“Galit ka ba?” tanong ko sa maliit pa ring tinig.
Mabigat siyang nagbuntonghininga habang nakapikit bago kinuha ang pepero’ng naroon sa mini table.
Ilang sandali kaming natahimik dalawa. Hindi ko malaman kung ano ang hinihintay niyang magbago ro’n sa pepero at gan’yan siya kung makatitig. ‘Yong parang may magic spell na inilagay do’n si Kris at anomang oras ay mag-e-evolve iyon sa kung anong klase ng halimaw.
“Hindi ako galit,” halos pabulong niyang tugon sa pepero’ng hawak niya. Binitiwan niya iyon sa mini table matapos. Sabay banat ng, “Mas masarap ‘yung almond. Isang paper bag ang binili tapos ‘di man lang ginawang assorted ang flavors! Tsk.”
Nasundan ko siya nang nawi-weird-uhang tingin habang patungo siya sa kusina. Bahagyang nakaawang ang mga labi ko nang mapabulong ako sa hangin. “Luh, ‘nu raw?”
Dahan-dahan akong humakbang palapit sa hagdan para sana tumakas sa nababaliw na si Aizel. Patapak na ako sa unang baitang ng hagdan nang matigilan ako pagkarinig sa boses niya.
“At sa’n ka pupunta?”
Pagkabaling ko’y naabutan ko siyang nakahalukipkip sa tabi ng sink, mukhang hinihintay lang niya akong magtungo rin doon.
“Ano…” Para akong pipi nang imwestra ko sa kaniya ang taas.
“Sinong nagsabing pwede kang magkulong na lang sa kwarto mo? Tutulungan mo akong magluto.” Sabay talikod sa akin at bukas ng ref.
“Huh?” Napakurap ako sa pagtataka.
Tumigil siyang sandali para lingunin ako’t balewalang sinabing, “Tuturuan kita.” Ngumisi siya bago tuluyang inabala ang sarili sa kusina.
Walang pasubaling lumundag ang puso ko kasabay ng init na namuo sa pisngi. Tuturuan ako ni Aizel na magluto…
Hindi ko mapigilan ang pagngiti nang magbalik ako sa sala para ilapag doon ang paper bag na hawak ko. Dali-dali akong nagtungo sa kusina matapos. Naabutan ko ro’n si Aizel na seryosong inihahanda ang mga sangkap na gagamitin namin. Wala sa sarili akong napasandal sa divider habang pinagmamasdan ang pagiging abala niya.
Shit, ganito ba ‘yon? ‘Yong tulad sa mga napapanood ko? ‘Yong senaryong kagigising ko pa lang at maaaktuhan ko siyang nagluluto para sa amin tapos… lalapitan ko siya para yakapin mula sa likod. Tapos bubulungan ko siya ng, “I love you.” Sasagot naman siya ng, “I love you t—”
“Anong milagro ang inaabot mo r’yan?”
Naayos kong bigla ang tindig ko mula sa pagde-day dream pagkalingon niya. Noon ko lang natantong naka-extend pala sa ere ang magkabila kong braso, animong nakaamba ng yakap.
Uminit ang pisngi ko at alanganin na lang tumawa nang makitang naka-half smile siya at s**t! Bakit habang tumatagal parang mas lalo siyang nagiging… gwapo sa paningin ko? Letse. Bakit kasi masiyadong maamo ‘yang pagmumukha niya? Ang lakas tuloy makaloko at… makahulog. Ang problema lang hindi siya marunong sumalo!
So… ang lulutuin daw namin ay tinola lang. Basic daw muna kasi. Hindi ko nga mahanap kung nasaan banda sa tinola ang basic na sinasabi niya. Ni hindi ko nga magawang i-tyempong medyo brown lang ang bawang o sibuyas, laging sunog. Tapos ang tawag niya sa tinola, basic.
“Ganito kasi ang pagtadtad sa luya…” Mahina akong napasinghap nang bigla-bigla niyang hinawakan ang kanang kamay kong may hawak sa kutsilyo.
