V. Nakaraan.
Buo pa sa alaala niya kung saan at kung paano nag-umpisa ang lahat...
"Sir! Nandito ka lang pala! Kanina pa po kami naghihintay ro'n sa harapan ng bonfire natin eh, sabi mo babalik ka-" Natigilan si Kiel sa masigasig at mataas ang energy na pagkausap sa propesor nang mapansin na hindi ito nag-iisa sa lugar.
Naabutan niya ito sa liblib na bahagi ng isla, may kausap na ibang tao. Ibang babae na hindi pamilyar sa kaniya. At nakumpirma niya paglapit dito na magkayakap ang dalawa, awtomatikong nahiya siya sa pag-iingay.
Nasa isla sila ngayon na malayo sa Maynila, nagbabakasyon kasama ang buong department organization officers. Bakasyon bago magumpisa ang bagong taon ng klase sa kolehiyo, 'yon na ang naging kultura nila sa team bago maging abala ulit ang lahat.
Si Kiel at ang mga kaibigan sa organization sa unibersidad, matagal na silang magkakakilala. Taon na rin silang magkakasama at halos pamilya na ang tingin sa isa't isa. Gano'n din ang relasyon nila sa mga adviser na propesor na sina Sir Gino at Ma'am Althea.
Sa sobrang lapit ng loob nila sa isa't isa ay pinauutang pa siya ni Althea ng pera sa tuwing kakailanganin niya 'yon, ganoon kabait sa kaniya at sa mga kapwa officers niya ang dalawa.
Ngunit ang naabutan na kausap ng propesor na si Sir Gino ay hindi pamilyar sa kaniya. Nagbaba si Kiel ng tingin sa kamay ng dalawa na magkahawak pa, at nang tila natauhan si Gino ay mabilis na binitiwan niya ang kamay noong kausap at pumihit ng harap kay Kiel.
"Busy po pala kayo... pero hinahanap na po namin kayo ro'n, magdi-dinner na po kasi. Pinapahanap din po kayo ni Ma'am Althea..."
"Susunod ako."
Tumango si Kiel at nagmamadaling tumalikod para umalis ng lugar. Pero bago siya tuluyang makalayo ay nilingon niya ulit ang dalawa at nahuling naghalikan nang mabilis saka tuluyang nagpaalam sa isa't isa.
Namilog ang mga mata niya at hindi alam kung sasabihin iyon sa mga kasama pagkabalik niya sa pwesto kung sa'n sila magdi-dinner.
"Si Sir Gino mo, nakita mo ba?" Bungad ni Althea sa kaniya habang hawak ang tong at nagpapaypay ng iniihaw. Nagtatawanan naman ang ilan sa kani-kanilang pinaguusapan.
Kamot-ulong hindi alam ni Kiel kung ano ang isasagot. "Opo, may... may kausap po."
"Kausap? Sino raw?" Nakakunot ang noo na asik ni Althea.
Umawang ang bibig ni Kiel at akmang sasagot sa tanong nito nang maingay na dumating ang pinaguusapan.
"Ano, ready na ba ang dinner? Ang bango!" Masiglang pasok ni Gino saka lumapit at umakbay kay Althea.
"Sa'n ka galing, may kausap ka raw ro'n sabi ni Kiel?"
"Ah! Oo, 'yung vendor no'ng mga souvenir, inalok ako eh. Sabi ko wala akong dalang pera, ang ganda pa naman ng inaalok, handmade na bracelet! Ibibili sana kita."
Nalukot ang noo ni Kiel sa narinig. Hindi naman 'yon ang nakita niya.
Napunta rin sa kaniya ang sulyap ni Gino at pasimpleng nagseryoso ang ekspresyon. Tila nangungusap ang tingin sa kaniya na manatili na lang siyang tahimik.
Ibang-iba ang sinabi nito sa nakita niya. Babae 'yon na balingkinitan at maayos ang suot, parang turista pa nga sa paningin niya at hindi vendor. Bukod sa magka-holding hands ang dalawa ay hindi mawala sa isipan niyang naghalikan ito.
"Ah, okay. Marami talagang vendor dito sa island, ayos din ang mga binibenta. Bumili na lang tayo bukas ng umaga."
Naging abala na ulit si Althea sa pagtulong sa iba sa pag-iihaw at paghahanda ng dinner, gano'n din si Kiel nang ayain siya ng mga ito, pero hindi niya mapigilang sulyapan paminsan si Gino. Nagtataka pa rin siya kung sino 'yong babae, hindi niya maisip na... magloloko ito.
"Cheers!" Masayang sigaw ng lahat sa tabing-dagat habang nakapalibot sa malawak na mesa na maraming pagkain, may pailaw sa paligid kaya kahit wala ng araw sa kalangitan ay maliwanag pa rin. "Cheers para sa another year na paparating sa inyo ngayong college! Masaya kami para sa inyo alam niyo namang parang kapatid na ang turing namin sa inyo ng Sir ninyo, walang bagsak ang grades, keep going!" Si Althea.
"At cheers na rin bilang double celebration para sa paparating na anniversary natin. Advance happy 8th anniversary, love." Nakangiting saad ni Gino saka humalik sa pisngi ni Althea. Naghiyawan sa tuwa at kilig ang lahat.
Maliban kay Kiel.
"Ang tamis! Kayo po talaga ang pag-asa namin na may perfect couple at partners, eh!"
"Oo nga! Sana kami rin po!"
"Uy, Kiel, okay ka lang?" Pansin sa kaniya ni Nina. Natatawa habang kumakagat sa hawak na stick ng inihaw na hotdog. "Nakatulala ka, ang lalim yata ng iniisip mo." Napunta sa kaniya ang lahat ng atensyon. Lalo na si Gino.
PANGALAWANG gabi. Pinilit maging normal at kaswal ni Kiel para hindi masira ang pagbabakasyon, pero ilag at ilang na siya sa tuwing nakikipagusap si Gino.
"Malapit na magdilim, mamalengke na ang mga gusto mamalengke." Anunsyo ni Althea sa mga kasamang estudyante. "Tatlong lalaki at dalawang babae na lang. Lea at Kiel."
"Hindi, 'wag si Kiel. May iuutos ako sa kaniya. Si Rita na lang." Pagsingit ni Gino kaya naman nagtatakang nilingon siya ni Althea.
"Favorite ka talaga. Nakakainis, ang hassle pa naman mamalengke rito." Nakangiwing bulong ni Rita kay Kiel pagkadaan nito.
"Anong iuutos mo kay Kiel?" Si Althea.
"Um... magpapatulong lang ako sa papers. Nag-email kasi si Dean, nagpapa-revise no'ng sinubmit ko. E, 'di ko dala laptop ko, siya dala niya. Doon na lang siguro kami sa may bubong na kubo, sa dulo." Nilingon nito si Kiel at ngumiti, habang ang huli naman ay nanatiling seryoso at diretso ang ekspresyon.
"Okay, sige. Ako, magpapahinga muna ako sa kwarto." Humawak at humimas ito sa tiyan. "Bale, sunod ka na lang at itext mo 'ko kapag may kailangan kayo."
PAGKARATING DOON AY hindi naman nagamit ang dinala ni Kiel na laptop. Diniretso siya ng propesor sa pakay nito.
"Kiel, mag-usap tayo tungkol sa nakita mo kahapon. Alam kong nakita mo kami."
"Po?"
Naupo sila sa loob ng kubo, sa magkaharap na mahabang kahoy na upuan.
"Na-appreciate ko na hindi ka nagsalita kay Althea. Tama 'yun dahil kung sakaling may sinabi ka pang iba... magkakagulo. Magkakagulo kami, hindi niya maiintindihan. Kaya h'wag na."
Napakurap-kurap si Kiel. Hindi komportable.
"Pero... sino po ba 'yung babae?"
Huminga ito nang malalim bago umimik. Naging malamlam ang mga mata at mahina sa paningin ni Kiel.
"To be honest, that was my ex-girlfriend. Kinukulit at ginugulo niya 'ko, Kiel, ilang taon na. Ilang taon ko na ring hindi masabi kay Althea. Kasi ayokong ma-misinterpret niya 'to, ayaw mo rin naman sigurong magkalabo-labo kami. 'Di ba?"
Tumango si Kiel. Nag-aalinlangan pa rin.
"Nandito rin ang ex mo?"
"Sinundan niya 'ko, kinukulit niya 'ko. Lahat na ng paraan ng pangungulit, pati pananakot." Sagot nito. "At sa totoo lang..." humugot ito ng malalim na paghinga habang nag-iiwas ng tingin at pinadaraan ang mga daliri sa buhok. Nagpapakita ng frustration.
"Ano po?"
"Before that, mapagkakatiwalaan ba kita, Kiel? Because, honestly, right now... I need help. I badly need help. Matagal na. At hindi ko lang alam kung kanino hihingi no'n... kasi hindi naman ako pwedeng basta-basta magsabi ng problema ko kung kani-kanino. Maliban sa mga totoong may pakialam sa 'kin, sa 'min ni Althea. Ikaw."
