Paika-ikang maglakad ang lalaking bumaril kay Gerardo. Tila nanghihina na rin ito dala ng mga nasa katawan nito. Habang naglalakad palapit kay Gerardo ay nagsasalita ito at nakatutok pa rin kay Gerardo ang b***l nito.
"B-bakit? B-bakit kayo b-buhay pa...samantalang...w-wala na ni isa sa pamilya...ko ang natira!" sabi ng lalaki na paputol-putol ang salita dahil sa hinanakit nito sa pamilya ni Gerardo.
At nang tuluyang makalapit ang lalaki kay Gerardo ay sinigurado nitong sa ulo ni Gerardo nakatutok ang b***l na hawak-hawak niya.
"N-nasaan ang anak mo? Huwag mong sabihing buhay pa rin siya?" tanong ng lalaki dito.
Hindi umimik si Gerardo at nanatiling nakatingin lang sa lalaki habang sapo-sapo pa rin nito ang nagdurugong balikat.
Napangisi ang lalaki.
"Kayo na may gawa ng lahat ng ito...kayo pa ang mabubuhay?" nang-uuyam na sabi ng lalaki at inihanda na ang sariling barilin si Gerardo.
"Huwag!" sigaw ni Alpha at tuluyan na itong nakalapit kay Gerardo. Iniharang niya ang sarili sa asawa habang nakataas ang dalawang palad sa lalaki tanda ng pagpigil ditong iputok ang b***l.
"Parang awa mo na..." ani Alpha na umiiyak. "Alam naming kami ang may kasalanan ng lahat ng ito...p-pero maniwala ka...hindi ito sinasadya ng anak namin...p-patawad kung napabayaan ko ang anak ko...huwag mong gawin ito," nagmamakaawang sabi ng babae.
Pero nanatiling matigas ang lalaki.
"Wala ng lugar ang awa sa puso ko ngayon..." usal ng lalaki at tila flashback na nagbalik sa ala-ala ng lalaki kung paano namatay ang sinasabi nitong pamilya niya.
Iyon ang araw kung saan unang nagkaroon ng malalaking earthworm. Ang araw kung saan maraming namatay na tao.
Naroon ang pamilya ng lalaki noon na nais din sanang masaksihan kung paano mawala ang mga nakamamatay na mga earthworm. Nguni't imbes nga na mawala ang mga earthworm ay naglakihan pa ang mga ito.
Malinaw pa sa ala-ala ng lalaki...kasama niya ang asawa niya at dalawa nilang anak noon...
Tinamaan ng isa sa mga malalaking earthworm ang anak niyang babae na siyam na taong gulang pa lamang. Dahil sa malakas ang pagkakahampas ng buntot ng earthworm sa bata ay tumilamsik ito at nabagok ang ulo sa semento.
Dahil hindi sila kaagad nakahuma at nakatingin lang sa anak nilang tumilamsik ay di nila napansin na isa nanamang malaking earthworm ang palapit sa kanila.
Narinig na lang ng lalaki ang pagsigaw ng asawa niya. At nang lingunin niya ang mga ito...
Iniharang pala ng asawa niya ang sarili para proteksyunan ang anak nilang lalaki sa earthworm na nasa harapan ng mga ito.
Pero nang tila magwala ang earthworm ay halos sabay nitong pinatalsik ang mag-ina niya.
Huli na ang tulong na dumating...bago pa mapatay ang earthworm ng mga bala ng b***l na nanggaling sa mga kung sinong may dalang b***l, patay na rin ang mag-ina niya...
"Kayo ang dahilan kung bakit namatay sila...kaya dapat ding mamatay kayo at wala na kayong karapatan pang mabuhay!" puno ng emosyon at galit na galit na sabi ng lalaki nang magbalik siya sa kasalukuyan.
At umalingawngaw ang bala ng b***l.
"Ayan...huwag kang mag-alala, hindi lalala ang sugat mo at gagaling ka nang tuluyan," nakangiting sabi ng doktora na nag-asikaso kay Harvey.
Nasa ospital siya ng Maynila ngayon. Dinala siya doon nang makita ng mga medics na may nagbitak siyang sugat sa braso niya. Dahil iyon sa tila laway na nahulog sa braso niya noong muntikan na siyang mabiktima ng di kalakihang earthworm noong tumilamsik siya dahil sa pagsabog.
Nginitian lang din ni Harvey ang doktora.
Nalaman niyang may ekperimento palang ginawa noon ang Lolo Kennedy niya. Kaya nagkaroon ng paraan para magamot ang mga pamumula o nagbitak na sugat sa katawan ng tao. Iyon ay kung hindi lamang iyon malala o kung hindi pa nagkalat sa katawan ng tao. Hopeless case na kasi kapag nagkalat na sa katawan ng tao ang pamumula o mga nagbitak-bitak na sugat dala ng mga earthworm.
"Sa ngayon, dito ka na muna habang hindi pa nakakabalik ang pamilya mo," nagsalita muli ang doktora na sa tingin ni Harvey ay kaedaran lang din ng mommy niya.
Isa pa iyon sa inaalala niya, hanggang ngayon ay hindi pa nakakabalik ang mga magulang niya.
Maya-maya ay may kumatok sa pintuan ng silid na kinaroroonan nila ng doktora. Kung hindi siya nagkakamali, private office iyon ng doktora. Kaya pala okey lang dito kung manatili na lang muna siya dito.
"Pasok," sabi ng doktora.
Bumungad ang isang babae na naka all pink ang kasuotan. At may kasama itong batang babae na kaedaran lang din ni Harvey.
"Ma'am kanina pa po siya iyak nang iyak. Gusto raw pong pumunta dito sa inyo kaya nagpahatid na lang po kami kay Mang Berting," bungad na sabi ng babae.
Naisip ni Harvey na marahil ay yaya ito ng bata.
"Mommy, I want to go home na," ang batang babae.
Mommy ng bata ang doktorang nag-asikaso kay Harvey.
"Sweetie, I can't. I'm working. Tingnan mo nga at may patient ako dito o," sabi ng doktora at inginuso pa si Harvey.
"I saw him...sa news po habang nanonood sina yaya," sabi ng bata nang lingunin nito si Harvey.
Napayuko naman si Harvey sa sinabi ng bata. Sigurado kasi siyang negative ang mga balita tungkol sa kanya at sa pamilya niya...
Tigagal si Alpha nang bumagsak sa harapan niya ang katawan ng lalaking muntik ng pumatay sa kanila ni Gerardo.
Napatingin siya kay Sandoval.
Bago pa maiputok ng lalaki ang b***l nito kay Gerardo ay naunahan na siya ni Sandoval.
"Kailangan na nating umalis," sabi lang ni Sandoval.
Agad namang nilapitan ni Kennedy sina Alpha para patayuin na ang mga ito.
Nang muli silang makarinig ng pagsabog malapit sa kanila ay mabilis na ring lumapit si Sandoval sa mga ito para tulungan sila.
Binilisan nila ang paglalakad sa abot ng makakaya nila. Tanaw na nila ang chopper kaya naman mas binilisan pa nila ang paglapit dito.
Nang tuluyan silang makalapit ay pum'westo na si Sandoval para paandarin ang chopper.
Nguni't nagulat sila nang may mga nagtatakbuhang tao ang lumapit sa kanila at nagpumilit makasakay din sa chopper. May mga nauna pang makasakay kesa kina Gerardo, Alpha at Kennedy.
May mga nagtutulakan, lahat ay gusto ring makasakay. Hanggang sa isang lalaki na lang ang natira at tila hindi na ito makapasok pa sa loob.
Nataranta rin si Sandoval, pero nagdesisyon itong iangat na ang chopper nang masigurong nakasakay na sina Gerardo. Napasabit na lang sa bungad ng chopper ang lalaking hindi na makapasok sa loob.
Sa ibaba naman ay kabilaan na ang pagsabog. Nakita pa nila nang ang mga pader na nakapalibot sa Sta. Rama ang sunod na pinatatamaan.
"Hahh," natatakot na anas ng lalaking nakasabit at hindi nito magawang kumapit nang ayos.
Sa paglingon nito ay namataan niya si Gerardo, malapit ito sa kinaroroonan niya. Tila naalala ng lalaki ang balita tungkol sa pamilya nina Gerardo na siyang responsable sa pagkakaroon ng mga kakaibang earthworms.
Dahil alanganin na ang p'westo ng lalaki at sigurado siyang anumang sandali ay maaari siyang mahulog, biglang hinawakan ng isa niyang kamay ang balikat ni Gerardo at hinila ito palabas dahilan para mahulog si Gerardo at saka niya dali-daling ipinasok ang sarili sa dating p'westo ni Gerardo.
"Gerardo!" halos sabay na sigaw nina Alpha at Kennedy.
***