Hindi ako nakagalaw habang gina-guide niya ako kung paano raw ang tamang pagdurog—este, pagtadtad sa luya. Hindi ko ginagalaw ang alinman sa mga palad ko’t hinayaan siyang igalaw ang mga iyon. Nagpanggap akong nakikinig kahit sa totoong lang ay nandoon lang sa kamay niyang nakahawak sa kamay ko lumilipad ang isip ko. Ni hindi ko nililingat ang tingin ko ro’n.
“Mahilig sina Mama sa mga maaanghang kaya pati tinola hindi pinalagpas. Nasanay na lang din akong maraming luya ‘pag nagluluto.”
Tumango ako kahit wala akong iniintindi sa mga sinasabi niya. Ang konsentraston ko’y naroon sa kamay niyang nakahawak sa akin. Hindi ko maiwasang ikumpara iyon sa sarili kong kamay dahil ang laki ng diperensiya pagdating sa lapad.
“Pagkatapos mo r’yan ikaw ang maggigisa, ah?”
May kung anong nabigo sa akin nang binitiwan na niya ang kamay ko. Muli siyang nagtuon sa hinihiwa niyang sayote kanina.
Hay. Parang gusto ko na lang siyang pagmasdan hanggang sa umuwi sina Kuya… feeling ko kasi ang tagal-tagal na magmula noong huli kaming nagka-kwentuhan o ni nag-usap man lang. Parang… parang na-miss ko ‘yong pangungulit niya sa akin dati. Nakaka-miss ‘yong dati na ‘pag naisip ko siya, nand’yan lang siya sa tabi… ngayon kasi hindi na gano’n. Kasi iba na ‘yong taong pinagkakaabalahan niya.
“Ang tahimik mo ah?”
Natigilan ako sa ginagawa dahil sa pagpuna niya. Sinulyapan ko siya at nakitang nakatuon pa rin ang atensyon niya sa ginagawa. Bahagya akong napanguso.
Gusto ko siyang kausapin pero hindi ko talaga alam anong sasabihin… ‘di tulad dati na parang natural lang na may napag-uusapan kami, ngayon parang ang awkward na… parang ang laki na ng nagbago.
“Kumusta ka na?”
Sandali akong napapikit nang marinig ko ang mahina niyang tawa dahil sa tanong ko. Nakakatawa ba ‘yon? Eh ano bang itatanong?
“Gawa mo?” Humalakhak siya at napailing. “Parang text mate lang ah?”
Natawa na lang din ako at inabala ang sarili sa pagtapos ng pagtadtad sa luya. Inumpisahan ko na ang paghiwa sa iba pang panggisa matapos.
“Hindi mo yata kasama si Ylona?”
Natahimik siya sa tanong ko. Ilang sandali pa ang lumipas bago siya nagsalita. Pero imbes na sagutin ang tanong ko’y ito ang sinabi niya, “’Di mo sinagot ‘yung tanong ko kanina. Nanliligaw na ba sa ‘yo si Kristian?”
Natigilan ako sa ginagawa nang may hapdi akong maramdaman sa mata. Putek ‘yong sibuyas!
“Aray! Oww!” Nabitawan ko ang kutsilyo’t naipikit ko nang mariin ang mga mata ko sa hapdi.
Narinig ko ang pag-agos ng tubig mula sa gripo. Inisip kong maghilamos para mawala ang hapdi sa mata ko. Pero saktong pagdilat ko’y nakita ko mismo sa harapan ko ang nagpupunas ng kamay na si Aizel.
Nilapitan niya ako’t dali-daling hinawakan sa magkabilang pisngi. Hindi ko pa gaanong maidilat nang maayos ang mga mata ko sa hapdi, nang maramdaman kong dinampian iyon nang malalamig na daliri niya.
“Wag ka munang dumilat. Mawawala rin ang hapdi, relax ka lang.”
