VII.

2540 Words
VII. Cellphone. "Ma, may pasok pa ako bukas! Bakit naman ang daming tao sa loob kahit gabing-gabi na!" Reklamo ni Kiel nang masalubong ang ina paglabas ng maliit na bakuran nila. Nakasalubong niya ito na mukhang galing pa sa labas at may binili. Pagbaba ng tingin ni Kiel sa hawak ng ina ay may bitbit pang hindi pa nabubuksan na tatlong boteng alak. Nagmamadaling ibinaba ni Marisol ang mga bitbit sa isang tabi saka masayang ngumiti sa anak, masayang nakita ito. "Mag-iinuman kami! Ah, sakto pala. Halika rito, ipapakilala kita ro'n sa isa sa kanila. Kanina pa kita hinihintay e." "Ma naman! Anong ipapakilala? Ayoko! Gusto ko lang magpahinga, kahit hinaan na lang sana ninyo 'yung ingay at tawanan!" Alas onse na ng gabi pero suot niya pa rin ang uniporme dahil pagkagaling sa unibersidad ay dumiretso kaagad siya sa pagpa-part time na tindera sa paresan na pinapasukan. At ngayon ngang pagkauwi ay halos matulala siya sa dami ng bisita sa maliit nilang sala, ang matandang lola niya ay napilitan pang umakyat sa hagdan kahit hirap nang lumakad para roon magpahinga sa maliit na kwarto sa ikalawang palapag. "Sige ngayon ka mag-inarte, ngayong lasing ako baka pukpukin ko ng bote ng alak 'yang ulo mong matigas pa sa bato! Halika!" Mahigpit siyang hinawakan nito sa braso at kinaladkad papasok ulit ng bahay. Nakasimangot si Kiel nang mapunta sa kaniya ang atensyon ng lahat. Sa tingin niya ay may lagpas sampung bisita ang nanay niya sa maliit nilang sala ngayon, may mesa sa gitna nilang lahat at halos umulan ng alak. Wala namang videoke pero malakas naman ang kwentuhan, murahan, at tawanan na para bang walang pakialam sa oras at paligid. "Anak ko pala, ito 'yung binibida ko sa inyo!" "Sabi ko na sa inyo siya 'yung anak, eh!" Nakangiting turo ng isa sa mga babae roon. "Kuhang-kuha ang ganda ni Madame Marisol, eh!" "Naku, nambola pa nga!" "Ang ganda nga! Hello, hello." Lasing na bati ng ilan sa mga lalaki roon. Sa tingin ni Kiel ay hindi nalalayo sa edad ng nanay niya ang edad ng mga naroon pero may ilan na halatang nasa 50s na. Siniko siya ng ina at mahinang itinulak pa palapit sa mga ito. "Sumagot ka, hello raw! Boss ko ang mga 'yan!" Napipilitang lumingon si Kiel sa mga ito at bahagyang tumango. "Magandang gabi po sa inyo." Pumalatak ang pinakamatandang lalaki na naroon at nagsalita habang nakangisi. "Hindi lang maganda ang mukha, maganda rin ang hubog ng katawan." Sumesenyas kay Marisol na saad nito. "Boss, ayun nga rin ang sinasabi ko riyan sa anak ko! Maganda ang hubog ng katawan pero tinatago sa mga pang-manang na damit, e ang hahaba ng mga palda sa umaga, sa gabi naman halos hindi na mapalabas ng bahay!" Nagtawanan ang ilan sa kanila. "Dapat nga natutuwa ka, mabuting bata kung gano'n. Hindi nagmana sa 'yo!" Biro pa nila. "Pero sayang, mukhang may potensyal maging kapalit mo, e. Ano sa tingin mo?" Segunda pa noong tinatawag nitong 'boss'. Napaangal si Kiel nang makaramdam ng mahinang pagkurot sa tagiliran niya. Ang salarin ay bumulong. "Maupo ka ro'n sa tabi ni Boss. Bilisan mo, para kang ewan kung tatayo ka lang dito." "Aakyat na 'ko, Ma! Maaga pa pasok ko bukas, eh!" "Saglit lang! 