CHAPTER 1
Nag-iinit na ang ulo ni Florence sa kahahanap kay Ismael at Esmeralda. Hindi na siya natutuwa sa ginagawa ng mga pamangkin niya. Kanina pa siya pinagtataguan ng mga ito dahil lang sa kagustuhang makipaglaro sa kaniya. Naiiritang pinusod niya ang kulot na buhok bago sinilip ang ilalim ng mesa. Wala doon ang mga pamangkin niya. Tumungo siya sa likuran ng flower shop at nakapamaywang na tumawag.
“Bibilang ako hanggang sampu, Ismael at Esmeralda! Kapag hindi pa kayo lumabas ay talagang pauuwiin ko na kayo sa inyo!” malakas niyang pahayag habang ang mga mata ay gumagalaw sa paligid ng hardin. Ang likuran ng shop ay karugtong ng kaniyang hardin. “Isa! Dalawa! Tatlo!” Sa pagbibilang niya ay nakarating na siya ng bilang siyam pero walang batang nagpapakita. “Talagang iniinis ninyo akong dalawa. Tatawag ako sa mommy ninyo at huling punta ninyo na dito… Sam—ay anak ng tikbalang!” irit niya nang mula sa likuran nang nakahilera niyang mga paso ay tumatakbong lumabas ang mga bata.
“Ismael! Esmeralda!” irit niya at dali-daling hinabol ang dalawang pamangkin na tumakbo papasok ng flower shop. Dahil madalas niyang kasama ang dalawa bata sa shop ay madali lang sa mga ito na nakabisa ang pasikot-sikot ng shop. Lumusot sila sa ilalim ng stand at lalagyan ng naglalakihang mga paso. Nalusutan siya ng mga ito bago humahalakhak na tumakbo palabas ng flower shop.
“Habol, Tita Florence!” tumatawang saad ni Ismael na binigyan pa siya ng isang malawak na ngisi habang tumatakbo.
“Talaga nga naman ang mga batang ito. Last ko na talaga itong pagbabantay sa mga batang ito. Ibabalik ko na kayo sa nanay ninyo,” naiinis niyang bulong habang nakasunod sa dalawang bata na tumatawang nakalabas ng shop.
“Bilisan mo, Esmeralda!” tawag ni Ismael sa kakambal. Nilingon pa nito ang kapatid na hawak ang laylayan ng mahabang bestida upang hindi madapa sa pagtakbo. “Aabutan na tayo ni Tita Florence.”
“Oo, hintay lang!” malakas na turan ni Esmeralda na kahit malapad ang ngiti ay hindi magkaintindihan sa pagtakbo.
“Itigil ninyo na iyan at baka mamaya ay masak—Ismael!” namimilog ang mga matang napairit siya nang makita ang pamangkin na tumakbo patungo sa tabing-kalsada kung saan isang Toyota Hilux ang palapit.
“Ismael, wag diyan!” sigaw naman ni Esmeralda.
“Ismael!” sigaw niya na sinundan nang sunod-sunod na malalakas na busina. Halos lumuwa na ang dibdib niya sa lakas ng kabog niyon habang nakatingin sa pamangkin na nakatayo at tilala natulala sa harap ng pick-up. Binilisan niya ang pagtakbo at nilagpasan si Esmeralda para malapitan si Ismael. Nang malapitan ay kaagad niyang hinila ito at niyakap nang mahigpit. “Diyos ko, Ismael. Salamat sa Diyos at hindi ka nasaktan,” bulong niya sabay layo dito upang tiyakin na hindi talaga ito nasaktan. Umupo siya para magpantay ang mukha nila bago inikot-ikot ito. “Wala ba talagang masakit sa’yo?” paninigurado niya kahit na kitang-kita niyan hindi naman ito nalapatan man lang ng sasakyan.
Nakatulalang umiling si Ismael. “Wala po, Tita Florence.”
Nakahinga siya nang maluwag.
“Sinabi ko sa’yo eh. Doon na lang tayo sa garden,” singit ni Esmeralda na kahit tila naiinis sa kakambal ay nag-aalala rin.
“Grabe kang bata ka. Pinag-alala mo ako ng sobra.”
“Sorry, Tita Florence,” hinging-paumanhin ni Ismael. “Gusto lang naming makipaghabulan sa’yo.”
Umiling-iling siya. “It’s okay. Basta hindi ninyo na uulitin ang ganoong laro. Hindi nakakatuwa iyon. Baka mamaya ay masaktan na kayo.”
“Hindi talaga. Hindi magandang laro ang habulin mo ang mga bata patungo sa lugar na maaari silang mapahamak. Kapabayaan iyon.”
Napaangat ng ulo si Florence ng may sumabat sa usapan nila. Seryoso at buong-buo ang tinig nang nagsalita kaya alam niyang sa isang lalaki iyon. Tumungo ang mga mata niya sa matangkad at matipunong lalaki na hindi nila namalayang nakalapit na sa kanila. Nagpapanting man ang tenga dahil sa sinabi na estrangherong lalaki ay hindi niya mapigilang mapasinghap nang masilayan ito. Nakasuot ito ng itim na t-shirt na may nakasulat na ARMY sa bandang dibdib. Hapit na hapit sa katawan nito ang suot na damit kaya kitang-kita niya ang malapad na dibdib nito at ang naglalakihang muscles sa braso. Naka-cargo pants ito at black boots na lalong nagpatikas sa tindig nito.
Taas-noo siyang tumayo at hinarap ang lalaki. “Sorry?”
“Miss, hinahabol mo ang mga bata papunta dito sa kalsada. Paano na lang kung nasagasaan sila?”
“Well, Sir. With all due respect lang po pero hindi ko sila hinabol.”
“Hindi? Pero ano iyong nakikita kong tumatakbo silang dalawa habang ikaw ay ganoon din? Mabuti na lang at nakita ko kaagad kayo sa malayo kung hindi ay baka nasagi na siya ng sasakyan ko.”
May point ito sa sinabi nito pero hindi siya papayag na mabalewala ang punto niya. “Hindi ko sila hinahabol kundi sinasaway ko sila. There’s a big difference between the two.”
“At hindi sila magpapasaway sa’yo kung hahabulin mo sila.”
“At the very least, hindi ko nga sila hinahabol!” eksperadong bulalas niya. “Ano bang mahirap intindihin doon?”
Natahimik ang lalaki habang tinititigan siya. “Miss, nagpapaliwanag lang ako bakit nagagalit ka?”
“Hindi ako nagagalit. Nagpapaliwanag lang din ako,” pahayag niya habang ikinukumpas ang isang kamay.
“Tumataas ang boses mo.”
Kumibot ang labi niya bago nagsalita. “Okay.” Huminga siya nang malalim bago nagsalita. “Sorry, pero hindi ko sila hinahabol,” wika niya sa malumanay na pananalita.
“Kung iyan ang paliwanag mo ay hindi kita masisisi.” Tumaas ang sulok ng labi nito. “But you know what? You looked familiar.”
Umangat ang isang kilay niya. “Come again?” Hindi niya inaasahan ang sinabi nito.
“Kilala kita.” Tinitigan siya nito nang maigi. “Hindi ako pwedeng magkamali. Ikaw talaga iyon.” Simula sa pagiging seryoso ay lumawak ang ngiti nito.
“Seriously?” hindi makapaniwala niyang tugon.
“Wait. I’m thinking your name.” Muli siyang pinasadahan nito ng tingin at tumahimik na para bang nag-iisip.
Alam niya na ang mga ganoong galawan. Kunwari ay kilala siya para lang makuha ang pangalan niya. Kapag nakuha na ang pangalan niya ay hahanapin siya para i-chat and the rest was history. “Well, hindi kita nakikilala, Sir.” Diretsa niyang wika bago binalingan ang dalawang bata. “Ismael at Esmeralda, pumasok na kayo sa loob.”
“P-pero, Tita,” nag-aalangang usal ni Ismael pero kagyat niyang pinanlakihan sila ng mata.
“Hindi ko na uulitin ang sinabi ko. Enough with your games,” matigas pa niyang turan.
Napipilitang tumango ang dalawa at magkasunod na pumasok sa shop.
“I thought they were your children,” saad ng estrangerong lalaki nang balingan niya ito.
“Hindi, Sir. Humihingi ako ng despensa sa nangyari. Wala namang nasaktan at wala naman pong nasira kaya sana ay maayos nating tapusin ito.” Pilit niyang pinagalang ang pasasalita lalo pa at alam niyang sundalo ang kaharap. Hindi sa natatakot siya. She’s just trying to be civilized.
Humakbang ito palapit sa kaniya. “Hindi mo talaga ako nakikilala?” tanong nito sabay kiling pakanan ng ulo.
Tinitigan niya ang lalaki. Kung hindi ito nakasuot ng ganoong uniporme ay iisipin niyang modelo ito. He had an almost perfect chiseled jaw, nice dark brows, prominent nose and full lips. Matangkad si Florence pero kailangan pa niyang tumingala para lang mas mapagmasdan nang maayos ang mukha ng estranghero. Malapad ang balikat at dibdib nito at hindi maiikaila sa braso nito na batak iyon sa trabaho. At hindi niya na kailanagang hulaan pa kung anong nasa likod ng cargo pants nito. His thighs might be as powerful as his biceps.
“Hindi mo pa rin ako nakikilala?” untag nito sa kaniya. Mas lumapad ang pagkakangiti nito na tila pansin ang pagtitig na ginawa niya.
“No.” Nagsisimula na siyang magduda kaya naging alerto na siya. Uso na naman ang nababalitang pangi-ngidnap ng mga kababaihan at hindi imposibleng nagbabalat-kayo lang ito. “Papasok na ako kung wala ka nang sasabihin.”
Tumuwid ito ng tayo at hinarap siya. “Mukhang nakalimutan mo na nga ako, Florencia Severino.”
Nagsalubong ang kilay niya habang nakatitig sa mukha nito. Iyon ang totoo niyang pangalan pero mas kilala siya sa tawag na Flor or Florence. Ika ng matatanda sa kanila ay hindi bagay sa maganda niyang mukha ang Florencia. Masiyadong makaluma.
At isa lang ang kilala niyang madalas tumatawag sa kaniya ng Florencia. Ang mapang-asar at maloko niyang kababata.
“Jasper Macaraig?” hindi makapaniwalang bulalas niya.
Nakumpirma niyang ito nga ang kababata nang lumawak ang ngiti nito. “So, ikaw nga si Florencia?”
“Hanggang ngayon ba naman ay iyan pa rin ang tawag mo sa akin?”
“That’s because it’s your name,” he said between grins.
“Flor o Florence ang tawag nila sa akin,” pagtatama niya dito kahit na hanggang ngayon ay hindi siya makapaniwala sa lalaking kaharap.
“Well, iba ako sa kanila,” mayabang na anito.
Umiling-iling siya. “Hindi kita halos nakilala pero parang hanggang ngayon ay taglay mo pa rin iyang mapang-asar mong habit.”
“Talagang hindi mo ako agad nakilala?”
Wala talaga itong balak maniwala sa kaniya. Pero totoo ang sinabi niyang hindi talaga agad ito nakilala. “Oo. Hindi ka na payatot at wala ka ng uhog sa ilong.” Pinigilan niya ang sariling matawa kapag naaalala ang hitsura nito noon. Payat na payat ito noon, malago ang laging nakatirik na buhok at madalas sinisipon. Hindi niya na halos matandaan kung kailan huling nakita ang lalaki. Ang alam niya lang ay pinag-aral ito ng mga magulang sa Maynila kasama ng ibang pinsang lalaki.
Nagusot ang mukha nito sa sinabi niya. “That was years ago.”
“At mas lalo kang naging Englishero ngayon.”
“Nasanay na lang. Kumusta ka na pala?”
“Okay naman. Heto buhay at humihinga pa.”
Sinulpayan nito ang shop niya. “Sa’yo ang flower shop na iyan?”
“Ah oo.” Ngumiti siya. “Nagsimula ako sa pakonti-konting bulaklak sa garden hanggang sa napalawak ko iyon at dumami. Ngayon ay binabagsakan na rin ako ng mga bulaklak mula sa ibang bayan.”
“Hindi na ako magugulat. You’re good at it.”
“Yeah. Dream comes true.”
“At ang mga batang iyon ay mga pamangkin mo?” turo nito kina Ismael at Esmeralda na nakaabang sa pinto ng shop.
“Oo. Anak sila ni Francheska.” Ang tinutukoy niya ay ang bunso at nag-iisang kapatid na babae.
“Wala ba ang mga magulang niya diyan?”
She shook her head. “Nasa Manila ang mga magulang nila. May business kasi sila doon.”
“I see. Kaya pala ikaw ang bantay nila.”
“Wala akong magagawa. Hindi ko naman matatanggihan si Francheska.”
“Still the goody-good shoes Florencia.”
Naging makahulugan ang pagkakasambit nito ng salita kaya hindi niya napigilan ang sariling pagtaasan ito ng kilay. “Kapatid ko siya kaya normal lang iyon. Tsaka, naligaw ka. Ngayon lang kita nakita dito ah.”
“Kauuwi ko lang galing sa mission ko. Madalas sa malayo ako nadedestino kaya hindi ako nakakauwi dito.”
Pinasadahan niya muli ito ng tingin. Ibang-iba na talaga ito. “Nagsundalo ka talaga, ano?” Bata pa sila ay iyon na ang pangarap nito ngunit dahil sa sobrang kapilyuhan nito noon ay wala halos maniwala.
“Sinabi ko naman sa’yo, magiging sundalo ako,” mayabang na anito.
“Oo na lang,” balewala niyang tugon habang inaalala na sa kabila ng lahat ng kakulitan at kalokohan nito, nangako ito sa kaniya at sa mga tao sa bayan nila na magiging isang ganap na sundalo ito.
“So, mauna na ako, Florencia.”
“Sinabi ng Florence.”
Bumungisngis ito. “Mas bagay sa’yo ang Florencia, so get used to. Sige, sa susunod ay dadaan talaga ako diyan,” makahulugan nitong wika bago muling sinulyapan ang shop niya.
“Kahit hindi na,”mataray niyang wika. Nagbibiro lang naman siya at batid niyang nakuha iyon ng binata dahil ngumisi lang ito. Nagkibit-balikat siya at pinanood na lang ang binata hanggang makaalis ang sasakyan. After all these years, hindi niya akalaing muling makakatagpo ng landas ang lalaking ang goal noon ay sirain ang bawat araw niya. Sana lang hindi na iyon ang goal nito ngayon.