Apat na linggo... o lima na ba? Hindi ko na alam kung gaano na ba katagal simula nang magsimula ang semester na 'to. At sa totoo lang, wala na rin akong pakialam.
Napangalumbaba ako habang inaantay ang mga kaklase ko. Nandito ako ngayon sa may homeroom namin, dito na ko dumiretso pagkapasok ko. Hapon na ko pumapasok tuwing araw ng Miyerkules. Hindi ako pumapasok sa una naming subject, 10AM hanggang 1PM iyon. Kasunod naman no'n ay isang oras na break. Kaya nasa alas-dos na nang hapon ako kung pumasok.
Ilang linggo na rin simula no'ng hindi ko na pinasukan 'yong subject ni Orlando. Ang nagiging 1st subject para sa'kin ay 'yong 2nd subject namin talaga.
At dahil ilang linggo na kong ganito, may mangilan ngilan na rin akong mga kaklase ang nagtatanong kung bakit nagka-cutting class daw ako. Hindi ko sila sinasagot, ni hindi ko pinapansin na lalo kung 'yong mga nagtatanong ay 'yong mga chismosa lang naman naming kaklase. Wala akong panahon at pake sa iisipin nila.
Sa bahay naman, medyo nagtaka na no'ng una ang mga magulang ko pati na rin mga kapatid ko kung bakit hapon na ko pumapasok. Kung ano ano'ng dahilan na lang ang sinasabi ko, kesyo may absent 'yong prof o kaya ay self-study session lang kami. Medyo nakakakonsensya 'yong pagsisinungaling ko sa kanila pero hindi ko naman magawa maging honest at sabihing professor ko si Orlando ngayon. Alam kong may ideya na rin ang mga magulang ko na hiwalay na kami, hindi lang sila nagtatanong dahil ako mismo ang hindi nagsasalita tungkol dito. Hindi ko alam magiging reaksyon nila kapag nalaman nila ang sitwasyon namin ni Orlando ngayon. Lalo na sila kuya Travis at kuya Jarvis.
Hindi ko kasi maiwasang alalahanin ang reaksyon noon ni kuya Travis nang malaman niyang professor ko si Sir Van. Gusto niya talaga kong lumipat ng school. Siya ang may issue do'n sa tao pero gano'n ang naging reaskyon niya. Paano pa kung ako na mismo ang may koneksyon sa tao?
Ngayon ko lang napagtanto, halos hindi ko na nakikita sila Sir Van pati na rin si Sir Czam. Hindi na kasi namin sila professor ngayon. Hindi ko alam, iisang building lang naman ginagalawan namin pero hindi nagtatagpo ang mga landas namin. Sabagay, wala rin namang rason para magkita kami. Ni hindi ko nga alam kung paano pakikiharapan si Sir Van matapos 'yong nangyari noon, na binuhat niya ko papuntang clinic. Ni hindi pa nga rin ako nakakapagpasalamat sa kanya.
Tahimik akong naghihintay mag-isa sa bakanteng kwarto na 'to. Maya maya lang siguradong may dadating na sa kanila. Napatingin ako sa bumukas ma pinto.
Si Shei ang bumungad sa'kin, kasunod nito sila Anne at Jade. Napansin kong may dala silang paper bag na galing Mcdo.
"Lhia, beh, kumain ka na ba?" Tanong sa'kin ni Shei sabay lapag no'ng paper bag sa may harapan ko. "Binilan ka namin ng burger, fries, tsaka orange juice."
"Salamat, busog naman ako," pagsagot ko rito.
"Namumuro ka na ha. Bakit hindi ka na naman pumasok? Mahigit isang buwan ka nang hindi umaattend ng klase natin. Gusto mo bang bumagsak?" Hindi ako umimik sa panenermon nito. "Pasalamat ka hindi nagche-check ng attendance 'yong tao. Balak mo yatang i-retake 'tong subject na 'to 'e. Kulang na lang i-drop mo."
"Oh," napatingin ako sa inabot na hand outs sa'kin ni Jade. Lagi nila kong kinukuha ng mga hand outs para sa Foreign Language class namin. Pinapahiram din nila ko ng mga notes nila. Sa totoo lang, hindi naman na kailangan. Hindi ko rin naman kasi inaaral ang mga binibigay nila sa'kin.
"Lhia, kailan ka papasok?" Katulad kanina, hindi ako umimik. Hindi ko sinagot ang tanong ni Jade.
Narinig ko ang malakas na pagbuntong hininga nito. Napailing na lang ito sa'kin pero wala na itong iba pang sinabi. Matapos no'n, nagsipagdatingan na rin ang mga kaklase namin.
