Kabanata 8 KNIGHT IN SHINING...

1501 Words
"Ho?" "I can help you. Saan ang punta ninyo?" sabi ng lalaki na humakbang palapit dahilan upang umatras naman siya. "H-hindi na po..." tanggi niya. Nagpalinga-linga kung may taong mahihingan ba ng tulong kung sakaling sapilitan silang isakay ng lalaki. "Hindi po namin kailangan ang tulong ninyo," ika niya at lumayo pa lalo. Hindi maikakaila ang takot na rumehistro sa kanyang mukha. Oo, kailangan niya ng tulong, pero hindi ng estrangherong iyon. Natawa ang lalaking iyon at naitaas ang dalawang kamay na tila sumusuko sa kanya. "I think I scared you than being a help, Miss. I'm sorry," sabi nitong hindi na niya pinansin. Mabilis siyang lumayo sa lalaki. Mukha naman itong mabait ngunit ayaw niya pa ring magtiwala dahil hindi lahat ng mukhang mabait ay mabait talaga. Judgemental na siya kung judgemental...basta ayaw niyang ipahamak ang ina. Napalingon siya at napatigil saglit nang muling marinig ang ugong ng sasakyan ng lalaki. Akala niya ay susunod muli sa kanya ngunit umalis ito at hindi na siya ginambala habang naglalakad. Nakahinga siya nang maluwag at nagpatuloy siya sa paglalakad. Muling natulog ang ina sa kanyang balikat. Ngunit ang payapang paglalakad niya papuntang hospital ay muling nagambala. Malalaking patak ng ulan ang unti-unting bumabasa sa kanilang mag-ina. Nag-umpisa ng umulan at papalakas pa iyon. Muling bumuhos ang kanyang mga luha. Biglang nawalan ng pag-asa. Nagpalinga-linga siya upang maghanap ng masisilungan ngunit wala siyang makita. "Bumalik na tayo, Maid," usal ng kanyang ina na ngayon ay gising na naman. Ibinaba niya ang ina at pinaupo ito. Pinayungan ng katawan niya ang payat at pagal nitong katawan. Muli itong naubo. Bumaba siya upang hagurin ang likod nito. Inubo ito nang inubo. Pinilit pa nitong takpan nang palad ang bibig ngunit nagtuloy-tuloy lamang ang pag-ubo nito. "Uwi na...tayo." Umangat ang ulo nito upang tingnan siya sa kanyang mga mata. Nakikiusap ang titig ng ina. Nakikiusap na iuwi na niya. Muli siyang marahas na umiling. Bumaba ang tingin niya at napatutop siya sa kanyang bibig nang mapansin ang dugo sa kamay ng ina na humalo na rin sa tubig ulan. "Nay..." Nanginginig niyang tawag dito. Ngayon niya lang napansin ang matinding pamumutla nito. Maging ang mga kamay niya ay nanginginig na inabot ang kanyang ina kasabay iyon ng takot na muling sumalakay sa pagkatao niya. Kasabay ng pag-abot niya rito ay ang pagtumba naman nito sa lupa. "Nay!" iyak na sigaw niyang tawag. Pareho na silang basa sa ulan. "Nay, huwag mo akong iiwan!" iyak na pakiusap niya. Takot na takot. "Tulong! Tulungan ninyo ako!" sigaw niya sa kailaliman ng gabi. "Diyos ko! Huwag naman ngayon. Huwag muna ngayon! Akin muna si Inay! Sa akin muna siya, pakiusap!" palahaw niya habang hindi na malaman kung paano ililigtas ang ina. Gusto niyang sumbatan ang Diyos. Marami na masyado ang paghihirap na pinaranas nito sa kanila. Wala ng saya sa pisngi at labi ng kanyang ina. Simula noong kunin ng Diyos ang kanyang ama, hindi na sila naging masaya. Hindi na nito ipinaranas ang maalwan at masayang buhay sa kanila. Sinubukan niyang maging matatag para sa ina. Ngunit tila sinasaid na siya ng Diyos. Kinukuha na Nito ang lahat sa kanya. Wala na siyang makitang liwanag pa, pinadilim Nito ang kanyang mundo. Basa sa ulan. Takot para sa inang nakahandusay, pinilit niya muli itong buhatin. Ngunit hindi pa niya ito nabubuhat ay tumumba siya kasama ito. Nanghihina ang mga tuhod niya. Napayakap na lamang siya sa inang walang malay habang pumapalahaw ng iyak. "Inay...Inay. Pakiusap po. Huwag mo akong iwanan mag-isa. Nangako ka inay, Makikita mo pa akong magmartsa sa pagtatapos...Nay!" Umihip ang malamig na hangin. Bumugso ang ulan. Niyakap niya ang ina nang mahigpit upang kahit papaano ay mabigyan ng init ang katawan nito. Pilit niyang sinasangga ng kanyang katawan ang bawat patak at ihip ng hangin. Napapikit siya habang nananalangin ng taimtim. Muli nakiusap sa Diyos. "Hindi ko sinasadya...hindi ko gustong sisihin ka," pagmamakaawa niya sa Diyos. "Humihingi ako ng kapatawaran, huwag mo lamang kunin ang inay ko," sabi niyang lumuluha. Yumuko para yakapin pa lalo ang ina. "I think, you need my help now." Napamulat si Maid. Wala na siyang maramdaman na patak ng ulan sa sarili. Tumingala siya. Nagtagpo ang mga mata nila ng lalaking kanina lang ay nag-aalok ng tulong sa kanya. Nakahawak ito ng payong na siyang naging lilim nilang mag-ina. Napahagulgol siya. Wala na siyang pakialam sa itsura niya. "Tu...tulong," mahina niyang usal. "Pakiusap." Nanlalabo ang mga mata niya dahil sa luhang walang humpay sa pagbuhos. Hindi