Halos magwala ang kung ano mang nananahimik na insekto sa tiyan ko nang ibulong niya iyon sa akin. Walang awat ang pagkalabog ng dibdib ko sa bawat pagdapo ng mainit niyang hininga sa balat ko… kahit umaalingasaw ang amoy ng luya sa kamay ko’y amoy na amoy ko pa rin si Aizel… nangingibabaw pa rin ang pamilyar niyang pabango sa hangin…
Marahan niyang inialis ang daliri sa mga mata ko’t unti-unti naman akong dumilat. At sa oras na nasilayan ko ang maamo niyang mukha’y naramdaman ko ang paggapang ng init sa magkabila kong pisngi.
Titig na titig siya sa akin at buong atensyon niya’y nasa akin lang… hindi ako sanay makipag-eye to eye contact sa mga tao pero… ang dali ko iyong nagawa sa kaniya ngayon.
“Okay ka na ba… Cadence?”
Tumango ako nang hindi pinuputol ang titigan naming dalawa. Hindi ko alam kung tama ito pero… parang ayoko nang mawala siya sa paningin ko.
“Uh… tara umpisahan na natin.”
Bigo akong napayuko saglit sa mga palad ko nang bitawan niya ako. Nakagat ko na lang ang loob ng ibaba kong labi habang tahimik na nagmumukmok doon.
Inihanda niya ang kalderong paglulutuan at sandali kaming binalot ng katahimikan. Tanging ang lagaslas lang ng tubig sa gripo ang namamayani.
“Mahapdi pa ba ang mata mo?” tanong niya habang hinuhugasan ang manok.
Sinulyapan ko siya kahit hindi niya ako nilingon. Umiling ako.
“Hindi na… medyo nakakasakit pala ang sibuyas…” Parang ikaw... ipaparamdam mo sa ‘king may pag-asa ako sa ‘yo pero babawiin mo’t sasabihing wala… buti pa ‘yong sibuyas medyo nakakasakit lang. Eh ikaw talagang nakakasakit na. Kasi parang sadya.
Naaninag kong medyo natigilan siya sa paghugas ng manok. Tumikhim siya bago isinalang ang kaldero.
“Ready ka na?” bahagyang ngiti niya.
Sinuklian ko na lang din siya nang tipid na ngiti bago ako lumapit. Hawak ko ang sandok nang ilagay niya ang sibuyas sa mainit nang mantika. Sabay nang pag-urong ko ang singhap nang magtalsikan ang mantika.
Pero bago pa man ako tuluyang makaatras palayo ay sinapo niya ang kamay ko’t inilapit muli sa kaldero, para igisa ang nagwawalang sibuyas doon. Hinawakan niya ng kabilang kamay na may pot holder ang kabilang tenga ng kaldero matapos. Naro’n siya sa likuran ko at ramdam na ramdam ko ang dibdib niya sa likod ko pati na ang paghinga niya ro’n.
“’Pag nagluluto ka dapat matapang ka, kahit alam mong masasaktan ka…”
Nabalingan ko siya bigla’t abot-abut ang kaba ko sa lapit ng mukha niya sa akin.
“… sa nagtatalsikang mantika,” pagpapatuloy niya sabay mahinang tawa, ang mga mata ay nanatili sa kaldero.
Ang sarap pakinggan ng tawa niya, lalo ‘pag ganitong malapit sa tainga. Nakakainis!
“Parang plano mo rin akong igisa sa titig mo ah?”
Napasinghap ako nang bigla niya akong binalingan pabalik, may multo ng ngiti ang mga labi.
Halos mahilo ako sa lapit ng mukha namin sa isa’t isa. Pakiramdam ko para na akong kamatis sa init ng pisngi ko. Kaya dali-dali kong ibinalik ang atensyon sa kalderong nasa harap. At kung hindi niya lang hawak ang sandok mula sa kamay ko’y paniguradong kanina ko pa iyon nabitiwan.
“Pakilagay ‘yung bawang.”
Sinunod ko ang sinabi niya. Ipinagpatuloy naman niya ang pag-guide sa kamay ko para maggisa.
“’Pag medyo brown na silang dalawa, at saka mo ilalagay ‘yung luya. Dapat mahina lang ‘yung apoy para hindi sila masunog kaagad.”
Tumatango ako habang inilalagay ang tinadtad kong luya kanina. Kung kanina’y wala akong maintindihan, ngayon nama’y tila natuon ang buong atensyon ko sa ginagawa, para lang iligaw ang pansin mula sa mga paru-parong nagliliparan sa sikmura ko.
Matapos niyang gisahin sandali iyon ay binitiwan niya ang hawak sa akin para kunin ang manok. Ipinagpatuloy ko lang ang paggisa sa mga iyon katulad ng sinabi niya hanggang sa bumalik siya ulit.
“Ilalagay ko na ‘tong manok. Kaya mo na?”
Hindi ko alam kung ano ang isasagot kaya tumango na lang ako nang wala sa sarili. Inilagay niya nga ang manok at nataranta ako nang magsitalsikan na naman iyon. Napasangga akong bigla ng braso at napalayo ro’n sa delikadong kaldero, iniisip na baka masunog ang manok ‘pag pinabayaan ko lang doon! Nag-alala ako pero natatakot akong lapitan!
Humalakhak siya. “Relax ka lang! Sabi ko dapat matapang ka eh.”
Hinawakan niyang muli ang kamay ko para tulungang igisa ang manok doon.
Halos hindi ako makadilat nang maayos sa pag-iisip na baka matalsikan ako nang malupit na mantika. Pero kahit anong urong ang gawin ko’y wala ring silbi dahil naroon siya sa likuran ko.
Hindi ko alam kung sa kaldero ba ako naiinitan o kay Aizel na nasa likuran ko. Lalong hindi ko alam kung sa talsik ba ako ng mantika kakabahan o sa lapit ng katawan niya sa katawan ko…
“Ngayon hintayin nating kumulo at saka natin ilalagay ‘yung sayote’t dahon ng sili. ‘Pag malambot na ‘yung gulay, titimplahan na lang at ‘yun na. Tapos na ang mahiwagang tinola.” Ngumiti siya habang tumatango sa akin matapos niyang lagyan ng tubig iyon at takpan. “O ‘di ba madali lang?”
“Oo nga eh. Sana ganiyan lang din kadaling kalimutan kang kulugo ka…”
“Ha?”
Halos ma-drain ang dugo sa mukha ko nang maisip kong narinig niya ang huling pangungusap na ibinulong ko sa hangin.
Ngumiti ako agad, magkakasunod ang iling. “Oo nga, sabi ko oo nga, madali lang pala.” Sabay pekeng tawa at palihim na batok sa sarili.
“Nga pala…” Humawak siya sa batok niya habang humihilig doon sa lamesa. “Okay na ba ‘yang tiyan mo?” Nag-iwas kaagad siya sa akin ng tingin pagkabaling ko sa kaniya. “Nabasa ko lang kanina sa net na… okay ang yogurt ‘pag may diarrhea… o kaya… oatmeal.” Tumikhim siya bago ako lingunin, ang maamo niyang mga mata’y lalong nanlambot nang tumitig sa akin.
Hindi ko napigil ang umuusbong na ngiti kasabay ng pagtalon ng puso ko. “O-Okay na ako. Nakainom na naman ako ng… gamot. Kanina.” Tumango ako sa sarili ko, hindi maialis ang tingin sa kaniya.
“Buti naman… sa susunod kasi ‘wag mo nang gawing chichirya ang talaba.” Napabuga siya ng isang mabigat na buntonghininga, parang nabunutan ng tinik. Bahagya siyang ngumuso sa kawalan pagkabitiw ng tingin sa akin. Animong wala sa sarili niya itong naimutawi matapos, “Pinag-alala mo ako…”
Katulad ng isang bangkay na nailibing na’t dapat nang kalimutan, tila zombie’ng kusang umahon mula sa hukay ang pag-asa ko… alam kong hindi dapat pero hindi ko mapigilan ang nararamdaman ko. May ipinaglalaban ito at kahit alam kong ako na naman ang uuwing talo sa dulo ay sige pa rin ako.
Dahil baka… kahit sa isang punto ng pagtatagpo namin ay maisip niyang… gusto niya rin ako.