XI. Love Bomb.
LUMIPAS ANG ILANG MGA ARAW, walang naging ibang routine si Kiel kundi ang pumasok sa eskwelahan para mag-aral sa umaga, matulog ng dalawa o tatlong oras sa hapon, at magtrabaho naman sa Galaxy Club pagdating ng gabi hanggang madaling araw.
Madalas ay pakiramdam niya tatagos na lang siya sa pader sa sobrang pagod at puyat pero wala siyang ibang pagpipilian. Lalo pa at araw-araw siyang nasesermonan ng sariling ina kung napapansin nitong ayaw na niyang magtuloy sa pagtatrabaho.
"Pasensya ka na, apo. Mapapagastos ka na naman. Pwede namang h'wag na natin 'yan bilhin, matanda na rin naman ako. Malapit na rin mawala." Pabirong saad ng Lola ni Kiel habang nakasakay sila sa pedicab.
Kakagaling lang nila sa isang maliit na clinic, siniguro niyang hindi niya makakalimutan na ipatingin sa doktor ang sariling lola bago pa magastos ng ina sa ibang bagay ang perang kinikita niya.
Marami itong niresetang gamot at mga laboratory tests. Lahat 'yon ay medyo may ka-mahalan ang presyo kaya naman hindi niya mapigilang titigan ang resibo na hawak.
"Lola naman, 'wag ho kayo magsalita nang ganiyan. Yayaman pa ako, gaganda pa ang buhay nating dalawa, titira nga tayo sa mansyon at tabing-dagat, 'di ba? Kaya magpagaling ka."
Umabot ang gastusin ng apat na libo. Wala pa roon ang mga tests na babalikan nila sa susunod na linggo. Inabisuhan na siya ng doktor na mapapamahal sila nang husto dahil bukod sa sakit nito sa puso ay hindi pa rin matukoy kung bakit hindi pa rin makalakad nang normal ang matanda.
"Magpalakas ka pa, Lola. Baka lumuwas tayo ng Maynila nito kung sakali, balita ko mas maraming magagaling na doktor do'n."
Ngumiti ang matanda. "Naroon nga rin daw ang mga malalaking ospital. Baka makalakad na 'ko kung sakaling doon nga tayo magpapatingin."
Niyakap ng dalaga ang lola niya. "Kaya magpagaling ka, ako na ang bahala sa pera."
"Hindi ba nasasagasaan ang pag-aaral mo?"
"Mababa nga ho ang iba kong grades."
Nag-aalalang bumuntonghininga ang matanda.
"Para! Diyan na lang ho sa bahay na may yerong pinto. 'Yung may puno ng santol sa gilid!" Malakas na saad ni Kiel sa driver ng pedicab. Pagkauwi nila ay sinalubong siya ng ina, pagalit pa itong nangsita dahil sa perang kinita nito noong nakaraang gabi na hindi idiniretso ng bigay sa kaniya.
"H'wag ka na makialam, Mama kung ano 'tong mga pinapagawa ko sa kaniya. Pare-pareho naman tayong makikinabang dito, lahat tayo may kanin at ulam sa plato dahil sa trabaho niya na 'yan!"
"Diyos ko, Marisol, wala ka ba talagang mas mataas na pangarap para riyan sa anak mo? Gusto mo lang na sumunod sa yapak mo? Parang wala ka pang natutunan sa sarili mong buhay at pinaggagawa para ipaulit pa 'yan kay Kiel. Bata pa 'yan, marami pa ngang pangarap 'yan!"
Mula sa pag-uusap ay napunta iyon sa away. Patuloy lang sa pagsisigawan ang nanay at lola ni Kiel sa buong maghapon, halos ilang araw na rin silang nagtatalo dahil hindi sang-ayon ang lola niya sa pagtatrabaho nito sa gabi at nag-aalala. Pero siya, nakatulala lang sa kung saan habang hinahalo ang tasa ng kape sa mesa at nagpapalaman ng mayonnaise sa monay.
Alas sais y media na ng gabi at ngayon pa lang siya kakain ng tanghalian niya. Kagigising niya lang at maghahanda na mamaya-maya para sa pagpasok naman sa trabaho. Gusto niya rin sanang umalma, ganoon ang ginagawa niya noong mga unang araw, nagrereklamo siya sa ina at gusto sanang malaman nito na hindi niya gusto ang ginagawa pero napagod na lang siya.
"Kung talagang may reklamo ka sa pagod at puyat, Kiel, aba'y 'wag kang tanga at huminto ka muna sa pag-aaral mo! Basta ang dapat mo munang pagtuunan ng pansin ngayon ay kung paano tayo magkakapera! Marami tayong gastusin, maging praktikal muna tayo! Hindi tayo mayaman para mag-inarte! At mas lalong hindi tayo mayaman para unahin mo pang mag-aral aral diyan!"
Nanahimik na lang ang matanda at nanatiling nakaupo sa kahoy na papag nito. Kumpleto ang gamot niya sa mga nagdaang araw, salamat sa kinikita ni Kiel na libu-libo kada gabi pero halos walang gabi naman na hindi ito nababastos sa lugar.
Kamot-ulong nilingon ni Kiel ang ina habang kinukunutan ito ng noo. "Ma, pwede ba? Kahit ilang oras lang? Bigyan mo muna ako ng katahimikan. Mag-aaral pa rin ako sa umaga tapos sa gabi gagawin ko 'yong gusto mo pero pwede ba, 'wag ka nang talak nang talak. Nakakapagod ka."
Nagtawanan ang mga nakarinig sa pagsasalita bigla ni Kiel. Mula sa pakikipag-usap sa ilang mga kapitbahay sa b****a ng pintuan ay nameywang ang ina nito at hinarap siya, bahagyang napahiya sa mga kausap at katabi na kumare.
"Ikaw umayos-ayos ka ng pananalita mo sa 'kin ha. Hindi porke't malakas ka na kumita e may karapatan ka na gumanyan-ganyan sa 'kin. Sino nagpasok sa 'yo ro'n? Ako! Tandaan mo 'yan!"
"Hindi ko naman 'yon nakakalimutan. Ang sarili kong nanay ang nagpasok sa 'kin sa club. Palagi ko 'yan natatandaan kada may hahawak sa pwet ko na matandang lalaki sa club." Mahinahon ngunit sarkastikong bwelta ni Kiel habang nagsasandok naman ng kanin at ulam sa plato niya.
Masarap ang ulam nila, nakakabili na sila ng isang buong manok dahil sa perang kinikita niya. Hindi na sila napupurga ng puro sardinas at bagoong. Kahit papaano ay masaya siya sa parteng 'yon.
"Normal 'yan! Hawak lang naman, e! Hindi ka naman ikinakama, hahawak lang! Isipin mo na lang na nagagandahan sila sa katawan mo, may kapalit naman na pera. Hindi ka na talo!"
Napangiwi na lang si Kiel sa naging sagot ng nanay niya at hindi na ito nilingon pa. Hindi siya makapaniwala pero wala naman siyang ibang magagawa kundi ang maumay nang patago sa kung paano ito mag-isip.
"Talaga ba malakas na kumita si Kiel?" Bulungan at pakiki-usyosa ng mga kumare ni Marisol.
Nakatambay ang mga ito sa pintuan ng bahay nila Kiel, nakikipagkwentuhan kay Marisol at maya-maya lang ay uutangan na ito.
"Oo! Mahina na ang limang libo kada gabi, bukod pa ro'n ang talagang sahod niya sa pag-waitress! Kaya nga nakakabayad na ako ng utang sa tindahan ni Rodora, e! Sa susunod naman magpapa-pansit ako rito sa street natin, sagot ko 'yan lahat!" Pagmamayabang nito sa mga kausap.
"Ay, naku! Kailan 'yan, dagdagan mo na ng lechon para naman masaya talaga tayong lahat!"
"Oo nga, mag-Mahjong muna tayo sa ngayon. Sino ba mga nariyan, tawagin niyo na at makapaglaro na tayo!"
Malalim na humugot na lang ng paghinga si Kiel at nagpatuloy sa pagkain habang nag-scroll sa telepono niya. Lumitaw maya-maya ang unread messages mula kay Gino.
From: 01
Hi, good evening. May class ka ba kanina? Hindi kita nakita sa hallway. Hindi ka rin nagre-reply.
To: 01
Mayroon po. Umuwi lang po kasi ako kaagad.
From: 01
i missed you. can we meet tonight? i need you..
Inabot ng ilang segundo si Kiel sa pagtitig sa mensahe. Hindi niya alam kung ano ang ire-reply. Ayaw niya sana, may bakanteng oras pa naman na matitira kung sakaling kitain niya nga ito bago siya pumasok sa club pero ayaw talaga niya.
Nag-isip siya ng ipapalusot at magtitipa na sana ng reply pero nauna na ang kausap na mag-send ulit ng isa pang message.
From: 01
Hindi na madalas ang mga reply mo sa mga texts ko these past few days. Iniiwasan mo ba 'ko? :)
From: 01
Anyway siya nga pala, may ie-email ako sa 'yo na file. Gusto kong tignan mo mabuti.
Nag-notify kaagad ang sinend nitong email na file. Pagbukas ni Kiel ay tumambad ang overall grades niya para sa Prelims, lahat ng major subjects ay naroon. Pati na rin ang mga grades niya sa lahat ng subjects niya sa first half ng Midterms.
Markado ng pula ang mga ibinagsak niyang nagdaang quizzes at exams. Halos nabitawan ni Kiel ang hawak na kubyertos at naitukod ang siko sa mesa para sapuhin ng palad ang ulo.
Napapangiwing sumakit ang ulo niya at kaagad na namroblema.
From: 01
Honestly, your grades are beyond saving thru normal means anymore, Kiel. Kaya nga kung iniisip mo na naman na umiwas sa 'kin, isipin mo na lang ang magulang at lola mo. Ano na lang ang mangyayari sa inyo kung sakaling hindi ka na makakapagtapos ng pag-aaral? Mahal ang tuition fee rito kung wala kang scholarship, malayong-malayo naman ang ibang public universities at colleges mula sa lugar ninyo.
From: 01
But don't worry because I got your back, nagawan ko na ng paraan so you owe me a lot now. Bilang bayad, all you have to do is stay with me and be obedient.
From: 01
Concern lang ako sa 'yo. :)
Daig pa ni Kiel ang binuhusan ng malamig na tubig noong mga unang segundo, at nang mabasa ang pangalawang mensahe mula sa kausap ay tila nakahinga nang maluwag pero mabigat pa rin ang dibdib.
Pakiramdam niya ay napupuno siya ng 'utang' sa buhay niya ngayon.
To: 01
Saan at anong oras tayo magkikita.
SINUNDO siya ng kotse nito sa liblib na lugar malapit sa bahay nila. Nagulat pa si Kiel nang mabungaran ang bouquet ng bulaklak na iniabot nito pagkaupo niya sa loob.
"Para sa 'kin?"
"Yes, flowers for you."
Nag-aalinlangan na tinanggap 'yon ni Kiel at nagtatakang nag-angat ng tingin sa lalaki.
"Bakit... ano pong mayroon?"
"Wala naman. Gusto ko lang iparamdam sa 'yo na thankful ako dahil mayroon akong ikaw, just.. you know, a token of appreciation because you exist, and you chose to be by my side no matter what."
"Thank you po, Sir..."
Hinalikan siya nito sa labi, ilang segundong pinalalim 'yon hanggang sa bumitaw at pinagmasdan ang mga mata niya.
Hinaplos nito ang kaniyang mga mata. "Your eyes look tired and sleepless. Sa pag-aaral ba? Mabuti na lang pala at inaya kita lumabas. You need to de-stress and relax paminsan-minsan."
Malungkot na natawa lang siya bilang tugon sa sinabi nito.
"Wala po akong idea kung pa'no ko 'yan gagawin."
"Kaya nga ako nandito e. Concern ako sa 'yo, at nag-aalala rin ako para sa 'yo. Consider this as our date." Nagmaneho ito palayo sa kanilang lugar. "Baka kasi.. isipin mo na ako lang ang sumasaya sa deal nating dalawa. Hindi naman kita papabayaan honestly."
"Thank you po. Pero.. hindi po ba kayo hahanapin sa inyo? Baka po-"
"'Wag mo nang isipin 'yan."
Natahimik si Kiel at sumulyap na lang sa bintana.
Nakikipagkwentuhan ang lalaki sa kaniya at pinipilit niyang ipakita rito na masaya rin siya at komportable na kasama ito sa buong oras, kahit na ang totoo ay nag-aalala siya at nakakaramdam ng konsensya. Kahit ipinapasok nito sa isipan niyang 'normal' at 'walang mali hangga't walang makakaalam', alam naman niyang mali ang pinasukan niyang 'set up' at hindi na makapaghintay pang matapos 'yon at makaalis mula ro'n.
"We're finally here. 'Wag kang mag-alala, I'll pay for everything."
Dinala siya nito sa magandang restaurant. Overlooking ang view sa bandang itaas kaya naman relaxing at calming ang environment. Hindi napigilan ni Kiel ang matuwa at magpasalamat sa lalaki kahit na nahihiya.
Kumain sila ro'n at nagkwentuhan. Hanggang sa umabot ang usapan sa mga personal niyang problema, sinabi niya ang lahat dito at nakaramdam ng 'gaan' sa dibdib nang mapagtantong may nakikinig sa problema niya.
"Hindi ko po talaga 'to nasasabi sa mga kaibigan ko, nahihiya na 'ko sa kanila. Pakiramdam ko magdadagdag lang ako ng bigat sa kanila kapag nag-open up pa ako."
"Oo, may sari-sarili rin silang pinoproblema ngayon. Napag-alaman ko lang din recently. I suggest na h'wag ka nang magsabi ng problema sa iba, ako nandito naman at palaging one chat o call away. Makikinig ako sa 'yo, Kiel." Hinawakan nito ang kamay ng dalaga sa mesa at ngumiti.
Nagpunas ng luha sa mga pisngi ang dalaga at inabutan ng tissue ni Gino.
"Maraming maraming salamat. Malaking bagay na 'yong may nasasabihan, pero sa 'yo pakiramdam ko hindi mo 'ko hinusgahan kahit pa ang daming problema ko ang napagusapan natin. Hindi ko alam kung na-enjoy mo pa 'tong lugar at pagkain sa mga topic natin..." nahihiya at bahagyang natatawa na saad ni Kiel.
Umiling ang lalaki. "No, it's okay. 'Yon nga ang goal ko, maramdaman mo sa 'kin na hindi lang tayo iba sa isa't isa. From now on, consider me as your best friend. Nandito lang ako para sa 'yo." Ani nito. "Kahit nga pautangin pa kita ng pera, ayaw mo lang din kasi e."
"Hindi na po... 'wag na po 'yon. 'Yong may makausap lang na hindi nanghuhusga, ayos na po 'yon sa 'kin." Hindi niya binanggit dito ang patungkol sa pagtatrabaho niya sa club at tanging pag-aaway lang nila ng ina, at financial struggle niya lang sa kalusugan ng lola niya ang nabanggit dito.
Ayaw niyang may makaalam na nagtatrabaho siya sa club. Nahihiya siyang baka kung ano lang ang isipin ng mga makakaalam kahit pa malalapit na kakilala niya ang mga ito.
"'Di ba, complete package na ako. Pwede mong best friend in difficult times, natutulungan pa kita sa academics, literal na tulong! Pera, pwede rin kung gusto mo. And lastly, nasa-satisfy pa kita sa s****l needs," namula ang mga pisngi ni Kiel sa huli nitong sinabi. Tumawa ang lalaki at umiling. "Inaasahan kong hindi mo na 'ko iiwanan nito? Nandito ako kapag kailangan mo 'ko, at kapag kailangan kita 'yon lang gusto ko, 'wag kang aayaw."
Naglihis ng tingin si Kiel at nagyuko ng ulo. "Hindi ko naman po 'yon naiisip na gawin..."
"Good."
Sa mga nagdaan na araw, halos manibago si Kiel sa mga espesyal na regalo na basta na lang ibinibigay ni Gino sa kaniya tuwing magkikita sila. Mga damit, alahas, pagkain na naiuuwi niya pa sa kaniyang Lola. Dumadalas din ang pag-aya nito sa kaniya na maipasyal siya sa mga lugar na nagugustuhan niya sa sobrang ganda, lahat ng gastos doon ay libre pa nito.
Hindi nawala ang pakikinig nito sa tuwing may problema siya. Ang bawat text messages at conversation nila roon ay naging mas kalmado at uplifting sa parte ni Kiel, pakiramdam niya ay may 'kakampi' siya bigla sa mga nangyayari sa buhay niya.
Naging 'extra' ang lahat ng ipinaparamdam nito sa kaniya, inuulan siya ng atensyon, oras, at 'pagmamahal' gaya ng sinasabi nito. Kaya naman mas naging magaan sa loob niya ang pakikipagkita at pakikipag-usap dito sa mga lumilipas pa na araw.
Na para bang 'totoong may relasyon' sa pagitan nila.
"Can we have an endearment? Ayoko naman na Sir or Sir Gino ang tawag mo sa 'kin kapag tayo lang." Natatawang saad ng lalaki. "Saka espesyal naman tayo sa isa't isa 'di ba? Hindi rin naman tayo nasa university pa para maging ganito ka-formal. Nagse-s*x na nga tayo, e. Or make love?"
"E-Endearment?"
"Maganda ba kung 'love'? You know..."
Naiilang na nagbuga ng mahinang pagtawa si Kiel. "Pero hindi ako sanay. Wala pa po akong nagiging boyfriend saka-"
"Just call me that. Magagalit ako kapag hindi mo 'ko sinunod. Also, quit using po and opo especially kung tayo lang naman ang magkasama." Nakangiting putol nito sa sasabihin dapat niya, nakangiti pero may himig ng pagbababala.
"O-Okay."
"And about our offer to you na sa bahay ka muna, napagisipan mo na ba?"
Namilog ang mga mata ni Kiel. Hindi niya bigla alam ang isasagot, mas hindi niya na kasi pwedeng tanggapin 'yon ngayon dahil lumalabas siya sa gabi hanggang magmadaling araw, nagtatrabaho siya sa Galaxy Club.
"Um... kasi malubha na 'yung lagay ni... ni Lola. Kailangan niya ako, e. Kailangan niya ng mag-aalaga sa kaniya kaya hindi pwedeng basta lang ako umalis ng bahay namin, hindi ko naman maasahan 'yung nanay ko. A-Alam niyo naman ang ugali no'n, naikuwento ko naman..." Binuksan niya ang bag nang maalalang naroon pa ang resibo sa clinic at reseta ng mga gamot nito sa consultation. "Heto nga 'yung reseta sa kaniya, sobrang dami."
"Gano'n ba." Tinignan 'yon saglit ni Gino at ibinalik sa kaniya, bumubuntonghininga. "All right, then."
"P-Pero sobrang na-appreciate ko ang offer niyo na 'yon. Napatunayan ko na talagang may malasakit kayo sa 'kin... lalo na si Ma'am Althea, kaya minsan hindi ko talaga maiwasang ma-guilty. Sigurado ka ba talaga na... nakakatulong 'tong mayro'n tayo? Hindi ba parang kabaliktaran naman 'to?"
"Ayan ka na naman." Natatawa nitong pagputol sa sinasabi niya.
"Seryoso ako. Iyon talaga ang nararamdaman ko, paano naman kung malaman niya 'to maiintindihan niya ba kung sa kaniya mo sinabi 'yung dahilan mo-"
Nabigla si Kiel nang hatakin siya nito sa braso. "Una sa lahat, hindi niya pwedeng malaman." Nagbaba siya ro'n ng tingin dahil sa higpit ng hawak nito sa kaniya. "Kaya wala kang dapat na pagsabihan, kahit isa. Kung ayaw mong magkagulo tayong lahat. Gusto mo ba 'yon, na magkagulo kami dahil sa 'yo?"
"S-Syempre ayoko."
"Good! Ayoko nang makarinig ng ganiyang uri ng mga tanong. Simple lang naman, Kiel, eh. Susunod ka lang sa mga sinasabi ko at sasabay ka lang sa agos, alam ko ang mga ginagawa ko. You just have to trust me. Fully. Naiintindihan mo?"
Natulala si Kiel sa mga mata ng kausap. Biglang naiba ang mood nito at tono ng pananalita, napansin niya nang sa tuwing hindi nito nagugustuhan ang mga sinasabi at itinatanong niya ay tila nahuhubad ang maskara nito na masaya at kalmado.
Bahagya siyang nakaramdam ng takot.
Matapos ang ilang mga minuto pang pag-uusap ay ibinaba na siya nito sa kanto malapit sa Galaxy Club, nagpalusot siyang bibili lang ng gamot at magco-commute na lang pauwi ng bahay mismo pagkatapos kaya roon siya nito ibinaba.
Nang makumpirmang nakaalis na ang sasakyan nito ay nagmamadali naman na naglakad-takbo si Kiel papuntang club. Late na siya ng isang oras! Kailangan niya pang magbihis at mag-makeup pagpasok.
"Someone's running late already."
Paglingon ni Kiel sa kabilang daan ay natagpuan niya si Brent na nakatayo sa gilid ng street light, nakangising kumaway ito sa kaniya. Kasama nito ang mga kaibigan at nagyo-yosi habang nag-uusap usap.
"Hi there, Krisiane Eline."
Halos mapamura si Kiel sa isipan nang makumpirmang si Brent nga iyon.
Ilang gabi niya rin hindi nakita sa club ang binata, parang answered prayer nga 'yon sa kaniya dahil ayaw niya itong makita muna. Nasstress lang siya kapag nakikita ito, naaalala niya ang 20k niyang utang.
Nagtinginan din ang mga kasama nitong kaibigan sa kaniya dahil sa pagbati na ginawa ng binata, at nangingising may sinabi sa isa't isa na hindi na niya narinig pa dahil nasa kabilang daan ang mga ito.
Iyon pa naman ang ayaw niya, mga lalaki sa club na nakangisi. Pakiramdam niya kasi ay lahat ng mga iyon ay lasing at bastos.
Inirapan niya lang si Brent at mas tumakbo na papasok sa loob ng Galaxy Club.