Nabigla si Kiel nang makitang nagpupunas na ng luha ang kaharap, nahihiyang tumatagilid pa kapag ginagawa iyon.
"Hindi ko alam kung maiintindihan mo 'yung pinanggagalingan ko. Pero matagal na kami ni Althea at ayoko rin na masaktan siya."
Pinagmasdan ni Kiel ang lalaki sa harapan at kaagad na naapektuhan ng emosyon na nakikita mula rito. Para bang dumadanas ng mabigat na problema.
Sunud-sunod siyang tumango bilang pagsagot.
"Sometimes, she's threatening me, blackmailing. Inaaya niya 'kong magkita kami at mag-sex." Nabigla si Kiel nang maglabas ito ng telepono at may ipakitang cropped screenshot ng conversation nila ng tinutukoy na babae. Napasinghap si Kiel.
Cropped at putol ang conversation pero malinaw na may sinabi 'yong babae patungkol sa sinasabi nito.
"Ang problema ko, wala naman akong pakialam kung takutin niya ako. Habang tumatagal, mas nahahalina akong kagatin 'yung aya niya. Na magkita kami at mag... mag-sex."
Nangunot kaagad ang noo ni Kiel.
"Pero bakit po? Hindi po pwede 'yun, hindi ba? May... may karelasyon na po kayo!"
Mabait kay Kiel si Althea, bukod sa emotional support na ibinibigay nito bilang propesor ay ate na ang turing nito roon dahil wala siyang kapatid na babaeng mas matanda, kaya naman magaan kaagad ang loob niya rito.
"You see... tao lang din ako. May pangangailangan bilang lalaki. To be honest, naging malalim din talaga ang relasyon ko ro'n sa ex ko na 'yon, kaya kahit no'ng nag-break kami mayro'n pa ring natitirang pagnanasa sa 'kin."
Hindi nakaimik nang tuluyan si Kiel.
Pilit niyang pinoproseso ang mga sinasabi nito. Wala pa siyang disi-otso, wala pang karanasan sa pakikipagrelasyon kaya bago sa kaniya ang lahat ng naririnig. Basta ang alam niya lang ay namomoblema ang kausap.
"Ang isang internal dilemma ko rin kasi ay... 'yung relasyon ko kay Althea. Mahal ko naman siya, nirerespeto ko siya at alam kong temporary phase lang 'tong nararamdaman ko." Ani nito. "Hindi pa naman kami nagse-s*x no'ng ex ko pero tingin ko... kapag nangyari 'yon, mas mahihirapan akong makaahon. Pero gusto kong mawala 'yung pagnanasang 'yon. Hindi ko na alam."
Namayani ang ilang segundong katahimikan. Tanging alon ng dagat lang ang maririnig at halos palubog na rin ang araw.
Hindi malaman ni Kiel ang ipapayo. Higit na malayo ang edad ng propesor sa kaniya at alam niya sa sarili na inosente at bata pa siya mag-isip para sa sitwasyon nito. Pero likas sa kaniya ang maging empath na tao, hindi nararanasan ang emotional help mula sa mga magulang, kaya naman hangga't maaari ay ibinibigay niya 'yon sa iba kung kaya at posible.
"Kung pigilan niyo na lang po kaya ang pakikipag-usap do'n? Baka ngayon niyo lang 'yan nararamdaman... o baka mas maganda kung sabihin mo 'yan kay Ma'am Althea, solusyunan niyo po nang sabay!"
"No, no. Hindi 'yon pwede. Mangako ka sa 'kin na wala kang ibang pagsasabihan nito? Sa 'tin lang 'to, Kiel. Kahit kila Wendy, wala, dahil kung susuwayin mo 'ko sasama ang loob ko. Sa 'yo lang 'to, sa 'yo lang ako may tiwala." Halos nakaturo pa ang daliri sa kaniya na paalala nito.
Tumango si Kiel.
Kaya nakahinga nang maluwag ang isa at inihilamos muli ang palad sa mukha. Itinutukod ang siko sa napaggigitnaan nilang mesa na kahoy at nangalumbaba.
"My life felt so f****d up and messed up lately." Dugtong nito. "Saka inaalok din ako no'ng ex ko na 'yon ng trabaho sa negosyo nila ng parents niya, higit na mas malaki ang sahod at mas maganda ang opportunities kaysa sa pagtuturo sa university."
"Pero kapag tinanggap niyo po 'yon... palagi na kayong magkikita sa personal, baka... kung ano pa ang mangyari na hindi kaaya-aya."
"That's the point. I do love Althea pero may mga pagkakataon na gusto kong... makipagkita ro'n sa ex ko. Tingin ko kapag napagbigyan ko 'tong nararamdaman ko, matatapos na 'to at matitigil na." Sambit nito. Saka siya sinulyapan. "Tingin mo, anong dapat kong gawin?"
Determinadong umiling si Kiel. "Sir, 'wag po. Paano na lang kung hindi ka tigilan no'ng babae? Mas lalo lang siyang makahanap ng ipapanakot sa 'yo sa relasyon niyo ni Ma'am Althea dahil... dahil may mangyayari sa inyo..."
Bumuntonghininga si Gino. "Pero buo na rin talaga ang loob ko. Kaya nga niyakap ko siya kahapon."
Napapangiwing umiling si Kiel. "W-Willing to help naman po ako, Sir... ano po bang maitutulong ko, mayroon po ba?" Hindi siguradong saad niya rito. Nahihiya na baka mukhang walang kwenta siyang kausap dito. "Hangga't maaari po... gawan na lang po natin ng paraan. Gusto niyo po, i-remind ko kayo palagi na 'wag makipag-contact do'n sa babae everyday? Palagi naman po matched ang sched natin sa school, eh."
Purong-puro ang intensyon niyang tulungan ito. Hindi na iba sa kaniya ang propesor.
"Hmm..."
Naputol ang pag-uusap nila nang mapansin na palapit si Althea.
"Ang dilim naman, wala kayong ilaw riyan?" Ani nito.
Halos mapatalon sa kinauupuan dulot ng gulat si Kiel.
"Gulat na gulat, Kiel?" Natatawang biro ni Althea.
"Oo nga, walang ilaw. Malamok pa. Kaya sabi ko kay Kiel 'wag na lang, makikiusap na lang siguro ako kay Dean na i-extend ang submission ko."
"Bakit naman kasi dito kayo gagawa ng papel? Pwede naman do'n sa kwarto natin sa resort-"
"H'wag na, nagpapahinga ka ro'n, e. Ayokong maistorbo ka." Tumayo si Gino at umakbay sa nobya saka hinalikan ito sa noo. Pinagmasdan silang mabuti ni Kiel at tipid na nangiti nang tignan siya muli ng mga ito.
Paglipas ng ilang linggo, naging madalas ang pakikipagusap ni Gino kay Kiel, mapa-personal man o chat. Naging bukas naman siya sa pakikipagusap dito. Bilang token of appreciation, nagugulat na lang siya na binibigyan siya nito ng pagkain at inumin.
Kada lunch o breakfast. Madalas din siyang naihahatid pauwi kahit kasabay naman si Althea.
Dahil sa mga iyon ay naging mas malapit sila sa isa't isa, hindi lang sa pag-uusap.
Katatapos lang ni Kiel maligo at mag-aral para sa major exams na paparating, kahihiga niya lang din sa kama at handa na sana para matulog nang tumunog ang telepono niya hudyat na may bagong mensaheng pumasok.
From: Sir Gino
Kiel, are u up?
To: Sir Gino
Hello po, opo. Patulog pa lang. Kumusta po kayo, any update sa ex ninyong makulit? Haha.
From: Sir Gino
'Di ba sinabi mo sa isla na gusto mo 'kong tulungan? Naalala mo pa ba 'yun?
To: Sir Gino
Opo, bakit po?
From: Sir Gino
Nakaisip na 'ko ng paraan kung sa'n mo 'ko pwedeng matulungan. Valid pa rin ba 'yung help na inoffer mo no'n, kasi hindi ko nasagot dahil dumating si Althea 'di ba? hehe
To: Sir Gino
Ay, sir, oo naman po! Willing to help po anytime! :D
Ilang minuto muna ang lumipas bago ito muling nakapag-reply. At halos mapabangon si Kiel mula sa kinahihigaan nang mabasa ang pinakahuli nitong sinabi.
From: Sir Gino
I just realized na medyo hindi nga safe kung lalapit pa 'ko sa ex ko. I just want to do this once and for all para matapos na. Isa lang at matitigilan na 'ko. Pero kung sa 'yo na lang siguro since pinagkakatiwalaan naman natin ang isa't isa ngayon... pwede ba?
From: Sir Gino
Hindi na 'ko makikipagkita sa ex ko pero gusto kong ikaw na lang, Kiel. Kung talagang totoong gusto mo 'kong tulungan.
From: Sir Gino.
I promise, walang makakaalam. Pero kung hindi ka naman seryoso sa pagtulong sa 'kin, siguro itutuloy ko na lang ang unang plan ko. Hindi mo naman siguro gugustuhing magkalabuan kami dahil hindi mo 'ko tinulungan. :)