Natapos ang panananghalian ng kanya kanyang grupo, bawat isa ay tahimik na naglakad papunta sa mga bakanteng kubo matapos ang masayang salu-salo. Sa oras na iyon, kanya-kanyang destinasyon naman ang inisip ng bawat isa, depende kung ano ang nais nilang gawin kasunod ng kanilang busog na tiyan at masayang pakikisalamuha. Ang ilan ay nagplano nang tumambay sa mga pool ngunit napagdesisyunan nila Shine na sa dalampasigan na lang pumunta, imbes na magbabad sa malamig na tubig ng pool, sapagkat para sa kanila, mas sariwa at presko ang pakiramdam sa baybayin at tamang-tama lang ang panahon—hindi sobrang mainit kaya perpektong magpalamig at magpahinga.
"Haist, sarap naman ng kain natin, talagang nabusog ako," wika ni Kevin habang himas-himas ang tiyan, ramdam pa ang bigat ng kanilang kinain ngunit kitang kita rin ang saya sa kanyang mukha. Habang nagpapahinga, napagdesisyunan nilang maupo muna sa isa sa mga cottage na malapit sa dalampasigan, pinagmamasdan ang tubig na kumikislap sa ilalim ng araw at masusing pinapakinggan ang paghampas ng malalambot na alon sa pampang. "Oo nga, Jiro, ang sarap pala sa lugar na 'to. Bakit hindi ka yata nagbabakasyon?" puna ni Rence, napapansin na madalang nilang makitang nagre-relax si Jiro kasama ang barkada. "Guys, busy pa kasi ako sa school. Wala talaga akong time at minsan sumasaglit ako sa opisina ni dad. Kayo naman alam nyo na, inaaral ko na paunti-unti ang kalakaran sa negosyo ng pamilya ko," paliwanag ni Jiro, halata sa kanyang boses ang responsibilidad na kanyang pinapasan. "Hmm, sabagay may point ka rin bro. So paano yan, wala ka na talagang pahinga after mo gumraduate?" tanong ni Mark, tila iniisip na baka hindi na muling mabuo ang kanilang samahan matapos makapagtapos. "Meron naman siguro pero hindi ako magbabakasyon ng matagal dahil kailangan ako ng daddy ko," simpleng sagot ni Jiro na may halong pagkabahala kong paano magbabago ang kanilang buhay paglipas ng panahon. "Sa totoo lang, magiging busy na tayo pagkagraduate natin. Magkakasama pa kaya tayo pagdating ng araw na yun?" tanong ni Mira, pansamantalang napatigil at biglang nalungkot, sinasariwa ang ideya na baka isang araw, magkakanya-kanya na sila at hindi na muling mabubuo ang ganitong mga alaala.
"Naku, Mira, OA ka. Matagal pa yun, no!" biro ni Kevin sa kaibigan, pinilit ibalik ang masayang mood na sandaling nabahiran ng lungkot. "Maligo kaya tayo ngayon sa dagat habang di pa mainit?" suhestiyon ni Mark, gustong pakawalan ang stress at mag-enjoy kasama ang barkada. "Oo nga, tara!" sang-ayon ni Rence, sabay bangon mula sa upuan, halatang sabik na. "Ahm, guys, kayo na lang," nag-aalalang wika ni Shine, dahil sa kabila ng saya ay hindi pa siya marunong lumangoy at may halong takot sa malalim na tubig. "Tara, sumama ka na, di kita pababayaan," malambing na sagot ni Jiro, sabay hawak sa kamay ni Shine, kaya napilitang sumama at nagpatianod na lamang ang dalaga sa kagustuhan ng binata, habang unti-unti niyang nararamdaman ang tiwala dito.
