Kabanata 7 DO YOU NEED HELP?

1335 Words
"Talagang aliw na aliw sa iyo si Mam Rainnah, Maid. Nagbago siya simula nang makilala ka," pahayag ni manong Boknoy habang nagmamaneho pauwi sa kanila. Nakalayo na sila sa mansiyon ng mga De Luca at tinatahak na ang daan patungo sa kanila. Nilingon niya si Manong Boknoy na nakangiti. "Mabait lang po talaga si Miss Rainnah, Manong," ika niyang pinabulaanan ang iniisip nito. Baka akala ay paborito siya ni Miss Rainnah. Magkaroon pa ng hindi magandang impresyon sa ibang katiwala ng mga ito. Kanina lang ay hindi niya maiwasang mapansin ang ibang mga katulong sa mansiyon. Iba kung makatingin ang mga ito sa kanya. At alam niya ang ibig sabihin ng mga tingin na iyon. Hindi maganda ang dating. May halong inggit at selos. Sana nga lang ay nagkakamali siya pero...ganoon na ganoon ang mga kamag-anak nila sa Maynila noong nabubuhay pa ang kanyang ama at nakakaluwag-luwag sila ng kaunti. Mga kamag-anak na tinalikuran sila noong walang-wala na silang mag-ina. "Ikaw lang kasi ang taga-rito na pinagkatiwalaan ni Mam, Rainnah. Kaya nasasabi kong aliw siya sa iyo, hija." Hindi tumigil si Manong Boknoy kaya nakinig na lamang siya nang magkuwento ito. "Alam mo bang lahat kami sa mansiyon puwera kay Susan, ay hindi taga rito sa inyo. Galing kami sa iba't ibang lugar..." anya nitong ikinagulat niya. Hindi naitago ni Maid ang pagkamangha sa nalaman. "Bakit po?" Hindi niya rin mapigiling mag-usisa. "Hindi ko rin alam, Maid. Tatlong taon na rin ako sa kanya. Kasama na niya akong umuwi rito sa Tanaw. Taga-Maynila ako. Ang ibang katulong sa mansiyon ay nagmula sa iba't ibang probinsiya," pagkukuwento nito Napanguso si Maid. Hindi naman talaga siya lumaki sa Tanaw. Ni wala nga siyang masyadong kakilala. Siguro ay napansin ni Miss Rainnah na hindi naman talaga siya tiga roon kaya naging swak sila. Umuwi lamang naman sila roon nang walang wala na sila sa Maynila. Mahirap ang buhay sa Maynila dahil lahat ay kailangan bayaran. Pera ang tumatakbo at hindi nila alam kung saan hahagilapin iyon. Renta na nga lamang ng bahay ay ubos na ubos na ang kinikita nila. Hindi niya mapigilang mapabuntong hininga ng malalim. Kapag naaalala niya ang nakaraan ay talagang nalulungkot siya. Nasa ganoong pag-iisip siya nang mapansin ang daan na tinatahak ni Manong Boknoy. "Ay sandali, Manong. Dito na lamang po ako. Mahihirapan kayong makapasok lalo na makalabas kapag dineretso niyo po ang sasakyan," pigil ni Maid kay manong Boknoy nang akto nitong ililiko ang sasakyan papasok sa makipot na daanan papunta sa kanila. "Naku, Maid, kaya mo bang buhatin lahat ng dala mo? Ihahatid na kita..." "Huwag na, Manong. Baka po maligaw kayo. Kayo ko na po ito. Sisiw lang po sa akin itong mga dala ko kumpara po sa balde-baldeng tubig na iniaakyat ko para sa amin kapag nakikiigib po ako dito sa baba. Kaya ko na ito, Manong," sabi niya. Maliit na lupa ang kinatitirikan ng bahay nila Maid. Minana ng ina nito sa namayapang mga magulang maging ang bahay. At least, sa kanila iyon at hindi na maglalaan ng pera para doon. Napakamot ang matanda sa kanyang ulo. Parang ayaw pumayag sa kagustuhan niyang doon na lang. Pero determinado siya. "Salamat pong muli, Manong. Huwag po kayong mag-alala, hindi po malalaman ni Mam Rainnah kung iyon po ang ikinakatakot ninyo. Mag-ingat po kayo sa pag-uwi," sabi niyang binaba ang dalang supot at kumaway sa matanda. Hindi pa man ito umaalis ay naglakad na siya upang makauwi na. Malamang ay naghihintay na ang kanyang ina at excited rin siyang magkuwento. Sigurado siyang magiging masaya ito sa mga damit at pagkain na dala niya. Siyempre, kaunting paglilihim ang gagawin niya dahil ayaw ng ina niya na masangkot siya sa mga mayayaman, ang mga De Luca. Naikiling-kiling pa niya ang ulo habang naglalakad dahil nakikita na niya ang mga ngiti ng kanyang ina sa labi nito. Ang isipin na iyon ang nakapagpangiti sa kanya ng labis. Hindi na siya makapaghintay pa na makita ang ina at ang ngiting halos lumipas dahil sa pagkawala ng kanyang ama at sa sakit na iniinda nito sa mahabang panahon. "Nay, narito na po ako," malayo pa man ng kaunti sa pinto ng bahay nila ay sigaw na niya. Sobrang excited lamang talaga niya. "Nay." Binuksan niya ang pinto nila at patalikod pang pumasok dahil nasabit ang supot sa kanilang pinto. Napunit pa nga iyon dahil pahila niyang inalis iyon. Sa pag-atras, hindi niya nakita ang nakabalandrang katawan sa kanyang dinadaanan. Napatid siya roon dahilan ng kanyang pagkatumba. Madilim ang kanilang bahay at tanging ang liwanag ng buwan ang tanglaw niya nang kapain kung ano nga ba ang nasagi niya. Dinagundong siya nang matinding kaba nang tila tao iyon. Muli niyang kinapa at nahawakan ang payat na payat na kamay ng ina. "Nay?" Gumaralgal ang kanyang boses sa kaba. "Nay!" Nanginginig na inapuhap niya ang ulo nito. Pagkatapos ay muling hinawakan ang kamay nito at dinama ang pulso sa kamay. Mahina. Sobrang hina at halos wala siyang maramdaman. "Nay! Pakiusap Nay!" Bumaba ang kanyang ulo sa dibdib naman nito. Napahagulgol siya nang makumpirmang humihinga pa ang kanyang ina. "Nay, dadalhin kita sa hospital!" ika niya. Dali-daling binuhat ang inang tila papel na sa gaan. Kung paano niya nailagay ito sa kanyang likod ay hindi na niya alam. Ang mahalaga sa kanya ay makababa siya para makahingi ng tulong. Kailangan nila ng tulong. Lakad-takbo ang ginawa niya habang patuloy na lumuluha. Hindi niya mapigilang maiyak dahil sa takot na mawala ang kanyang ina. Natatakot siya ng sobra sa kalagayan nito. Ayaw niyang mawala ito nang hindi man lamang natutupad ni isa sa pangarap nilang mag-ina. "Maid..." Lalo siyang naiyak nang marinig ang mahinang pagtawag ng ina sa pangalan niya. Ang ulo nito ay nakasandig sa balikat niya kaya ang mahinang paghinga nito ay ramdam niya sa kanyang balat. "Buti at nagising na kayo," usal niyang napahagulgol. "Dadalhin kita sa hospital, Nay." "Anak, huwag na..." hirap nitong saad bago inubo nang inubo. Naramdaman niya ang pagbaling ng ulo nito palayo sa kanya para iiwas ang pag-ubo sa mismong mukha niya. Dahil sa takot at kabang nararamdaman muntikan pa siyang matisod at bumagsak dala ang ina. Magaan lamang ito pero napagod siya dahil sa labis na pag-aalala. Muli niyang inayos ang pagkakabuhat sa ina sa kanyang likod bago muling mabilis na naglakad. Ngunit kahit nakababa na ay wala siyang maapuhap na sasakyan. "Umuwi na tayo, anak..." "Hindi inay. Hindi ka uuwi hanggang hindi ka natitignan ng doctor," matigas na tanggi niya rito at naglakad na sa patag at sementadong daan. Kung kailangan niyang lakarin din ang papunta sa hospital ay gagawin niya masalba lamang ang ina. Sa kanyang paglalakad ay napansin niyang may nakasunod sa kanyang itim na sasakyan. Gumilid siya sa akalang nasa daanan siya nito ngunit patuloy itong nasa likod niya. Tila sinusundan talaga siya. Mas lalong nagpatindi sa kanyang kaba ang kotseng iyon. Kung ano-ano na ang pumapasok sa kanyang isip na senaryo. Baka nangunguha ng tao ang sakay ng kotse at nangunguha ng mga lamang loob para ibenta. Ganoon na ganoon kasi ang mga kuwento sa isla. Noon ay inakala niyang kuwentong barbaryo lamang ngunit tila hindi na iyon ngayon. Mas gumilid pa siya at binilisan ang kanyang paglalakad. Inihanda ang sarili sa maaaring gawin kapag hindi siya nagkamali sa kutob na masamang tao nga ang nasa kotse. Muling inubo ang kanyang ina kaya napatigil siya sa paglalakad. Alam niyang hindi niya dapat ito binuhat dahil hindi niya alam kung gaano kalala ang pagkabagsak nito ngunit wala siyang magagawa. Nataranta na siya kanina at hindi niya hahayaan ang ina na hindi madala sa hospital. "Inay, kumapit po kayo. Tatakbo ako," ika niyang inihanda ang sarili. Tatakbo na siya nang biglang tumigil sa kanyang harapan ang kotseng kanina pa sumusunod sa kanila. Napahigpit ang hawak niya sa paa ng ina nang bumukas ang pinto at lumabas ang isang malaking bulto ng tao. Mataas at matikas ang pangangatawan. "Do you need, help?" ika nito sa mababang boses. Nakatitig nang mariin sa mga mata niya. "I can help you."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD