ILANG ARAW ANG GINUGOL NI SEBASTIAN SA LOOB NG KAGUBATAN para matunton ang tribung Ugjayon. Sa mga panahong iyon ay wala siyang pagmamadali dahil natitiyak niyang mahahanap niya ang mga ito dahil sa mga bakas na naiwan sa paligid. Bukod sa paghahanap ay nawili din siyang balikan ang mga parte ng gubat na madalas niyang puntahan noong bata pa siya. Namamangha siya na kilala pa rin ng sistema niya ang paligid. Memoryado pa rin ng mga paa niya ang tinatakbuhan, parang hindi niya kailangang pag-isipan kung saan ang ligtas at hindi. Awtomatikong hinahanap ng mga mata niya ang alam niyang magandang lugar, alam niya kung saan lilingon o kung ano ang iiwasan. Matalas pa din ang kanyang mga tainga at natutukoy kung anong mga huni o tunog sa paligid ang naririnig. Buong akala ni Sebastian ay nawal

