Nang makaalis ang mag-amang Gerardo at Harvey ay tila lalong bumagsik ang mga infected earthworms lalo na ang malalaking earthworm na nasa loob ng maliit na k'weba.
Maya-maya pa ay tila rumaragasang tubig na naglabasan ang mga maliliit na earthworm, may papunta sa kanan, at meron din sa bandang kaliwa.
Kasunod ng mga ito ay ang dalawang malalaking earthworm na nasa ten feet ang haba. Mayroon pang dalawang malalaking earthworm na nasa paligid lang ng Sta. Rama na ngayon ay aakalain mong tila nagtataka dahil sa pagkawala ng mga tao sa paligid.
Tila isang lupon ng mga sundalo na kumilos ang mga infected earthworms.
Isang putok ng b***l ang nagpatigil sa mga nagkakagulong tao sa Sta. Rama.
Nagkakagulo ang mga ito dahil sa pag-uunahan ng mga ito na makasakay sa helicopter na naroon.
"Nakiusap na kami sa inyo para sa inyong maayos na kooperasyon. Pag hindi niyo itinigil ang kaguluhang ito, iiwanan na lang namin kayo dito, naiintindihan niyo?!" sigaw ng lalaking nagpaputok.
Apat na helicopter ang nasa baba ngayon ng Sta. Rama para isakay ang mga tao.
Ngunit sadyang may mga taong hindi marunong magbigayan, unahan ang mga itong makasakay at pilit pang sumisiksik ang iba kahit na puno na ang helicopter.
Ang mga may anak na maliliit ay nakakawawa dahil hindi naman nila magawang makasakay dahil may mga malalaking tao na tumatabig sa mga bata para unahan ang mga ito sa pagsakay.
Lahat ay gustong mailigtas ang kanilang sarili kaya hindi na nag-iisip gumawa ng tama.
Wala namang magawa ang mga rume-rescue sa kanila dahil maging sila ay natutulak rin.
Dahil sa sinabi ng lalaki, natigil sa kaguluhan ang mga tao at tila mga maaamong tupa na ipinila ang kani-kanilang sarili.
Ilang sandali pa ay nagsimulang umangat ang isang helicopter, kasunod ang isa pa.
Nakalampas na sa taas ng pader ang isa at tuluyang nawala sa paningin ng mga tao.
Ang kasunod ay ganoon din ang nangyari. Unti-unting itong umangat.
Nang mapuno rin ang isa ay nagsimula na itong umangat, pero anong gulat ng lahat nang biglang may lumitaw na malaking earthworm mula sa ilalim ng lupa na kinalalapagan ng paangat pa lang na helicopter.
Mabagsik na sumalakay ito sa helicopter na iyon.
"Aaaaahhhh!" sigawan ng mga taong sakay nito.
Kumaripas naman nang takbo ang mga hindi pa nakakasakay para pumunta sana sa isa pang helicopter na nagtangka na ring umangat.
Nguni't bigla na lang silang nagtumbahan at nagkakawag dahil may maliliit na earthworm na rin na lumitaw at inakyat ang mga katawan nila.
"Bilisan mo!" sigaw ng lalaki sa nagpapaangat ng helicopter na ang ibig niyang sabihin ay umalis na sila doon.
Subali't tulad ng sa nauna, may lumabas na malaking earthworm sa ilalim nito at nagawa pang sumabit sa ilalim ng helicopter.
Nagawa namang umangat ang helicopter at makalampas sa mataas na pader, nguni't nakasabit sa ilalim nito ang isang malaking earthworm.
Sa labas ng Sta.Rama...
"Pasunod na ang iba," sabi ng isang rescuer nang makababa sa unang helicopter na nakalabas nang ayos.
Nagbababaan na rin ang iba. Ang sundalo na nakausap ni Kennedy ay hinanap kaagad ang ina kung naroon, subali't hindi ito kasama doon.
Naagaw ang pansin nila nang may tumili na isa sa mga taong nasa labas ng Sta. Rama na nag-aabang rin sa mga helicopter dahil may kapamilya itong nasa loob din ng Sta. Rama.
Gulat ang rumehistro sa lahat nang mapatingin sila sa ikinatili ng ginang.
Ang helicopter na pangalawa dapat, may nakabitin na malaking earthworm dito.
"Sir, ano pong gagawin namin? Kailangan naming ibaba ang helicopter na ito," anunsiyo ng isa sa mga sundalong nasa helicopter na iyon mula sa radyong hawak nito.
"No, stay there! Hindi niyo maaaring ibaba dahil hindi natin alam kung ano ang maaaring gawin ng earthworm na nakasabit sa inyo once na bumaba kayo dito. I repeat, stay there! Huwag ni ilapit ang helicopter dito sa baba, mahuhulugan ng laway na nasa katawan ng earthworm na iyan ang mga nandito sa baba. Gumagawa na kami ng paraan kung ano ang dapat gawin," ang sagot ng commander na nasa ibaba lang at nakatingin sa helicopter na nasa himpapawid pa.
"But sir-" tutol sana nito nguni't kita niya mula sa taas ng balewalain na ng commander ang radyong hawak nito.
"s**t!" napamura pa ito at ang mga kasamahan maging ang mga taong nasa helicopter na iyon nang biglang tumambad sa kanila ang kalahati ng earthworm. Anyong papasok din sa helicopter na iyon ang earthworm.
"Ibaba mo na ang helicopter na ito!" sigaw ng sundalo habang pinapaputukan nila ang earthworm na tila di man lang natitinag at kahit mapatay nila ito ay malabo na dahil nakapasok na ito at nadikitan na sila.
Maya-maya ay nagulat ang lahat ng taong nasa labas ng Sta. Rama nang may dumating na iba pang helicopter at kita nila nang may magpakawala ng isang balang malaki mula rito at tumama sa helicopter na may nakasabit na earthworm.
Sumabog ang helicopter na iyon kasama ang malaking earthworm.
"No!" hiyaw ng iba na nasa ibaba.
Maging ang commander ay hindi makahuma.
"What did they do?!" sigaw ni Kennedy.
Sinugod naman ng sundalong nakausap ni Kennedy ang commander nila.
"Bakit niyo iyon ginawa? Paano kung nandoon ang mama ko! Nandoon ang pamilya ng bawat isa dito!" singhal nito sa commander.
"I-I don't know..." tanging naisagot ng commander dahil wala din talaga siyang alam sa nangyaring iyon.
"Dad, what if..." ang lumuluhang si Alpha.
Napahawak na lang si Kennedy sa ulo nito na hindi rin alam kung ano ang gagawin.
Ang mga tao naman sa loob ng Sta.Rama ay patuloy sa pagtakas sa mga earthworm na naroon.
"Mama!" ang palahaw ng isang batang lalaki dahil hindi na nito mahagilap ang ina na napahiwalay sa kanya dahil sa kaguluhan.
Mga nakakatakot na daing at hiyaw ang namayani sa Sta. Rama. Ang helicopter pang dalawa ay hindi na nagawa pang makaangat dahil napuno na rin ito ng mga earthworm at ang mga nakasakay dito ay mga nanghihina na rin dala ng mga pamumula at sugat na nasa balat na nila.
May mga nangahulog na rin na patay na dahil sa malalaking earthworm. Ang mga maliliit naman ay patuloy na kumakapit sa bawat taong naroon...
Nawalan na ng pag-asa ang mga taga Sta. Rama na makaliligtas pa sila sa bagsik ng mga infected earthworms... ngunit kung nagbigayan sana sa pagsakay ang mga tao, hindi sana sila nagtagal pa doon at maaaring nailigtas pa sila lahat bago nagdatingan ang mga infected earthworms...
"Bakit walang mga tao?" anas ni Gerardo nang mapunta na sila sa labas ng ospital at mapansing tahimik sa loob at labas na parteng iyon.
"Dad, baka lumikas na po sila gaya ng sinabi nila noong mapanood ko sa balita," sagot ni Harvey na narinig pala ang sinabi ni Gerardo.
"Halika na..." nasabi na lang din ni Gerardo. Nakaramdam ito ng pangamba nang maisip na silang dalawa na lang ng anak ang natitira doon.
Sumunod naman agad si Harvey na inaalalayan paminsan-minsan ang ama dahil nanghihina na rin talaga si Gerardo.
Kung may pangamba si Gerardo, medyo nabawasan naman ang pangamba ni Harvey dahil sa isiniwalat ng ama sa kanya kanina.
Ayon dito, nahulaan daw ni Gerardo na kaya hindi sila ginagalaw ng infected earthworms ay dahil sa suot nilang salamin sa mata.
Maaari daw na itinuturing silang kakampi o amo ng mga ito dahil sa suot nilang salamin sa mata.
Tinanong pa siya ng ama kanina kung nakasalamin ba siya noong eksperimentuhin niya ang earthworm at umoo naman siya.
Dahil doon, maaari daw na nasilayan o nakita pa siya ng earthworm bago ito mamatay na maaari ring napasa sa mga nabuhay na earthworm sa loob nito.
Ibig sabihin, maaaring itinuturing ng mga earthworm na ang mga taong nakasalamin ang siyang creator ng mga ito kaya hindi daw nila ginagalaw ang mga may salamin sa mata.
Iyon daw ang dahilan kung bakit ang kasama niyang lalaki ay sinalakay habang siya ay hindi.
Kaya sa ngayon, tiwala si Harvey na makakaalis sila doon nang maayos kahit pa hindi ito makapaniwala kung paanong nagkaroon ng kakayahan ang mga earthworm na kilalanin at ituring na kaibigan o kahit anong maaari mong itawag sa mga taong may salamin sa mata.
Nagulat pa sila nang may makita sila sa di-kalayuan na mga taong humahangos sa pagtakbo at lalo pa silang naalarma nang makitang galit na itinuro sila ng isang lalaki
Iyon ang mga taong nakalayo sa mga nagkakagulong tao sa dulo ng Sta. Rama dahil sa mga earthworm na sumulpot doon.
"Hayun! Ang batang iyon! Siya ang dapat na mawala dahil sa kanya kaya nawalan tayo ng pamilya!" galit na galit na sigaw ng lalaking malaki ang pangangatawan.
Tila sumang-ayon ang iba pa at dali-dali silang nagtakbuhan palapit kina Gerardo at Harvey sa kagustuhang saktan ang mga ito. Para sa kanila, sila ang may kagagawan ng lahat...
***