Araw ng Sabado pero maagang nagbukas ng shop si Florence. Mag-isa lang siya sa shop ngayon at marami siyang darating na deliver ng bulaklak. Idagdag pa na isa-isa niya nang ihahalayhay ang mga order sa kaniya para pagdating ng dalawa niyang florist ay dire-diretso ang gawa nila.
Nang mamataan ang truck na pinaglalagyan ng mga bulaklak ay mabilis siyang lumabas ng shop. Pagkalabas ng shop ay may munti siyang porch kung saan ay sa magkabilang gilid ng shop ay may mga nakahilerang mga bulaklak. May sadya ding parking space ang shop niya kaya hindi hassle sa pagpa-park ang truck.
“Miss Florencia Severino po ng Golden Bloom?” salubong kaagad ng lalaki nang makababa ito ng truck. Sinulyapan pa nito ang pangalan ng shop niya.
“Yes po.”
Bumalik ang tingin ng lalaki sa kaniya. “Check muna po ninyo ang mga bulaklak bago i-sign ito,” pahayag ng driver sabay kumpas ng hawak na ledger.
Tumango siya at sinundan ito dala ang sariling listahan. May mga lalaki nang nagbaba ng mga bulaklak.
“Pakiingatan po ha,” paalala niya habang pinapanood ang mga lalaki na ibinababa ang naglalakihang paso. Hindi lang basta mga bulaklak ang ibenebenta niya. Bukod sa flower arrangement, nagbebenta din siya ng iba’t ibang halamang pang dekorasyon.
“Pakilagay na lang ng maayos,” pakiusap niya habang nakasunod sa lalaking may dala ng bulaklak papasok sa shop. “Dito ninyo ilalagay ‘yung pang flower arrangement,” turo niya sa hilera ng timba na walang laman. “At doon naman ang mga pandekorasyon sa kabila. Babalik lang ako sa labas.”
“Sige po, Ma’am.”
Iniwan niya ang mga ito upang tingnan ang mga bulaklak na nasa truck pa. Naglalakihang mga sunflower at iba’t ibang klase ng rosas ang naabutan niyang ibinababa sa truck.
“Pakiingatan ang mga iyan dahil medyo sensitive sila,” paalala pa niya sa mga lalaki. Tumango ang mga ito at nagpatuloy sa gingawa nila. Abala pa siya sa pagtitingin sa ibang bulaklak nang makarinig siya nang ugong ng motor. Lumingon siya sa pinanggalingan ng ugong. Pumarada sa tabi ng truck ang isang malaking motorbike. Naka-helmet ang driver kaya hindi niya kaagad ito nakilala.
Nag-iisip pa lang siyang talikuran ito nang alisin nito ang helmet sa ulo.
“Hi, Florencia!” nakangiting bati kaagad ni Jasper.
Agad niyang naiikot ang mga mata. “Ano ka ba? Sinabi ng Florence!” pagsasaway niya rito.
Ngunit sa halip na makinig sa kaniya ay nginitian lang siya nito. “May mga bago kang deliver na bulaklak?”
“Oo. May mga order kasi ako para sa gaganaping kasal sa isang araw.”
Tumango-tango ito habang sinisilip ang mga bulaklak. “Sa Dangwa pa ba galing ang mga ito?” tanong nito bago bumaba ng motor.
“Ang iba. Pero sabi ng supplier ko minsan sa iba siya kumukuha.” Nilapitan niya ang isang bulaklak na ang sanga ay nakahapay na palabas ng truck. “Medyo malayo ang biyahe kaya naman isa-isa ko pang titingnan mamaya kung maayos ba silang lahat.”
Abala sa pagtingin si Florencia sa mga bulaklak kaya hindi niya napansin ang paglamlam ng tingin ni Jasper. “Bagay na bagay talaga sa’yo ang pangalan mong Florenci—“
“Utang na loob, Jasper, tantanan mo ang pangalan ko,” pagsasaway niya kaagad dito.
“Bakit ba ayaw mong tinatawag kitang Florencia? Bagay naman sa’yo ah.”
Iningusan niya ito. “Ano palang masamang hangin ang nagdala sa’yo dito?” nakapamaywang na tanong niya. Aksidenti ang pagkikita nila kahapon pero ibang usapan na kapag nandito na naman ito ngayon.
“Masamang hangin kaagad? Hindi ba pwedeng dumalaw lang?”
Lalong sumama ang tingin niya dito. “Dumalaw? Bakit? Mukha ba akong may sakit?” sarkastikong tanong niya.
“May sakit lang ba ang dinadalaw?” Lumapit ito sa kaniya. “Hindi ba pwedeng gusto ko lang puntahan at silipin ka lang dito?”
“Matutuwa sana ako kung hindi lang sa’yo nanggaling iyan,” komento niya sabay talikod.
“Offensive na iyan, Florencia,” paghabol nito sa kaniya.
“Isa pang tawag mo sa akin ng Florencia ay sa’yo ko itutundos ang mga bulaklak na iyan.”
Sa halip na matakot sa sinasabi niya ay lalo lang bumungisngis ito. Hindi pa rin talaga ito nagbabago. “Nagiging brutal ka na ha. Ganoon na ba kalaki ang galit mo sa akin?”
Tumigil siya sa paglalakad at hinarap ito. “Nag-iingat lang ako at mahirap na. Huling beses na dinalaw mo ako para makipaglaro ay kinailangan kong magpaliwanag kina mama na hindi ako ang pumitas ng mga daisy ni Lola sa garden para ilagay sa namatay kong sisiw.”
“Hindi mo pa rin nakakalimutan iyon?” gulat nitong tanong na sinabayan pa nang paghawak sa dibdib.
“No. Makakalimutan ko na sana iyon kung hindi ko lang kinailangang ipagtanim si lola ng mga bagong daisy.”
“May green thumb ka naman kaya sisiw lang iyon sa’yo.”
“Nakapagpatubo nga ako pero tinuka naman ng mga manok na iniwan mo sa bakuran ng bahay namin. Ang ending, namatay lahat nang itinanim ko.” Inikutan niya ito ng mata at nagmamartsang pumasok sa loob ng shop.
“Gusto ko lang palitan ang sisiw mo na namatay,” paghabol nito bago pa niya tuluyang maisara ang pinto ng shop.
“Alagang sisiw ang namatay sa akin pero mga tandang ang iniwan mo.”
Hindi nakalingat sa kaniya ang pagkagat-labi nito. Mukhang naalaala na nito ang mga kalokohang ginawa noon. Nagpipigil na itong tumawa kaya tumalikod na siya para magbuklat ng mga lista ng order niya.
“Hey, Florencia. Saglit lang naman.”
“May gagawin pa ako.”
“Oo na nga. Marami at malaki ang kasalanan ko sa’yo pero nagso-sorry naman ako ‘di ba?” Binigyan siya nito ng matamis na ngiti ngunit kunwa’y wala siyang pakialam doon. Patuloy siya sa pagche-check nang dumating na mga order. “Okay. Hindi na kita kukulitin pero pwede bang tulungan mo akong pumili ng magandang bulaklak o halaman para kay mama?” nagmamakaawa na ang boses ni Jasper dahilan para lingunin niya ito.
“Close talaga kami ngayon. Nagbukas lang ako para tumanggap ng deliver ngayon.”
“Para naman kay mama itong ipinunta ko.”
“Kung pati si Tita Jana ay gagami—“
“Hindi ako nagsisinungaling. Gusto kong bigyan si mama ng bulaklak. It’s her birthday today.”
Sandali niyang pinag-aralan ang mukha nito kung nagsasabi ba ito ng totoo o nagsisinungaling na naman sa kaniya.
“Bumuka nawa ang lupa at lamunin ako kung nagsisinungaling ako, Florence.” Itinaas nito ang kanang kamay sa aktong nangangako.
“Kapag nalaman kong niloloko mo ay isho-shoot kita sa paso.”
“Do as you please, babe.”
“Don’t call me, babe,” irap niya bago tumigil sa tapat ng mga bagong dating bulaklak.
“Ayaw mo ng Florencia. Ayaw mo rin ng babe. Lahat na lang ayaw mo,” bulong nito habang kunwa’y nagtitingin ng mga bulaklak.
“Pipili ka ba ng bulaklak o ano?” nakahalukipkip niyang baling dito.
“Heto na nga oh.”
Pinagmasdan ni Florence si Jasper na abala sa pagpili mula sa hilera ng Rose, Carnation, Dahlia, Tulips at kung ano-ano pa. Napapakamot-ulo ito kaya alam niyang nahihirapan itong pumili. “May alam ka bang paborito ni Tita Jana?” tanong niya nang hindi na nakatiis.
“Sunflower…” tila nag-iisip na tugon ni Jasper.
“Hindi mo sinabi kaagad. May mga bagong dating akong sunflower. Pwede kang pumili sa mga iyon.”
“Kasama ba iyon sa mga dumating ngayong araw?” biglang sumeryoso ang tanong nito.
“Oo. Madalas na order iyan sa akin. Mabuti na lang at kapag umoorder ako ay laging may palabis.”
Tumango-tango ito habang nakasunod sa kaniya hanggang sa tumigil sila sa tapat ng mga sunflower. “May iba’t ibang size ng bulaklak. Pwede kang mamili.”
“Ito ng pinakamalaki ang kukunin ko.”
“May gusto ka bang isama sa kanila?”
Iginala nito ang tingin sa mga bulaklak bago sa kaniya. “Ikaw ang magaling diyan kaya ikaw na ang bahala. Fascinate me, babe,” malambing itong ngumiti sabay kindat sa kaniya.
“Sinabi mo eh,” kunwa’y wala lang sa kaniya ang ginawa nito kahit na ang totoo ay mas lalong gwapo itong tingnan. Magsisinungaling siya kung sasabihin niyang ito pa rin ang dating makulit, pasaway, payatot at uhuging Jasper. Though he could still be cocky, his outside appearance completely changed. He had gone taller and more muscular. Hindi na lang siya binata, he became a true man. At kung hindi lang sa masagwang pinagsamahan nila noon, baka naging crush niya na ito.
“Pwede bang habang inaayos mo iyan ay magtingin pa ako ng mga bulaklak dito?” tanong nito na nagpabalik sa diwa niya.
“Sure. Basta kapag may nagustuhan ka ay ‘wag na ‘wag kang huhugot basta.”
Jasper chuckled. “Takot ko na lang na sa akin mo itusok ang mga iyan. Wala akong balak maging paso.”
Naiiling na natatawang naglakad si Florence patungo sa kaniyang working area. Hinanda niya ang mga gamit na kailangan. Kumuha siya ng gunting at pinutol ang ilang dulo ng tangkay. Habang gumagalaw ang kaniyang mga kamay ay hindi niya mapigilang sulyapan si Jasper na abala sa pagtitingin ng mga bulaklak.
Noong una ay nagtitingin lang ito ng mga bulaklak ngunit pagkaraan ay sinisilip na nito pati ang mga paso. Hinawakan pa nito ang mga lupa na nasa paso ng ilang halamang pandekorasyon. Hindi na bago iyon dahil may mga customer talaga na hinahawakan ang mga lupa para malaman kung anong klaseng lupa ito o kung malusog ito. Pero hindi niya akalaing may alam din si Jasper sa paghahalaman. Sa huli, itinuon na niya ang buong atensiyon sa ginagawa at nang matapos ay binalikan si Jasper na malapit na sa backdoor.
“May nakita ka bang nagustuhan mo?” out of the blue niyang tanong.
Napalingon ito sa kaniya. Mabilis na umiling ito. “Wala na. Siguro ay babalik na lang ako kapag may naisipan ulit akong bilihin.”
“Sige. Pero kung gusto ni Tita Jana ng mga inaalagaang bulaklak ay marami kami. Pwede mo siyang ipili.”
“No. It’s okay.”
“Well, naayos ko na. Sabihin mo na lang kung may gusto kang ipadagdag.” Iginaya niya nito sa pinagagawaan kanina. Natahimik ito habang nakatingin sa bouquet ng bulaklak.
“Iyan na ba iyon?”manghang tanong nito.
“Yeah. May kulang pa ba?” nag-aalangang aniya.
“No! It’s perfectly beautiful!” bulalas nito sabay kuha sa bouquet. “Simpleng sunflower lang ito kanina ah,” anas nito habang pinapasadahan ng daliri ang isinama niyang white snapdragons at irises. “Napaka-talented mo talaga,” papuri nito sa kaniya.
Jasper barely praised her. Mas madalas ay inaaasar siya nito o kung minsan pupurihin man siya nito pero ilalaglag din lang siya nito sa huli.
“Sana magustuhan ni Tita Jana.”
“She’ll surely love it.” Naging kakaiba ang kislap ng mga mata nito habang nakatingin sa kaniya kaya hindi niya napigilan ang mapangiti.
“Thank you, Jasper.”
Pagkatapos ni Jasper magbayad ay nagpaalam na ito sa kaniya. Binalikan naman niya ang mga dumating na order.
Samantalang…
Itinigil ni Jasper ang motorsiklo hindi kalayuan sa shop ni Florence pero tiniyak niyang hindi siya makikita. Hinugot niya ang callphone sa bulsa at nag-dial ng number. Ilang sandaling nag-ring iyon bago may sumagot.
“Status?” tanong ng bruskong tinig na nasa kabilang linya.
“Negative,” mariing tugon niya. “Wala akong nakitang kahit ano sa mga sunflower niya. Malinis din ang mga paso niya.”
“Sa ibang bulaklak?”
“Konti lang ang panahon ko pero balak kong bumalik para makasigurado ako. Hindi ko siya pwedeng biglain at baka makahalata siya.”
“May nag-order na ba ng mga bulaklak?”
“May kasalan na gaganapin. Doon dadalahin ang sunod niyang mga order.”
Sandaling natahimik ang kabilang linya bago muli itong nagsalita. “Got that. Pero kailangang alamin mo kung anong koneksyon niya kay Raquel Morris.”
Nagsalubong ang kilay niya. “What do you mean?”
“We got a new informant. Hindi pa malinaw, but we got an info na isang Raquel Morris ang nagsasagawa ng transaction. We need to know if Miss Severino and this woman are connected.”
“Sinabi ko na sa’yo. Florencia is clean.”
“Hindi tayo nakakasigurado, Jasper. Even the nicest could be clean in anyone’s eyes but in her dirtiest when no one is looking.”
Nagtagis ang baga niya sa sinabi nito. Hindi niya nagustuhan ang paraan ng pagsasalita nito sa kababata niya. “Iba si Florencia. Hindi siya gaya nang iniisip ninyo.”
“Chill, dude. Under investigation pa ang lahat. But to remind you, don’t mix up your work with your personal life.”
“At patutunayan ko sa’yo na hindi siya gaya ng ibang babae.”
“Whatever it takes, Jasper.” Those were his last words before he ended the call.
Ibinaba niya ang cellphone at muling tiningnan ang direksiyon kung saan naroroon ang shop ni Florencia. Sa ilang taong nawala siya sa bayan nila, hindi niya akalaing sa pagbabalik ay ito kaagad ang masisilayan. Isa na siyang ganap na dalaga. Isang napakagandang babae. Sa kasamaang-palad, kailangan niyang alamin lahat ng tungkol dito, siyasatin kahit ang mga bagay na itinatago nito para matapos niya ang mission.
“Geez,” iritabling bulong niya bago sumampa muli sa motor at pinaharurot iyon nang mabilis palayo.
*****