Tumakbo silang pito sa dalampasigan, mga tawa at hiyawan ang umalingawngaw kasabay ng hampas ng alon sa maputing buhangin. Ang saya ay di magkamayaw; walang pakialam sa paligid at parang sila lang ang naroon. Bagamat kinakabahan si Shine, nagpatianod na siya sa grupo dahil alam niyang ligtas siya kay Jiro. Nang maabot ang pampang, marahang sinabi ni Jiro, "Huwag kang matakot, Shine," kasabay ng paglalagay sa kanya sa mababaw na bahagi ng dagat. Malamig ang tubig na marahang gumagapang sa kanilang mga paa, habang ang hanging-dagat ay malumanay na humahaplos sa kanilang mga mukha, may dalang amoy ng alat at kalayaan mula sa araw-araw na alalahanin.
"J-Jiro, baka malunod ako," sambit ni Shine, nanlalaki ang mga mata habang mahigpit niyang hawak ang braso ng binata. Nagliliparan ang sinag ng araw sa ibabaw ng tubig, nagpapakinang sa alon na tila lalong pinalalaki ang dagat sa paningin ni Shine. "Hindi ka malulunod, pangako," sagot ni Jiro na may matibay na kumpiyansa, hinawakan ang dalawang kamay ni Shine at inilagay iyon sa kanyang balikat para mas lalong mapalapit siya. "Hawakan mo lang ako ng mahigpit, okay? Hayaang maramdaman mo lang muna ang dagat, parang paa-paahon lang tayo dito," pinalakas niya ang loob ng dalaga.
Dahan-dahan silang naglakad palapit sa mas malalim ng kaunti, ngunit hindi lampas tuhod. Ang mga alon ay marahang dumadampi sa kanilang mga binti, at unti-unti nang bumibigat ang paghinga ni Shine bilang senyales na nakapapawi na ng kaba. Napatingala siya kay Jiro at sa mukha ng binata ay nakita niya ang pag-aalaga at pagbibigay lakas ng loob. "Kita mo naman, di ba? Hindi naman masama. Kung gusto mong tumigil, sabihin mo lang—hindi tayo magmamadali," malumanay pang payo ni Jiro. Tumango si Shine, at unti-unting naglalaho ang takot sa kanyang mata habang nadarama niya ang t***k ng puso ni Jiro sa kanyang balikat at naririnig ang banayad na kantang hatid ng mga along humahaplos sa paligid.
Habang nakamasid si Shine kay Jiro, mahigpit pa rin ang hawak niya sa braso ng binata habang magkasama nilang pinapanood ang mga alon na lumalapit sa dalampasigan. Hindi nila namamalayan na ang kanilang mga kaibigang sina Mira, Rence, Mark, Kevin at Paulo ay nakaupo lang sa buhangin, nagpapahinga at nakatingin sa kanilang dalawa na noo'y tila may sariling mundo, may mga ngiting puno ng asar at kilig. "Ang sweet nila, 'no?" bulong ni Mira habang tinatakpan ang bibig niya upang hindi marinig ang sinasabi. "Hayaan mong kuhanan ko ng litrato—baka hindi pa nila alam kung gaano sila ka-ganda tingnan mula dito," naisip ni Kevin, sabay dahan-dahang kinuha ang camera mula sa kanyang bag. Maingat niyang inadjust ang lens, sinigurong sakto ang kukuha sa sinag ng araw, kinang ng dagat, at mismong mga ngiti ni Jiro at Shine na tila nag-iisa sa buong mundo. "Click!" Ang tunog ng shutter ay halos hindi marinig dahil sa malakas na hangin at dagundong ng alon kaya ni hindi namalayan ng dalawa ang ginawang pagkuha ng larawan.
"Ang ganda talaga!" dagdag ni Kevin habang sabik na tumingin sa screen ng camera, nililibang ang sarili sa na-capture na espesyal na sandali. "Itago muna natin 'to—bukas pa natin ipapakita para makita nila ang moment," parang batang inilihim mula sa magulang ang sorpresa.
Samantala, sina Shine at Jiro ay tahimik lang na na-enjoy ang sandali sa may dagat, dahan-dahang inilalakad ni Jiro pabalik sa mas mababaw na bahagi, habang si Shine ay pinipilit kalimutan ang takot, natutunan pang mag-relax at magsaya sa piling ng binata. Hindi siya makapaniwala sa sarili na nagawa niya iyon—ang maligo sa dagat at sumabay sa alon, salamat sa tiwala at lakas ng loob na binigay sa kanya ni Jiro. "Alam nyo bagay na bagay kayo," komento ni Mira nang makalapit muli sila sa barkada, "Oo nga sobrang bagay!" thumbs up ni Kevin, kitang kita ang pagmamalasakit at saya sa kanilang mga tingin.
Sa kabilang dako ng dalampasigan, mula sa maliit na tindahan ng sorbetes, nakatayo sina Gavin at Miel habang bumibili ng paboritong panghimagas. Sa di kalayuan, tanaw na tanaw nila ang tuwang-tuwang grupo nina Jiro at Shine—nagtatawanan, nagkakantyawan, at naglalaro na ng frisbee sa malawak na buhanginan. Habang masaya ang lahat, kitang-kita ni Gavin kung paano mas pinipili ni Shine na manatili sa tabi ni Jiro, kung paano niya mahigpit na tinatanganan ang braso ng binata kapag naglalakad sila, at kung gaano kaingat ang tingin ng lalaki sa kanya. Ramdam ni Gavin ang kirot sa dibdib, may bigat at malamig ang pakiramdam habang hawak ang sorbetes, at napapatingin siya ng seryosong masama sa kinikilos ng dalawa.
Kaagad napansin ni Miel ang pagbabago sa ekspresyon ni Gavin, kaya hinawakan niya ang braso nito at mahinang nagtanong, "Gavin, okay ka lang? Mukhang may bumabagabag sa loob mo." Napalingon si Gavin sa kaibigan at pinilit ngumiti, "Ah, wala lang, Miel. Baka lamig lang ng sorbetes," sagot niya, pero halatang may ibang laman ang kanyang isip at damdamin, dahil sa tingin pa lang sa mga mata niya ay mababasa na ang selos at lungkot. Alam ni Miel ang tunay na dahilan ng kanyang nararamdaman—kanina pa niya napapansin na mula umaga, panay ang lingon at paghanap ng mga mata ni Gavin kay Shine, ngunit ni minsan ay hindi ito tumingin pabalik kahit saglit lang; may ibang mundo na si Shine na hindi na saklaw ni Gavin. Medyo naawa si Miel sa kaibigan pero masaya din siya para kay Shine. "Alam mo, pare, kanina pa kita napapansing umaga mula ng magkita ulit kayo, siya na lang lagi ang hinahanap ng mga mata mo," hindi nakatiis na komento ni Miel. "Pero ako, hindi niya magawang tapunan ng tingin kahit saglit lang," malungkot na salaysay ni Gavin, na tila hindi sigurado kung makakabawi pa siya sa babaeng Minsan na syang naging mundo ngayon ay tila di na sya kilala.
Samantala, sa kabilang panig, lihim na napapangiti si Shine habang pinagmamasdan ang mga kaibigan, masayang nagtatawanan at habulan, lalo na nang si Mira ay muntik nang madapa sa pagsalo ng frisbee—lalo silang nagkagulo’t nagkatawanan, puno ng saya ang paligid. "Hay naku guys, tama na yan. Kailangan nating magpahinga kasi may dadaluhan pa tayong party mamaya, remember?" paalala ni Jiro sa mga kaibigan, sa pag-alalang huwag nilang kalimutang may magaganap pang importanteng kasiyahan sa gabing iyon. "Oo nga pala! Kailangan namin mag-beauty rest ni Shine, ayoko magmukhang haggard mamaya sa party," biro ni Mira, ginawang katuwaan ang preparasyon. "Arte ha! Kala mo talaga babae, mas macho ka pa nga samin," pambubuska ni Kevin kay Mira, dahilan ng tawanan pa lalo ng grupo. "Tigil nyo na 'yan," muling awat ni Jiro, pinapalitan ang usapan ng mas kalmadong tono. "Pasalamat ka Kevin," sabat ni Mira, na binelatan lang ito habang nagtawanan pa rin ang buong tropa. Sa huli'y nagkayayaan nang magbalik sa kanya-kanyang silid upang magpahinga, maghanda at magplano para sa masayang gabing parating,