EPISODE 25

1440 Words
Naghanda na silang lumabas sa kanilang inookupang kwarto.Napagkasunduan nina Jiro na hintayin na lamang sa labas ng kwarto ang dalawang kaibigan nilang babae. Isa-isa silang lumabas, bitbit ang kulitan at bahagyang pananabik, at huminto sa may hallway na naliliwanagan ng maiinit na ilaw ng resort. Sumandal si Kevin sa pader at napabuntong-hininga. “Ito na ’yon,” sabi niya. “Moment of truth.” “Parang ikaw ang kinakabahan,” tukso ni Rence. Tahimik si Jiro, nakatayo nang tuwid sa tapat ng pinto. Hindi niya alam kung bakit, ngunit mas mabilis ang t***k ng puso niya kaysa kanina. Hindi ito kaba ng party—kundi kaba ng muling pagkikita. Sa likod ng pintong iyon, alam niyang may isang presensyang kayang guluhin ang katahimikan.Maya-maya, may narinig silang mahinang kaluskos sa loob. Isang hakbang. Isa pa. Napatingin silang lahat sa pinto. Huminga nang malalim si Jiro. Sa sandaling iyon, handa siyang harapin ang anumang lalabas—ang mga ngiti,ay unti unti ng nakapaskil sa kanyang mga labi. “Kabado ako, Mira… bagay ba talaga sa’kin?” mahinang tanong ni Shine bago sila tuluyang lumabas ng kwarto. Kita sa mga mata niya ang pag-aalinlangan, ang uri ng kaba na hindi dahil sa itsura, kundi sa mga matang posibleng tumingin. Napahinto si Mira at hinarap siya. Hinawakan niya ang magkabilang balikat ni Shine at ngumiti nang buo. “Ano ka ba,” sabi niya, walang alinlangan. “Bagay na bagay sa’yo. Hindi lang ’yan basta damit—ikaw ang nagbibigay ng buhay diyan.” Huminga nang malalim si Shine. “Ewan ko, parang hindi ako sanay…” “Exactly,” putol ni Mira, sabay kindat. “Kasi bihira kang magpakita. Kaya kapag lumabas ka, siguradong mapapansin.” Ngumiti si Shine, bahagyang lumakas ang loob. Sa likod ng kaba, may kumpiyansang unti-unting sumisibol—hindi dahil sa papuri, kundi dahil may kaibigang naniniwala sa kanya. “Tara na,” sabi ni Mira, sabay hawak sa kamay niya. “Huwag na nating paghintayin ang mundo sa labas.”At unti-unti na ngang binuksan ni Mira ang pinto para sa kanilang dalawa ni Shine. Mahina ang tunog ng bisagra, ngunit sapat upang putulin ang katahimikan sa hallway. Inaasahan na nila ang paghihintay ng mga kaibigan nilang lalaki—ang kulitan, ang biro, ang maiingay na reaksyon. Ngunit sa sandaling tuluyang bumukas ang pinto, parang huminto ang oras. Isa-isang napalingon ang mga lalaki. Nawalan ng salita si Kevin. Napatigil si Mark sa pag-aayos ng relo,si Paolo na napa ''wow'' Si Rence ay napabuntong-hininga, parang napasabi ng “grabe” kahit hindi lumabas sa labi. At si Jiro—natigilan. Hindi niya namalayang ilang segundo na pala siyang nakatitig kay Shine. Hindi dahil sa damit lamang, kundi sa paraan ng pagdadala niya nito—tahimik, buo, walang pilit. Ang liwanag ng hallway ay tila kusang pumapabor sa kanya, at ang bawat hakbang niya ay may dalang kumpiyansang hindi sigaw, kundi bulong. “Wow,” ang tanging nasabi ni Kevin sa wakas. “Sulit ang paghihintay.” “Told you,” sabi ni Mark, may ngiting alam ang ibig sabihin. Napangiti si Mira, sanay na sa atensyon. “Ano, ready na ba kayo?” biro niya.“Mira… ikaw ba talaga ’yan?” biro ni Kevin habang hindi pa rin maalis ang tingin sa dalaga. “Kanina mo pa ’ko ginugulat ah. Bigla kang nag-transform, parang may switch.” Napailing si Mira at napatawa, sabay taas ng kilay. “Leche ka, Kevin. Huwag mong simulan ang magandang gabi ko,” asik niya, kunwa’y masungit pero may halong biro. “Teka lang naman,” depensa ni Kevin. “Nag-a-adjust lang ako. Hindi sanay ang mata ko.” Nagkatawanan ang lahat. Si Mark ay napailing na lang. “Ikaw talaga, walang preno.” “Sanay na kami diyan,” dagdag ni Rence. Si Shine ay bahagyang ngumiti, pinagmamasdan ang kulitan. Ramdam niyang unti-unting nawawala ang kaba sa dibdib niya, napapalitan ng gaan na dala ng pamilyar na tawanan. Tahimik si Jiro, ngunit may ngiting hindi niya mapigilan. Sa gitna ng biro at ingay, may kakaibang liwanag ang gabing iyon—parang lahat ay nasa tamang lugar, sa tamang oras. “Tara na,” sabi ni Paolo, sabay kumpas papunta sa venue. “Bago pa magbago ang isip ng reyna.” Umiling si Mira, tumawa, at nagsimulang maglakad. Sa likod niya, sumunod ang lahat—dala ang sayaHabang naglalakad sila papunta sa venue, bahagyang bumagal ang hakbang ni Shine dahil sa suot na heels. Hindi iyon nakaligtas sa mapagmasid na mata ni Jiro. Agad siyang umalalay, marahang inalok ang kanyang braso. “Dahan-dahan,” mahina niyang sabi. Nagulat si Shine sa una, ngunit tinanggap din niya ang alalay. Ramdam niya ang init ng kamay ni Jiro sa kanyang braso—hindi mahigpit, hindi mapang-angkin, kundi sapat lang upang iparamdam na nariyan siya. Bahagyang yumuko si Jiro at bumulong, sapat lang para silang dalawa ang makarinig. “I told you… bagay sa’yo ’yung dress.” Saglit na napatigil ang paghinga ni Shine. Hindi niya alam kung dahil ba sa papuri o sa paraan ng pagkakasabi nito—mahina, sigurado, at walang halong biro. “Salamat,” mahinang tugon niya, bahagyang napangiti. “Akala ko nga kanina hindi.” Umiling si Jiro, bahagyang ngumiti. “May mga bagay na hindi mo nakikita sa sarili mo,” sabi niya. “Pero kitang-kita ng iba.”Habang papalapit sila sa venue, unti-unti na nilang naaagaw ang atensyon ng kanilang mga schoolmate at maging ng ilang professor na naroon. Sa bawat hakbang, tila kusang humihina ang ingay sa paligid. May mga bulungan. May mga matang napapalingon. Ang ilaw mula sa entrance ay tumatama sa kanilang mga bihis, lalo pang pinatingkad ang kanilang presensya. “Grabe…” mahina ngunit rinig na komento ng ilang estudyante. “Ang gaganda at gwapo talaga nila.” “At si Jiro, ibang level talaga.” Hindi sanay si Shine sa ganitong klaseng atensyon. Ramdam niya ang mga titig, ngunit pinili niyang panatilihin ang mahinahong tindig. Nasa tabi niya si Jiro—hindi nangunguna, hindi rin nagpapahuli—kundi sakto lang, parang natural na doon ang pwesto niya. Si Mira naman ay taas-noong naglalakad, may ngiting kayang makipagsabayan sa ilaw ng venue. Paminsan-minsan ay sumasagot siya ng pagbati, parang artista sa red carpet na sanay sa kamera. Sa kabilang banda, hindi rin nakaligtas sa mata ng mga professor ang grupo. May ilang napangiti, tila nasisiyahang makita ang mga estudyanteng hindi lang matalino, kundi may kumpiyansang dalhin ang sarili sa ganitong okasyon. At sa gitna ng lahat, may isang pares ng mata mula sa kabilang dulo ng venue ang napako—hindi makaalis ang tingin. Si Gavin. Nandoon sina Gavin at Miel sa isang sulok ng venue—medyo malayo sa gitna ng okasyon, ngunit sapat ang pwesto upang kitang-kita nila ang lahat ng kaganapan. Mula roon, tanaw ang entrance, ang kumikislap na ilaw, at ang bawat paglingon ng mga taong napapahinto sa pagdating ng grupo. Nakahawak si Gavin sa baso ng inumin, ngunit hindi niya iyon iniinom. Nakapako ang mga mata niya sa iisang direksyon. “Pare…” mahina ngunit makahulugang sabi ni Miel nang mapansin ang reaksyon ng kaibigan. “Hinga.” Hindi sumagot si Gavin. Sa sandaling makita niya si Shine—nakasuot ng gintong bestida, may mahinahong ngiti at kumpiyansang hindi kailangang ipagsigawan—parang may kung anong bumalik sa kanya. Isang alaala. Isang pakiramdam. Isang pagkakataong minsan niyang hinayaang lumipas. At nang mapansin niyang nasa tabi nito si Jiro—umalalay, may ibinubulong, at kapwa nila dala ang presensyang hindi mapagkakaila—may kirot na hindi niya mapigilan. “Masaya siya,” mahinang sambit ni Gavin, hindi malinaw kung para ba iyon kay Miel o sa sarili niya. “Relax,” mahinang sabi ni Miel habang patuloy na nakamasid sa gitna ng venue. “Hindi naman daw magjowa si Shine at Jiro. Magkaibigan lang.” Bahagyang napalingon si Gavin, tila kumapit sa sinabi ng kaibigan. “Sigurado ka?” tanong niya, pilit na kalmado ang boses. “Yun ang narinig ko,” sagot ni Miel. “Close lang talaga sila. Pero hindi ibig sabihin nun may karapatan ka na agad.” Nanahimik si Gavin. Kahit papaano, may bahagyang gumaan sa dibdib niya. Ngunit kasabay nun ang isang mas malinaw na katotohanan—kahit hindi sila, hindi ibig sabihin ay siya na ang susunod. Mula sa kinatatayuan nila, kitang-kita niya ang paraan ng pag-alalay ni Jiro kay Shine, ang natural na pag-uusap nila, ang mga titig na hindi pilit. Hindi iyon mukhang basta pagkakaibigan lamang… o marahil ay isang pagkakaibigang may lalim na hindi niya nasaksihan noon. “Magkaibigan lang…” ulit ni Gavin sa sarili, parang sinusubukang kumbinsihin ang puso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD