Ang araw ng Linggo ang pinakapahinga ni Florence pero sa halip na nasa kama o nasa loob ng bahay ay nasa hardin siya. Naglilipat siya ng mga pananim na maaari nang itanim sa mga paso. Nasa mga halaman ang buong konsentrasyon niya nang marinig ang malakas na tinig ng kapatid.
“Ate Florence!”
“Andito ako, Ches,” malakas niyang tawag habang hindi pa rin tumatayo mula sa pagkakaupo.
“Ano bang ginagawa mo diyan?” bungad ng kaniyang kapatid nang marating ang hardin.
“Naglilipat lang ako ng mga halaman.”
“Simula Lunes hanggang Sabado ay nasa shop ka na. Pati ba naman sa Linggo ay paghahalaman ang iniintindi mo?”
Sinulyapan niya ang kapatid na kasalukuyang nakahalukipkip habang hindi maipinta ang mukhang nakatingin sa kaniya. “Ches, ito ang trabaho ko kaya normal lang iyon.”
“Oo nga, ate. Pagkamulat mo pa lang ay iyan ng mga halaman ang inaatupag mo.”
“Maaga akong sumimba kanina kasama si Rebecca. Maaga niya akong dinaanan kanina.” Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa maliit na bangko. “Nag-almusal ka na ba, Ches? Nag-bake ako ng tinapay kanina. Tamang-tama at may pasalubong na mga jam si Rebecca sa akin.” Inalis niya ang gloves sa kamay at nilapitan ang kapatid na hindi umaalis sa pagkakasandal sa hamba ng pinto.
“Hindi na, ate. Lalabas kami ni Migz ngayon.”
“Talaga? Sundate,” matamis ang ngiting aniya. Masaya siyang kahit papaano ay nakakapagliwaliw pa rin ang kapatid pagkatapos ng isang linggong trabaho.
“Oo, eh.” Kaagad namula ang namumurok na pisngi nito. “Anyway, pwede bang bantayan mo ulit sina Ismael at Esmeralda?”
“What?” Iyon ang hindi niya inaasahan.
“Please, ate…” Nagpakurap-kurap pa ito ng mga mata. Idinadaan na naman siya nito sa pa-cute pero hindi na siya madadan sa ganoon. Nadala na siya sa ginawa ni Ismael noong nakaraan. Sinabi niya iyon sa kapatid pero mukhang walang talab. Isa pa, ilang araw na silang wala at malayo sa mga anak, hindi ba dapat ay panahon iyon para sulitin nilang makasama ang mga anak.
“Bakit hindi ninyo isama ang mga bata?” tanong niya habang ipinapatas ang mga gamit sa mesa.
“Ate naman. Minsan lang naman kami mag-date ni Migz eh.”
“At minsan ninyo lang din makasama ang mga bata,” mabilis niyang pakli na ikinagusot ng mukha nito. “Ismael keeps asking me kung bakit laging sa akin ninyo sila iniiwan. Gusto nila kayong makasama.”
“Alam mo namang mahirap para sa amin ‘di ba? Parehas kaming may trabaho ni Migz.”
Gusto niyang sabihing may negosyo din siyang inaasikaso at hindi niya responsiblidad ang mag-alaga at magbantay ng mga pamangkin pero palaging sumasalit sa isip niya ang pangako sa namayapang mga magulang na tutulungan ang nag-iisang kapatid.
“Mabilis lang ba kayo?” tanong niya na ikinaliwanag ng mukha ng kapatid. Base sa ngiti nito ay alam nitong hindi niya matatanggihan ang hiling. “At pakipaalalahanan sila na iwasan ang mga larong pwedeng ikapahamak nila.”
“Oo, ate. Pero alam mo namang mas nakikinig pa sila sa iyo.”
“Mas maganda pa ring sa magulang nagmumula ang paalala.”
“I’ll take note of that,” kikay na sagot nito bago iniangkla ang braso sa braso niya. “Nasa labas na sila.”
Tanging iling na lang ang naisagot niya. Maagang nag-asawa si Francheska kaya naman kahit 26 na ito ay nagpapakadalaga pa rin. Kung hindi lang taong humarap at maayos na nagsabi si Migz sa kaniya noon na pananagutan ang biglaang pagbubuntis ng bunsong kapatid ay sasama talaga ang loob niya. Pero sa halip na magalit ay hinarap niya na lang total naroroon na.
“Ohh.” Bulalas ni Francheska sabay tigil sa paglalakad nang mapatapat sila sa may bintana.
Natigilan siya nang sumilip ang kapatid sa paglalakad. “Bakit?”
“Sino siya, ate?” nguso ng kapatid sa labas ng bintana. Sumilip siya roon at kaagad namilog ang mga mata niya nang matanaw si Jasper na kausap ng mag-aama ni Francheska. “Kung hindi lang ako may Migz na, bet ko iyan.” Nangingislap pa ang mga matang turan ni Francheska.
“Magtigil ka nga.”
“Bakit ba, ate? Hindi lang siya gwapo, ang hot kaya. Look at those biceps, grabe parang ang sarap pa—“
“Kapag hindi ka tumigil diyan ay kukuritin kita sa singit. May asawa ka na.”
“Si ate naman. Ina-admire ko lang naman.”
“Kahit pa.”
“Sus, baka naman bet mo din?” panunukso nito.
Sinamaan niya ito ng tingin.
“Bawasan mo kasungitan mo, ate. Tatanda kang dalaga niyan.”
“Wala akong pake,” labas sa ilong na bulong niya kahit na ang totoo minsan ay nag-aalala na din siya. She’s already 30 pero iisang beses pa lang siya nagkaroon ng kasintahan. Nangangarap din naman siyang magkaroon ng sariling pamilya pero siguro hindi talaga iyon para sa kaniya.
“Kung iniisip mo ang sinasabi nila na hindi ka na makakapag-asawa dahil inunahan na kitang nag-asawa, huwag kang makinig sa kanila. They aren’t the one who will write your story.”
“I know that. Halika na bago pa magbago ang isip ko na iwan ninyo dito ang mga bata,” pag-iiba niya ng usapan. Amindo siyang hindi komportable kapag usapang pag-ibig.
“Ayy, sige na nga po. Leggo na!”
Nagmamadali itong lumabas habang siya ay nakasunod at nag-iisip kung bakit andoon na naman si Jasper. Sa paglabas nilang dalawa ng kapatid ay kaagad lumingon ang kambal, si Migz, at si Jasper. Dito siya nakatingin dahil abala ang isip niya sa pag-iiisip kung paano ito ookrayin na naman ngunit lahat ng pilyang isipin ay naglaho sa sandaling ngumiti ito. Aminado na siyang gwapo talaga si Jasper pero iba din ang karisma nito kapag ngumiti. Dumagdag pa na para itong bumata ng ilang taon dahil sa suot na navy blue na polo shirt, black chinos at white sneakers.
‘Ano naman kayang ginagawa ng mokong na ito dito?’