Sa kalsada, matapos maihatid nina Jiro at Shine sina Mira at Paulo, naiwan silang dalawa sa sasakyan. Tahimik ang paligid, tanging tunog ng humihip na hangin at pag busina ng mga saskyan sa daan. Biglang huminto si Jiro sa gilid ng kalsada, dahilan upang mapatingin si Shine sa kanya ng may pagtataka. Sa tensyon ng sandaling iyon, biro ni Jiro, “Lipat ka kaya dito sa harap, hindi mo naman ako driver—ang gara mo naman, sa pogi kong ‘to eh driver lang,” sabay kindat na halos kinaiirita ni Shine. Wala mang ganang sumagot, umirap lamang si Shine ngunit sumunod pa rin at lumipat sa unahang upuan.
Palalim na ang gabi kaya may pag-aalalang tanong ni Shine, “Jiro, anong oras na? Baka mapagalitan tayo ng mommy at daddy mo, ginabi na tayo.” Ramdam ang pagkabahala sa tinig niya, marahil dahil hindi siya sanay sa mga ganitong pagkakataon.“Hindi ‘yun, wag kang mag-alala. Alam naman nila dad na ako ang kasama mo.” Gusto niyang gawing panatag ang loob ni Shine, kaya naman matamis ang ngiti nito habang nagpapatuloy sa pagmamaneho. “Yari ka sa’kin pag napagalitan talaga ako, ang dami ko pang gagawin,” banta ni Shine ngunit tawa lang ang isinukli ni Jiro, hinihimas pa ang manibela na parang wala lang.
Muling nabasag ang katahimikan sa sasakyan. “Shine, may itatanong ako sa’yo. Wag mo sana akong mamasamain at kung iyong mamarapatin lang,” maingat at malumanay na wika ni Jiro, habang panaka-nakang sumusulyap kay Shine. Maluwag ang loob na sumagot si Shine, “Sige ba, basta kaya kong sagutin.” Saglit na katahimikan bago binitawan ni Jiro ang tanong, “Pagtapos natin ng college, anong plano mo? Aalis ka na ba sa bahay namin?” May pag-aalinlangan at panghahawakan sa tanong niya, bakas ang takot na baka mawala sa buhay niya ang dalaga na matagal na rin nilang kasa-kasama.
Nagkibit-balikat si Shine, “Ahm, syempre oo, pero di naman agad. Di naman pwedeng habang buhay nasa inyo ako, nakakahiya kaya sa mommy at daddy mo,” paliwanag niya, may halong paggalang at pagtanaw ng utang na loob. Ngunit sagot ni Jiro, “Paanong nakakahiya? Kami lang naman ang nandoon eh, okay lang sa amin kahit dun ka na tumanda.” Hindi maitago ni Jiro ang lungkot na mararanasan sakaling umalis si Shine; para bang naninikip ang dibdib niya sa pagkakaisip ng hinaharap kung hindi na nila kasama si Shine sa bahay. “Matagal pa ‘yun, at kung sakali lang naman,” ani Shine na may pilit na ngiti sa labi. “Maghahanap ka ba ng work?” tanong ulit ni Jiro. “Oo, pero gusto ko sana magbusiness na lang ng sarili, para kasing hindi ako yayaman pag nag-apply lang ako sa mga kumpanya. Ang problema, wala naman akong perang panimula,” sagot ni Shine, may bakas ng lungkot sa tinig niya, ramdam ang bigat ng responsibilidad.
“Hmm, sabagay, kung gusto mo, sosyo tayo. May sarili akong savings sa bangko, alam mo naman hindi ako maluho,” alok ni Jiro, marahang nagpapaliwanag, umaasang matutulungan si Shine kahit papaano. “Tangek, ikaw may saving, eh paano naman ako? Alam mong nagpapadala ako sa probinsya, may naiwan akong dalawang kapatid doon at pareho pang nag-aaral,” paliwanag ni Shine na mababa ang tono, ramdam ang pagod at problema sa kanyang buhay. “Ako na muna ang gagastos, hindi mo naman kailangang bayaran agad,” pagpupumilit at pagkumbinsi ni Jiro, pilit inaabot ang pangarap ni Shine. “Sige, pag-iisipan ko…” kaswal na sang-ayon ni Shine.
Hindi nagtagal, nakarating na sila sa kanilang bahay. Kusang nagbukas ang trangkahan dahil sa high-tech na scanner sa malaking gate, tanda ng yaman at modernong pamumuhay ng pamilya nila Jiro—hindi nga nila kailangan ng gwardya dahil may robotic guard na palaging nakabantay, maliban na lang kung may malalaking pagtitipon o salo-salo. Ayaw ng ama ni Jiro na maraming nakakaalam ng pribado nilang buhay, mahalaga rito ang kapayapaan at katahimikan ng pamilya.
Pagkaparada ng porsche ni Jiro sa parking area, bumaba na sila at pumasok sa kanilang bahay. Sa loob, nadatnan ang Ina ni Jiro na agad nyang hinalikan sa pisngi bilang pamamaraan ng paggalang. Si Shine naman ay marahang yumukod para bumati sa ginang. “O, ginabi yata kayo, iho,” puna ng ina kay Jiro. “Ah, Mom, nagkayayaan po kasi kami ng barkada na mag-mall at kumain sa labas. Inihatid na rin namin si Paulo at Mira kasi wala silang dalang sasakyan,” paliwanag ni Jiro na nauunawaan naman ng ina kaya’t agad itong tumango, “O sige, magpalit at magpahinga na kayong dalawa,” saad ng ginang.
Agad tumalima si Shine, dahil alam niyang marami pa siyang gagawin. “Mauuna na po ako, Tita at Jiro,” magalang na paalam ni Shine. “Sige na, iha, magpahinga ka muna at wag ng gumawa ng kung ano-ano,” bilin ng ginang sa dalaga bago ito umalis, ipinapakita ang malasakit para sa kanya. “You’re the best mom talaga, mommy,” sabay halik ni Jiro sa kanyang ina. “Asus, naglalambing ka na naman. Kamusta ang pag-aaral, iho? Balita ko may acquaintance party sa school niyo na gaganapin,” tanong ng ginang. “Ah, opo, pero pinag-uusapan pa daw. Sabi nga nila, maganda daw kung sa beach gaganapin. Anyway, mom, aakyat na po ako sa kwarto para makapagpalit at makapagpahinga na rin,” paalam ni Jiro, tinungo ang hagdanan.
Pag-akyat, napansin ni Jiro na nakaawang ang isa sa mga silid na inookupa ni Shine. Hindi kasi siya pinayagan ng mga magulang na matulog sa maids’ quarter, gusto kasi ng mga magulang ni jiro na makapagfocus si Shine sa pag-aaral kaya pinagamit dito ang isa sa mga guest room. Dala ng kuryosidad, dahan-dahan siyang pumasok kahit wala si Shine sa loob. Napansin niya ang kaayusan ng silid, simple ngunit malinis; ang higaan ay maaliwalas tignan—sumasalamin sa pagkatao ni Shine. Lumapit si Jiro sa study table. Doon, nakita niya ang isang sulat na naglalaman ng liham mula sa pamilya nito. Kahit batid niyang kasalanan, binasa niya ang nilalaman:
Shine,
Musta ka na jan. Tita mo ‘to, kailan mo balak magpadala? Kailangan ng mga kapatid mo, di ka na yata nakakaalala. Pagtapos kang palakihin at pakainin, ganun na lang ba ‘yun? Wala kang kwenta pag di ka nagpadala, patitigilin na lang namin ang mga kapatid mo. Tumulong na lang sila sa bukid ng may silbi naman. Magpadala ka. Alam mong matatanda na lolo at lola mo.
– Tita Susan
Nakatitig si Jiro sa liham—ramdam niya ang bigat ng loob at panghuhusga sa katauhan ni Shine. Alam niyang kapapadala lang ni Shine, hindi pa man natutuyo ang pawis nito mula sa trabaho at pag-aaral. Agad niyang itinago ang liham sa dati nitong kinalalagyan para di mahalatang nabasa niya ito. Bago pa cya mahuli nito agad siyang lumabas ng silid at bumalik sa kanyang kwarto. Hindi pa rin makapaniwala si Jiro sa nabasa; marahil kaya ganun na lang magsikap si Shine, mula pag-aaral hanggang sa pagtatrabaho ng extra, nagpipilit kahit pagal ang katawan at isipan.
Samantala, si Shine ay muntik nang maabutan si Jiro sa kanyang kwarto. Nasa banyo lang pala siya, ngunit mahihinang hikbi—tahimik na lumuluha, humihikbi habang nakaupo sa gilid ng bathtub, napapaisip kung bakit tila ba nawawalan siya ng halaga sa kanyang pamilya kahit na kabibigay lang niya ng pera sa kanila. Halos wala nang natitira para sa sarili, maipadala lang ang pangangailangan ng kaniyang mga kapatid para magpatuloy sa pag-aaral. Sakit at sama ng loob ang bumabalot kay Shine habang dumadaiti ang mga luha sa pisngi—mugto ang mga mata habang papunta at tumihaya sa higaan, ramdam ang bigat ng responsibilidad at insecurity dahil sa liham ni Tita Susan.
Sa kabilang kwarto, nag-iisip pa rin si Jiro kung paano makakatulong sa dalaga, na kahit kailan ay hindi mahilig magsumbong o magsabi ng tunay na nararamdaman, kahit nasasaktan na ito sa loob. Ang bigat na dinadala ni Shine ay parang punyal na sumasaksak din sa dibdib ni Jiro—hindi niya alam kung paano nya ito matutulungan o palalakasin ang loob.
Habang lumalalim ang gabi, nangako si Shine sa sarili—hindi siya papayag na walang mangyari sa kanyang buhay. Nangakong babaguhin niya ang kapalaran, magsusumikap at balang araw ay mararating din niya ang tagumpay. Sa pagpikit ng mga mata, nagmistulang isang panalangin ang kanyang mga pangarap, hangga’t sa hinayaan ng pagod at lungkot na siya ay tuluyang nakatulog sa gitna ng pag-iisip at pag-asa.