IX. Galaxy Club.
BUNTONGHININGA na lang ang ginagawa ni Kiel habang buong maghapon at gabi na inaayusan siya ng ina. Hindi niya na nga rin mabilang kung pang-ilan na niyang ginawa 'yon dahil alam niyang wala rin namang saysay pa kung makikipagtalo siya.
"Naiintindihan mo ba 'yung mga tips ko sa 'yo? 'Wag mo kakalimutan 'yung tiwala sa sarili, 'yon ang pinakamahalaga--O, nakakuba ka na naman! 'Yung posture mo nga sabi!"
Napangiwi si Kiel at masamang tingin ang ipinukol sa ina habang hawak ang ulo dahil binatukan siya nito.
"Oo na, Ma. Excited na excited kang ibenta ako sa mga lalaki na 'yan."
Binatukan siya ulit nito. "Hindi ka binibenta, ikaw pa nga ang mang-uuto sa mga 'yan. Gagamitin mo lang 'yung ganda mo! Utak! Masyado ka lang nagpapaniwala sa mga nagsasabi na pangit na trabaho itong club, marangal 'to! Hangga't wala kang tinatapakang tao at illegal na ginagawa, marangal 'to!"
Hinila na siya ng ina patungo sa entrance ng Galaxy Club. Sa labas pa lang ay rinig na rinig na ang pagsabog ng maingay na tugtugan sa loob at halos sunud-sunod din ang dating ng mga tao.
Pasado alas otso y media ng gabi na at unang gabi ni Kiel sa 'trabaho' na ipinipilit sa kaniya ng ina. Pinagsuot siya nito ng itim na fitted tee at may logo ng club sa bandang dibdib, may mababang neckline kaya naman halos kitang-kita na ang kaluluwa niya kakaunting yuko na lang. Ang pang-ibaba naman ay maiksing-maiksi na paldang itim. Uniporme raw 'yon ng waitress sa club.
Halos magkanda-dapa at tisod din si Kiel habang naglalakad dahil suot-suot niya pa ang high heels na inihiram pa ng nanay niya mula sa kapitbahay nila.
Hindi mapigilan ni Kiel ang magtingin-tingin sa paligid habang hawak-hawak siya sa kamay ng ina na naglalakad. Bumabaha ng alak ang bawat table, masaya ang mga tao sa bawat corner at sofa, mas magulo sa dance floor kung saan nagsasayaw ang lahat sa malakas na tugtugan na pinapangunahan ng tatlong DJ na nasa elevated platform. Ang ilaw, patay-sindi ang tatlong uri ng lights na asul, pula at pula, sumasabay sa bawat beat ng music.
"Mother! Magandang magandang gabi!" Maingay na bati ni Marisol pagpasok sa kwarto ng mga entertainer, waitress at ng manager ng mga ito sa club na tinatawag ng lahat na 'Mother Beauty'.
"Marisol? Ikaw ba 'yan?"
"Aba't talaga ka! Parang gusto ko ma-offend. Alam ko naman na talagang hindi na ako kasing sexy noong araw at medyo tumatanda na pero ako pa rin 'to. Ang pinakamaganda mong na-handle noon." Natatawang bida ng nanay ni Kiel.
"Oh my god, ikaw nga! Napadalaw ka?" Maliit lang sa height si Mother Beauty, mahaba ang buhok na hanggang beywang, payat at may makapal na makeup. Malaki ang boobs na parang natural, ganoon din ang pang-upo at ang balakang. Kung hindi pa tititigan nang mabuti ay mapagkakamalan ito na tunay na babae.
"Hindi ako basta dumalaw lang, ano!" Tumabi ito nang kaunti para ipakita ang anak sa kanyang likuran. "Nabanggit naman siguro ni Boss?"
Napunta ang atensyon ni Mother Beauty sa dalaga at sumulyap ulit sa kausap. "Ha! 'Yung tagapagmana mo raw? Siya na ba ito?"
Natigilan sa ginagawa ang mga babae sa paligid at hindi napigilang mapasulyap sa kanila. Lalo na kay Kiel. May dalawang hilera ng mga vanity table sa magkabilang direksyon ng mga pader, ang lahat ng 'yon ay okupado ng mga waitress at entertainer ng club na naghahanda na para sa trabaho nila sa buong gabi. Makeup, nag-aayos ng buhok, nag-aayos ng suot na damit.