na halos makahinga dahil sa baradong ilong kakaiyak. "Let's go." Inangat siya nito sa pamamagitan ng paghila sa kanyang braso. Pagkatapos ay mabilis nitong binuhat ang kanyang ina papunta sa kotse nito. Pinahiga nito ang kanyang ina sa likuran ng sasakyan. Sumakay rin siya roon at pinaunan ang ina sa kanyang mga hita. "Tell me where to go," ika nito bago pinaharurut ang kanyang sasakyan. Mabilis itong sumunod sa bawat direksiyon na sinasabi niya. Gamay na niya ang sulok ng bayan dahil sa paglalako at paghahanap buhay. Napupunta siya sa hospital kadalasan upang magbenta ng kung ano-ano. "Pakibilisan po," usal niyang pakiusap sa lalaki. Napatitig sa halos wala ng kulay na mukha ng ina. Mabilis nga nilang narating ang nag-iisang hospital sa bayan. Mismong sa harapan pa ng hospital nag-park ang lalaki at walang pakialam kahit lumapit ang guard ng hospital para paalisin sila. "Tara," ika nitong muling binuhat ang kanyang ina. Itinakbo sa loob at ito na rin ang humingi ng tulong. Mabilis din siyang sumunod. Napatakbo at sinundan ang lalaki. Akala niya ay pagtitinginan lamang sila ngunit agad na dinaluhan ng mga doctor at nurse ang kanyang ina. "Sir, kami na po ang bahala," ika ng isang nurse dito. "Nay!" Lalapitan sana niya ang inang nakahiga na sa isang stretcher para dalhin sa emergency ngunit pinigilan lamang siya ng lalaki. "Let them do their job, Miss," ika nitong iniharang ang kamay sa kanyang daraanan. Wala siyang nagawa kundi ang sundan ng tingin ang mabilis na pagdala sa kanyang ina sa emergency room. Ngayon nga ay nakaluhod si Maid sa harap ng altar habang naghihintay. Pagkatapos magpasalamat sa lalaki ay iniwan niya agad ito at pumunta sa chapel ng hospital upang muling manalangin. Muling makiusap sa Diyos na huwag munang kunin ang ina sa kanya. Umiiyak, impit na nagdarasal. Nakaluhod. Sana ay kahabagan siya ng Diyos. Ang ina na lamang niya ang tanging dahilan niya para lumaban,magpakatatag at ngumiti. Ito na lamang ang dahilan niya upang magpatuloy. Buhay niya ang kanyang ina at gagawin niya ang lahat upang mabuhay ito. Para madagdagan pa ang mga panahong makasama niya ang ina. Makikiusap siya sa Diyos sa buhay ng ina Nanghihina siyang tumayo mula sa pagkakaluhod. Umaasang napakinggan na ng Diyos ang hiling at hinaing niya. Sana sa pagkakataong iyon, pagbigyan siya nito at hindi na muling talikuran pa. Wala sa sariling naglakad siya palabas sa chapel. Nasa may pinto na siya nang biglang may kamay na humarang sa daraanan niya. Sa kamay nito ay nakahawak ng baso na may tatak ng isang coffee shop. "Coffee, Miss," alok ng lalaking akala niya ay umalis na. Napabaling siya sa nakangiting lalaki. Halatang hamak na mas matanda ito sa kanya. Guwapo ang mukha nitong nakangiti. Mapuputi ang mga ngipin na kitang kita dahil sa malawak na ngiti. Ngunit ang napansin niya dito ay tila may hawig ito sa kung sino. Hindi nga lamang niya tanda. Guwapo ang lalaki. Nakangiti ang mga mata nitong nakatitig sa kanya. Maputi rin ang lalaki at nakauso ang gupit ng buhok. May dalawang linya sa kilay nito na tila sinadya hanggang sa buhok nito. "Here!" ulit nitong kinuha ang kamay niya upang ipahawak ang binibigay na kape. "You need that." Napatitig siya sa kape. Lalo na noong maramdaman niya ang init n'on sa kanyang kamay. Bigla niyang naramdaman ang lamig sa katawan. Natuyo na bahagya ang damit niyang basang basa kanina. Wala naman siyang pamalit kaya hinayaan na lamang niya iyon. "Salamat," ika niya bago maglakad palayo. Ayaw na niya itong istorbohin pa. Ngunit ipinagtaka ni Maid, sumunod ito sa kanya. Hindi siya nakatiis na muling harapin ito. "Mister...wala po akong ibabayad sa inyo. Wala po akong pera. Hanggang pasasalamat lamang po ang kaya ko. Kung maniningil ka, pakilista na lang, babayaran po kita kapag nagkapera ako," diretsang ika niya rito. Baka iyon ang dahilan kaya hindi siya maiwan-iwan nito. Ang malawak na ngiti nito ay biglang nawala. Bumuka ang bibig nito ngunit hindi nakapagsalita nang tumunog naman ang telepono nito. Agad nito iyong sinagot pagkatapos siyang senyasan na manatili sa kinaroroonan. "Bro, yes. Sorry. Nasa hospital ako. No, No. I'm okay. May magandang dilag lang akong tinulungan." Nanlaki ang mga mata ni Maid sa narinig. Pagkatapos ay nagbaba siya ng tingin nang sumulyap sa kanya ang lalaki at kindatan siya. "I'll text you," ika nito pagkatapos ay ibinaba ang telepono. Muli siyang nag-angat ng ulo at tumingin dito. "Salamat po..." ika niyang tumalikod na muli para puntahan ang ina. "Jared. Call me, Jared, your knight in shining...black car, " pakilala ng lalaki.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD