinakabahan nang ganito? Gusto ko rin ba siya? O dahil ngayon lang may nag-confess sa akin nang ganito? Ugh! ‘Di ko alam! Pusang gala! Nanatili akong animong estatwa nang maaninag ko ang pagpaling ng mukha niya sa akin. Hanggang sa namilog na lamang ang mga mata ko nang pinatakan niya ako ng halik sa pisngi. Agad siyang umatras, tumalikod at dire-diretsong naglakad palayo matapos. Naiwan naman akong gulat habang nililingon ang paglakad niyang paalis. Itinaas niya ang isang palad sa ere para kumaway habang nakatalikod. Hindi na siya lumingon nang dali-daling kumaripas ng takbo pagkababa ng kamay. Tinapa. Anong nangyari?! Wala sa sarili kong nasapo ang pisngi kong hinalikan niya… hinalikan niya ako… sa pisngi… pusang gala! Ramdam ko ang init ng pisngi ko matapos kong mapasandal sa bukas na gate. Halos matumba ako nang umurong iyon papasok kaya’t bahagya akong nahimasmasan. Manginig-nginig akong pumapasok sa loob ng gate habang natutulala pa rin pamaya’t maya. Wala ako sa hulog nang maisara ko nang tuluyan ang gate. Patungo na ako sa main door nang mapatalon ako sa presensya ni Aizel doon sa tatlong baitang na hagdanan bago ang veranda. Pababa ang daan patungo sa gate namin kaya’t bahagya akong nakatingala sa kaniya. Bumilis nang bumilis ang pintig ng puso ko pagkatama ng linya ng tingin namin. Seryoso ang maamo niyang mga mata at kung makatitig ay para bang may ginawa akong malaking pagkakasala sa kaniya. Napalunok ako at sinubukan siyang balewalain bago humakbang palapit sa main door… palapit kay Aizel na kulang na lang ay saksakin ako gamit ang matatalim niyang tingin. “Ang bilis ah? Sinagot mo na ba?” Rinig na rinig ko ang iritasyon sa boses niya. “Huh?” Kaya natigilan ako nang matantong nakita niya ang ginawa ni Kris… “Tss.” Kunot ang noo, umigting ang panga niya at padabog na pumasok muli sa main door. Nalaglag ang panga ko dahil sa iritasyon niya. Si Aizel ba ‘yon? Hindi ko matandaan kung kailan siya nagsungit nang ganiyan! Teka… nag… nagseselos ba siya? Dahil sa ginawa ni Kris? So… nagsusungit siya dahil… HAH! Asa ka, uy! Nahihibang ka na naman! Bakit siya magseselos? Ikaw ba si Ylona? Ikaw ba girlfriend niya? Magbalat ka na nga lang ng patatas! Peeler ka! Umiling akong mag-isa ro’n bago magtungo pabalik sa loob. Agad tumama sa akin ang matalim na tingin ni Aizel. Kunot na kunot ang noo niya nang sandali kaming magkatinginan. Matapos bahagyang magbuga ng hangin ay itinuon na niya ang atensyon sa sariling phone. Hindi na niya pinansin ang existence ko buong oras na nandoon sila sa bahay. Nilibang lang din niya ang sarili gamit ang phone niya buong sandali. At teka, teka! Kung makangiti siya ro’n ay para bang hindi siya nainis sa akin kanina! Argh! Hindi ko alam kung ano ang maganda. ‘Yong nagagalit siya sa akin o itong parang wala siyang pakialam! Nakakainis! Sino ba ang ka-text niya? Si Ylona? Letse! Kami ang kasama niya pero si Ylona pa rin ang umookupa sa kaniya? Hindi ba siya napupurga sa magandang babaeng ‘yon? Nagsalita ang bata. Bakit, ikaw, hindi ka ba napupurga kay Aizel? Katulad ng dati, nagpaiwan na naman doon si Aizel. Silang dalawa na lang ni Kuya ang naiwang naglalaro ro’n sa sala. Plano ko nang umakyat para matulog ng bigla akong kinausap ni Kuya. “Anong tingin mo kay Kristian, Cadence?” Kumunot ang noo ko sa tanong niya. Nakita kong natigilan si Aizel sa paghawak ng joystick at napamura nang maka-score ang tauhan ni Kuya sa nilalaro nilang b-ball. Tinawanan siya ni Kuya at binuwisit. “Anong… ibig mong sabihin, Kuya?” “Ha? Wala lang… simpleng tanong, Cadence… anong tingin mo sa kaniya?” okupado siya sa nilalaro nang tanungin iyon ulit. Nasulyapan ko ang seryosong si Aizel na okupado din ng nilalaro nila. “Ewan ko… mabait naman siya…” naguguluhan kong tugon. “Mabait?” singit ni Aizel sabay tawa. Kumunot ang noo ko rito. May mali ba sa sinabi ko? Natawa din nang bahagya si Kuya. “’Yun lang? Ibig kong sabihin… hindi mo ba siya type? Mukhang okay siya.” Nawala ang bakas ng ngiti sa mukha ni Aizel at nakita kong halos manggigil ito sa joystick na hawak. Hindi na ako nakapagsalita. Hindi ko alam kung ano ang nakain ni Kuya at kakaiba siyang magsalita. Kumain ba siya ng pepero? May gayuma rin ba ‘yon ni Kristian? Nakapagtataka na talaga ang mga sinasabi ng kapatid kong ito. Kumbaga, out of character na ang mga linya niya. Sandali, anong nangyayari at bakit bigla na lang nagbago ang ihip nang malupit na hangin? Madaling araw nang maalimpungatan ako. Hindi na ako dinapuan muli ng antok nang maalala ko ang mga nangyari kahapon… Mula sa pagtuturo ni Aizel sa akin kung paanong magluto… hanggang sa pag-amin sa akin ni Kristian… at doon sa pagiging weirdo ni Kuya. Namula ako nang maalala ko ang sinabi ni Kristian kanina nang nasa gate kami. “Let me court you…” Hindi iyon tanong kundi statement. Ibig sabihin, liligawan niya talaga ako… Napasandal ako sa headboard ng kama habang binabaluktot ang mga binti. Kumalam ang sikmura ko’t para akong naglilihi sa pepero nang maalala ko iyon. Agad kong binuksan ang lampshade para hanapin kung saan ko ‘yon nailagay nang mapagtanto kong… naiwan ko ‘yon sa sala! Talaga namang! Puro kasi Aizel ang iniisip eh. Tumayo ako’t dahan-dahang nagtungo sa sala habang patay ang lahat ng ilaw. Naaninag ko ang paperbag na ibinigay ni Kris dahil sa liwanag na nanggagaling sa bintana, gawa marahil ng buwan. Rinig na rinig ang kaluskos niyon sa buong sala dahil sobrang tahimik na ng paligid. Sinukat ko ang bawat hakbang ko para lang mabawasan ang kaluskos noong paperbag. Nagtagumpay naman akong makaakyat nang hindi nagigising si Kuya. Natatanaw ko na ang ilaw ng lampshade sa bukas kong kwarto nang may maaninag akong anino ng taong gumalaw. Nanigas ako sa kinatatayuan ko’t agad nanlamig ang mga pisngi ko. Sa halos labing-walong taon kong pagtira rito, walang ni kahit anino ng kung sino akong nakita’t naramdaman… kaya ‘wag mong sabihing… may… mul… Napasinghap ako pagkarinig sa mga yabag niyang palapit sa akin. Nawalan ako ng boses at tuluyan nang nanigas sa kinatatayuan ko. Malapit na ‘kong maihi sa takot kung ‘di ko lang naaninag ang mukha ni… Aizel. Ang takot ko kanina’y napalitan ng kaba… “Bakit gising ka pa?” Parang galing sa pagkapaos ang boses niya. Mahina iyon at halos pabulong, walang bakas ng iritasyon tulad kanina. Napabuga ako ng hangin nang mahimasmasan. Sabi ko na nga ba walang lamang lupa sa bahay na ito! Kumaluskos ang hawak kong paperbag matapos iyong bahagyang iangat para maaninag niya. Gusto ko sana siyang tanungin din kung bakit gising pa siya pero hindi ko nagawa… dahil pakiramdam ko’y hindi tamang nakikipag-usap ako sa kaniya sa ganitong oras at pagkakataon… “Uh… sige.” Nilagpasan ko siya’t patungo na sana ako sa kwarto ko. Pero imbes na makapasok doon ay natagpuan ko na lang ang sariling nakahilig sa pader, malapit sa pinto ng kwarto ko. Hawak ni Aizel ang pulso kong may hawak ng paperbag habang ang isang kamay niya’y nakapako sa dingding, kalebel ng ulo ko. Madilim at tanging ang liwanag lang mula sa lampshade na nasa kwarto ko ang nagsisilbing kaunting ilaw para makita ko ang mukha niya… at ang maamo niyang mga mata na ngayon ay nakadirekta sa akin… “Cadence…” Tumalon ang puso ko sa simpleng pagbigkas niya ng pangalan ko. Unti-unting bumigat ang paghinga niya nang umawang ang mga labi na tila may gustong sabihin ngunit hindi masambit. Napalunok ako habang sinusuklian ang mga titig niya. “Aizel… anong… ginagawa mo?” Napapikit siya nang mariin sa bulong ko na tila nahihirapan. Bahagya siyang yumuko at suminghap bago muling nag-angat ng tingin sa akin. “Gusto mo ba si Kristian?” Kumurap ako sa kalituhan. Bakit niya itinatanong sa akin ito? “Nanliligaw siya ‘di ba? Sasagutin mo ba?” Ang paghihirap ay rinig ko sa tila namamalat niyang boses. Napaawang ang mga labi ko para sa mga salitang hindi ko maimutawi. “Cadence…” Ramdam ko ang init ng hininga niya nang mabigat siyang nagbuga ng hangin. Mukha na siyang problemado nang manatili akong tahimik at nang muli siyang magsalita ay halos ipakiusap niya ito, “Cadence, oo o hindi, gusto mo ba siya?” Bakit kailangan pa niyang malaman kung anong sagot do’n? Ano bang… ano naman kung gusto ko nga si Kristian? Gusto kong isipin na protective lang siya pero… may parte sa aking nagsasabing hindi lang iyon ang dahilan. Hindi ko alam kung saan ko nakuha ang lakas ng loob nang sinabi kong, “Ano sa ‘yo kung gusto ko siya o kung sagutin ko siya?” Matagal siyang tumitig sa akin at maraming emosyon ang nakita kong nagdaan sa mga mata niya. Galit. Sakit. Lungkot. Hanggang sa manlambot ito at tuluyang mamungay. Binitiwan niya ang pulso ko para lang haplusin nang marahan ang kanang pisngi ko. Para akong palakang kinuryente nang halos mapaigtad ako ng dahil sa nadamang kuryenteng dumaloy mula ro’n. “Ano sa ‘kin?” Halos hindi na ako makahinga sa paghaplos niya sa pisngi ko’y nagwala pa nang walang pasubali ang puso ko nang bumaba ang tingin niya sa labi ko… Shit! Ano to? Unti-unting lumalapit ang mukha niya sa akin habang titig na titig siya sa mga labi ko. Halos mangisay ako ro’n. s**t talaga! Sandali! “Aiz—” Hindi ko na natapos ang dapat kong sasabihin nang maramdaman ko ang pagdampi nang mainit niyang labi sa labi ko. Gumawa nang mumunting kaluskos ang paper bag nang mabitiwan ko iyon. Nanginig ang tuhod ko’t para na iyong bibigay nang mag-umpisang gumalaw ang mga labi niya. Nanghihina ako at parang mawawala sa sarili. Hindi ko namalayang nakapikit na ako habang sinusundan ang bawat paghalik niya. Pinadaan niya ang kamay na nasa pisngi ko patungo sa batok ko para lang mahalikan ako nang mabuti. Nagwala ang puso ko… ‘yong tipong para na ‘yong kakawala’t sasabog mula sa dibdib ko. Bahagyang hinihingal ako na parang naalimpungatang dumidilat nang bigla siyang tumigil. Isinandal niya ang noo niya sa noo ko’t nanatiling nakatitig sa mga labi ko. Hinihingal din siya nang sinabing, “Oo o hindi, Cadence. Gusto mo ba si Kristian?” Umiling ako kaagad at nagawa ko pang magsalita kahit nanginginig ang boses ko. “Hindi. Hindi ko siya gusto…” Halos sabunutan ko ang sarili ko pagkasabi ko noon! Naaninag ko ang pagngisi niya bago ako muling hinalikan. Napapikit ako kaagad sa marahan niyang paghalik, hindi malalim katulad ng kanina. Napahawak ako sa braso niya. Hanggang sa bahagya niyang pinisil ang batok ko at dahan-dahan na namang lumalalim ang mga halik niya. Malapit na akong mawala sa sarili ko nang may bigla akong mapagtanto… Bahagya ko siyang kinabig palayo kahit may parte sa aking tumututol... Tumigil naman siya agad ngunit hindi gumalaw mula sa parehong pwesto. Yumuko ako para lang maiwasan ang mabibigat niyang mga titig. Ayoko siyang titigan dahil baka tuluyan na akong mawala sa ulirat… at maligaw sa tama. “Aizel may… g-girlfriend ka… si… bakit mo…” Nakagat ko ang labi ko dahil sa kirot na gumuhit sa dibdib. Ako lang ba o talagang magulo ito? Bakit niya ako hahalikan kung hindi naman niya ako gusto at kung may girlfriend siya? Dahan-dahan akong binitiwan ni Aizel ngunit nanatili ang isa niyang palad sa dingding, ang paghinga niya’y mabibigat pa rin. Ilang sandali siyang nanatiling ganoon. Ramdam ko ang mga titig niya sa ‘kin habang tulala akong nakatuon sa sahig, hinihintay ang kahit anong paliwanag mula sa kaniya… pero wala siyang anomang sinabi. Makalipas ang ilang sandaling pagbalot ng katahimikan sa amin ay ibinaba niya ang kamay na naroon sa dingding at walang-imik akong tinalikuran. Naglaho na siya sa dilim nang bigo akong mag-angat ng tingin. Paulit-ulit na piniga ang puso ko pagkasapo sa nanginginig na mga labi matapos.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD