"PLEASE? Mamaya na ako uuwi. Dito muna ako, please, mga isang oras pa." Napairap ako nang magpaawa na naman si Noah sa akin. Kanina ko pa kasi siya pinapaalis dahil anong oras na at kailangan na niyang umuwi. Pero dinadaan-daan niya ako sa pagpapaawa niya para bigyan ko pa siya ng extra time para manatili pa rito sa bahay.
"Noah, tigilan mo nga ako! Umuwi ka na dahil kanina pa tapos ang oras mo. Baka hinahanap ka na nga sa inyo, eh!"
Bumagsak ang mga balikat niya nang sabihin ko 'yon. Dumaan ang lungkot sa mga mata niya at bigla naman akong nakonsensya.
"Sige pero... sumama ka sa bahay." Umikot ang mga mata ko sa kanya. Ang kulit talaga ng isang 'to! "Hindi pa man nga ako umaalis, nami-miss na agad kita."
"Hay nako, ewan ko sa 'yo," umiiling sambit ko. "Hindi pa tayo mag-asawa, ano?!"
"Edi, magpakasal na tayo bukas din para magkasama na tayo sa isang bahay at masolo na natin ang isa't isa, masolo na kita," dere-deretsong anito animong kay daling gawin ng kanyang hinihiling.
"Hay, bahala ka nga diyan! Kung ano-ano mga sinasabi mo."
"I'm just kidding. Sige, aalis na ako," aniya habang natatawa.
Ngumuso ako. "Gustong-gusto mo talagang nakikipag-argumento pa, ano?" Nakataas na ang isa kong kilay.
"Gustong-gusto ko lang kasing nakikita ang reaksyon mo," aniya. Lagi siyang gan'yan, parang nas-satisfy siya kapag naasar niya ako.
"O sige na, umalis ka na."
Tumayo na siya mula sa kama at lumapit sa akin. Niyakap niya ako mula sa likod ko saka hinalikan pa sa puno ng tainga ko. Napapikit ako bigla sa dulot ng kanyang ginawa. At nakaramdam ng kakaibang sensasyon, para bang may kakaibang dumaloy na kuryente sa buo kong katawan matapos niyang gawin 'yon.
"I love you... I love you, Angelique," masuyong sabi niya. Napangiti naman ako bigla.
"I... I love you," sabi ko. Hindi ko naman 'yon first time na sinabi, pero hindi ko 'yon madalas sabihin.
Humiwalay siya sa pagkakayap sa akin at hinarap ako sa kanya. At naramdaman ko na lamang nga ang malambot niyang labi sa akin. Gano'n ba ako ka-nawawalan ng pokus kapag malalam siyang nakatingin sa akin kung kaya't hindi ko napansing ninakawan na niya ako ng halik? Pero sa huli ay natagpuan ko na lamang ang sarili na gumaganti sa mga halik niya.
Mabagal ang aming paghahalikan. Nang naghiwalay ang aming mga labi, tumitig kami sa isa't isa at hindi nagsasalita. Tanging t***k lamang ng mga puso namin ang naririnig ko. Sobrang lakas ng t***k ng puso ko, hindi 'yon makalma sa paghuhurumentado kaya uminit ang pisngi ko sa nararamdaman ko ngayon. My heart is beating so fast... And it's for him?
"Matulog ka na. Pagkatapos mong makatulog ay aalis na ako. Pero babantayan muna kita, ok? No buts," seryosong wika niya. Napailing na lamang ako at bahagyang tumango. Hinayaan ko na lamang siya.
"TODAY, the field of education gains a very promising new addition. Congratulations on your graduation and best of luck in your teaching career!"
Naluha ako sa sobrang saya nang matapos sa pagsasalita ang MC sa entablado. Sawakas, pagkatapos ng ilang buwang paghihirap at pagtitiyaga, tuluyan na nga akong isang magiging ganap na guro. Nakapasa ako sa exam at nagkaroon din ng sertipiko.
"Sawakas, anak!" maluha-luhang panimula ni mama nang matapos niya akong salubungin ng yakap. Kitang-kita ko sa kanilang mukha kung gaano sila kasaya dahil worth it rin ang pagtitiyaga nila para makapagtapos lamang ako sa aking kurso.
"Nakapagtapos ka rin, salamat sa Diyos," mungkahi naman ni papa.
Yes, I made it! And I'm ready to face my new journey after this. I'm excited to explore and enjoy everything. I thought, it's impossible for me to pass it but then, 'congratulations' means success.
"Congratulations, Angelique!"
Lahat na lang ay 'yan ang naririnig ko mula sa mga kakilala kong nakakasalubong namin. Pati sa mga kapitbahay namin ay puno ng papuri at pagco-congratulate ang natatanggap ko mula sa kanila nang umuwi kami ng bahay. At tulad nga nang isang taon, naghanda muli si mama ng iba't ibang pagkain bilang pag-celebrate namin sa graduation ko kanina.
"ANO nga pala ang napag-usapan ninyo ng nobyo mo, anak? Kailan ang kasal ninyo ni Noah?" Halos masamid ako sa tanong 'yon ni papa. Napainom tuloy ako bigla ng tubig at hirap na nilunok ang kinakain.
"P-Pa, m-malayo pa po 'yon," nahihirapan kong sagot.
Bigla ko tuloy naisip ang bagay na 'yon ngayon dahil sa pagbubukas doon ng topic ni papa. Lumipas ang ilang buwan at hindi naman namin 'yon gano'n pinag-uusapan ni Noah. Bukod sa iniiwasan ko ay ayokong isipin muna.
"E-excited naman po yata kayo?" pabiro kong tanong kahit pa nailang na ako roon.
Mabuti na lamang at sina mama at papa pa lang ang kasama ko ngayon, mamaya pang gabi pupunta si Noah dito dahil may tinatapos pa siya na importanteng bagay. Kaya kapag nagkataon na kasama na namin siya ngayon ay baka mas lalo akong nautal o 'di kaya naman ay hindi na nakapagsalita.
"Ay hindi naman. Gusto lang namin malaman ng mama mo kung ano ang plano ninyong dalawa ngayong tapos ka na sa pag-aaral at patapos na rin siya."
Plano. Ano nga bang plano namin? Anong plano ko? Hindi ko alam, kailangan ko bang isipin 'yon ngayon? It's a big responsibility and a long time commitment when we got married. Parang wala pa sa utak ko ang bagay na 'yon dahil kahit nang tanggapin ko ang alok na kasal ni Noah ay wala pa akong naging plano para sa aming dalawa. Ni hindi ko nga naisip na planuhin ang future ko nang kasama siya, sadyang nakatutok ang isip ko sa mga pangarap ko sa buhay. Kahit pa naman kami, never kong inuna ang pag-ibig kaysa sa mga prioridad ko.
"H-hindi pa po namin napag-uusapan ni Noah ang tungkol diyan, papa," sabi ko.
"Kung gano'n ay mag-pokus na muna kayo sa career ninyong dalawa. At kapag naging stable na kayo ay doon na ninyo ituloy ang kasal," singit ni mama.
Na-kwestyon ko ang sarili nang mga sandaling 'yon. Sapat na nga ba ang pagmamahal ko para magpakasal kay Noah? Para ialay ko ang buhay ko sa kanya? Mahal ko siya pero... pero may pero. Laging may kaakibat na pero. May kailangan pa akong dapat unahin na mas importante kaysa sa kanya. Kaya hindi ko alam, hindi ko alam. Laging na lamang nagtatalo ang isip at puso ko kaya lagi akong nalilito sa mga desisyon ko.
"LOVE, let's get married?" Naging dahan-dahan ang pag-angat ko ng tingin kay Noah matapos niyang sabihin 'yon.
Sinubukan kong ibuka ang bibig ko para magsalita at sumagot, pero sadyang wala akong mahanap na salita na mailalahad sa kanya.
"Anong satingin mo?" Pumunta siya sa likod ko at niyakap ako. Dinantay niya ang kanyang ulo sa aking balikat at alam kong hinihintay niya pagtugon ko.
"B-bakit, gusto mo na bang matali sa akin?" Tinignan ko siya at sagot naman niya ngayon ang hinihintay ko.
"Bakit hindi? Matagal ko nang gustong matali sa 'yo. At kapag ikinasal na tayo, mas mapagtutuunan na kita ng atensyon, mas maaalagaan na kita at mapagsisilbihan. Gusto ko kayang maranasan na uuwi ako nang bahay at sasalubungin mo ako sa pinto mula sa trabaho ko. I always wanted to see you at home, Angelique, in our own home. At mangyayari lang 'yon kapag pinakasalan mo na ako."
Sandali kong pinag-isipan ang sinabi niya. Kapag naging isa na kami, anong mangyayari? Ang mala-fairytale ba na buhay ay maibibigay niya sa akin? Saka, may una na akong plano bago pa ang kasal na 'yan. Ang sabi ko ay pupunta ako ng States at pagkatapos no'n ay doon ako magtuturo at doon hahanapin ang mas maganda opportunity para sa pamilya ko. Pero bakit ngayon, nahihirapan akong pumili? Hindi na lamang sa pagtatrabaho sa ibang bansa ang iniisip ko ngayon, pati na rin ang sa amin ni Noah, ang mga plano niya, at siya.
Kapag umalis ako ng bansa, hindi matutuloy ang kasal. Kapag hindi naman ako umalis at dito na lang hinanap ang oportunidad na hinahanap ko, mananatiling kami ni Noah at madagdagan lalo ang responsibilidad ko sa relasyon namin. Anong pipiliin ko ngayon? Kasaganaan para sa pamilya ko o sa piling niya?
"Ok," wika ko, humiwalay siya sa akin at naguguluhan akong tinignan.
"What do you mean?" kunot-noong tanong niya. Bumuntong hininga ako bago nagpatuloy na nagsalita.
"Ok sige... magpakasal na tayo," paglilinaw ko na siyang ikinasigaw niya sa tuwa.
After that night, tila ba wala namang pangamba akong naramdaman nang pumayag na ako nang tuluyan sa alok niya. Bagkus saya, saya ang naramdaman ko nang mga sandaling iyon. Para bang walang pagsisisi na sumagot ako ng oo. Naguluhan ako nang una pero nang sumagot ako, nawala ang tinik sa puso ko. Sana lang ay tama nga ang desisyon ko... sana.