Jhonalyn's POV PAKIRAMDAM ko may humahaplos sa aking balat. Ramdam ko ang hangin na tumatama sa aking mukha. Nasaan ako? Nananaginip ba ako? Unti-unti kong iminulat ang aking mga mata. Tumambad kaagad sa aking paningin ang manipis na puting kurtina na nililipad ng hangin. Napabalikwas kaagad ako ng bangon nang maalala ko ang nangyari. Ang huli kong natatandaan ay ang pagtakip ng taxi driver sa aking ilong gamit ang kakaibang amoy na panyo kaya unti-unti akong nawalan ng malay. Nagbaba ako ng tingin sa aking katawan. Nakahinga ako ng maluwag sabay sa paghimas ng aking noo dahil nakita kong kompleto ang suot ko. Ito pa rin naman ang suot ko, walang nagbago. Ibig sabihin, walang ginawang masama sa akin ang taxi driver. Wala rin naman akong nararamdaman na kakaiba sa aking katawan.