'Wag mo painitin ulo ko sa kaartehan mo." Saka siya nito itinulak ulit. Kaya naman kahit lukot na lukot na ang noo sa iritasyon ay mabilis na sinunod niya ang ina. Kaysa mapahiya sa harap ng mga bisita nito. Ayaw na ayaw pa naman niya ang hitsura noong 'boss' nito. Nakangisi pero ang lagkit-lagkit ng tingin sa kaniya mula ulo hanggang paa. "Dalagang dalaga talaga. Kumbaga fresh!" "Hay naku, Boss! Kung ganiyan lang din ang katawan ko ngayon, baka napabalik ako sa Galaxy! Nakaka-miss din doon, hindi ako naze-zero ng pera kada-gabi!" "True 'yan, Mother! Kahit kami, mas malakas ang kitaan ngayon. Daming ma-datung na parokyano!" "Naku, sayang!" Hilaw ang ngiti at napapailing pa na segunda ni Marisol. Saka maya-maya ay kinalabit ang tinatawag na 'boss'. "E, baka naman po pwedeng maka-salo rin ng grasya." "Marisol naman! No offense pero mas mataas na ang standards namin sa mga waitress at performer ngayon, lumipas ka na!" Nagtawanan ang lahat sa naging komento noong bakla na kaibigan nito, manager niya noon. Saka naunawaan ni Kiel na ang mga panauhin ngayon sa bahay nila ay mga katrabaho ng nanay niya sa bar na pinagtatrabahuhan noon. Wala itong ibang naging hanapbuhay mula noong 19 years old pa lang kundi ang maging performer sa high-end na club. Doon din nito nakilala ang naging ama niya na kalaunan ay tinakbuhan at iniwan din sila. Nagtagis ang panga ni Kiel at halos mapadiretso ng upo nang maramdamang umikot ang kamay ng katabi nitong 'Boss' sa kaniyang beywang. Humihimas habang tila kinakapa ang hugis ng katawan niya roon. Sumulyap siya sa sariling ina para humingi ng tulong. Dahil kung hindi siya makakapagpigil, alam niyang hindi niya pagtitimpian nang matagal ang matandang lalaki. "Pwede naman pero itong anak mo na ang ipapasok ko. Malakas ang hatak nito sa mga customer do'n, baka mag-uwi ka ng sampung libo kada gabi. Mababa pa 'yon." "Mismo!" Segunda ng karamihan sa mga kasama nila habang masayang nag-iinom at kumakain ng pulutan, kaniya-kaniyang komento rin tungkol sa 'easy money' ngayon sa club. Basta't 'mahusay' lang mang-uto ng mga parokyano. Halos masuka si Kiel. Lalo na nang hindi man lang siya bigyan ng atensyon ng ina kahit na nakikita naman nito ang kamay at pagdikit ng 'Boss' nila sa kaniya. "'Yan ang gusto ko marinig, Bossing! Basta sure na 'yan ha? Tuturuan ko muna magsuot ng sexy na damit 'tong anak ko." "Sure. ASAP, please." Nakangiting saad noong Boss at umangat ang kamay sa balikat ni Kiel, tinapik-tapik ito ro'n. Umayos ito ng upo at mas inilapit ang mukha sa kaniya nang magsalita ulit. "I hope to see you at my very own Galaxy Club soonest, iha. Ano nga ulit ang pangalan mo?" Sa lapit nito sa kaniya na halos maramdaman ng dalaga na para bang kakaunti na lang ay tuluyan na siyang babastusin, doon na pumitik ang pasensya ni Kiel. Iritable niyang tinabig ang kamay nito palayo sa kaniyang balikat at dire-diretsong tumayo. "Aakyat na 'ko, Ma. May pasok pa ako bukas." Mariin na anunsyo niya rito saka nagmamadaling nagmartsa palayo sa mga naroon. Hinabol pa siya ng tawag ng ina, nagulat at nairita sa inakto niya, pero hindi na siya lumingon pa at ini-lock ang pinto pagkapasok ng kwarto sa itaas. "O, nandito ka na pala. Dito muna ako makikisiksik sa kwarto mo ha?" Mahinang bungad ng Lola niya sa kaniya. Tumango siya rito at nag-umpisang magbihis ng damit pantulog. "May gamot pa ho ba kayo, Lola? Nabilhan po ba kayo ni Mama kanina?" "Mayroon naman, naki-pakisuyo ako sa kapitbahay na manghingi sa center." Nangungunot ang noo na natigilan si Kiel mula sa pagsusuklay ng buhok, nilingon niya ang kausap na nakahiga sa sinapinan ng tela na sahig. "Ano ho? E, may inabot ho 'yong amo ko sa paresan noong nakaraan kay Mama. Sweldo ko 'yun, pambili ninyo ng gamot. Kulang 'yung sa center 'di po ba?" "Oo nga, kaso may bisita raw siyang dadating. Kailangan nila ng iinumin at pulutan." Inis na napakamot ng leeg si Kiel. "Bwisit talaga si Mama, e! Kahit kailan talaga, sarili lang ang inuuna!" Wala rin naman siyang magawa, wala pa man din ang sahod niya at noong unang araw pa lang niya sa paresan ay kinontrata na ng nanay niya ang amo niya na rito ididiretso ng abot ang sahod. "Hayaan mo na. Palagi niya namang ginagawa 'yan, hindi ko lang sinasabi sa 'yo. Minsan, kulang din ang pera natin, uunahin natin ang pagkain syempre. Pero kahit gano'n buhay pa naman ako. Humihinga pa." Natatawang saad nito. "Minsan masakit nga lang ang mga buto at dibdib." Kaya naman pinagmasdan siya ng apo, puno ng awa ang mga mata at inis naman para sa sariling ina. Tumabi siya rito ng higa at yumakap. Noong malakas pa ang katawan ng matanda ay ito na ang nag-alaga at tumayong nanay at tatay para kay Kiel, dito na napamahal si Kiel nang husto at ito rin ang nag-iisang pinagkaka-lambutan ng puso niya hanggang ngayon. Lalo na sa mga panahon na palaging wala ang ina nito at nasa pinagtatrabahuhan na club, o 'di naman kaya ay nasa lugar ng mga kakilala para sa bisyo. "Magtatapos ako ng pag-aaral para sa 'yo, Lola. Para makalipat na tayo ng bahay na malayo kay Mama. Sa'n mo gusto lumipat? Probinsya o sa ibang bansa?" Natawa ang matanda at niyakap nang mas mahigpit ang apo. KINABUKASAN, kokomprontahin sana ni Kiel ang ina tungkol sa nalaman na hindi nito pagbili ng gamot ng Lola niya nang mauna itong magsalita. "O, ayan may mga bagong damit akong pinamili para sa 'yo. Nag-sale kasi ro'n sa boutique na nadaanan ko, tapos dumaan na rin ako ro'n sa Ukay-Ukay kanina, daming magaganda rin pala ro'n. Binili ko na lahat ng nakita kong sakto sa katawan mo." Litanya nito habang naghahalo ng kape sa tasa niya. Natigil sa pagluluto ng agahan si Kiel at nakakunot ang noo nang puntahan ang tinutukoy ng ina. Halos lagpas sampu na bagong damit ang bumulaga sa kaniya sa kahoy na upuan. "Ano 'to, Ma? Hindi naman ako nagsusuot ng mga ganito." "Oo nga, noon! Hindi ka nagsusuot ng mga ganiyang damit noon! Pero ngayon, oo, magsusuot ka na. Ako ang masusunod 'di ba?" Binalikan ng tingin ni Kiel ang mga damit, lahat 'yon maiiksing bestida, mga pang-itaas na sleeveless at halos nakalaylay nang mas mababa ang neckline. Mga pa-sexy na damit. "Ikaw na lang ang sumuot ng mga damit na 'to. Siya nga pala, 'yung pera na binigay ko sa 'yo. 'Yung 700. Pambili ng gamot ni Lola, nasaan na?" Namemeywang ang nanay niya nang lingunin siya. "Hinahanapan mo ba 'ko? O e 'di ayan." Turo nito sa niluluto niya. "Kung ano 'yang mga kinakain mong bigas, ulam, itong kuryente at mga utang sa tindahan, diyan napunta." "O baka naman sa mga pinang-inom niyo kagabi? Wala ka talagang awa." Inirapan niya ito at tinalikuran para sana puntahan ulit ang niluluto nang hilahin ng ina ang buhok niya. "Hoy, gaga. Kung makapagsalita ka sa 'kin, sumosobra ka na ha. E kung tumulong ka kaya sa mga gastusin dito sa bahay?" "Ayun na nga ho 'yung itinutulong ko! Pinapambili mo kaagad ng alak! Minsan pangsugal naman!-" "700? 'Yun na ang pinagmamalaki mo?" Dinuro siya nito, hindi pa rin binibitiwan ang buhok niya. Napangiwi sa sakit si Kiel. "Tutal sumasagot-sagot ka na at mukhang kaya mo na ang sarili mo, hala sige magtrabaho ka na! At hindi 'yang pagtitindera mo sa paresan ang tinutukoy ko!" "Mama! Nasasaktan ako, bitiwan mo na ako!" "Sa Byernes ng gabi, papasok ka na ro'n sa Galaxy Club ni Boss. Naiintindihan mo? Mag-waitress ka ro'n na nagpapa-table sa mga mayayaman, para mabilhan mo ng kumpletong gamot 'yang lola mo at may masarap tayong nilalamon dito sa bahay. Pagod na ako sa sardinas na ginigisa mo sa araw at gabi." Pa-tulak na binitiwan siya nito. "Club?!" Hindi makapaniwalang singhal ni Kiel habang hawak ang masakit pa rin na ulo. "Mabuti pang mangalakal ako kaysa sumunod sa yapak mo!" "Oh, e 'di sige! Humanap ka ng trabaho na naisasabay mo sa pag-aaral at may mas malaki kang kikitain sa pitong daan! Ano? Wala 'di ba? Sinabi ko na sa 'yong tumigil ka muna sa pag-aaral pero ayaw mo rin!" Bulyaw nito habang padabog na ibinabagsak ang tasa sa mesa. "Anong inaarte mo, ilang oras ka lang do'n sa club at may libu-libo ka na!" "Ayoko." Napipikon na itinulak ni Marisol ang noo ng anak. "Kung ayaw mo, magtiis ka! Hindi makukumpleto 'yang gamot ng Lola mo, mag-ulam tayo ng sardinas at bagoong hanggang mamatay tayo rito!" Sa inis ay hindi na tinapos ni Kiel ang pagluluto, kinuha niya na ang bag niya at dire-diretsong iniwan ang kausap sa bahay para pumasok na lang sa school. "'Yan sige lumayas ka! Wala kang baon at pamasahe dahil wala tayong pera! Kung gusto mo ng baon at pamasahe, magtrabaho ka sa Galaxy!" Pahabol na sigaw pa ng nanay niya na narinig niya kahit nasa labas na siya. Naiiling at masama ang loob na umalis na lang si Kiel. Hindi siya pumasok. Wala siyang pera para makasakay ng isang jeep at isang bus papuntang university. Kaya naman napagdesisyunan niya na lang na maupo at tumambay sa nadaanan na sementeryo. Pumasok siya sa loob at naupo sa nakitang kahoy na mahabang upuan, nalililiman ng mataas na puno ng mangga. Maraming puno sa paligid at wala siyang halos kasama. Hindi nga lang siya sigurado pagdating sa mga kasamang hindi nakikita. Iyon lang naman ang tahimik at maaliwalas na lugar na naiisip niyang pwedeng pagtambayan ng kahit ilang oras. H'wag lang gabi. Walang tigil din sa pagri-ring ang telepono niya. Tumatawag si Gino. Nahilamos ni Kiel ang mukha. "Alam mo, isa ka pa, e. Kahit sa'n ako magpunta, ang dami kong pinoproblema! Mapa-bahay man namin o diyan sa university!" Naitingala niya ang ulo sa langit at naiiyak na ngumuso. "Kunin mo na lang ako! Dalawa kami ni Lola para magkaro'n ako ng peace kahit minsan. Kahit sa rest in peace na lang ako magkaro'n ng peace, pwede na!" Sisigaw pa sana siya sa stress nang maunahan siya ng mas malakas na sigaw. Nakasimangot na iginala niya ang tingin sa paligid at natagpuan ang pinanggagalingan ng ingay sa bandang likuran niya. Hindi malapit sa kinaroroonan niya pero hindi rin ganoon kalayo. Nasa gitna ito ng field at nasa harap ng puntod. "Nakita mo na? Nakita mo na?! Kasalanan mo 'to, patay ka na pero minumulto pa rin ako ng ginawa mo. Bakit! Bakit mo 'yon ginawa! Gago ka!" Lumiit ang mga mata ni Kiel at nag-urong ng leeg paabante, gustong makiusyoso sa kung ano ang nangyayari roon sa lalaki. Frustrated na kinakausap nito ang puntod, namilog pa ang mga mata ni Kiel nang makitang sinisipa-sipa pa noong lalaki 'yong puntod at kinakausap sa pa-galit na paraan. "Bumangon ka diyan! Anong karapatan mong mawala na, hindi pa kita nasusuntok sa ginawa mo!" Hindi napigilan ni Kiel ang matawa. Hindi niya alam kung anong magic ang nangyari dahil nang ginawa niya iyon ay tila narinig siya noong lalaki. Kahit malayo naman at mukhang imposible. Lumingon ito sa kinaroroonan niya na parang naramdaman na may nakatingin at nanonood. Mabilis na nag-ayos ng upo si Kiel at tumalikod ulit doon, nagkunyaring nananahimik sa kinauupuan. Maya-maya lang ay may sasakyan na umalis at paglingon niya ro'n sa direksyon na tinitignan kanina ay wala na 'yong lalaki. Tumayo si Kiel para puntahan ang puntod at silipin ang lapida para makiusyoso. "Rupert Siguenza. Baka iniscam siya, uso pa naman 'yon ngayon." Tumatango-tango na konklusyon ni Kiel. Kibit-balikat siya nang maglakad na at paalis na sana, nang may marinig na mag-ring. Namilog ang mga mata niya nang makakita ng cellphone sa daraanan. Mukhang latest iPhone pa! "Diyos ko, Lord thank You ito na yata ang sagot mo sa mga problema ko sa pera!" Tuwang-tuwa na bulong niya habang pinupulot ang cellphone. Pagkatigil ng tawag ay lumabas ang wallpaper nito. Picture ng babae at lalaki na magkayakap. 'Yung lalaki ay namukhaan niyang parehong lalaki na nakita niya kanina lang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD