SAMANTHA'S POV
Alam ko yung mga titig na yun ni Gavin—ramdam ko na may ibig sabihin ang bawat sulyap niya, at sigurado akong kahit paunti-unti, darating din ang araw na bibigay siya sa akin. Sa tuwing magtatama ang aming mga mata, parang may lihim siyang itinatago, may gustong ipahiwatig na kami lang ang nakakaintindi. Hindi ko maitatanggi na gusto ko siya, pero hindi ko pa masasabi na mahal ko na siya—may halong kaba at tuwa kapag malapit siya, pero hindi pa siguro sapat para masabing tunay na pag-ibig na iyon. Lumaki kasi ako sa ibang bansa, kaya hindi ako sanay sa mahigpit na pamantayan ng pagiging "dalagang Pilipina" na pinapahalagahan dito—mas malaya kong naipapahayag ang sarili ko. Sa kinalakihan kong kultura, nasanay akong makuha ang gusto ko at hindi natatakot ipakita o sabihin ang nararamdaman ko. Hindi ko rin masyadong iniisip ang opinyon ng iba tungkol sa paraan ko ng pagpapakita ng damdamin, kasi alam kong may karapatan akong maging totoo sa sarili ko. Nineteen years old na ako, at magkaedad lang kami ni Gavin kaya siguro mas malakas ang hatak niya sa akin—pareho kaming nasa edad na puno ng excitement at tukso, kaya nakakaramdam ako ng kakaibang saya kapag kasama ko siya. Bukod pa dito, tuwing galing ako sa university, dito na ako lagi tumutuloy—sa kanila—kasi gusto ko siyang makita kahit saglit lang. Hindi ko maipaliwanag, pero parang bawat sandali na lumalapit ako sa kanya, lalo kong hinahanap-hanap ang presensya niya. Minsan, ginagamit ko pang dahilan na marami akong kailangang gawin o dadaan ako kay dad, pero ang totoo, siya talaga ang hinahanap ko. Sabi nga nila, malandi na kung malandi, pero wala naman akong pakialam sa sasabihin ng iba at okay lang din sa mga magulang ko. Lahat ng gusto ko, kadalasan ay nakukuha ko rin dahil sa pagiging spoiled ko. Dahil lumaki akong malaya, hinahayaan din nila akong magdesisyon para sa sarili ko.
''O sige na Gavin, aalis na ako—see you bukas na lang,'' sabi ko habang hinahaplos ang braso niya, umalis akong may ngiti sa labi at may nabubuong plano—mga planong kinikilig din akong isipin kung paano ko siya tuluyang mahuhulog sa bitag ko. Tango lang ang naisagot ni Gavin, at ramdam ko na may pag-aalinlangan siya pero nararamdaman ko rin na unti-unti siyang naaapektuhan sa mga ginagawa ko.
Habang paalis ako sa pwesto kung nasaan si Gavin, nasalubong ko naman si dad sa pasilyo.
''O iha, anong masamang hangin ang nagdala sayo dito?'' pabirong bati niya, sabay yakap at halik sa pisngi—na-miss ko din talaga si dad kahit paano.
''Wala, dad. Gusto lang kitang sabayan umuwi,'' sagot ko sabay hawak sa braso niya, kahit maraming tao—sanay kasi akong maging sweet sa magulang ko.
''Ah dad, can I have a favor?'' dagdag ko, sabik na sabik sa gusto kong hilingin.
''Sure iha, ano yun?'' tanong ni dad na laging handang tumulong sa gusto ko.
''Ah kasi gusto ko sanang mag-transfer ng school—may alam akong school na maganda at mataas daw ang quality ng pagtuturo ng mga professor,'' paliwanag ko habang nakayakap ulit sa braso ni dad.
''Huh? Why—what’s the problem with the university you’re attending? You’ve only been there for two months and you’re transferring again?'' halatang nagulat si dad, pero ramdam ko pa rin ang pag-aalala niya.
''Ahm dad, wala naman. Sabi ko nga, high quality kasi yung school na yun,'' maikli pero malambing kong sagot; ayoko lang sabihin ang tunay na rason na gusto ko lang mapalapit pa kay Gavin kasi malapit lang din talaga doon ang university na gusto ko.
''Sige, pag-usapan muna namin ng mommy mo,'' sabi ni dad, sabay akbay para sabay na kaming umuwi.
''Tara na, umuwi na tayo,'' sabi ko at ''ok,'' sagot ko na lang, sabay ngiti dahil excited ako na baka makuha ko na naman ang gusto ko, masaya at excited ako sa bagong chapter na pwedeng mangyari dahil sa planong ito.
Samantala, sa university nila Jiro, tapos na ang mga klase at oras na para umuwi.
''Ok class, dismiss! But wait, I have something to discuss with you,'' sabi ng professor nila. Biglang natahimik ang lahat at sabik na naghintay sa susunod niyang sasabihin.
''Ahm, may gaganapin tayong ACQUAINTANCE PARTY this coming week,'' anunsyo niya na nagdala ng kilig at excitement sa karamihan. Pinag-uusapan pa sa meeting kung sa beach ito gagawin, kaya lalo silang na-excite.
''Kaya be ready sa next update kapag na-finalize na, ok?'' dagdag pa ng prof.
''Yes, ma'am!'' sabay-sabay nilang sagot, halos nagkakagulo pa sa tuwa at excitement na makaranas ng bagong adventure.
Pagkatapos, nagsimulang mag-ayos ang lahat para sa pag-uwi, kwentuhan pa ng mga plano at kasabikan.
''Narinig niyo yun? Sana sa beach ganapin!'' sabi ni Paulo, halatang sabik at parang bata sa tuwing nababanggit ang beach at summer.
Sumang-ayon ang mga kaibigan niya, nagplaplano na ng isusuot at paano mag-eenjoy, pero si Shine at Jiro, tahimik lang at nakikinig. Parang nasa sariling mundo, tahimik na nagmamasid.
''Ikaw, Shine, excited ka rin ba sa beach?'' tanong ni Mira, gustong malaman ang nararamdaman ng kaibigan.
''Ahm, ok lang, pero kasi di ako marunong lumangoy,'' nahihiyang sagot ni Shine, ipinapaalam na kahit gusto niyang sumama, may kaba at pag-aalinlangan pa rin siya.
Napangiti ang mga kaibigan at nangakong tutulungan siyang matutong lumangoy, sabay tawanan na parang nawala ang alinlangan. Alam din ni Jiro na hindi talaga marunong lumangoy si Shine. Kahit may swimming pool at resort sila, hindi niya talaga nakikitang lumalangoy si Shine—lagi lang ito sa gilid ng pool o pampang ng dagat, masaya nang nanonood.
''Shine, tuturuan kita lumangoy,'' biglang sabi ni Jiro, kitang-kita ang malasakit niya.
''Para makapag-enjoy ka rin at hindi ka lang nanonood,'' dagdag pa niya. Tumango lang si Shine, halatang may kaba pero gusto rin niyang matuto.
''Relax Shine, andito lang kami. Tutulungan ka rin namin,'' sabi ni Kevin.
''Hindi kami titigil hangga’t di ka natututo. Alam mo naman, hindi masaya pag may naiiwan. At sigurado ako, hindi rin papayag si Jiro na iwan ka,'' dagdag pa niya.
''Guys, uuwi na ba tayo o magmamall muna tayo?'' biglang singit ni Paulo.
''Oo nga, gusto ko rin kumain sa labas,'' sang-ayon ni Kevin.
''Ano ba yan Kevin, puro pagkain nasa isip mo. Buti di ka tumataba,'' biro ni Mira.
''Blessing ang tawag dun, Mira,'' sagot ni Kevin.
''Saang mall tayo?'' tanong ni Rence.
''MOA na lang,'' sagot ni Paulo.
''Kila Jiro ako sasabay,'' sabi ni Mark.
''Hep hep hep, sino nagsabing sasama kami?'' sabat ni Jiro, ''Dapat may paalam muna yan,'' dagdag pa niya.
''Jiro, ang boring ng buhay mo, idadamay mo pa si Shine,'' biro ni Kevin.
''Oh bakit nasali ako dyan, nanahimik lang ako,'' sagot ni Shine.
''Naku, isa pa tong boring,'' pabirong sabi ulit ni Kevin.
''Hindi naman sa ganun, may gagawin pa kasi ako. Alam niyo naman na nangangamuhan ako,'' paliwanag ni Shine.
Nang marinig 'yon ni Jiro, bigla siyang sumang-ayon na sumama na lang sila sa mga kaibigan, ayaw niyang agad harapin ni Shine ang trabaho sa mansion.
''Ay, sasama pala kami,'' sabi nito.
''Ano? Akala ko ba uuna na tayo sakanila,'' protesta ni Shine.
''Hmm, nagbago isip ko. Sasama na lang tayo at bawal kumontra, remember, I'm one of the boss,'' kindat na sabi ni Jiro.
''Edi wow,'' sagot ni Shine, medyo pikon at nakabusangot na.