"Si Krisiane Eline. Anak ko 'yan ha! Galing sa magandang lahi ko 'yan, gwapo rin ang tatay niyan!" Nakangiting biro ni Marisol. "Ipapasok ko rito, alam mo na... kailangan namin ng pera, e. Alagaan mo 'to ah, personal ko nang binibilin sa 'yo."
Nakangiting binuksan ni Mother Beauty ang pamaypay saka nagpaypay ng sarili habang naglakad at inikutan si Kiel. Minamata ang katawan nito. Nang matigil sa harapan ng dalaga ay hinawakan naman ang baba nito para iangat ang mukha, tila iniinspeksyon.
"My gulay. Malakas ang dating nitong anak mo, at walang tapon pagdating sa katawan. Kurba kung kurba! Pero teka... mukha kasing nene pa. Bawal ang menor de edad dito, baka ma-raid tayo ng mga pulis."
"Kaka-18 lang nito!"
"Naka-ilan na jowa ka na, iha?"
Napakurap-kurap si Kiel at sinulyapan pa ang ina nang mag-alangan na sumagot.
"Wala pa po."
"Ay! Baka magulat 'tong anak mo rito. Hindi pa naman mala-prince charming ang mga lalaki rito sa gabi. Lalo kapag may alak na sa ulo, hindi sa nananakot ha pero baka ma-shookt ka, hindi naman ba?"
Pero kahit ano pa naman ang isagot niya, desidido na ang nanay niya sa pagpasok sa kaniya roon. Na para bang tiwalang tiwala ito na walang mangyayaring kahit anong masama, nakatuon lang ang pokus sa pera na maaari niyang kitain.
"So, first night mo pa lang naman kaya papasamahan muna kita. Makinig kang mabuti sa mga ituturo sa 'yo, okay? Ang goal mo lang naman ay mag-serve ng inumin sa VIP floor." Mabilis na pagpapaliwanag ni Mother Beauty habang nasa corner sila ng club. Nakasilip sa pintuan kung saan tanaw ang dance floor. "Serve ka lang nang serve pero kung may kakausap sa 'yo na customer, 'wag na 'wag kang magsusungit. Kausapin mo tapos always be respectful."
Hindi matapos-tapos ang pagkiskis ni Kiel sa parehong palad. Nilalamig siya sa kaba!
"Malaki ang kita rito, Kiel pero hindi sa pagwa-waitress. Ang kita na malaki rito ay 'yung tip mismo na binibigay ng mga customer, so 'wag kang patulog-tulog sa kangkungan para makarami ka." Tinawag na nito ang isa pang waitress para ipakilala siya. "This is Kiel. Kiel, this is Mystica."
"Hindi ko tunay na pangalan." Nakangiting kumaway ang babae na mukhang hindi nalalayo sa edad niya.
"Siya nga pala, muntik ko na makalimutan sabihin," pahabol ni Mother Beauty. "Hindi gumagamit ang mga waitress ng tunay nilang pangalan dito, 'wag ka magbibigay ng personal details mo kung ayaw mo, ibigay mo kung gusto mo."
"Marami kasing manyakis dito, Kiel." Pagsingit ni Mystica. "When I say 'manyakis', mas level up version nila ang tinutukoy ko, alam mo na... mga lalaking feeling kayang makuha ang lahat dahil may-" gamit ang mga daliri ay sumenyas ito ng 'pera'.
"Simula ngayon ang pangalan mo ay Heaven."
ISINAMA ni Mystica si Kiel sa malaking bar counter ng club kung saan ipinapasa sa kanila ang mga inumin.
"Every 5 or 10 minutes magdadala tayo ng drinks sa mga table ng VIP customers, dapat palagi kang naka-smile. Kahit bastos sila, hindi na kasi maiiwasan 'yon. Umalis ka na lang siguro kaagad kung ayaw mo ang vibes."
Napabuntonghininga si Kiel. Nahuli siya ni Mystica.
"Sa hitsura mo ngayon, parang ayaw mo 'tong gagawin natin."
"Sa totoo lang, ayaw talaga." Hinihila pababa ang maiksing palda na sagot ni Kiel sa kausap.
Itinukod ni Mystica ang siko sa counter at ngumisi sa kausap. "Masaya naman dito! Maraming pogi." Tumikhim si Mystica at bahagyang lumapit kay Kiel para bumulong. Nakangisi. "Dito ko nga nakilala ang sugar daddy ko. Kaya look!"
Proud na ipinakita nito ang mga daliri. Bawat daliri sa kamay ay may singsing na ginto.
"Binili niya lahat 'to no'ng ni-request ko."
"Sugar daddy?"
"Oo! Asukal de papa! Tagabigay ng pera."
"Parang boyfriend?"
"Hindi 'no! Ang boyfriend may pagmamahal na involved. Wala kang mahahanap na ganoon dito, Kiel. Kapag sugar daddy naman, alam mo na. s*x s*x lang kapag gusto niya, tapos pwede ka na mag-request ng gusto mo. Kahit mamahalin na gamit pa! Ano, ihanap ba kita tonight?"
Napakamot ng leeg si Kiel sa narinig. "Hindi ako interesado."
"Virgin ka pa?"
Nahihiyang nag-iwas ito ng tingin.
"Drinks po!" Nakangiting pagsingit ng bartender sa dalawa saka inilapag ang mga alak sa counter. "O, sino 'to? Bago?"
"Yup, bago at virgin. Kaya back off, Kristoff." Umiirap na singhal ni Mystica saka kinuha na ang mga tray at binigyan si Kiel.
LUMIPAS ang mga oras, ilang na ilang si Kiel sa kilos niya. Halos madagdagan pa ang kaba niya na makisalamuha sa bawat table ng mga customer dahil palaging hindi siya pinapaalis kaagad ng mga ito at pinauupo sa tabi para makausap.
Malalim na ang gabi at halos lasing na rin ang karamihan pero kahit hindi pa lasing ay iba ay nakakaranas na siyang mabastos ng mga ito.
"Nakakanginig sa inis! Ang tanda tanda na pero manyak pa rin! Hinawakan ba naman ang pwet ko at naglagay ng tatlong libo sa dibdib ko! Gusto kong suntukin!"
"Hoy, Kiel, hindi mo 'yan pwede gawin okay? Mapapalis tayo rito sa trabaho. For sure ayaw naman ng mama mo 'yon?" Pagpapakalma sa kaniya ni Mystica. "Saka, girl, isipin mo na lang 'yung 3k mo. Maliit pa 'yan... baka mamaya madagdagan pa."
Hindi makapaniwalang inilingan na lang ni Kiel ang kausap. Hindi lang talaga siya sanay.
"O, 'wag ka sisimangot. Sige na, last na hatid mo na 'to ng alak tapos rest ka muna ng 15 minutes. Ako na magco-cover ng work mo. Breaktime tapos dapat naka-smile ka na pagbalik ha!"
"Salamat, Mystica." Malalim na huminga siya bago naglakad ulit patungo sa susunod na table, hawak-hawak ang tray ng mga alak at may kasamang mga pagkain na pulutan.
Pero noong malapit na sana siya roon ay biglang may bumunggo naman sa kaniya sa harapan na babae at lalaki, parehong lasing at naglalampungan, hindi siya nakitang dadaan. Sa kasamaang palad ay hindi siya nakahawak nang mabuti sa tray kaya naman nahulog iyon sa sahig kasama ang mga baso at alak.
Namilog ang mga mata ni Kiel, hindi alam kung anong uunahing atupagin. Basag na lahat! Mahal pa naman ang mga alak na 'yon base sa tinignan niyang menu sa counter kanina lang.
Isa pang problema ay ang namula sa galit na babae nang makitang namantsahan ang suot niyang silver dress.
"Stupid, dumbass! Look at my dress, you ruined my dress!" Pagsisigaw nito roon saka tinulak-tulak ang balikat ni Kiel. "Tanga! Tanga!"
"I'm sorry, hindi ko po sinasadya..."
"Pulutin mo 'yang mga bubog, pulutin mo isa-isa! 'Wag kang gagamit ng walis o kahit ano, use your bare hands! Bwisit!" Iritableng singhal pa nito saka hinila na ang kasamang lalaki paalis doon.
Nahihiyang naupo si Kiel para madaliin ang pagpupulot ng mga piraso ng alak at baso patungo sa tray. Kahit kakaunti lang naman ang nakapansin dahil maingay at abala ang paligid sa kaniya-kaniyang ginagawa ay nag-iinit pa rin ang mga tenga niya sa hiya.
"Ah!" Napangiwi siya nang matusok ang hinlalaki niya at makakita ng dugo mula ro'n.
At natigil lang sa ginagawa nang may isa pang kamay na pumigil sa pagpupulot niya ro'n. Nag-angat siya ng tingin at inakalang si Mystica 'yon pero hindi.
"I knew it. It's really you." Kumurba ang ngisi sa mga labi nito nang magkatinginan sila.
Natulala ng ilang segundo si Kiel at napairap nang mapagtantong ang kaharap ngayon ay ang parehong lalaki na nakasagutan niya sa labas ng presinto.
"Scholar, huh? So, is this the university you were talking about last time?"
Hindi inimik ni Kiel ang binata na parang hangin lang sa harapan niya at itutuloy sana ang ginagawa pero hinila na siya nito patayo.
"Ano ba! Ano bang problema mo, lubayan mo 'ko!"
Mapaglaro pa rin ang ngisi sa mga labi ng bata nang pasadahan nito ng tingin mula ulo hanggang paa si Kiel. Nagtagal pa ang titig nito sa suot ng dalaga.
"Do you work here?"
"Ano naman sa 'yo." Singhal nito sa binata, iritable siyang nakita siya nito roon at iniisip na nagsinungaling lang siya rito. Iniisip niyang magyayabang lang ito at mang-iinsulto sa uri ng ngisi na ibinibigay ngayon.
Tumalikod si Kiel para sana maglakad papunta sa counter nang lumitaw ulit ang babaeng nakabunggo niya kanina.
"Where do you think you're going? Hindi pa 'ko tapos sa 'yo," amoy na amoy ni Kiel ang alak mula sa babae kaya nakumpirma niyang lasing na ito.
"Nag-sorry na 'ko, ano pa bang gusto mo? Hindi ko naman sinadya na paharang-harang kayo ng boyfriend mo at sa gitna pa talaga naghahalikan-"
"What! Kapal din ng mukha mo sumagot?" Umismid ito. "Okay, fine. Bayaran mo na lang ang mga nabasag mo. Akala mo you'd get away with it? Nasaan ang manager mo rito, ipapa-double ko ang bill mo!" Nanghahamon na lumapit ito kay Kiel. Habang nagumpisang manginig sa takot at iritasyon ang huli. "Hindi mo kaya? Waitress ka lang dito, natural hindi mo kayang bayaran ang 20k na 'yon!"
Hindi umiimik, lalagpasan sana siya ni Kiel nang hatakin niya sa damit ang huli.
"Ano ba!" Itinulak ni Kiel ang babae at nang magpapang-abot sila ay dumating naman ang kasama nitong lalaki para umawat.
"Bayaran mo rin ang dress ko! Bwisit na bwisit ako sa 'yo!"
"Heidi. Enough." Nakakrus ang mga braso sa dibdib nang lingunin siya ng babae at ni Kiel.
"Brent?"
"Just leave her alone. Mukha kang spoiled brat na nagwawala."
"But she ruined my dress, maaga pa at hindi na 'ko makapag-enjoy dahil dito! Plus this is designer! She should pay for it!" Sigaw niya pa na nakakahakot na ng atensyon.
Napatingin-tingin sa paligid si Kiel at nahihiyang nagyuko ng ulo. Hindi malaman kung saan tatakbo para magtago.
Sinugod na naman ito muli noong babae, sumisipa ang alak sa utak at nagwawala na sa galit. Pero bago pa siya tuluyang makalapit kay Kiel ay si Brent na ang pumagitna at bahagyang tumulak sa kaniya palayo.
"I said enough! I'll pay for it just shut the f**k up!"