Nang matapos ang klase namin, agad nag-aya 'yong tatlo sa may Hera hall. Hindi ko alam ang buong detalye pero ang alam ko may kakatagpuin si Jade. High school friend niya yata? Hindi malinaw sa'kin ang detalye. Sumama lang ako. Tahimik lang akong naglalakad sa likuran nila habang sila ay nag-uusap usap. Sinasali naman nila ko sa pag-uusap nila, ako itong ayaw makisali sa kanila. Sa totoo lang, gusto ko na nga lang iuwi.
Habang papalapit kami sa Hera hall ay napatingin ako sa katabing building nito, ang admin building. Dito kami nag-eenroll at nag-aayos ng mga papel. Katabi lang nito ang cashier.
"Kulang na lang i-drop mo."
Napahinto ako sa paglalakad nang bumalik sa alaala ko ang sinabi ni Shei kanina. Muli kong binalik ang tingin ko sa may Admin building.
Drop.
"Lhia?" Natauhan ako nang marinig ko ang pagtawag sa'kin ni Jade. "Bakit?"
"Magbabanyo lang ako, mauna na kayo."
"Ikaw lang mag-isa?" Tumango ako rito, ilang saglit pa kong tinignan nito bago ito tumango pabalik sa'kin. "Sige, sunod ka na lang." Nagsimula nang maglakad palayo 'yong tatlo.
Nang makita kong medyo nakalayo na ang mga ito ay naglakad na ko papalapit sa may admin office. Pagpasok ko, walang katao tao hindi katulad kapag enrollement period na napakahaba ng mga nakapila. Naglakad ako papalapit sa isang window. Nakita kong may isang babaeng nakaupo sa loob. Kinatok ko ang salaming naghaharang sa mga nasa loob at nasa labas ng window.
"Excuse me po," mula sa pagkakatingin nito sa desktop screen ay napatingin ito sa'kin.
"Yes?"
"Magtatanong lang po sana ako."
Iniharap nito sa'kin ang upuan nito, "Maupo ka muna." Naupo ako sa upuang nakatapat sa ng window na ito. "Tungkol saan ang itatanong mo?"
Humugot ako ng isang malalim na hininga bago nagsalita. "Tungkol po sana sa pag-drop ng isang subject."
Desperada? Ako na 'yong taong 'yon.
* * *
"Lhia!" Hinanap ko ang pinanggalingan ng boses. Nakita kong kumakaway mula sa bleachers si Jade. Naglakad ako papunta sa kinaroroonan nila. "Ang tagal mo yata? Muntik ka na naming puntahan."
Hindi ako sumagot dito at naupo na lang sa tabi ni Shei.
"Nasaan na 'yong kaibigan mo?" Pag-iiba ko ng tanong dito.
"Ayun." Tinuro nito ang isang klaseng nasa kabilang side hall, mga nakaupo ito sa may bleachers doon. "Nagkaklase pa sila pero tingin ko naman patapos na sila." Tumango tango na lang ako sa sinabi nito. Tahimik akong naghintay kasama sila.
"Lhia..." napatingin ako kay Shei nang maramdaman ko ang pagsiko nito sa'kin. May tinuturo ito sa may gilid ko gamit ang nguso nito.
Dahan dahan kong tinignan ang tinutukoy nito. Mabilis akong nag-iwas ng tingin nang makita ko ang tinutukoy nito.
Huwag kang magpanic. Kalma lang, kalma lang.
"Miss Velasco," naramdaman ko ang presensya nito sa gilid ko. Hindi ko 'to tinignan, hindi ko rin 'to pinansin. "When do you plan to attend my class?"
Hindi pa rin ako umimik dito. Hindi ako sumagot rito.
"Miss Velasco."
Bumuntong hininga ako bago ako sumagot dito. "Never." Mahinang sagot ko rito, wala akong pakialam kung narinig ba niya ko o hindi.
"What is it?"
Napalunok muna ko bago muling nagsalita, "Hinding hindi na ko papasok sa klase mo. Hahayaan ko na lang na ibagsak mo ko." Ni hindi ko 'to tinapunan ng tingin habang sinasabi ko ang mga 'yon.
Katahimikan ang namayani sa paligid namin. Walang nagsasalita. Ang kaibigan ni Jade ang bumasag nang katahimikan na 'yon.
"Jade!" Napatingin ako sa babaeng tumatakbo papalapit sa pwesto namin. Tumayo ako at hinarap si Jade.
"Nand'yan na siya, halika na." Nauna akong naglakad pababa.
Hindi nagtagal ang pakikipag-usap ni Jade sa kaibigan niya. Halos may inabot nga lang ito sa kanya. Matapos no'n ay umalis na rin kami agad sa may Hera Hall. Hindi naman na kami hinabol ni Orlando para magtanong ulit kung kailan ako papasok sa klase niya. Iniwan nga ako 'e, hahabulin pa ba ko no'n.
Palabas na kami sa university ng bigla na lang akong hatakin ni Jade. Tinignan ko ito at bago pa man ako makapagsalita ay hinatak na ko nito agad. Nakasunod lang sa'min 'yong dalawa.
Ilang minuto pa kaming naglakad bago kami makarating sa may Mcdo. Mabilis lang kaming pumasok at agad naupo sa pinaka sulok na pwesto. Magkatabi kami ni Jade habang sila Anne at Shei naman ang magkatabi sa kabilang bahagi.
"Nagugutom ba kayo? Pauwi na naman tayo pwede na sa bahay na lang kumain." Umayos ako sa pagkakaupo habang sinasabi ang mga 'yon.
Napatingin ako kay Jade nang umayos ito sa pagkakaupo at humarap sa'kin. "Tungkol do'n sa sinabi mo kanina kay Orlando, seryoso ka ba do'n? Wala ka nang balak pang pumasok sa klase niya? Mas gugustuhin mo pa ba talagang bumagsak na lang?"
Tinitigan ko ito sa mga mata. Sooner or later malalaman at malalaman din naman nila 'to, kaya mabuting sabihin ko na sa kanila 'yong plano ko.
"Pumunta ko sa registrar kanina..." halata ang pagtataka sa mukha ni Jade. "...humingi ako ng drop out form."
"Ano?!" Halos sabay sabay na reaksyon no'ng tatlo.
"Lhia, ano bang pinagsasabi mo? Drop out form?" Tinignan ko si Anne. Umayos ako ng pwesto ko, 'yong pwestong kahit papano mahaharap ko silang tatlo pare pareho.
"Hindi major subject ang Foreign Language, wala rin siyang pre-requisite. Hindi magiging problema kahit next sem ko na siya kunin. Mas maganda pa nga kasi ako ang makakapamili ng schedule at professor na gusto ko. Tutal nanan isang major subject na lang din tayo next sem." Hindi ko sila matignan sa mga mata habang sinasabi ko 'yon.
Wala ni isa sa kanila ang agad na nakaimik.
"Lhia...nang dahil lang kay Orlando pababayaan mo ng ganito ang pag-aaral mo?"
Nagpantig ang pandinig ko sa sinabi ni Jade. "Lang?" Napatawa ako nang mapakla sa sinabi nitong salita. Lang.
Nakagat ko ang labi ko at pakiramdam ko biglang kumulo ang dugo ko sa buong katawan. Naikuyom ko ang kamao kong nakapatong sa may hita ko. Hinarap ko si Jade at direktang tinignan sa mga mata.
"Ang daling sabihing 'lang' kasi hindi ikaw ang nasa sitwasyon ko." Humugot ako nang malalim na hininga bago sunod sunod na nagsalita laban dito. "Hindi kasi ikaw 'yong iniwan na lang bigla. Hindi kasi ikaw 'yong sinalubong ng ex mo para sabihing magiging instructor mo siya. Hindi kasi ikaw 'yong halos madurog ang puso sa paulit ulit na sakit, kirot, hiwa na mararamdaman mo makita mo lang siya kahit isang segundo. Hindi kasi ikaw 'yong halos mamatay matay na sa loob dahil kahit iniwan ka niya, mahal na mahal mo pa rin siya." Naghahabol ako ng hininga matapos kong sabihin ang mga 'yon.
Nagsimula nang magtubig ang mga mata ko. "Gusto ko siyang yakapin, hawakan, halikan, gustong gusto kong magmakaawa sa kanya na balikan niya ko... pero hindi pwede 'e. Kahit miss na miss ko na siya hindi ko siya magawang tignan sa mga mata. Kasi sobrang sakit. Sobrang sakit na bigla na lang niya kong iniwan. Kasi bakit? Ano'ng dahilan? Dahil magiging instructor natin siya? Iyon ba dahilan niya? 'E punyeta naman pala, pinagpalit niya ko para sa pagtuturo niya?"
Pakiramdam ko sasabog ako. Sobrang bigat ng loob ko. Ang daming salita, ang daming emosyon na gustong kumawala sa'kin. Hindi ko na nakontrol pa ang mga luha ko. Para silang mga agos na tuloy tuloy sa pagtulo. Wala na kong pakialam sa mga taong makakakita o makakarinig sa'kin.
"Lhia..." hinawi ko ang kamay ni Shei nang tangkain nitong punasan ang mga luha ko gamit ang tissue niya.
"Hindi ko kailangan ng 'awa', pang-unawa ang kailangan ko." Halos magkaawa ako sa kanila habang sinasabi ang mga 'yon.
Ayokong makarinig nang anumang opinyon, sa ngayon gusto ko lang pakinggan ang sarili ko. At rinig na rinig ko ang sakit na nanghuhumiyaw mula sa puso ko. Isa lang ang paraang naiisip ko para mabawasan 'to, ang tuluyang lumayo sa kanya. Magagawa ko lang 'yon kapag hindi ko na siya makikita at makakasalamuha bilang instructor ko.